Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kabaitan—Katangiang Ipinakikita sa Salita at sa Gawa

Kabaitan—Katangiang Ipinakikita sa Salita at sa Gawa

TALAGA ngang nakapagpapatibay at nakaaaliw ang isang gawa ng kabaitan! Kapag alam nating may nagmamalasakit sa atin, natutuwa tayo. Dahil gusto nating lahat na pagpakitaan tayo ng kabaitan, dapat nating linangin ang magandang katangiang ito. Paano?

Kasama sa kabaitan ang pagiging interesado sa kapakanan ng iba—ang interes na ipinakikita sa salita at sa gawa. Bilang isang aktibong katangian, ang kabaitan ay hindi lang basta pakitang-taong kagandahang-asal at paggalang. Ang tunay na kabaitan ay udyok ng malalim na pag-ibig at empatiya. Higit pa riyan, ang kabaitan ay isang aspekto ng bunga ng banal na espiritu ng Diyos na dapat linangin ng mga Kristiyano. (Gal. 5:22, 23) Tingnan natin kung paano nagpakita ng kabaitan si Jehova at ang kaniyang Anak at kung paano natin sila matutularan.

SI JEHOVA AY MABAIT SA LAHAT

Si Jehova ay mabait at makonsiderasyon sa lahat, pati na sa “mga walang utang-na-loob at balakyot.” (Luc. 6:35) Halimbawa, “pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” (Mat. 5:45) Kaya kahit ang mga di-kumikilala kay Jehova bilang Maylalang ay nakikinabang din sa mga paglalaan niya para patuloy silang mabuhay at masiyahan.

Isang napakagandang halimbawa ang kabaitang ipinakita ni Jehova kina Adan at Eva. Matapos magkasala, sina Adan at Eva ay “nagtahi ng mga dahon ng igos at gumawa ng kanilang mga panakip sa balakang.” Pero alam ni Jehova na kakailanganin nila ang angkop na pananamit sa paninirahan sa labas ng Eden, na ngayon ay isinumpang sisibulan ng “mga tinik at mga dawag.” Dahil sa kabaitan ni Jehova, iginawa niya sila ng “mahahabang kasuutang balat.”—Gen. 3:7, 17, 18, 21.

Mabait si Jehova “sa mga taong balakyot at sa mabubuti,” pero ang gustong-gusto niyang pagpakitaan ng kabaitan ay ang tapat niyang mga lingkod. Halimbawa, noong panahon ni propeta Zacarias, nabagabag ang isang anghel nang makita niyang itinigil ang muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem. Nakinig si Jehova sa ikinababahala ng anghel at sumagot siya gamit ang ‘mabubuti at nakaaaliw na mga salita.’ (Zac. 1:12, 13) Ganiyan din pinakitunguhan ni Jehova si propeta Elias. May pagkakataong labis na nasiraan ng loob ang propeta kaya hiniling niya kay Jehova na mamatay na siya. Inunawa ni Jehova si Elias at nagpadala siya ng anghel para patibayin ito. Bukod diyan, tiniyak ng Diyos sa propeta na hindi siya nag-iisa. Nang marinig ni Elias ang mababait na salita at matanggap ang tulong na kailangan niya, naipagpatuloy niya ang kaniyang atas. (1 Hari 19:1-18) Sino sa mga lingkod ng Diyos ang pangunahing nakapagpakita ng napakagandang katangiang ito ni Jehova?

SI JESUS—SAKDAL SA KABAITAN

Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, kilalá siyang mabait at makonsiderasyon. Hindi siya kailanman naging malupit o dominante. Taglay ang empatiya, sinabi niya: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. . . . Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan.” (Mat. 11:28-30) Mabait si Jesus kaya sinundan siya ng mga tao saanman siya pumunta. Dahil “nahabag” si Jesus, pinakain niya sila, pinagaling ang kanilang mga maysakit, at tinuruan sila ng “maraming bagay” tungkol sa kaniyang Ama.—Mar. 6:34; Mat. 14:14; 15:32-38.

