ARALING ARTIKULO 23
Patuloy na Paningasin ang “Liyab ni Jah”
“Ang mga lagablab [ng pag-ibig] ay lagablab ng apoy, ang liyab ni Jah.”—SOL. 8:6.
AWIT 131 Ang Pinagsama ng Diyos
NILALAMAN a
1. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa tunay na pag-ibig?
“ANG mga lagablab [ng pag-ibig] ay lagablab ng apoy, ang liyab ni Jah. Ang pag-ibig ay hindi mapapatay ng dumadaluyong na tubig o matatangay man ng mga ilog.” b (Sol. 8:6, 7) Ganiyan ang tunay na pag-ibig! May matututuhan dito ang mga mag-asawa: Totoo ang wagas na pag-ibig.
2. Ano ang dapat gawin ng mag-asawa para hindi manlamig ang pag-ibig nila sa isa’t isa?
2 Nakadepende sa mag-asawa kung magiging wagas ang pag-ibig nila sa isa’t isa. Halimbawa, mananatili lang ang apoy ng isang bonfire kung patuloy itong gagatungan. Pero kung papabayaan ito, mamamatay ang apoy. Ganiyan din ang pag-ibig ng mag-asawa sa isa’t isa. Mananatili lang itong matibay kung magsisikap sila. Puwedeng manlamig ang pag-ibig nila sa isa’t isa dahil sa mga alalahanin, gaya ng problema sa pinansiyal at kalusugan o ng pagpapalaki ng mga anak. Kaya paano mo mapapanatiling nagniningas ang “liyab ni Jah” sa inyong pagsasama? Tatalakayin ang tatlong paraan sa artikulong ito. c
PATIBAYIN ANG KAUGNAYAN NINYO KAY JEHOVA
3. Paano makakatulong sa mag-asawa ang matibay na kaugnayan kay Jehova? (Eclesiastes 4:12) (Tingnan din ang larawan.)
3 Para manatiling nagniningas ang “liyab ni Jah,” dapat patibayin ng mag-asawa ang kaugnayan nila kay Jehova. Bakit? Kung mahalaga sa kanila ang kaugnayan nila sa kanilang Ama sa langit, handa silang sumunod sa mga payo niya. Tutulong iyan para maiwasan nila o masolusyunan ang mga problema na puwedeng maging dahilan para lumamig ang pag-ibig nila sa isa’t isa. (Basahin ang Eclesiastes 4:12.) Nagsisikap din ang mga taong espirituwal na tularan si Jehova at ang mga katangian niya, gaya ng kabaitan, pagtitiis, at pagiging mapagpatawad. (Efe. 4:32–5:1) Kapag ipinapakita ng mag-asawa ang mga katangiang ito, mas mamahalin nila ang isa’t isa. Sinabi ni Lena, isang sister na mahigit 25 taon nang may asawa, “Madaling mahalin at igalang ang isang taong espirituwal.”
4. Bakit sina Jose at Maria ang pinili ni Jehova na maging magulang ng Mesiyas?
4 Pag-isipan ang isang halimbawa sa Bibliya. Sa lahat ng inapo ni David, bakit sina Jose at Maria ang pinili ni Jehova na maging magulang ng Mesiyas? Kasi parehong matibay ang kaugnayan nila kay Jehova. Alam ni Jehova na uunahin nila siya sa buhay nila. Ano ang matututuhan ng mga mag-asawa kina Jose at Maria?
5. Ano ang matututuhan ng mga asawang lalaki kay Jose?
5 Sinusunod agad ni Jose ang mga tagubilin ni Jehova, kaya naging mas mabuti siyang asawa. Sa tatlong beses na nagbigay ng tagubilin si Jehova kay Jose para sa pamilya niya, sumunod siya agad kahit hindi ito madali. (Mat. 1:20, 24; 2:13-15, 19-21) Kaya naprotektahan at napaglaanan niya si Maria. Dahil diyan, siguradong mas minahal siya at iginalang ni Maria! Matutularan ng mga asawang lalaki si Jose kung susundin nila ang mga payo ng Bibliya sa pangangalaga sa pamilya nila kahit hindi ito madali. d Kung gagawin nila iyan, maipapakita nilang mahal nila ang asawa nila at titibay ang pagsasama nila. Sinabi ng isang sister sa Vanuatu, na mahigit 20 taon nang may asawa: “Lalo kong nirerespeto ang mister ko kapag inaalam niya at sinusunod ang mga tagubilin ni Jehova. Panatag ako at tiwala sa mga desisyon niya.”
