Tinawag Para Lumaya sa Kadiliman
“[Si Jehova ang] isa na tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.”—1 PED. 2:9.
1. Ilarawan ang mga nangyari nang mawasak ang Jerusalem.
NOONG 607 B.C.E., sinalakay ng isang napakalaking hukbong Babilonyo sa ilalim ni Haring Nabucodonosor II ang lunsod ng Jerusalem. Ganito ang sabi ng Bibliya tungkol sa naganap na pagdanak ng dugo: “[Pinatay ni Nabucodonosor ang] kanilang mga kabataang lalaki sa pamamagitan ng tabak sa bahay ng kanilang santuwaryo, ni nahabag man siya sa binata o dalaga, matanda man o hukluban. . . . Sinunog niya ang bahay ng tunay na Diyos at giniba ang pader ng Jerusalem; at ang lahat ng tirahang tore nito ay sinunog nila sa apoy at gayundin ang lahat ng kanais-nais na mga kagamitan nito, upang wasakin.”—2 Cro. 36:17, 19.
2. Anong babala tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem ang ibinigay ni Jehova, at ano ang mangyayari sa mga Judio?
2 Hindi na dapat ikagulat ng mga nakatira sa Jerusalem ang pagkawasak nito. Maraming taon nang nagbababala ang mga propeta ng Diyos na kung patuloy na babale-walain ng mga Judio ang Kautusan ng Diyos, mahuhulog sila sa kamay ng mga Babilonyo. Inihula na maraming Judio ang mamamatay sa tabak at ang mga makaliligtas naman ay maninirahan sa Babilonya bilang mga tapon. (Jer. 15:2) Ano ba ang naging buhay ng mga tapon doon? May katulad ba ang pagkabihag sa Babilonya sa panahong Kristiyano? Kung oo, kailan?
BUHAY BILANG MGA TAPON
3. Paano naiiba ang buhay ng mga tapon sa Babilonya kung ihahambing sa pagkaaliping naranasan ng mga Israelita sa Ehipto?
3 Nagkatotoo ang inihula ng mga propeta. Sa pamamagitan ni Jeremias, pinayuhan ni Jehova ang mga Judio na tanggapin ang magiging sitwasyon nila at sulitin ang pamumuhay nila sa Babilonya. Sinabi niya: “Magtayo kayo ng mga bahay at tahanan ninyo, at magtanim kayo ng mga hardin at kainin ninyo ang bunga ng mga iyon. Gayundin, hanapin ninyo ang kapayapaan ng lunsod na doon ay pinayaon ko kayo sa pagkatapon, at ipanalangin ninyo iyon kay Jehova, sapagkat sa kapayapaan niyaon ay magkakaroon ng kapayapaan para sa inyo.” (Jer. 29:5, 7) Ang mga nagpasakop sa kalooban ng Diyos ay nagkaroon ng maituturing na normal na buhay sa Babilonya. Pinahintulutan sila ng mga Babilonyo na pangasiwaan ang kanilang mga gawain at malaya pa nga silang maglakbay sa buong lupain. Babilonya ang sentro ng kalakalan at komersiyo sa sinaunang daigdig, at ipinakikita ng nahukay na mga dokumento na maraming Judio ang natutong magnegosyo roon habang ang iba ay naging mga bihasang manggagawa. Yumaman pa nga ang ilan sa kanila. Ibang-iba ang buhay nila bilang mga tapon sa Babilonya kung ihahambing sa pagkaaliping naranasan ng mga Israelita sa Ehipto maraming siglo bago nito.—Basahin ang Exodo 2:23-25.
4. Bukod sa mapaghimagsik na mga Israelita, sino pa ang nadamay sa pagkatapon sa Babilonya? At paano ito nakaapekto sa kanilang pagsamba sa Diyos?
