Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Bilhin Mo ang Katotohanan at Huwag Mong Ipagbili Iyon”

“Bilhin Mo ang Katotohanan at Huwag Mong Ipagbili Iyon”

“Bilhin mo ang katotohanan at huwag mong ipagbili iyon—karunungan at disiplina at pagkaunawa.”—KAW. 23:23.

AWIT: 94, 96

1, 2. (a) Ano ang pinakamahalaga nating pag-aari? (b) Anong mga katotohanan ang pinahahalagahan natin, at bakit? (Tingnan ang mga larawan sa simula ng artikulo.)

ANO ang pinakamahalaga mong pag-aari? Ipagpapalit mo ba ito sa isang bagay na mas mababa ang halaga? Para sa mga nakaalay na mananamba ni Jehova, madali lang sagutin ang mga tanong na iyan. Ang pinakamahalaga nating pag-aari ay ang kaugnayan natin kay Jehova, at hinding-hindi natin ito ipagpapalit. Pinahahalagahan din natin ang katotohanan sa Bibliya, na nagpangyaring mapalapít tayo sa ating makalangit na Ama.—Col. 1:9, 10.

2 Isipin na lang ang lahat ng itinuturo sa atin ng ating Dakilang Tagapagturo sa kaniyang Salita, ang Bibliya! Isiniwalat niya ang katotohanan tungkol sa kaniyang pangalan at magagandang katangian. Ipinaalam niya sa atin ang tungkol sa natatanging regalo na pantubos, na maibigin niyang inilaan sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesus. Ipinaalam din ni Jehova ang tungkol sa Mesiyanikong Kaharian, at naglaan siya ng makalangit na pag-asa para sa mga pinahiran at ng pag-asa sa Paraisong lupa para sa “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Itinuro niya sa atin kung paano tayo dapat gumawi. Pinahahalagahan natin ang mga katotohanang ito dahil tumutulong ito para mapalapít tayo sa ating Maylalang. Dahil dito, nagiging makabuluhan ang ating buhay.

3. Ano ang hindi ibig sabihin ng ‘bilhin ang katotohanan’?

3 Si Jehova ay isang bukas-palad na Diyos. Hindi niya ipinagkakait ang mabuti sa mga naghahanap ng katotohanan. Ibinigay pa nga niya ang buhay ng kaniyang minamahal na Anak bilang regalo. Tiyak na hindi tayo hihilingan ng Diyos na bayaran siya ng pera kapalit ng katotohanan. Sa katunayan, nang alukin ni Simon si apostol Pedro ng salapi kapalit ng awtoridad na magbahagi ng banal na espiritu, sinaway siya ni Pedro: “Malipol nawang kasama mo ang iyong pilak, sapagkat inisip mong ariin sa pamamagitan ng salapi ang walang-bayad na kaloob ng Diyos.” (Gawa 8:18-20) Kung gayon, ano ang kahulugan ng ‘bilhin ang katotohanan’?

ANO ANG KAHULUGAN NG “BILHIN” ANG KATOTOHANAN?

4. Sa artikulong ito, ano ang matututuhan natin tungkol sa katotohanan?

4 Basahin ang Kawikaan 23:23. Hindi natin malalaman ang katotohanan sa Salita ng Diyos nang hindi nagsisikap. Dapat na handa nating isakripisyo ang anumang bagay para matamo iyon. Gaya ng sinabi ng manunulat ng Kawikaan, kapag ‘nabili,’ o natamo, na natin ang “katotohanan,” dapat nating pakaingatan na huwag itong “ipagbili,” o iwala. Talakayin natin ang kahulugan ng “bilhin” ang katotohanan at ang ipambibili natin dito, wika nga. Tutulong ito sa atin para lumalim ang ating pagpapahalaga sa katotohanan at tumatag ang ating determinasyon na huwag itong “ipagbili.” Gaya ng makikita natin, sulit ang anumang sakripisyo natin para mabili ang katotohanan.

