Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magtiwala kay Jehova at Mabuhay!

Magtiwala kay Jehova at Mabuhay!

“Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa.”—KAW. 3:5.

AWIT: 3, 8

1. Bakit kailangan nating lahat ang kaaliwan?

KAILANGAN nating lahat ang kaaliwan. Marahil, bahagi na ng ating buhay ang pag-aalala, pagkabigo, at pagdurusa. Baka naghihirap ang ating kalooban dahil sa pagtanda, sakit, o pagkamatay ng mahal sa buhay. Ang ilan sa atin ay sinasalansang. Palala nang palala ang karahasan. Oo, kumbinsido tayo na ang ganitong “panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” ay patunay na nasa “mga huling araw” na tayo, at na sa bawat araw na lumilipas, papalapit tayo nang papalapit sa bagong sanlibutan. (2 Tim. 3:1) Pero baka matagal na tayong naghihintay na makita ang katuparan ng mga pangako ni Jehova, at baka lalo pang humihirap ang ating kalagayan. Kaya saan tayo makasusumpong ng kaaliwan?

2, 3. (a) Ano ang alam natin tungkol kay Habakuk? (b) Bakit natin tatalakayin ang aklat ng Habakuk?

2 Para masagot iyan, suriin natin ang aklat ng Habakuk. Kahit walang mga espesipikong detalye sa Kasulatan tungkol sa buhay at gawain ni Habakuk, ang aklat na ipinangalan sa kaniya ay pinagmumulan pa rin ng pampatibay-loob. Malamang na ang pangalan niya ay nangangahulugang “Marubdob na Yakap.” Maaari itong tumukoy sa nakaaaliw na yakap ni Jehova o sa buong-pagtitiwalang pagkapit sa kaniya ng mga mananamba niya. Nakipag-usap sa Diyos si Habakuk, na nagtatanong. Sa diwa, nagtanong siya alang-alang sa atin, dahil kinasihan ni Jehova si Habakuk na isulat ang kanilang pag-uusap.—Hab. 2:2.

3 Ang tapatang pag-uusap na ito ng nababalisang lalaki ng Diyos at ni Jehova ang tanging isinisiwalat ng Kasulatan tungkol sa propeta. Ang aklat niya ay kabilang sa “lahat ng bagay na isinulat noong una” at iningatan ito sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, “upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Paano tayo personal na makikinabang sa aklat ng Habakuk? Makatutulong ito sa atin na makita ang kahulugan ng pagtitiwala kay Jehova. Isa pa, tinitiyak sa atin ng hula ni Habakuk na posibleng maging panatag—at manatiling panatag—sa kabila ng mga kapighatian at problema. Habang isinasaisip iyan, talakayin natin nang mas detalyado ang aklat ng Habakuk.

MANALANGIN KAY JEHOVA

4. Bakit nabalisa si Habakuk?

4 Basahin ang Habakuk 1:2, 3. Nabuhay si Habakuk sa isang napakahirap na panahon. Napakalungkot niya dahil napaliligiran siya ng masasama at mararahas na tao. Kailan kaya magwawakas ang kasamaan nila? Bakit kaya ang tagal kumilos ni Jehova? Ang nakikita lang ni Habakuk ay ang kawalang-katarungan at paniniil na ginagawa ng mga kababayan niya. Parang nawawalan na siya ng pag-asa. Kaya sa gitna ng napakahirap na panahong iyon, nanalangin siyang kumilos na sana si Jehova. Baka inisip ni Habakuk na hindi nagmamalasakit si Jehova at parang matatagalan pa bago kumilos ang Diyos. Ganiyan din ba ang nadarama mo?

5. Anong mahalagang aral ang makikita sa aklat ng Habakuk? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

5 Nawalan na ba ng tiwala si Habakuk kay Jehova? Wala na ba siyang pananampalataya sa mga pangako ng Diyos? Hindi naman. Nang ipagkatiwala niya kay Jehova ang kaniyang mga problema at ikinababahala sa halip na sa mga tao, ipinakikita nitong hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa. Tiyak na nababahala siya dahil hindi niya maintindihan kung bakit hindi pa kumikilos ang Diyos o kung bakit pinahihintulutan ni Jehova na danasin niya ang gayong sitwasyon. Nang ipasulat ni Jehova kay Habakuk ang ikinababahala nito, binigyan Niya tayo ng isang mahalagang aral: Hindi tayo dapat matakot na sabihin sa Kaniya ang ating ikinababahala o pag-aalinlangan. Oo, hinihimok niya tayong ibuhos sa kaniya sa panalangin ang nilalaman ng ating puso. (Awit 50:15; 62:8) Pinasisigla rin tayo ng Kawikaan 3:5 na ‘magtiwala kay Jehova nang ating buong puso at huwag manalig sa ating sariling pagkaunawa.’ Malamang na alam ni Habakuk ang pananalitang ito, at isinapuso niya ito.