Makikita ang sakdal na kabaitan ni Jesus sa kaniyang pagiging makonsiderasyon at maunawain sa iba. Ang totoo, kahit sa panahong hindi kumbinyente para kay Jesus, “may kabaitan” pa rin niyang tinanggap ang lahat ng taimtim na naghahanap sa kaniya. (Luc. 9:10, 11) Halimbawa, hindi niya pinagalitan ang isang takót na babaeng inaagasan ng dugo, na kahit marumi ayon sa Kautusan, ay humawak sa kaniyang panlabas na kasuotan sa pag-asang gagaling siya. (Lev. 15:25-28) Dahil sa awa sa babaeng ito na nagdusa nang 12 taon, sinabi sa kaniya ni Jesus: “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Yumaon kang payapa, at magkaroon ka ng mabuting kalusugan mula sa iyong nakapipighating sakit.” (Mar. 5:25-34) Isa ngang kahanga-hangang gawa ng kabaitan!

ANG KABAITAN AY DAPAT IPAKITA SA GAWA

Sa mga halimbawang nabanggit, nalaman natin na ang tunay na kabaitan ay ipinakikita sa gawa. Iyan ang matututuhan natin sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa madamaying Samaritano. Kahit may alitan sa pagitan ng mga Samaritano at mga Judio, nahabag pa rin ang Samaritano sa lalaking ninakawan, binugbog, at iniwang halos patay na sa daan. Kabaitan ang nagpakilos sa Samaritano. Ginamot niya ang mga sugat nito at dinala sa isang bahay-tuluyan. Pagkatapos, binayaran ng Samaritano ang may-ari ng bahay-tuluyan para alagaan ang sugatang lalaki at sinabing babayaran din niya ang iba pang gastusin.—Luc. 10:29-37.

Kahit karaniwan nang ipinakikita sa gawa ang kabaitan, puwede rin itong ipakita sa mababait at nakapagpapatibay na mga salita. Kaya kahit “ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito,” sinasabi rin ng Bibliya na “ang mabuting salita ang siyang nagpapasaya nito.” (Kaw. 12:25) Mapalalakas natin ang iba kapag napakikilos tayo ng kabaitan at kabutihan na magsalita ng mga nakapagpapatibay na bagay sa kanila. * Makikita sa ating mababait na salita na nagmamalasakit tayo sa kanila. At dahil napatibay sila, mas makakayanan nila ang mga pagsubok na mapapaharap sa kanila.—Kaw. 16:24.

LINANGIN ANG KABAITAN

Nilalang tayo “ayon sa larawan ng Diyos,” kaya lahat tayo ay makapaglilinang ng kabaitan. (Gen. 1:27) Kuning halimbawa si Julio, isang Romanong opisyal ng hukbo na nagbantay kay apostol Pablo sa paglalakbay papuntang Roma. Pinakitunguhan niya ang apostol nang ‘may kabaitan at pinahintulutan siyang pumaroon sa kaniyang mga kaibigan at tamasahin ang kanilang pangangalaga’ sa Sidon. (Gawa 27:3) Ang mga taga-Malta ay nagpakita rin ng ‘pambihirang kabaitan’ kina Pablo nang mawasak ang barkong sinasakyan nila. Nagpaningas pa nga sila ng apoy para mainitan sina Pablo. (Gawa 28:1, 2) Talagang kapuri-puri ang ginawa nila, pero ang kabaitan ay hindi lang ginagawa paminsan-minsan.

Para lubusang mapalugdan ang Diyos, ang kabaitan ay dapat na maging bahagi ng ating personalidad at buhay. Dahil diyan, sinabi ni Jehova na “damtan” natin ang ating sarili ng kabaitan. (Col. 3:12) Totoo, hindi laging madaling magpakita ng kabaitan. Bakit? Maaaring dahil tayo ay mahiyain, walang kumpiyansa sa sarili, sinasalansang, o nagiging makasarili kung minsan. Pero mapagtatagumpayan natin ito kung aasa tayo sa banal na espiritu at tutularan ang halimbawa ni Jehova ng kabaitan.—1 Cor. 2:12.