5, 6. (a) Paano natin bibilhin ang katotohanan nang hindi gumagamit ng pera? Ilarawan. (b) Ano ang mga pakinabang ng pagkaalam ng katotohanan?

5 Kahit ang mga bagay na libre ay maaaring may kapalit. Sa Kawikaan 23:23, ang salitang Hebreo na isinaling “bilhin” ay maaari ding mangahulugang “tamuhin.” Ang dalawang salitang ito ay nagpapahiwatig ng pagsisikap o pakikipagpalit para sa isang bagay na mahalaga. Maaari nating ilarawan ang pagbili ng katotohanan sa ganitong paraan. Halimbawa, nalaman nating may mga libreng saging sa pamilihan. Basta na lang ba lilitaw ang mga saging na iyon sa ating mesa? Siyempre, hindi. Dapat tayong pumunta sa pamilihan para kunin ang mga iyon. Libre ba ang mga saging? Oo, pero dapat tayong kumilos at maglaan ng panahon para pumunta sa pamilihan. Sa katulad na paraan, hindi natin kailangan ang pera para bilhin ang katotohanan, pero kailangan ang pagsisikap para makuha ito.

6 Basahin ang Isaias 55:1-3. Higit pang nilinaw ni Jehova sa aklat ng Isaias ang kahulugan ng pagbili sa katotohanan. Dito, itinulad ni Jehova ang kaniyang salita sa tubig, gatas, at alak. Gaya ng malamig at malinis na tubig, ang mga salita ng katotohanan mula sa Diyos ay nakarerepresko. At gaya ng gatas na nagpapalakas sa atin at tumutulong sa mga bata na lumaki, ang nakapagpapalusog na mga salita ni Jehova ay nagpapalakas at tumutulong din sa atin na sumulong sa espirituwal. Ang mga salita ni Jehova ay gaya rin ng alak. Sa anong paraan? Sa Bibliya, ang alak ay nagpapasaya. (Awit 104:15) Kaya sa pagsasabi sa kaniyang bayan na ‘bumili ng alak,’ tinitiyak ni Jehova na ang pamumuhay ayon sa kaniyang mga salita ay magpapasaya sa atin. (Awit 19:8) Napakaganda ngang paglalarawan sa mga pakinabang ng pagkaalam at pagkakapit ng mga salita ng katotohanan! Ang mga pagsisikap natin ay maihahalintulad sa halagang ipinambibili natin. Kaya talakayin natin ang limang bagay na puwede nating ipambili ng katotohanan.

ANO ANG MGA ISINAKRIPISYO MO PARA MABILI ANG KATOTOHANAN?

7, 8. (a) Bakit dapat tayong maglaan ng panahon para bilhin ang katotohanan? (b) Gaano kalaki ang handang isakripisyo ng isang kabataang estudyante, at ano ang resulta?

7 Panahon. Isinasakripisyo ito ng sinumang bumibili ng katotohanan. Kailangan ang panahon sa pakikinig sa mensahe ng Kaharian, pagbabasa ng Bibliya at mga literatura sa Bibliya, personal na pag-aaral, at paghahanda at pagdalo sa mga pulong. Dapat nating ‘bilhin,’ o kunin, ang panahong iyon mula sa ilang di-gaanong mahahalagang gawain. (Basahin ang Efeso 5:15, 16.) Gaano karaming panahon ang kailangan bago tayo magkaroon ng tumpak na kaalaman sa pangunahing mga turo ng Bibliya? Depende iyan sa ating kalagayan. Walang katapusan ang matututuhan natin mula sa karunungan, daan, at mga gawa ni Jehova. (Roma 11:33) Itinulad ng unang isyu ng Watch Tower ang katotohanan sa “isang mahinhing bulaklak” at sinabi: “Huwag makontento sa isang bulaklak ng katotohanan. Kung sapat na ang isa ay wala na sanang iba pa. Patuloy na magtipon, humanap ng higit pa.” Tanungin ang sarili, ‘Gaano na karami ang aking mga bulaklak ng katotohanan?’ Kahit mabuhay pa tayo nang walang hanggan, lagi tayong may matututuhan tungkol kay Jehova. Sa ngayon, ang mahalaga ay ang gamitin sa matalinong paraan ang ating panahon para makabili tayo ng mas maraming katotohanan hangga’t posible. Tingnan ang halimbawa ng isa na nananabik sa katotohanan.