6. Bakit mahalaga ang pananalangin?

6 Sinamantala ni Habakuk ang pagkakataong mapalapít kay Jehova, ang kaniyang pinagkakatiwalaang Kaibigan at Ama. Hindi lang siya basta nagmukmok at sinikap na lutasing mag-isa ang problema. Sa halip, ipinaalam niya sa Diyos ang kaniyang nadarama at ikinababahala. Isang magandang halimbawa iyan para sa atin. Bukod diyan, hinihimok tayo ni Jehova, ang Dumirinig ng panalangin, na ipakita ang ating pagtitiwala sa pagsasabi sa kaniya ng ating ikinababahala. (Awit 65:2) Sa paggawa nito, madarama natin ang sagot ni Jehova—ang kaniyang mainit na yakap sa pamamagitan ng kaniyang maibiging patnubay. (Awit 73:23, 24) Tutulungan niya tayong malaman ang kaisipan niya anuman ang dinaranas natin. Ang taimtim na pananalangin ay isa sa pinakamalalim na kapahayagan ng ating pagtitiwala sa Diyos.

MAKINIG KAY JEHOVA

7. Ano ang reaksiyon ni Jehova nang sabihin ni Habakuk ang kaniyang ikinababahala?

7 Basahin ang Habakuk 1:5-7. Matapos sabihin kay Jehova ang kaniyang ikinababahala, posibleng inisip ni Habakuk ang magiging reaksiyon ni Jehova. Bilang maunawaing Ama na may empatiya, hindi siya pinagalitan ni Jehova. Alam ng Diyos na dala lang ito ng paghihinagpis at pamimighati. Sinabi ni Jehova kay Habakuk kung ano ang mangyayari sa masuwaying mga Judio sa malapit na hinaharap. Posibleng kay Habakuk unang isiniwalat ni Jehova na napakalapit nang magwakas ang marahas na henerasyong iyon.

8. Bakit naguluhan si Habakuk sa sagot ni Jehova?

8 Ipinakita ni Jehova kay Habakuk na nakahanda na Siyang kumilos. Malapit na niyang parusahan ang marahas at masamang henerasyong iyon. Sa pananalitang “sa inyong mga araw,” ipinakita ni Jehova na ang kahatulang ito ay tiyak na darating sa kapanahunan ng propeta o ng mga kakontemporaryo niya. Hindi iyon ang sagot na inaasahan ni Habakuk. Ito ba ang sagot ni Jehova sa kaniyang pagdaing? Nangangahulugan ito na lalo pang magdurusa ang buong Juda. Ang mga Caldeo (Babilonyo) ay walang-awa at malupit, at mas marahas pa kaysa sa mga kababayan ni Habakuk, na kahit paano ay nakaaalam sa mga pamantayan ni Jehova. Bakit gagamitin ni Jehova ang malupit na paganong bansang ito para magdala ng kapahamakan sa sarili niyang bayan? Ano ang magiging reaksiyon mo kung ikaw ang nakarinig sa sagot ni Jehova?

9. Ano-ano kaya ang itinanong ni Habakuk sa kaniyang sarili?

9 Basahin ang Habakuk 1:12-14, 17. Kahit naunawaan ni Habakuk na gagamitin ni Jehova ang Babilonya para hatulan at parusahan ang masasama noong panahon niya, naguluhan pa rin siya. Pero mapagpakumbaba niyang sinabi kay Jehova na Siya pa rin ang kaniyang “Bato.” (Deut. 32:4; Isa. 26:4) Matiyaga pa ring nagtiwala si Habakuk sa pag-ibig at kabaitan ng Diyos. Dahil dito, lumakas ang loob niyang magsumamo ulit kay Jehova. Bakit kaya pahihintulutan ng Diyos na lalo pang lumala ang kalagayan sa Juda? Bakit hindi pa siya kumikilos? Bakit hahayaan ng Makapangyarihan-sa-lahat na mas dumami ang kapighatian? Bakit siya ‘mananahimik’ kapag nangibabaw ang kasamaan? “Banal” siya; “napakadalisay ng [kaniyang] mga mata upang tumingin sa kasamaan.”

