Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino ang Humuhubog sa Iyong Pag-iisip?

Sino ang Humuhubog sa Iyong Pag-iisip?

“Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay.”—ROMA 12:2.

AWIT: 88, 45

1, 2. (a) Ano ang sagot ni Jesus sa sinabi ni Pedro na maging mabait sa kaniyang sarili? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Bakit gayon ang sagot ni Jesus?

HINDI makapaniwala ang mga alagad ni Jesus sa kanilang naririnig. Si Jesus ang inaasahan nilang magsasauli ng kaharian sa Israel, pero sinasabi niyang malapit na siyang magdusa at mamatay. Nagsalita si apostol Pedro. “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon,” ang sabi niya. “Hindi kailanman mangyayari sa iyo ang kahihinatnang ito.” Pero sumagot si Jesus: “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin, sapagkat iniisip mo, hindi ang mga kaisipan ng Diyos, kundi yaong sa mga tao.”—Mat. 16:21-23; Gawa 1:6.

2 Sa mga salitang iyan, ipinakita ni Jesus ang pagkakaiba ng mga kaisipang nagmumula sa Diyos at ng mga kaisipang nagmumula sa sanlibutan ni Satanas. (1 Juan 5:19) Makikita kay Pedro ang makasariling saloobin ng sanlibutan. Pero alam ni Jesus na iba ang kaisipan ng kaniyang Ama. Alam niyang gusto ng Diyos na ihanda niya ang kaniyang sarili sa pagdurusa at kamatayang haharapin niya. Sa sagot ni Jesus, malinaw na tinanggihan niya ang kaisipan ng sanlibutan at pinili ang kaisipan ni Jehova.

3. Bakit isang hamon na tanggihan ang kaisipan ng sanlibutan at piliin ang kaisipan ni Jehova?

3 Kumusta naman tayo? Ang pag-iisip ba natin ay gaya ng kaisipan ng Diyos o ng sanlibutan? Totoo, baka iniayon na natin ang ating paggawi sa mga kahilingan ng Diyos. Pero kumusta naman ang ating pag-iisip? Iniaayon din ba natin ito sa kaisipan ni Jehova? Kailangan ang malaking pagsisikap para magawa iyan. Samantala, napakadali nating maimpluwensiyahan ng kaisipan ng sanlibutan. Iyan ay dahil laganap ang espiritu ng sanlibutan ngayon. (Efe. 2:2) At dahil kadalasan nang pansariling kapakanan ang pokus nito, baka maging kaakit-akit pa nga ito. Oo, isang hamon na tularan ang kaisipan ni Jehova pero napakadaling magaya ang kaisipan ng sanlibutan.

4. (a) Ano ang mangyayari kung hahayaan nating hubugin ng sanlibutan ang ating pag-iisip? (b) Paano makatutulong sa atin ang artikulong ito?

4 Gayunman, kung hahayaan nating hubugin ng sanlibutan ang ating pag-iisip, malamang na maging makasarili tayo at gumawa ng sariling mga pamantayang moral. (Mar. 7:21, 22) Kaya napakahalagang tularan ang “mga kaisipan ng Diyos,” hindi ang “sa mga tao.” Tutulungan tayo ng artikulong ito na gawin iyan. Tatalakayin dito kung bakit ang pagtulad sa kaisipan ni Jehova ay hindi napakahigpit kundi kapaki-pakinabang. Ipakikita rin nito kung paano natin maiiwasang mahubog ng kaisipan ng sanlibutan. Tatalakayin naman sa susunod na artikulo kung paano natin malalaman at matutularan ang pag-iisip ni Jehova sa iba’t ibang sitwasyon.

ANG MGA KAISIPAN NI JEHOVA AY KAPAKI-PAKINABANG AT KASIYA-SIYA

5. Bakit ayaw ng ilan ang ideya na may huhubog sa kanilang pag-iisip?

5 Ayaw ng ilan ang ideya na may sinumang huhubog o iimpluwensiya sa kanilang pag-iisip. “May sarili akong pag-iisip,” ang sabi nila. Baka ang ibig nilang sabihin ay na sila ang gumagawa ng sarili nilang mga desisyon at na iyon ang tamang gawin. Ayaw nilang magpakontrol o kaya ay maging sunod-sunuran lang sa gusto ng iba. *

6. (a) Anong kalayaan ang ibinigay ni Jehova sa atin? (b) Wala bang limitasyon ang kalayaang ito?