4 Bagaman nasasapatan ang materyal na pangangailangan ng mga tapong Judio, kumusta naman ang kanilang espirituwal na pangangailangan? Nawasak na ang templo ni Jehova at ang altar nito, at hindi na makapaglingkod ang mga saserdote sa organisadong paraan. Kasama sa mga tapon ang tapat na mga lingkod ng Diyos na walang ginawang masama at nadamay lang sa mga kababayan nila. Sa kabila nito, sinikap nilang sundin ang Kautusan ng Diyos. Halimbawa, sa Babilonya, si Daniel at ang tatlong kasama niya—sina Sadrac, Mesac, at Abednego—ay umiwas sa mga pagkaing ipinagbabawal sa mga Judio. At sinasabi ng Bibliya na regular na nananalangin si Daniel sa Diyos. (Dan. 1:8; 6:10) Pero dahil namumuhay sila sa isang bansang pagano, imposibleng magawa ng tapat na mga Judio ang lahat ng kahilingan ng Kautusan.
5. Anong pag-asa ang ibinigay ni Jehova sa kaniyang bayan, at bakit kamangha-mangha ang pangakong ito?
5 Makapag-uukol pa kaya ang mga Israelita ng pagsamba na lubusang katanggap-tanggap sa Diyos? Mukhang malabong mangyari iyan noon dahil hindi patakaran ng Babilonya ang magpalaya ng mga bihag nito. Pero nangako ang Diyos na Jehova na palalayain niya ang kaniyang bayan, at ganoon nga ang nangyari. Talagang hindi nabibigo ang salitang ipinangako ng Diyos.—Isa. 55:11.
MAY KATULAD BA ITO SA MAKABAGONG PANAHON?
6, 7. Bakit angkop lang na baguhin natin ang ating pagkaunawa sa makabagong-panahong pagkabihag sa Babilonya?
6 Nakaranas ba ang mga Kristiyano ng anumang katulad ng pagkabihag sa Babilonya? Sa loob ng maraming taon, sinasabi ng magasing ito na ang makabagong-panahong mga lingkod ng Diyos ay naging bihag ng Babilonya noong 1918 at na pinalaya sila noong 1919. Pero sa artikulong ito at sa susunod, malalaman natin kung bakit kailangan nating baguhin ang ating pagkaunawa.
7 Pag-isipan ito: Babilonyang Dakila ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Kaya para masabing ang bayan ng Diyos ay naging bihag ng Babilonya noong 1918, kailangang inalipin sila ng huwad na relihiyon
sa paanuman nang panahong iyon. Pero ipinakikita ng mga katibayan na noong mga dekada bago sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I, ang mga pinahirang lingkod ng Diyos ay lumalaya na sa Babilonyang Dakila at hindi na alipin nito. At bagaman totoong pinag-usig ang mga pinahiran noong unang digmaang pandaigdig, ang kapighatiang naranasan nila ay dahil sa mga pamahalaan, hindi sa Babilonyang Dakila. Kaya mukhang hindi naman naging bihag ng Babilonyang Dakila ang bayan ni Jehova noong 1918.KAILAN NAGING BIHAG NG BABILONYA ANG BAYAN NG DIYOS?
8. Ipaliwanag kung paano napasamâ ang tunay na Kristiyanismo. (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
8 Noong Pentecostes 33 C.E., libo-libong Judio at proselita ang pinahiran ng banal na espiritu. Ang mga bagong Kristiyanong ito ay naging “isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari.” (Basahin ang 1 Pedro 2:9, 10.) Noong nabubuhay pa ang mga apostol, maingat nilang binantayan ang mga kongregasyon ng bayan ng Diyos. Pero lalo na pagkamatay ng mga apostol, bumangon ang mga lalaking nagsasalita ng “mga bagay na pilipit” para ‘ilayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.’ (Gawa 20:30; 2 Tes. 2:6-8) Marami sa mga lalaking ito ay may mabibigat na pananagutan sa kongregasyon at naglilingkod bilang mga tagapangasiwa, at nang maglaon, bilang mga “obispo.” Nabubuo na noon ang isang uring klero kahit sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Lahat kayo ay magkakapatid.” (Mat. 23:8) Ang mga prominenteng lalaki na naakit sa pilosopiya nina Aristotle at Plato ay nagpasok ng mga ideya ng huwad na relihiyon, kung kaya unti-unting napalitan ang dalisay na mga turo ng Salita ng Diyos.
9. Ilarawan kung paano sinuportahan ng pamahalaan ng Roma ang apostatang Kristiyanismo at kung ano ang naging resulta nito.
