Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tularan ang Katarungan at Awa ni Jehova

Tularan ang Katarungan at Awa ni Jehova

“Humatol kayo taglay ang tunay na katarungan; at magpakita kayo sa isa’t isa ng maibiging-kabaitan at kaawaan.”—ZAC. 7:9.

AWIT: 125, 88

1, 2. (a) Ano ang nadama ni Jesus sa Kautusan ng Diyos? (b) Paano pinilipit ng mga eskriba at mga Pariseo ang Kautusan?

MAHAL ni Jesus ang Kautusang Mosaiko. Bakit? Dahil ang Kautusan ay galing sa pinakaimportanteng Persona sa buhay niya—ang kaniyang Ama, si Jehova. Inihula ang malalim na pagmamahal ni Jesus sa kautusan ng Diyos sa Awit 40:8: “Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko, at ang iyong kautusan ay nasa aking mga panloob na bahagi.” Sa salita at gawa, pinatunayan ni Jesus na ang Kautusan ng Diyos ay sakdal, kapaki-pakinabang, at tiyak na matutupad.—Mat. 5:17-19.

2 Kaya siguradong nasaktan si Jesus nang makita niyang pinipilipit ng mga eskriba at mga Pariseo ang Kautusan ng kaniyang Ama! Napakametikuloso nila sa kaliit-liitang detalye ng ilang utos. Alam ito ni Jesus, kaya sinabi niya: “Ibinibigay ninyo ang ikasampu ng yerbabuena at ng eneldo at ng komino.” Pero ano ang problema? Idinagdag niya: “Ngunit winalang-halaga ninyo ang mas mabibigat na bagay ng Kautusan, samakatuwid nga, katarungan at awa at katapatan.” (Mat. 23:23) Di-gaya ng mapagmatuwid na mga Pariseo, naunawaan ni Jesus ang diwa ng Kautusan, ang makadiyos na mga katangiang nasa likod ng bawat utos.

3. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

3 Bilang mga Kristiyano, wala na tayo sa ilalim ng tipang Kautusan. (Roma 7:6) Pero iningatan ni Jehova ang Kautusan sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Ayaw niyang masyado tayong magpokus sa mga detalye ng Kautusan, kundi gusto niyang unawain natin at sundin ang “mas mabibigat na bagay” nito, ang matataas na simulaing nasa likod ng bawat utos. Halimbawa, anong mga simulain ang matututuhan natin sa kaayusan ng mga kanlungang lunsod? Sa naunang artikulo, tinalakay natin ang mga aral mula sa mga hakbang na kailangang gawin ng di-sinasadyang nakapatay. Pero matututuhan din natin sa mga kanlungang lunsod ang tungkol kay Jehova at kung paano natin matutularan ang mga katangian niya. Kaya sasagutin sa artikulong ito ang tatlong tanong: Paano masasalamin sa mga kanlungang lunsod ang awa ni Jehova? Ano ang matututuhan natin sa mga ito hinggil sa pananaw niya tungkol sa buhay? Paano masasalamin sa mga ito ang kaniyang perpektong katarungan? Sa bawat tanong, alamin kung paano mo matutularan ang iyong makalangit na Ama.—Basahin ang Efeso 5:1.

“MGA LUNSOD NA KUMBINYENTE PARA SA INYO”—KAPAHAYAGAN NG AWA NG DIYOS

4, 5. (a) Bakit ginawang madaling puntahan ang mga kanlungang lunsod, at paano? (b) Ano ang itinuturo nito tungkol kay Jehova?

4 Madaling puntahan ang anim na kanlungang lunsod. Iniutos ni Jehova sa Israel na pumili ng tigatlong lunsod sa magkabilang panig ng Ilog Jordan. Bakit? Para maging madali at kumbinyenteng puntahan ng sinumang nakapatay nang di-sinasadya. (Bil. 35:11-14) Tinitiyak na laging maayos ang mga daan papunta sa mga kanlungang lunsod. (Deut. 19:3) Ayon sa tradisyong Judio, may mga posteng pananda na nagtuturo ng direksiyon papunta sa mga iyon. Dahil sa mga kanlungang lunsod, ang nakapatay nang di-sinasadya ay hindi kailangang tumakas sa banyagang lupain, kung saan posibleng masangkot siya sa huwad na pagsamba.

5 Pag-isipan ito: Si Jehova—ang Isa na nagsaayos ng parusang kamatayan para sa mga pumatay nang sinasadya—ay nagbigay ng pagkakataon sa mga nakapatay nang di-sinasadya na makatanggap ng habag at proteksiyon! “Ang lahat ay ginawang malinaw, simple, at madali hangga’t posible,” ang isinulat ng isang komentarista. “Napakabuti talaga ng Diyos.” Si Jehova ay hindi isang walang-awang hukom na sabik parusahan ang kaniyang mga lingkod. Sa halip, siya ay “mayaman sa awa.”—Efe. 2:4.