8 Si Mariko, * isang kabataang babaeng taga-Japan, ay pumunta sa New York City, U.S.A., para mag-aral. Miyembro na siya noon ng isang relihiyon sa Japan na naitatag noong huling bahagi ng dekada ’50. Natagpuan si Mariko ng isang sister na payunir sa bahay-bahay. Nang makaalam siya ng katotohanan sa Bibliya, napakasaya niya, kaya hiniling niyang mag-Bible study sila nang dalawang beses sa isang linggo. Kahit abala siya sa paaralan at may part-time na trabaho, dumalo na agad si Mariko sa mga pulong. Inihinto na rin niya ang ilang paglilibang para makabili ng panahon upang malaman ang katotohanan. Dahil sa pagsasakripisyong iyon, mabilis siyang sumulong sa espirituwal. Wala pang isang taon, nabautismuhan na siya. Pagkalipas ng anim na buwan, noong 2006, nagpayunir siya, at patuloy pa ring nagpapayunir hanggang ngayon.

9, 10. (a) Ano ang nagagawa ng pagbili ng katotohanan sa ating pananaw sa materyal na mga bagay? (b) Anong pangarap ang isinakripisyo ng isang kabataang babae, at ano ang nadama niya tungkol dito?

9 Materyal na pakinabang. Para mabili ang katotohanan, baka kailangan nating iwan ang isang magandang trabaho o karera. Nang anyayahan ni Jesus ang mga mangingisdang sina Pedro at Andres na maging “mangingisda ng mga tao,” kanilang “iniwan ang mga lambat.” (Mat. 4:18-20) Siyempre pa, marami sa nakaalam ng katotohanan sa ngayon ang hindi naman puwedeng basta magbitiw sa trabaho, dahil sa makakasulatang pananagutan. (1 Tim. 5:8) Pero kadalasan nang dapat nilang baguhin ang kanilang pananaw sa materyal na bagay pati na rin ang kanilang priyoridad. Nilinaw ito ni Jesus nang sabihin niya: “Huwag na kayong mag-imbak para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa . . . Sa halip, mag-imbak kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit.” (Mat. 6:19, 20) Tingnan ang halimbawa ng isang kabataan.

10 Si Maria ay naglalaro na ng golf bago pa man siya mag-aral sa paaralan. Patuloy niyang pinahusay ang kaniyang kasanayan sa golf noong high school siya at nabigyan ng scholarship sa isang unibersidad. Golf ang buhay niya, at pangarap niyang maging propesyonal na manlalaro nito. Pagkatapos, nag-aral siya ng Bibliya, at nagustuhan niya ang katotohanang natututuhan niya. Masaya siya sa mga pagbabagong nagagawa ng katotohanan sa buhay niya. Sinabi niya: “Habang lalo kong iniaayon ang aking saloobin at buhay sa mga pamantayan ng Bibliya, mas nagiging masaya ako.” Nakita ni Maria na mahirap abutin nang sabay ang espirituwal at materyal na kayamanan. (Mat. 6:24) Isinakripisyo niya ang matagal na niyang pangarap na maging propesyonal na manlalaro ng golf at ang pagkakataong yumaman at maging sikat. Pero dahil binili niya ang katotohanan, payunir na siya ngayon. Sinabi niyang ito “ang pinakamasaya at pinakamakabuluhang buhay.”