6 Pero nakasisiguro tayo na ang pagtulad sa kaisipan ni Jehova ay hindi nangangahulugang wala na tayong kalayaang mag-isip o magsabi ng gusto nating sabihin. Gaya ng sinasabi ng 2 Corinto 3:17, “kung nasaan ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.” Malaya tayong maglinang ng sarili nating personalidad. Puwede tayong pumili ng kung ano ang gusto natin at kung saang larangan tayo interesado. Ganiyan tayo dinisenyo ni Jehova. Pero may limitasyon ang kalayaan natin. (Basahin ang 1 Pedro 2:16.) Sa pagpili ng tama at mali, gusto ni Jehova na gabayan tayo ng kaniyang kaisipang isinisiwalat sa kaniyang Salita. Napakahigpit ba nito o kapaki-pakinabang?

7, 8. Bakit ang pagtulad sa kaisipan ni Jehova ay hindi masasabing napakahigpit? Ilarawan.

7 Bilang paglalarawan, nagsisikap ang mga magulang na ikintal sa kanilang mga anak ang magandang asal. Maaaring tinuturuan nila silang maging tapat, masipag, at makonsiderasyon. Hindi ito masasabing napakahigpit. Gusto lang nila na lumaking responsable ang mga anak nila. Kapag bumukod na ang mga anak, malaya na silang magpasiya para sa kanilang sarili. Kung susundin nila ang mga prinsipyong natutuhan nila sa kanilang mga magulang, mas malamang na makagawa sila ng mga desisyong hindi nila pagsisisihan. Dahil dito, maiiwasan nila ang maraming problema at kabalisahang dulot ng sariling pagkakamali.

8 Gaya ng isang mabuting magulang, gusto ni Jehova na magkaroon ng pinakamakabuluhang buhay ang mga anak niya. (Isa. 48:17, 18) Kaya naglaan siya ng mga simulain tungkol sa moralidad at pakikitungo sa iba. Hinihimok tayo ni Jehova na tularan ang kaniyang kaisipan at mga prinsipyo. Hindi ito nakasasakal kundi nakatutulong pa nga para sumulong, humusay, at lumawak ang ating kakayahang mag-isip. (Awit 92:5; Kaw. 2:1-5; Isa. 55:9) Tumutulong ito para makagawa tayo ng mga desisyong magpapaligaya sa atin habang patuloy tayong sumusulong bilang indibidwal. (Awit 1:2, 3) Oo, ang pagtulad sa kaisipan ni Jehova ay kapaki-pakinabang at kasiya-siya!

ANG KAISIPAN NI JEHOVA AY NAKAHIHIGIT SA LAHAT

9, 10. Paano napatunayang nakahihigit ang kaisipan ni Jehova sa kaisipan ng sanlibutan?

9 Ang isa pang dahilan kung bakit gusto ng mga mananamba ni Jehova na tularan ang kaisipan niya ay dahil di-hamak na nakahihigit ito sa kaisipan ng sanlibutan. May mga payo mula sa sanlibutan tungkol sa moralidad, pamilya, trabaho, at iba pang aspekto ng buhay. Marami sa mga ito ay hindi kaayon ng kaisipan ni Jehova. Halimbawa, madalas nitong itinataguyod ang pag-aangat sa sarili. Kinukunsinti rin ang seksuwal na imoralidad. Kung minsan, ipinapayo ang diborsiyo at paghihiwalay kahit mababaw lang ang dahilan para daw maging mas maligaya. Ang ganitong payo ay salungat sa sinasabi ng Kasulatan. Pero mas praktikal kaya sa ngayon ang ilan sa mga payong ito kaysa sa sinasabi ng Bibliya?

10 “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito,” ang sabi ni Jesus. (Mat. 11:19) Malaki na ang isinulong ng daigdig pagdating sa teknolohiya, pero hindi pa rin nito malutas ang malalaking problemang humahadlang sa kaligayahan ng tao, gaya ng digmaan, pagtatangi ng lahi, at krimen. Kumusta naman ang pagkunsinti nito sa imoralidad? Inaamin ng marami na hindi ito nakatutulong kundi nagiging dahilan pa nga ng pagkakawatak-watak ng pamilya, sakit, at iba pang problema. Samantala, ang mga Kristiyanong tumutulad sa kaisipan ng Diyos ay may mas matibay na ugnayang pampamilya, mabuting kalusugan dahil sa kalinisan sa moral, at kapayapaan sa gitna ng mga kapatid sa buong mundo. (Isa. 2:4; Gawa 10:34, 35; 1 Cor. 6:9-11) Hindi ba’t ipinakikita nito na nakahihigit ang kaisipan ni Jehova sa kaisipan ng sanlibutan?