9 Noong 313 C.E., ang apostatang anyo na ito ng Kristiyanismo ay legal na kinilala ng paganong Romanong emperador na si Constantino. Mula noon, nagtulungan na ang Simbahan at ang Pamahalaan. Halimbawa, pagkatapos niyang idaos ang Konsilyo ng Nicaea, iniutos ni Constantino na ipatapon si Arius, isang pari na tumangging kilalanin si Jesus bilang Diyos. Nang maglaon, sa ilalim ni Emperador Theodosius I (379-395 C.E.), ang narumhang anyo ng Kristiyanismo na nakilala bilang Simbahang Katoliko ang naging opisyal na relihiyon ng Imperyo ng Roma. Sinasabi ng mga istoryador na noong ikaapat na siglo, “naging Kristiyano” ang paganong Roma. Ang totoo, nang panahong iyon, ang apostatang anyo na ito ng Kristiyanismo ay sumama sa mga paganong relihiyon sa Imperyo ng Roma bilang bahagi ng Babilonyang Dakila. Sa kabila nito, may maliit na grupo ng tulad-trigong mga pinahirang Kristiyano na nagsisikap na sumamba sa Diyos, pero natatabunan ang kanilang tinig. (Basahin ang Mateo 13:24, 25, 37-39.) Talagang bihag na sila ng Babilonya!
10. Bakit sinimulang kuwestiyunin ng taimtim na mga tao ang mga turo ng simbahan?
10 Sa kabila nito, mga ilang daang taon pagkamatay ni Kristo, marami pa rin ang nakababasa ng Bibliya sa wikang Griego o Latin. Kaya naman mapaghahambing nila ang mga turo ng Salita ng Diyos at ang doktrina ng simbahan. Dahil sa mga nabasa nila sa Bibliya, tinanggihan ng ilan sa kanila ang di-makakasulatang paniniwala ng simbahan. Pero mapanganib—at maaari nilang ikamatay—kung lantaran nilang ipahahayag ang kanilang mga opinyon.
11. Paano napasailalim sa kontrol ng klero ang Bibliya?
11 Sa paglipas ng panahon, kumaunti ang
nagsasalita ng Griego at Latin, at hinadlangan ng simbahan ang pagsasalin ng Salita ng Diyos sa karaniwang mga wika noon. Kaya naman, ang klero at ilang taong edukado na lang ang nakababasa ng Bibliya, bagaman hindi lahat ng pari ay mahusay bumasa at sumulat. Pinarurusahan nang matindi ang sinumang tumututol sa mga turo ng simbahan. Kailangang palihim na magtipon ang tapat na mga pinahirang lingkod ng Diyos sa maliliit na grupo—kung magagawa pa nila. Gaya noong unang pagkatapon sa Babilonya, hindi makapaglingkod sa organisadong paraan ang pinahirang “maharlikang pagkasaserdote.” Talagang napakahigpit ng kapit ng Babilonyang Dakila sa mga tao!NAGSIMULANG SUMINAG ANG LIWANAG
12, 13. Anong dalawang pangyayari ang nakatulong para lumuwag ang kapit ng Babilonyang Dakila sa mga tao? Ipaliwanag.
12 Makapag-uukol pa kaya ang mga tunay na Kristiyano ng pagsamba na malaya, hayagan, at katanggap-tanggap sa Diyos? Oo! Dahil sa dalawang pangyayari, nagsimulang tumagos sa kadiliman ang espirituwal na liwanag. Ang una ay ang pagkakaimbento noong kalagitnaan ng ika-15 siglo ng palimbagan na gumagamit ng movable type. Bago nito, ang Bibliya ay maingat na kinokopya nang mano-mano, kaya naman bibihira at napakamahal ng mga kopya nito. Sinasabing inaabot nang 10 buwan ang isang dalubhasang tagakopya para makagawa ng isang sulat-kamay na kopya ng Bibliya! Napakamahal din ng mga materyales na pinagsusulatan (vellum o pergamino). Pero gamit ang palimbagan at papel—na mas matipid—ang isang mahusay na tagapag-imprenta ay makagagawa ng 1,300 pahina bawat araw!