6. Ano ang matututuhan ng mga asawang babae kay Maria?
6 Matibay ang kaugnayan ni Maria kay Jehova; hindi ito nakadepende kay Jose. Kabisado niya ang Kasulatan. (Tingnan ang study note sa Lucas 1:46.) Lagi rin siyang nagbubulay-bulay. (Luc. 2:19, 51) Dahil mahusay ang espirituwalidad ni Maria, naging mahusay rin siyang asawa. Tinutularan ng maraming asawang babae ngayon si Maria. Halimbawa, sinabi ng sister na si Emiko: “Noong single pa ako, may sarili akong espirituwal na rutin. Pero nang may asawa na ako, mister ko na ang nangunguna sa panalangin at pagsamba namin. Kaya parang nakadepende na ako sa kaniya. Nakita ko na kailangan kong patibayin ang sarili kong kaugnayan kay Jehova. Kaya naglalaan na ako ng panahon ngayon para manalangin nang mag-isa sa aking Diyos, magbasa ng Bibliya, at magbulay-bulay.” (Gal. 6:5) Kung patuloy na papatibayin ng mga asawang babae ang kaugnayan nila kay Jehova, mas mamahalin sila at pupurihin ng asawa nila.—Kaw. 31:30.
7. Ano ang matututuhan ng mga mag-asawa kina Jose at Maria tungkol sa pagsamba nang magkasama?
7 Magkasama ring pinatibay nina Jose at Maria ang kaugnayan nila kay Jehova. Alam nila na mahalagang sambahin si Jehova bilang pamilya. (Luc. 2:22-24, 41; 4:16) Ginawa nila iyon kahit hindi madali, lalo na noong lumalaki na ang pamilya nila. Napakagandang halimbawa nila para sa mga mag-asawa ngayon! Kung may mga anak kayo, gaya nina Jose at Maria, baka hindi madali para sa inyo na dumalo sa mga pulong o mag-schedule ng panahon para sa family worship. Baka nahihirapan din kayong maghanap ng panahon para mag-aral at manalanging magkasama bilang mag-asawa. Pero tandaan, kapag magkasama ninyong sinasamba si Jehova, mas mapapalapit kayo sa kaniya at sa isa’t isa. Kaya gawin ninyong priyoridad ang pagsamba.
8. Ano ang puwedeng gawin ng mag-asawa kung naiilang silang mag-family worship dahil may problema sa pagsasama nila?
8 Paano kung naiilang kayong mag-family worship dahil may problema sa pagsasama ninyo? Ano ang puwede ninyong gawin? Puwede kayong maghanap ng paksa na pareho ninyong mae-enjoy at talakayin ito kahit maikli lang. Mapapatatag nito ang pagsasama ninyo at lalo ninyong gugustuhin na sambahin si Jehova nang magkasama.
MAGLAAN NG PANAHON SA ISA’T ISA
9. Bakit dapat maglaan ng panahon ang mag-asawa sa isa’t isa?
9 Mapapanatili rin ng mag-asawa na maningas ang pag-ibig nila kung maglalaan sila ng panahon sa isa’t isa. Kung gagawin nila iyon, maiiwasan nilang mapalayo ang loob nila sa isa’t isa. (Gen. 2:24) May napansin sina Lilia at Ruslan noong bagong kasal sila, mahigit 15 taon na ang nakakaraan. Sinabi ni Lilia: “Halos wala pala kaming panahon sa isa’t isa. Ubos ang oras namin sa trabaho at gawaing-bahay, lalo na noong nagkaanak na kami. Nakita namin na mahalagang maglaan ng panahon para hindi lumayo ang loob namin sa isa’t isa.”
10. Paano masusunod ng mag-asawa ang Efeso 5:15, 16?
10 Paano masisigurado ng mag-asawa na may panahon sila sa isa’t isa? Baka kailangan nilang mag-schedule. (Basahin ang Efeso 5:15, 16.) Sinabi ni Uzondu, isang brother sa Nigeria: “Isinasama ko sa schedule ko ang bonding naming mag-asawa, at priyoridad ko iyon.” (Fil. 1:10) Sinabi naman ni Anastasia, asawa ng isang tagapangasiwa ng sirkito sa Moldova, kung paano niya ginagamit sa pinakamabuting paraan ang oras niya: “Inaasikaso ko ang mga kailangan kong gawin kapag busy ang asawa ko. Kaya kapag libre na siya, libre na rin ako.” Pero paano kung mahirap talagang maghanap ng panahon para sa isa’t isa?