11. Kaninong kaisipan ang gumabay kay Moises, at ano ang resulta?

11 Sa Bibliya, kinilala ng mga tunay na mananamba na nakahihigit sa lahat ang kaisipan ni Jehova. Halimbawa, kahit tinuruan si Moises “sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo,” sa Diyos pa rin siya humiling ng “pusong may karunungan.” (Gawa 7:22; Awit 90:12) Nagsumamo rin siya kay Jehova: “Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan.” (Ex. 33:13) Dahil ginabayan siya ng kaisipan ni Jehova, nagkaroon siya ng mahalagang bahagi sa pagsasakatuparan ng Kaniyang layunin at inilarawan sa Kasulatan bilang isang taong may natatanging pananampalataya.—Heb. 11:24-27.

12. Saan ibinatay ni apostol Pablo ang kaniyang pangangatuwiran?

12 Si apostol Pablo ay isang matalino at edukadong tao, na nakapagsasalita ng di-bababa sa dalawang wika. (Gawa 5:34; 21:37, 39; 22:2, 3) Pero kung tungkol sa mga prinsipyo, tinanggihan niya ang karunungan ng sanlibutan. Sa halip, ibinatay niya sa Kasulatan ang kaniyang pangangatuwiran. (Basahin ang Gawa 17:2; 1 Corinto 2:6, 7, 13.) Dahil diyan, naging matagumpay ang ministeryo ni Pablo at inasam-asam niya ang walang-hanggang gantimpala.—2 Tim. 4:8.

13. Sino ang may responsibilidad na iayon ang ating pag-iisip sa kaisipan ni Jehova?

13 Oo, ang kaisipan ng Diyos ay nakahihigit sa kaisipan ng sanlibutan. Kung mamumuhay tayo ayon sa kaisipan ng Diyos, tayo ay magiging tunay na maligaya at matagumpay. Pero hindi ipipilit ni Jehova sa atin ang kaisipan niya. Hindi kinokontrol ng “tapat at maingat na alipin” ang pag-iisip ng bawat isa sa atin, at hindi rin iyan ginagawa ng mga elder. (Mat. 24:45; 2 Cor. 1:24) Sa halip, responsibilidad ng bawat Kristiyano na iayon ang kaniyang pag-iisip sa kaisipan ng Diyos. Paano natin magagawa iyan?

HUWAG MAGPAHUBOG AYON SA SISTEMANG ITO

14, 15. (a) Para matularan ang kaisipan ni Jehova, ano ang dapat nating bulay-bulayin? (b) Ayon sa Roma 12:2, bakit hindi natin dapat ipasok sa ating isip ang mga kaisipan ng sanlibutan? Ilarawan.

14 Sa Roma 12:2, pinayuhan tayo: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” Ipinakikita ng mga salitang ito na kahit ano pa ang humubog sa pag-iisip natin bago natin malaman ang katotohanan, posible pa ring maiayon ang ating pag-iisip sa kaisipan ng Diyos. Totoo, ang ating pag-iisip ay apektado sa paanuman ng mga salik na namamana at ng mga naranasan natin. Pero nakapag-a-adjust ang isip at kaya nitong patuloy na magbago. Ang mga pagbabagong ito ay nakadepende nang malaki sa kung ano ang ipinapasok natin sa ating isip at kung ano ang pinipili nating isipin. Kung bubulay-bulayin natin ang paraan ng pag-iisip ni Jehova, mapatutunayan natin sa ating sarili na tama ang mga kaisipan niya. Dahil diyan, mapakikilos tayo na iayon ang ating pag-iisip sa kaniyang kaisipan.

15 Pero para maiayon natin ang ating pag-iisip sa kaisipan ni Jehova, dapat na ‘huwag na tayong magpahubog ayon sa sistemang ito.’ Kailangan nating itigil ang pagpapasok sa isip natin ng mga ideya o pananaw na salungat sa kaisipan ng Diyos. Ang kahalagahan ng hakbang na ito ay maihahalintulad sa pagkain. Kung gusto ng isang tao na maging malusog, kakain siya ng masusustansiyang pagkain. Pero may saysay ba iyon kung regular din siyang kakain ng kontaminadong pagkain? Sa katulad na paraan, wala ring saysay ang pagpapasok natin sa ating isip ng mga kaisipan ng Diyos kung sasamahan ito ng mga kaisipan ng sanlibutan.

16. Sa ano natin kailangang protektahan ang ating sarili?

16 Lubusan ba nating maiiwasan ang kaisipan ng sanlibutan? Hindi, dahil hindi tayo literal na makaaalis sa sanlibutan. Kahit paano ay mahahantad tayo sa mga ideya nito. (1 Cor. 5:9, 10) Sa gawaing pangangaral pa lang, nakakausap na natin ang mga taong may maling paniniwala. Pero kahit hindi natin lubusang maiiwasan na mahantad sa di-makadiyos na pananaw, hindi naman natin kailangang pakinggan o tanggapin ang mga ito. Gaya ni Jesus, agad nating tinatanggihan ang mga kaisipang nagtataguyod ng layunin ni Satanas. Isa pa, puwede nating protektahan ang ating sarili mula sa di-kinakailangang pagkahantad sa kaisipan ng sanlibutan.—Basahin ang Kawikaan 4:23.

