“Ang Gawain ay Malaki”
MAY isang napakahalagang pagtitipon sa Jerusalem. Ipinatawag ni Haring David ang lahat ng prinsipe, opisyal ng korte, at makapangyarihang mga lalaki. Nanabik sila nang marinig nila ang isang espesyal na patalastas. Inatasan ni Jehova ang anak ni David na si Solomon na magtayo ng isang pambihirang istraktura na gagamitin sa pagsamba sa tunay na Diyos. Tinanggap ng may-edad nang hari ng Israel ang arkitektural na plano mula sa Diyos at ibinigay ito kay Solomon. “Ang gawain ay malaki,” ang sabi ni David, “sapagkat ang [templo] ay hindi para sa tao, kundi para sa Diyos na Jehova.”—1 Cro. 28:1, 2, 6, 11, 12; 29:1.
Nagtanong si David: “Sino ang nagkukusang-loob na punuin ang kaniyang kamay ngayon ng isang kaloob para kay Jehova?” (1 Cro. 29:5) Kung naroon ka, paano ka tutugon? Susuportahan mo ba ang napakalaking gawaing iyon? Agad na kumilos ang mga Israelita. Sa katunayan, “nagsaya [sila] sa kanilang paghahandog nang kusang-loob, sapagkat naghandog sila nang kusang-loob kay Jehova taglay ang sakdal na puso.”—1 Cro. 29:9.
Pagkaraan ng mga siglo, may itinatag si Jehova na nakahihigit sa templo—ang dakilang espirituwal na templo. Ito ang kaayusan para makalapit at makasamba ang mga tao sa Diyos salig sa hain ni Jesus. (Heb. 9:11, 12) Paano tinutulungan ni Jehova ang mga tao na makipagkasundo sa Kaniya ngayon? Sa pamamagitan ng ating gawain na paggawa ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20) Dahil diyan, bawat taon, milyon-milyong pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos, libo-libong alagad ang nababautismuhan, at daan-daang bagong kongregasyon ang naitatatag.
Dahil diyan, lumaki ang pangangailangan sa pag-iimprenta ng literatura sa Bibliya, pagtatayo at pagmamantini ng mga Kingdom Hall, at pagkakaroon ng mga lugar na gagamitin sa mga asamblea at kombensiyon. Sang-ayon ka ba na ang ating pagbabahagi ng mabuting balita ay isang malaki at kasiya-siyang gawain?—Mat. 24:14.
Pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa at ang pagkaapurahan ng gawaing pangangaral ng Kaharian ang nag-uudyok sa bayan ng Diyos na magbigay ng “isang kaloob para kay Jehova” sa pamamagitan ng kusang-loob na mga donasyon. Napakasaya ngang “parangalan . . . si Jehova ng [ating] mahahalagang pag-aari” at makita na ginagamit ito sa tapat at matalinong paraan para sa pinakamalaking gawain sa kasaysayan ng tao!—Kaw. 3:9.