6. Ipaliwanag ang pagkakaiba ng saloobin ng mga Pariseo at ng pagiging maawain ng Diyos.

6 Pero ang mga Pariseo ay nagkakait ng awa. Halimbawa, ayon sa tradisyon, hindi na nila mapapatawad ang isa na nakagawa ng gayunding pagkakamali nang higit sa tatlong beses. Para idiin ang maling saloobin nila, inilahad ni Jesus ang ilustrasyon tungkol sa isang Pariseo na nanalangin: “O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo na hindi ako gaya ng ibang tao, mga mangingikil, mga di-matuwid, mga mangangalunya, o maging ng maniningil ng buwis na ito”—isang maniningil ng buwis na mapagpakumbabang nananalangin para sa awa ng Diyos. Bakit ayaw ng mga Pariseo na magpakita ng awa? Sinasabi ng Bibliya na “itinuturing [nila] na walang kabuluhan ang iba.”—Luc. 18:9-14.

Bukás ba at madaling puntahan ang “daan” sa iyong pagpapatawad? Madali ka bang lapitan? (Tingnan ang parapo 4-8)

7, 8. (a) Kapag may nagkasala sa iyo, paano mo matutularan si Jehova? (b) Bakit nasusubok ang kapakumbabaan natin kung handa tayong magpatawad?

7 Tularan si Jehova, hindi ang mga Pariseo. Maging mahabagin. (Basahin ang Colosas 3:13.) Huwag pahirapan ang iba na humihingi ng tawad sa iyo. (Luc. 17:3, 4) Tanungin ang sarili: ‘Handa ko bang patawarin ang mga nakagawa ng pagkakamali sa akin, kahit nauulit nila iyon? Gustong-gusto ko bang ibalik ang kapayapaan sa nakasamaan ko ng loob o nakasakit sa akin?’

8 Masusubok ang kapakumbabaan natin kung handa tayong magpatawad. Nabigo riyan ang mga Pariseo dahil itinuturing nilang nakabababa ang ibang tao. Pero bilang mga Kristiyano, dapat tayong maging mapagpakumbaba, “na itinuturing na ang iba ay nakatataas” sa atin at karapat-dapat sa ating pagpapatawad. (Fil. 2:3) Tutularan mo ba si Jehova at patutunayang mapagpakumbaba ka? Panatilihing bukás at madaling puntahan ang “daan” sa iyong pagpapatawad. Maging mabilis sa pagpapakita ng awa at mabagal sa paghihinanakit.—Ecles. 7:8, 9.

IGALANG ANG BUHAY, AT “WALANG PAGKAKASALA SA DUGO ANG MAPAPASAIYO”

9. Paano idiniin ni Jehova sa mga Israelita ang kabanalan ng buhay ng tao?

9 Isang pangunahing layunin ng mga kanlungang lunsod ay ang ipagsanggalang ang mga Israelita mula sa pagkakasala sa dugo. (Deut. 19:10) Napakahalaga ng buhay kay Jehova, at kinapopootan niya ang “mga kamay na nagbububo ng dugong walang-sala.” (Kaw. 6:16, 17) Dahil siya ay Diyos na makatarungan at banal, hindi niya ipinagkikibit-balikat kahit ang aksidenteng pagpatay. Totoo, pinagpapakitaan ng awa ang nakapatay nang di-sinasadya. Pero kailangan pa rin niyang iharap sa matatandang lalaki ang kaniyang kaso, at kung ideklara ngang aksidente ito, kailangan niyang manatili sa kanlungang lunsod hanggang sa mamatay ang mataas na saserdote. Kaya posibleng habambuhay na siyang maninirahan doon. Naidiin nito sa lahat ng Israelita ang kabanalan ng buhay ng tao. Para maparangalan ang kanilang Tagapagbigay-Buhay, kailangan nilang tiyakin na hindi nila naisasapanganib ang buhay ng iba dahil sa kanilang kapabayaan.

10. Paano ipinakita ni Jesus na walang pakundangan sa buhay ang mga eskriba at mga Pariseo?

10 Di-gaya ni Jehova, ang mga eskriba at mga Pariseo ay walang pakundangan sa buhay. Bakit? Sinabi ni Jesus sa kanila: “Inalis ninyo ang susi ng kaalaman; kayo mismo ay hindi pumasok, at yaong mga pumapasok ay hinadlangan ninyo!” (Luc. 11:52) Dapat sana ay buksan nila, o ipaliwanag, ang kahulugan ng Salita ng Diyos at tulungan ang iba na lumakad sa daan patungo sa buhay na walang hanggan. Pero inilayo nila ang mga tao sa “Punong Ahente ng buhay,” si Jesus, at inakay sila sa landas ng walang-hanggang pagkapuksa. (Gawa 3:15) Dahil makasarili at mapagmataas ang mga eskriba at mga Pariseo, wala silang pakialam sa buhay at kapakanan ng kanilang kapuwa. Napakalupit nila!