11. Kapag binili natin ang katotohanan, ano ang puwedeng mangyari sa ating kaugnayan sa iba?

11 Kaugnayan sa iba. Kapag pinili nating mamuhay ayon sa katotohanang nasa Bibliya, baka magbago ang kaugnayan natin sa ating mga kaibigan at kamag-anak. Bakit? Nanalangin si Jesus para sa kaniyang mga tagasunod: “Pabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Ang salitang “pabanalin” ay maaari ding mangahulugang “ibukod.” Kapag tinanggap natin ang katotohanan, nakabukod na tayo mula sa sanlibutan dahil hindi na tayo kagaya nila. Iba na ang tingin sa atin ng mga tao dahil nagbago na ang ating prinsipyo. Namumuhay na tayo ayon sa pamantayan ng Bibliya. Ayaw nating maging sanhi ng pagkakabaha-bahagi, pero baka layuan tayo ng ilang kaibigan at malalapít na kapamilya o baka kontrahin pa nga nila ang ating bagong paniniwala. Hindi na ito nakapagtataka. Sinabi ni Jesus: “Tunay nga, ang magiging mga kaaway ng isang tao ay mga tao sa kaniyang sariling sambahayan.” (Mat. 10:36) Tiniyak din niya na ang gantimpala sa pagbili ng katotohanan ay di-hamak na nakahihigit sa anumang ipambibili natin dito.—Basahin ang Marcos 10:28-30.

12. Ano ang ipinambili ng isang lalaking Judio sa katotohanan?

12 Mula pagkabata, tinuruan na ang Judiong negosyanteng si Aaron na hindi dapat bigkasin ang pangalan ng Diyos. Pero uháw siya sa katotohanan. Tuwang-tuwa siya nang ipakita sa kaniya ng isang Saksi na kapag nilagyan ng mga tuldok-patinig ang apat na Hebreong katinig ng pangalan ng Diyos, mabibigkas ito ng “Jehova.” Masayang-masaya siyang nagpunta sa sinagoga para ibahagi sa mga rabbi ang kaniyang natuklasan. Pero nagulat si Aaron sa reaksiyon nila. Imbes na matuwa sila sa nalaman niyang katotohanan tungkol sa pangalan ng Diyos, dinuraan pa nila siya at ipinagtabuyan. Nasira din ang kaugnayan niya sa kaniyang pamilya. Pero patuloy pa rin siya sa pagbili ng katotohanan, at naglingkod bilang isang matapang na Saksi ni Jehova mula noon. Gaya ni Aaron, para patuloy na mabili ang katotohanan, handa nating tanggapin ang anumang pagbabago sa ating kalagayan sa lipunan o kaugnayan sa pamilya.

13, 14. Anong mga pagbabago sa ating pag-iisip at paggawi ang kailangan para mabili ang katotohanan? Magbigay ng halimbawa.

13 Di-makadiyos na pag-iisip at paggawi. Para matamo ang katotohanan at mamuhay ayon sa pamantayang moral ng Bibliya, dapat na handa nating baguhin ang ating pag-iisip at paggawi. Pansinin ang isinulat ni Pedro tungkol dito: “Bilang masunuring mga anak, huwag na kayong magpahubog ayon sa mga pagnanasa na dati ninyong taglay sa inyong kawalang-alam, kundi . . . magpakabanal sa lahat ng inyong paggawi.” (1 Ped. 1:14, 15) Para sa mga nakatira sa imoral na lunsod ng Corinto, ang pagbili ng katotohanan ay nangangahulugan ng malaking pagbabago sa kanilang buhay. (1 Cor. 6:9-11) Sa katulad na paraan, tinalikuran ng marami sa ngayon ang di-makadiyos na paggawi para mabili ang katotohanan. Ipinaalaala rin ni Pedro sa mga Kristiyano noon: “Ang panahong nagdaan ay sapat na upang maisagawa ninyo ang kalooban ng mga bansa nang lumalakad kayo sa mga gawa ng mahalay na paggawi, masasamang pita, mga pagpapakalabis sa alak, mga walang-taros na pagsasaya, mga paligsahan sa pag-inom, at mga bawal na idolatriya.”—1 Ped. 4:3.