10. Gaya ni Habakuk, ano ang nadarama natin kung minsan?

10 Kung minsan, baka nadarama rin natin ang nadama ni Habakuk. Nakikinig tayo kay Jehova. Buong-pagtitiwala nating binabasa at pinag-aaralan ang kaniyang Salita, at nagbibigay ito sa atin ng pag-asa. Nalalaman natin ang mga pangako niya mula sa pagtuturo ng kaniyang organisasyon. Pero baka naiisip pa rin natin, ‘Kailan kaya matatapos ang pagdurusa?’ May matututuhan tayo sa sumunod na ginawa ni Habakuk.

MAGHINTAY KAY JEHOVA

11. Ano ang determinadong gawin ni Habakuk matapos makinig kay Jehova?

11 Basahin ang Habakuk 2:1. Napanatag si Habakuk nang makipag-usap siya kay Jehova. Kaya determinado siyang maghintay sa pagkilos ni Jehova. Hindi ito isang padalos-dalos na desisyon, dahil inulit niya ito nang sabihin niyang ‘hihintayin ko nang tahimik ang araw ng kabagabagan.’ (Hab. 3:16) Ang ibang tapat na lingkod ng Diyos ay nagtiwala rin nang may pagtitiyaga, na nagpapatibay sa atin na huwag tumigil sa paghihintay sa pagkilos ni Jehova.—Mik. 7:7; Sant. 5:7, 8.

12. Ano ang matututuhan natin kay Habakuk?

12 Ano ang matututuhan natin sa determinasyon ni Habakuk? Una, huwag na huwag tayong titigil sa pananalangin kay Jehova, anumang pagsubok ang dumating sa atin. Ikalawa, dapat tayong makinig sa sinasabi ni Jehova mula sa kaniyang Salita at organisasyon. Ikatlo, dapat tayong matiyagang maghintay kay Jehova, at lubos na magtiwalang aalisin niya ang pagdurusa sa kaniyang itinakdang panahon. Kung patuloy tayong makikipag-usap kay Jehova at makikinig sa kaniya nang may mapaghintay na saloobin, mapapanatag din tayo at makapagbabata, gaya ni Habakuk. Dahil sa pag-asa, mas makapagbabata tayo, na tutulong sa atin na maging masaya kahit may problema. Ang pag-asa ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na kikilos ang ating makalangit na Ama.—Roma 12:12.

13. Anong maibiging katiyakan ang makikita sa Habakuk 2:3?

13 Basahin ang Habakuk 2:3. Tiyak na natuwa si Jehova sa desisyon ni Habakuk na maghintay. Alam na alam ng Makapangyarihan-sa-lahat ang pinagdaraanan ni Habakuk. Kaya para maaliw ang propeta, maibiging tiniyak ng Diyos sa kaniya na masasagot din ang kaniyang mga tanong. Di-magtatagal at mawawala na ang kaniyang mga ikinababahala. Para bang sinabi ng Diyos kay Habakuk: “Maghintay ka lang, at magtiwala ka sa akin. Sasagot ako kahit parang nagluluwat ito!” Ipinaalaala sa kaniya ni Jehova na may takdang panahon Siya para tuparin ang Kaniyang mga pangako. Pinayuhan niya si Habakuk na maghintay sa katuparan ng Kaniyang mga layunin. Tiyak na hindi ito pagsisisihan ng propeta.

Bakit determinado tayong maglingkod kay Jehova sa abot ng ating makakaya? (Tingnan ang parapo 14)

14. Ano ang dapat na determinado nating gawin kapag may problema?

14 Ang matiyagang paghihintay kay Jehova at pagbibigay-pansin sa sinasabi niya ay magpapatibay sa ating pagtitiwala at tutulong sa atin na maging panatag sa kabila ng mga problema. Tiniyak ni Jesus na makapagtitiwala tayo kay Jehova bilang ang Dakilang Tagapag-ingat ng Panahon, anupat hindi tayo nagpopokus sa “mga panahon o mga kapanahunan” na hindi pa isinisiwalat ng Diyos. (Gawa 1:7) Kaya huwag tayong manghimagod, kundi maghintay nang may kapakumbabaan, pananampalataya, at pagtitiyaga, na ginagamit ang panahon sa paglilingkod kay Jehova sa abot ng ating makakaya.—Mar. 13:35-37; Gal. 6:9.

BUHAY AT MAGANDANG KINABUKASAN ANG DULOT NG PAGTITIWALA KAY JEHOVA

15, 16. (a) Anong nakapagpapatibay na mga pangako ang makikita sa aklat ng Habakuk? (b) Ano ang itinuturo sa atin ng mga pangakong ito?