17. Ano ang ilang paraan para maiwasan ang di-kinakailangang pagkahantad sa kaisipan ng sanlibutan?

17 Halimbawa, dapat tayong mag-ingat sa pagpili ng malalapít na kaibigan. Nagbababala ang Bibliya na kung lagi tayong kasama ng mga hindi sumasamba kay Jehova, maiimpluwensiyahan nila tayo. (Kaw. 13:20; 1 Cor. 15:12, 32, 33) Dapat din tayong maging mapamili sa mga libangan. Kapag tinatanggihan natin ang mga libangang nagtataguyod ng teoriya ng ebolusyon, karahasan, o imoralidad, naiiwasan nating malason ang ating isip ng mga ideyang “laban sa kaalaman sa Diyos.”—2 Cor. 10:5.

Tinutulungan ba natin ang ating mga anak na tanggihan ang masasamang libangan? (Tingnan ang parapo 18, 19)

18, 19. (a) Bakit dapat tayong mag-ingat sa mga kaisipan ng sanlibutan na inihaharap sa paraang hindi madaling mahalata? (b) Ano-ano ang dapat nating itanong sa ating sarili, at bakit?

18 Dapat din nating matukoy at tanggihan ang kaisipan ng sanlibutan kahit inihaharap ito sa paraang hindi madaling mahalata. Halimbawa, baka ang isang balita ay inihaharap sa paraang may kinikilingan sa politika. Baka ang isang ulat ay nagtataguyod ng pananaw ng sanlibutan pagdating sa mga tunguhin at tagumpay ng tao. May mga pelikula at aklat na nagtataguyod ng pilosopiyang “ako muna” at “pamilya muna,” na pinagmumukha itong makatuwiran, maganda, o tama pa nga. Binabale-wala nito ang makakasulatang pananaw na mapapabuti ang ating sarili at ang ating pamilya kapag inibig natin si Jehova nang higit sa lahat. (Mat. 22:36-39) May mga kuwento ring pambata na mukhang katanggap-tanggap pero maaaring umakay sa ating mga anak na tanggapin ang imoral na paggawi.

19 Hindi naman ibig sabihin niyan na hindi na tayo puwedeng maglibang. Kaya makabubuting itanong sa ating sarili: ‘Nahahalata ba natin ang mga ideya ng sanlibutan kahit hindi ito direktang itinataguyod? Nililimitahan ba natin ang pagkahantad ng ating mga anak—at ng ating sarili—sa ilang palabas o babasahín? Itinutuwid ba natin sa tulong ng kaisipan ni Jehova ang makasanlibutang mga ideya na naririnig o nakikita ng mga anak natin?’ Kung alam natin ang pagkakaiba ng kaisipan ng Diyos at ng kaisipan ng sanlibutan, maiiwasan nating “magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay.”

SINO ANG HUMUHUBOG SA IYO NGAYON?

20. Paano natin malalaman kung tayo ay hinuhubog ng kaisipan ng Diyos o ng kaisipan ng sanlibutan?

20 Tandaan, dalawa lang ang pinagmumulan ng impormasyon—si Jehova at ang sanlibutang kontrolado ni Satanas. Alin sa dalawa ang humuhubog sa atin? Ang sagot ay kung saan tayo kumukuha ng impormasyon. Kung sa sanlibutan tayo kumukuha ng impormasyon, huhubugin nito ang ating pag-iisip at aakayin tayo nito sa makalamang mga saloobin at paggawi. Kaya dapat tayong mag-ingat sa kung ano ang mga binubulay-bulay natin.

21. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

21 Gaya ng nabanggit na, para matularan ang kaisipan ni Jehova, hindi sapat ang basta ingatan ang ating kaisipan mula sa masasamang impluwensiya. Dapat din nating alamin ang kaisipan ng Diyos para matularan ito. Tatalakayin iyan nang higit sa susunod na artikulo.

^ par. 5 Ang totoo, kahit ang mga taong nagsasabing hindi sila nagpapaimpluwensiya ay naiimpluwensiyahan pa rin. Tungkol man ito sa malalalim na bagay gaya ng pinagmulan ng buhay o sa mga simpleng bagay gaya ng kung ano ang isusuot, ang mga tao sa paanuman ay naiimpluwensiyahan ng iba. Pero makapipili tayo kung kanino tayo magpapaimpluwensiya.