14 Sa loob ng maraming taon, sina Devynn at Jasmine ay mga lasenggo. Kahit bihasang bookkeeper si Devynn, hindi siya nagtatagal sa trabaho dahil sugapa siya sa alak. Si Jasmine naman ay kilaláng agresibo at marahas. Minsan, habang naglalakad nang lasing sa kalsada, nakausap ni Jasmine ang dalawang misyonerong Saksi. Nagsaayos ang mga misyonero ng pag-aaral sa Bibliya, pero pagdating nila sa bahay nina Devynn nang sumunod na linggo, nadatnan nila silang lasing. Hindi nila inaasahang darating ang mga misyonero. Naiba ang sitwasyon nang sumunod na pagkakataon. Sa unang pag-aaral pa lang, naging masigasig nang estudyante ng Bibliya sina Jasmine at Devynn, at isinabuhay nila ang kanilang natututuhan. Sa loob ng tatlong buwan, inihinto nila ang pag-inom ng alak at nang maglaon ay nagpakasal. Napabalita ang pagbabago nila, at marami sa kanilang lugar ang nag-aral na rin ng Bibliya.

15. Ano ang isa sa pinakamahirap ipambili ng katotohanan, at bakit?

15 Di-makakasulatang kaugalian at gawain. Maaaring isa sa pinakamahirap ipambili ng katotohanan ay ang pag-iwan sa di-makakasulatang kaugalian at gawain. Kahit madali para sa ilan na tanggapin ang makakasulatang saligan para iwan ang mga gawaing ito, baka nag-aalinlangan naman ang iba na tanggapin ito dahil sa panggigipit ng kapamilya, katrabaho, at malalapít na kaibigan. Baka mangibabaw ang emosyon, lalo na kung tungkol sa nakaugaliang pagpaparangal sa mga namatay na kamag-anak. (Deut. 14:1) Ang lakas ng loob na ipinakita ng iba ay tutulong sa atin na gumawa ng kinakailangang pagbabago. Tingnan ang halimbawa ng ilang taga-Efeso noong unang siglo.

16. Ano ang ginawa ng ilang taga-Efeso para bilhin ang katotohanan?

16 Kilalá ang Efeso sa kanilang sining ng mahika. Ano ang ginawa ng bagong-kumberteng mga Kristiyano na nagsasagawa ng sining ng mahika para talikuran ito at mabili ang katotohanan? Sinasabi ng Bibliya: “Tinipon ng marami sa mga nagsasagawa ng sining ng mahika ang kanilang mga aklat at sinunog ang mga iyon sa harap ng lahat. At tinuos nila nang sama-sama ang halaga ng mga iyon at nasumpungang nagkakahalaga ng limampung libong piraso ng pilak. Kaya sa makapangyarihang paraan ay patuloy na lumalago at nananaig ang salita ni Jehova.” (Gawa 19:19, 20) Napakamahal ng ibinayad ng mga Kristiyanong iyon pero di-matutumbasan ang pagpapala nito.

17. (a) Anong mga bagay ang maaaring ipambili ng katotohanan? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

17 Ano ang ipinambili mo ng katotohanan? Lahat tayo ay naglalaan ng panahon para mangolekta ng bulaklak ng katotohanan. Binibili rin ng ilan ang katotohanan sa pamamagitan ng pag-iwan sa materyal na pakinabang at pagharap sa mga pagbabago sa kanilang kaugnayan sa iba. Kailangan namang baguhin ng marami ang kanilang pag-iisip at paggawi at talikuran ang di-makakasulatang kaugalian at gawain. Anuman ang kapalit, kumbinsido tayo na ang katotohanan sa Bibliya ay di-hamak na mas mahalaga kaysa sa anupamang isinakripisyo natin. Dahil dito, nagkaroon tayo ng malapít na kaugnayan kay Jehova, ang ating pinakamahalagang pag-aari. Kapag iniisip natin ang mga pagpapala ng pagkaalam ng katotohanan, ang hirap isiping ipagbibili ito ng iba. Paano ito puwedeng mangyari, at paano natin maiiwasan ang malaking pagkakamaling iyon? Tatalakayin ang mga tanong na iyan sa susunod na artikulo.

^ par. 8 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.