11. (a) Paano ipinakita ni apostol Pablo na tinularan niya ang pananaw ng Diyos tungkol sa buhay? (b) Ano ang tutulong sa atin na matularan ang saloobin ni Pablo sa ministeryo?

11 Paano natin matutularan si Jehova at maiiwasan ang saloobin ng mga eskriba at mga Pariseo? Dapat nating igalang at pahalagahan ang regalong buhay. Ginawa iyan ni apostol Pablo dahil lubusan siyang nagpatotoo tungkol sa Kaharian. Kaya nasabi niya: “Ako ay malinis sa dugo ng lahat ng tao.” (Basahin ang Gawa 20:26, 27.) Hindi ito ginawa ni Pablo dahil nakokonsensiya siya o obligadong mangaral. Sa halip, mahal niya ang mga tao, at mahalaga sa kaniya ang buhay nila. (1 Cor. 9:19-23) Dapat din nating tularan ang pananaw ng Diyos tungkol sa buhay. “Nais [ni Jehova] na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Ped. 3:9) Ganiyan ka rin ba? Kung maawain ka, pakikilusin ka ng puso mo na maging mas masigasig sa ministeryo at magiging mas masaya ka sa gawaing ito.

12. Bakit mahalaga ang safety para sa bayan ng Diyos?

12 Matutularan din natin ang pananaw ni Jehova tungkol sa buhay kung palaisip tayo sa safety. Dapat tayong maging maingat sa pagmamaneho at pagtatrabaho—pati na kapag nagtatayo at nagmamantini ng mga lugar ng pagsamba, o nagbibiyahe papunta sa mga ito. Ang kalusugan at pagiging ligtas ang dapat na maging pangunahin sa atin, hindi ang bilis ng trabaho, gastos, o mga iskedyul. Laging ginagawa ng ating makatarungang Diyos ang tama at angkop. Gusto natin siyang tularan. Ang mga elder ay lalo nang dapat na maging palaisip sa kaligtasan nila at ng mga nakapaligid sa kanila. (Kaw. 22:3) Kaya kung paalalahanan ka ng isang elder tungkol sa mga tagubilin at pamantayan sa safety, tanggapin mo ito. (Gal. 6:1) Tularan ang pananaw ni Jehova tungkol sa buhay, at “walang pagkakasala sa dugo ang mapapasaiyo.”

HUMATOL KAYO “AYON SA MGA KAHATULANG ITO”

13, 14. Paano matutularan ng matatandang lalaki sa Israel ang katarungan ni Jehova?

13 Inutusan ni Jehova ang matatandang lalaki sa Israel na tularan ang kaniyang mataas na pamantayan sa katarungan. Kailangan muna nilang alamin ang buong katotohanan. Dapat din nilang maingat na timbang-timbangin ang motibo, saloobin, at nakaraang paggawi ng nakapatay bago magpasiya kung pagpapakitaan siya ng awa. Para matularan ang katarungan ng Diyos, kailangan nilang malaman kung ginawa niya ito dahil sa “pagkapoot” at kung “inaabangan” niya ang biktima dahil may masama siyang balak. (Basahin ang Bilang 35:20-24.) Kung may mga saksi, di-bababa sa dalawa ang kailangang tumestigo para mapatunayan kung sinadya nga ang pagpatay.—Bil. 35:30.

14 Kaya kapag nalaman na ng matatandang lalaki ang buong katotohanan, isasaalang-alang nila ang pagkatao ng indibiduwal, hindi lang ang ginawa niya. Kailangan nila ng kaunawaan para makita ang mga bagay na hindi agad napapansin, at maintindihan ang dahilan sa likod ng pangyayari. Higit sa lahat, kailangan nila ang banal na espiritu ni Jehova para matularan nila ang kaniyang kaunawaan, awa, at katarungan.—Ex. 34:6, 7.