15 Nangako si Jehova sa mga matuwid na nagtitiwala sa kaniya: “Kung tungkol sa matuwid, sa pamamagitan ng kaniyang katapatan ay mananatili siyang buháy,” at “ang lupa ay mapupuno ng kaalaman sa kaluwalhatian ni Jehova.” (Hab. 2:4, 14) Oo, ang mga matiyagang nagtitiwala sa Diyos ay gagantimpalaan ng buhay.

16 Sa unang tingin, parang karaniwang pangungusap lang ang pangakong nasa Habakuk 2:4. Pero nakita ni apostol Pablo na napakahalaga ng katiyakang iyon ni Jehova kung kaya tatlong beses niya itong sinipi! (Roma 1:17; Gal. 3:11; Heb. 10:38) Anuman ang danasin ng matuwid, makikita niya ang katuparan ng mga layunin ng Diyos dahil nanampalataya siya at nagtiwala. Sinasabi ni Jehova na dapat tayong magpokus sa hinaharap.

17. Anong katiyakan ang ibinibigay sa atin ng aklat ng Habakuk?

17 Ang aklat ng Habakuk ay nagbibigay ng mapuwersang aral para sa ating lahat na nabubuhay sa mga huling araw na ito. Nangangako si Jehova na pagkakalooban niya ng buhay ang sinumang matuwid na nananampalataya at nagtitiwala sa Kaniya. Patuloy nating patibayin ang ating pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos, anumang problema at kabalisahan ang mapaharap sa atin. Sa pamamagitan ni Habakuk, tinitiyak sa atin ni Jehova na susuportahan Niya tayo at ililigtas. Hinihiling niya sa atin na magtiwala sa kaniya at matiyagang maghintay sa kaniyang itinakdang panahon kapag, sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, ang lupa ay napunô na ng masasaya at mahihinahong-loob na mananamba niya.—Mat. 5:5; Heb. 10:36-39.

MAGTIWALA KAY JEHOVA NANG MAY KAGALAKAN

18. Paano nakatulong kay Habakuk ang pananalita ni Jehova?

18 Basahin ang Habakuk 3:16-19. Malaki ang naitulong kay Habakuk ng pananalita ni Jehova. Binulay-bulay niya ang mga kamangha-manghang bagay na ginawa ni Jehova para sa kaniyang bayan. Ngayon, muling tumibay ang pagtitiwala niya. Alam niyang malapit nang kumilos si Jehova! Naaliw ang propeta, kahit alam niyang posibleng magpatuloy ang pagdurusa niya nang ilang panahon. Ang pag-aalinlangan ni Habakuk ay napalitan ng kagalakan at matibay na pagtitiwala sa nagliligtas na kapangyarihan ni Jehova. Ang sinabi niya ay maaaring isa sa pinakanatatanging kapahayagan ng pagtitiwala ng isang tao. Iniisip ng ilang iskolar na ang talata 18 ay literal na nangangahulugang “magtatatalon ako dahil sa kagalakan sa Panginoon; magpapaikot-ikot ako dahil sa kaluguran sa Diyos.” Nakapagpapatibay ngang katiyakan para sa atin! Hindi lang nagbigay si Jehova ng magagandang pangako, tiniyak din niya sa atin na mabilis niyang isasagawa ang kaniyang dakilang layunin.

19. Paano tayo magkakaroon ng kaaliwang gaya ng natamo ni Habakuk?

19 Tiyak na ang napakahalagang mensahe ng aklat ng Habakuk ay ang magtiwala kay Jehova. (Hab. 2:4) Matatamo natin at mapananatili ang gayong pagtitiwala kung patitibayin natin ang ating kaugnayan kay Jehova sa pamamagitan ng (1) pagmamatiyaga sa pananalangin, na sinasabi kay Jehova ang lahat ng ating ikinababalisa at ikinababahala; (2) maingat na pagbibigay-pansin sa Salita ni Jehova at sa anumang tagubiling natatanggap natin mula sa kaniyang organisasyon; at (3) matiyaga at may-pananampalatayang paghihintay kay Jehova. Ganiyan ang ginawa ni Habakuk. Kahit malungkot niyang pinasimulan ang kaniyang aklat, tinapos niya ito nang may pagtitiwala at masidhing kagalakan. Tularan nawa natin ang halimbawang ito. Tiyak na wala nang mas hihigit pang kaaliwan kaysa sa pagkadama ng yakap ni Jehova bilang ating Ama!