11. Ano ang mga ginawa nina Aquila at Priscila nang magkasama?
11 May matututuhan ang mga mag-asawa kina Aquila at Priscila, isang mag-asawa na nirerespeto ng maraming Kristiyano noon. (Roma 16:3, 4) Walang masyadong sinasabi ang Bibliya tungkol sa pagsasama nila bilang mag-asawa. Pero makikita rito na magkasama silang nagtrabaho, nangaral, at tumulong sa iba. (Gawa 18:2, 3, 24-26) Ang totoo, laging magkasama ang pangalan nina Aquila at Priscila tuwing binabanggit sila sa Bibliya.
12. Ano ang puwedeng gawin ng mag-asawa para mas may panahon sila sa isa’t isa? (Tingnan din ang larawan.)
12 Paano matutularan ng mga mag-asawa sina Aquila at Priscila? Imbes na magkaniya-kaniya, isipin ang mga bagay na puwede ninyong gawing magkasama. Halimbawa, magkasamang nangaral sina Aquila at Priscila. Regular din ba ninyong ginagawa iyan? Magkasama ring nagtrabaho sina Aquila at Priscila. Pero paano kung magkaiba kayo ng trabaho ng asawa mo? Baka puwede ninyong magkasamang gawin ang mga gawaing-bahay. (Ecles. 4:9) Kapag nagtutulungan kayo, para kayong isang team at siguradong makakapag-usap kayo. Mahigit 50 taon nang mag-asawa sina Robert at Linda. Sinabi ni Robert: “Wala kaming gaanong panahon para magkasamang maglibang. Pero napakasaya ko kapag naghuhugas ako ng plato, ’tapos, misis ko naman ang nagtutuyo, o kaya, kapag sinasamahan niya ako sa pagga-garden. Dahil doon, nagiging mas close kami at lalong tumatamis ang pag-ibig namin sa isa’t isa.”
13. Ano ang dapat gawin ng mag-asawa para talagang maging malapít sila sa isa’t isa?
13 Tandaan, hindi porke lagi kayong magkasama, malapít na kayo sa isa’t isa. Sinabi ng isang sister sa Brazil: “Dahil napaka-busy natin ngayon, baka isipin natin na may panahon na tayo sa asawa natin dahil lang sa nasa iisang bubong tayo. Hindi pala sapat iyon. Kailangan ko ring bigyan ng atensiyon ang asawa ko.” Ginawa rin iyan nina Bruno at Tays. Sinabi ni Bruno: “Kapag nagba-bonding kami, itinatabi muna namin ang mga cellphone namin.”
14. Ano ang puwedeng gawin ng mag-asawa kapag hindi sila nag-e-enjoy nang magkasama?
14 Pero paano kung hindi kayo nag-e-enjoy kapag magkasama kayo? Baka magkaiba kayo ng hilig o naiirita kayo sa isa’t isa. Ano ang puwede ninyong gawin? Isipin ulit ang bonfire. Nagsisimula ito sa maliit na apoy. Sa umpisa, maliliit na piraso lang ng kahoy ang ipinanggagatong natin dito. Pagkatapos, unti-unti nating nilalakihan ang panggatong para lumaki rin ang apoy. Kaya subukan muna ninyong maglaan ng kahit kaunting panahon sa isa’t isa araw-araw. Siguraduhing pareho kayong mag-e-enjoy para hindi kayo mag-away. (Sant. 3:18) Kahit sa simpleng paraan lang, maibabalik ninyo ang saya sa inyong pagsasama.
TRATUHIN NANG MAY PAGGALANG ANG ISA’T ISA
15. Bakit mahalaga ang paggalang para manatiling buháy ang pag-ibig ng mag-asawa?
15 Mahalagang igalang ng mag-asawa ang isa’t isa. Ang paggalang ay gaya ng oxygen. Kung wala nito, mamamatay ang apoy ng bonfire. Kung wala ring paggalang ang mag-asawa sa isa’t isa, posibleng manlamig ang pag-ibig nila. Pero kung may paggalang sila, mananatiling buháy ang pag-ibig nila. Baka iniisip mo na iginagalang mo naman ang asawa mo. Pero nararamdaman ba niya iyon? Mahigit 25 taon nang mag-asawa sina Penny at Aret. Sinabi ni Penny: “Dahil iginagalang namin ang isa’t isa, punong-puno ng pag-ibig ang tahanan namin. Malaya naming nasasabi ang nasa isip namin dahil alam namin na mahalaga ang opinyon ng bawat isa.” Kaya paano mo maipaparamdam sa asawa mo na iginagalang mo siya? Tingnan ang halimbawa nina Abraham at Sara.