15. Paano naiiba ang pananaw ni Jesus sa pananaw ng mga Pariseo sa mga makasalanan?

15 Ang mga Pariseo ay nagpokus lang sa nagawa ng nagkasala sa halip na sa pagkatao nito. Nang pumunta si Jesus sa salusalo sa bahay ni Mateo, tinanong ng mga Pariseo ang mga alagad: “Bakit nga ang inyong guro ay kumakain na kasama ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?” Sumagot si Jesus: “Ang mga taong malusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit. Humayo kayo, kung gayon, at alamin kung ano ang kahulugan nito, ‘Ang ibig ko ay awa, at hindi hain.’ Sapagkat ako ay pumarito upang tawagin, hindi ang mga taong matuwid, kundi ang mga makasalanan.” (Mat. 9:9-13) Kinukunsinti ba ni Jesus ang malulubhang kasalanan? Hindi. Sa katunayan, mahalagang bahagi ng mensahe ni Jesus ang panawagan na magsisi sa kasalanan. (Mat. 4:17) Pero dahil may kaunawaan siya, alam ni Jesus na may “mga maniningil ng buwis at mga makasalanan” na gustong magbago. Hindi sila pumunta sa bahay ni Mateo para lang kumain. Sa halip, marami sa kanila ang sumusunod kay Jesus. (Mar. 2:15) Nakalulungkot, hindi nakita ng karamihan sa mga Pariseo ang nakita ni Jesus sa mga taong iyon. Itinuring ng mga Pariseo ang mga ito bilang makasalanan at wala nang pag-asang magbago. Ibang-iba nga sila sa makatarungan at maawaing Diyos na inaangkin nilang sinasamba!

16. Ano ang sisikaping maunawaan ng isang hudisyal na komite?

16 Dapat tularan ng mga elder sa ngayon si Jehova, na “maibigin sa katarungan.” (Awit 37:28) Kailangan muna nilang “magsiyasat at mag-usisa nang lubusan” para tiyakin kung may nagawang pagkakasala. Kung mayroon nga, dapat nilang hawakan ang kaso ayon sa Kasulatan. (Deut. 13:12-14) Kapag humahatol sila bilang bahagi ng hudisyal na komite, dapat nilang maingat na tiyakin kung ang Kristiyanong nakagawa ng malubhang kasalanan ay nagsisisi. Hindi laging madaling makita kung nagsisisi o hindi ang isa. Sangkot dito ang kaniyang pananaw, disposisyon, at kalagayan ng puso. (Apoc. 3:3) Para tumanggap ng awa, dapat ay nagsisisi ang nagkasala. *

17, 18. Paano malalaman ng mga elder kung talagang nagsisisi ang nagkasala? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

17 Di-gaya ni Jehova at ni Jesus, ang mga elder ay hindi nakababasa ng puso. Kaya kung isa kang elder, paano mo malalaman kung talagang nagsisisi ang nagkasala? Una, manalangin para sa karunungan at kaunawaan. (1 Hari 3:9) Ikalawa, kumonsulta sa Salita ng Diyos at sa mga publikasyon ng tapat na alipin para malaman mo ang pagkakaiba ng “kalungkutan ng sanlibutan” at ng “kalungkutan sa makadiyos na paraan,” ang tunay na pagsisisi. (2 Cor. 7:10, 11) Tingnan kung paano inilalarawan ng Kasulatan ang damdamin, saloobin, at paggawi ng mga nagsisisi at ng mga hindi nagsisisi.

18 Ikatlo, sikaping makita ang pagkatao ng nagkasala. Isaalang-alang ang kaniyang pinagmulan, motibo, at mga limitasyon. Inihula ng Bibliya tungkol kay Jesus, ang ulo ng kongregasyon: “Hindi siya hahatol ayon lamang sa nakita ng kaniyang mga mata, ni sasaway man ayon lamang sa narinig ng kaniyang mga tainga. At sa katuwiran ay hahatulan niya ang mga maralita, at sa katapatan ay sasaway siya alang-alang sa maaamo sa lupa.” (Isa. 11:3, 4) Mga elder, kayo ang mga katulong na pastol ni Jesus, at tutulungan niya kayong makahatol ayon sa paraan niya. (Mat. 18:18-20) Nagpapasalamat tayo na mayroon tayong mapagkalingang mga elder! Pinahahalagahan natin ang kanilang walang-sawang pagsisikap na itaguyod ang awa at katarungan sa kongregasyon.

19. Anong aral mula sa mga kanlungang lunsod ang gusto mong ikapit?

19 Ang Kautusang Mosaiko ay may “balangkas ng kaalaman at ng katotohanan” tungkol kay Jehova at sa kaniyang matuwid na mga simulain. (Roma 2:20) Halimbawa, ang mga kanlungang lunsod ay nagtuturo sa mga elder na “humatol . . . taglay ang tunay na katarungan,” at nagtuturo sa ating lahat na “magpakita . . . sa isa’t isa ng maibiging-kabaitan at kaawaan.” (Zac. 7:9) Wala na tayo sa ilalim ng Kautusan. Pero si Jehova ay hindi nagbabago at mahalaga pa rin sa kaniya ang katarungan at awa. Pribilehiyo nating sambahin ang Diyos na lumikha sa atin ayon sa kaniyang larawan. Kaya tularan natin siya at gawing kanlungan!

^ par. 16 Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Ang Bantayan, Setyembre 15, 2006, p. 30.