Matutukoy ba natin kung saan pa natin puwedeng pasulungin ang pagpapakita ng kabaitan? Tanungin ang sarili: ‘Nakikinig ba ako nang may empatiya? Alerto ba ako sa pangangailangan ng iba? Kailan ako huling nagpakita ng kabaitan sa hindi ko kapamilya o kaibigan?’ Pagkatapos, puwede tayong gumawa ng mga tunguhin, gaya ng pagsisikap na higit pang kilalanin ang iba, lalo na ang mga kapananampalataya natin. Sa paggawa nito, magiging alerto tayo sa kalagayan at pangangailangan nila. Sumunod, sikapin nating magpakita ng kabaitan sa iba sa paraang gusto nating ipakita nila ito sa atin. (Mat. 7:12) At panghuli, pagpapalain ni Jehova ang ating pagsisikap kung hihingin natin ang tulong niya.—Luc. 11:13.

NAKAKAAKIT ANG KABAITAN

Nang isa-isahin ni apostol Pablo ang mga bagay na nagpapakitang ministro siya ng Diyos, binanggit niya ang “kabaitan.” (2 Cor. 6:3-6) Dahil ipinakita ni Pablo sa salita’t gawa na interesado siya sa mga tao, napalapít sila sa kaniya. (Gawa 28:30, 31) Sa ating mabait na paggawi, puwede rin nating maakit sa katotohanan ang mga tao. Kapag mabait tayo sa lahat, pati na sa mga sumasalansang sa atin, mapalalambot natin ang puso nila. (Roma 12:20) Balang-araw, baka maakit pa nga sila sa mensahe ng Bibliya.

Sa Paraiso, napakaraming binuhay-muli ang makararanas ng tunay na kabaitan, marahil sa unang pagkakataon pa nga. Dahil diyan, mauudyukan din silang magpakita ng kabaitan sa iba. Ang mga ayaw magpakita ng kabaitan at ayaw tumulong sa iba ay walang lugar sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Pero ang mga sinang-ayunan ng Diyos na mabuhay magpakailanman ay makikitungo sa isa’t isa nang may pag-ibig at kabaitan. (Awit 37:9-11) Talaga ngang magiging ligtas at payapa ang mundo! Pero ngayon pa lang, nakikinabang na tayo sa pagpapakita ng kabaitan. Paano?

MGA PAKINABANG SA PAGPAPAKITA NG KABAITAN

“Ang taong may maibiging-kabaitan ay gumagawa ng mabuti sa kaniyang sariling kaluluwa,” ang sabi ng Bibliya. (Kaw. 11:17) Naaakit ang iba sa isang taong mabait, at karaniwan nang nagiging mabait din sila sa kaniya. Sinabi ni Jesus: “Ang panukat na inyong ipinanunukat ay ipanunukat nila sa inyo bilang ganti.” (Luc. 6:38) Kaya madali sa isang mabait na tao na makahanap ng kaibigan at mapanatili ang pagkakaibigang iyon.

Pinasigla ni apostol Pablo ang kongregasyon sa Efeso na ‘maging mabait sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa.’ (Efe. 4:32) Talagang nakikinabang ang kongregasyon kapag mabait at matulungin sa isa’t isa ang mga miyembro nito. Hindi sila masakit magsalita, mapamintas, o sarkastiko. Sa halip na magkalat ng tsismis, sinisikap nilang gamitin ang kanilang dila para tulungan ang iba. (Kaw. 12:18) Bilang resulta, sumusulong sa espirituwal ang kongregasyon.

Oo, ang kabaitan ay isang katangiang ipinakikita sa salita at sa gawa. Kapag mabait tayo, makikita sa atin ang bukas-palad at mapagmahal na personalidad ng ating Diyos, si Jehova. (Efe. 5:1) Dahil dito, napatitibay natin ang kongregasyon at naaakit ang iba sa dalisay na pagsamba. Makilala nawa tayo bilang mga taong nagpapakita ng kabaitan!

^ par. 13 Ang kabutihan ay tatalakayin sa isang artikulo ng seryeng ito na may siyam na bahagi tungkol sa bunga ng espiritu ng Diyos.