16. Ano ang matututuhan ng asawang lalaki kay Abraham? (1 Pedro 3:7) (Tingnan din ang larawan.)
16 Tinrato ni Abraham si Sara nang may paggalang. Pinakinggan niya ang opinyon ni Sara at iginalang ang nararamdaman nito. Minsan, inis na inis si Sara at ibinunton niya iyon sa asawa niya. Nagalit ba si Abraham? Hindi. Alam niyang mapagpasakop na asawa si Sara. Pinakinggan siya ni Abraham at inayos ang problema. (Gen. 16:5, 6) Ano ang aral para sa asawang lalaki? Totoo, siya ang may awtoridad na magdesisyon para sa pamilya. (1 Cor. 11:3) Pero kung aalamin muna niya ang opinyon ng asawa niya bago magdesisyon, maipapakita niya ang pag-ibig niya, lalo na kung makakaapekto ito sa asawa niya. (1 Cor. 13:4, 5) Kapag nai-stress ang asawa mo, baka kailangan niyang sabihin ang nararamdaman niya. Igagalang mo ba ang nararamdaman niya at papakinggan siyang mabuti? (Basahin ang 1 Pedro 3:7.) Halos 30 taon nang mag-asawa sina Angela at Dmitry. Ramdam ni Angela ang paggalang ng asawa niya. Sinabi niya: “Laging nakikinig sa akin si Dmitry kapag naiinis ako o kapag gusto ko lang ng kausap. Matiyaga siya kahit na emosyonal ako kung minsan.”
17. Ano ang matututuhan ng asawang babae kay Sara? (1 Pedro 3:5, 6)
17 Iginalang ni Sara si Abraham at sinuportahan ang mga desisyon nito. (Gen. 12:5) Minsan, may dumating na di-inaasahang mga bisita at pinatuloy sila ni Abraham. Inapura niya si Sara na maghanda ng maraming pagkain. (Gen. 18:6) Agad na itinigil ni Sara ang ginagawa niya at sinunod si Abraham. Matutularan ng isang asawang babae si Sara kung susuportahan niya ang mga desisyon ng asawa niya. Kung gagawin niya ito, titibay ang pagsasama nila. (Basahin ang 1 Pedro 3:5, 6.) Ramdam din ni Dmitry, na binanggit kanina, ang paggalang ng asawa niya. Sinabi niya: “Ipinagpapasalamat ko na sinusuportahan ni Angela ang mga desisyon ko, kahit minsan, magkaiba kami ng opinyon. Kahit hindi maganda ang kinalabasan ng desisyon ko, hindi niya ako sinisisi.” Hindi ba’t masarap mahalin ang taong may paggalang sa iyo?
18. Bakit mahalagang panatilihing buháy ng mag-asawa ang pag-ibig nila sa isa’t isa?
18 Gusto ni Satanas na mamatay ang pag-ibig ng mga Kristiyano sa asawa nila. Alam niya na kapag nangyari iyon, mapapalayo rin sila kay Jehova. Pero hindi mapapatay ang tunay na pag-ibig, gaya ng binanggit sa Awit ni Solomon. Maging ganiyan sana ang pag-ibig ninyong mag-asawa! Kaya magkasamang unahin si Jehova sa buhay ninyo, maglaan ng panahon sa isa’t isa, at igalang ang nararamdaman at pangangailangan ng isa’t isa. Kung gagawin ninyo iyan, mapaparangalan ninyo si Jehova, ang Pinagmumulan ng tunay na pag-ibig. At gaya ng naglalagablab na apoy, magniningas ang pag-ibig ninyo habambuhay.
AWIT 132 Tayo’y Isa Na
a Regalo ni Jehova ang pag-aasawa. Gusto niyang maging masaya at magmahalan ang mga mag-asawa. Pero minsan, lumalamig ang pag-ibig ng ilan. Tutulong ang artikulong ito para manatiling nagniningas ang pag-ibig ng mga mag-asawa at maging masaya ang pagsasama nila.
b Ang tunay na pag-ibig ay nagtatagal at di-nagbabago. Tinatawag itong “liyab ni Jah” dahil si Jehova ang Pinagmumulan nito.
c Kahit hindi Saksi ang asawa mo, makakatulong din ang mga mungkahing ito sa pagsasama ninyo.—1 Cor. 7:12-14; 1 Ped. 3:1, 2.
d Halimbawa, tingnan ang magagandang payo sa serye ng mga artikulo na “Tulong Para sa Pamilya,” na nasa jw.org at JW Library®.