13 Ang ikalawang mahalagang pangyayari ay ang pagsasalin ng Salita ng Diyos noong pasimula ng ika-16 na siglo sa mga wikang
ginagamit ng karaniwang mga tao. Maraming tagapagsalin ang lakas-loob na gumawa nito kahit nanganib ang kanilang buhay. Naalarma ang simbahan. Ang Bibliya sa kamay ng isang lalaki o babaeng may-takot sa Diyos ay isang makapangyarihang sandata! At nang lumaganap ang mga kopya ng Bibliya, binasa ito ng mga tao, at nagsimula silang magtanong: ‘Saan binabanggit sa Salita ng Diyos ang purgatoryo? ang may-bayad na misa para sa mga patay? ang tungkol sa mga papa at kardinal?’ Para sa simbahan, kalapastanganan ito. Ano’ng karapatan nilang kuwestiyunin ang mga lider ng simbahan? Kaya gumanti ang simbahan at hinatulan bilang mga erehe ang mga lalaki’t babaeng tumanggi sa mga turo ng simbahan. Ang ilan sa mga turong ito ay galing sa paganong pilosopiya nina Aristotle at Plato—mga lalaking nabuhay bago isilang si Jesu-Kristo. Sentensiyang kamatayan ang inihahatol ng simbahan, na inilalapat naman ng Pamahalaan. Ito ay para hadlangan ang mga tao sa pagbabasa ng Bibliya at sa pagkuwestiyon sa simbahan. Masasabing nagtagumpay ang pakanang ito. Pero may ilang matatapang na taong hindi nagpasindak sa Babilonyang Dakila. Ngayong “natikman” na nila ang Salita ng Diyos—gusto pa nilang makaalam nang higit! Papalapít na ang paglaya sa huwad na relihiyon.14. (a) Ano ang ginawa ng mga tao noon para higit na maunawaan ang katotohanang nasa Bibliya? (b) Ilarawan ang paghahanap ni Brother Russell sa katotohanan.
14 Maraming uháw sa katotohanang nasa Bibliya ang gustong magbasa at mag-aral kasama ng iba nang hindi dinidiktahan ng simbahan. Kaya naman tumakas sila patungo sa mga bansa kung saan di-gaanong malakas ang impluwensiya ng simbahan. Isa sa mga bansang iyon ay ang United States. Doon, sinimulan ni Charles Taze Russell at ng ilang kasamahan niya ang sistematikong pag-aaral ng Bibliya noong mga 1870. Sa umpisa, ang tunguhin lang ni Brother Russell ay alamin kung alin sa mga relihiyon noon ang nagtuturo ng katotohanan. Maingat niyang inihambing ang mga turo ng iba’t ibang relihiyon, kahit ng mga relihiyong di-Kristiyano, sa sinasabi ng Bibliya. Nakita niya na wala sa mga relihiyong iyon ang lubusang nanghahawakan sa Salita ng Diyos. Nakipag-usap pa nga siya sa ilang klerigo sa pag-asang tatanggapin nila ang mga katotohanang natuklasan ni Russell at ng kaniyang mga kasamahan mula sa Bibliya at ituturo ang mga iyon sa mga miyembro ng kanilang simbahan. Pero hindi interesado ang mga klerigong iyon. Kailangang tanggapin ng mga Estudyante ng Bibliya na hindi sila maaaring makisama sa mga nanghahawakan sa huwad na relihiyon.—Basahin ang 2 Corinto 6:14.
15. (a) Kailan naging bihag ng Babilonyang Dakila ang mga Kristiyano? (b) Anong mga tanong ang sasagutin sa susunod na artikulo?
15 Sa artikulong ito, nakita natin na ang mga tunay na Kristiyano ay naging bihag ng Babilonya di-nagtagal pagkamatay ng huling apostol. Pero may mga tanong na bumabangon: Ano ang karagdagang katibayan na ang mga pinahiran ay lumalaya na at hindi na alipin ng Babilonyang Dakila noong mga dekada bago ang 1914? Totoo bang nagalit si Jehova sa kaniyang mga lingkod dahil nagmabagal sila sa pangangaral noong Digmaang Pandaigdig I? Ikinompromiso ba ng ilang kapatid noong panahong iyon ang kanilang Kristiyanong neutralidad kung kaya nagalit sa kanila si Jehova? At kung naging bihag ng huwad na relihiyon ang mga Kristiyano mula noong ikalawang siglo C.E., kailan sila lumaya? Ang mga ito ay magagandang tanong na sasagutin sa susunod na artikulo.