Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

“Hindi Ako Kinalimutan ni Jehova”

“Hindi Ako Kinalimutan ni Jehova”

NAKATIRA ako sa Orealla na nasa Guyana, South America. Ang Orealla ay isang nayon ng mga American Indian na mga 2,000 ang populasyon. Nasa liblib na lugar ang nayong ito at mararating lang sakay ng maliit na eroplano o bangka.

Ipinanganak ako noong 1983. Malusog naman ako noong una, pero noong 10 taong gulang na ako, nakaramdam ako ng matinding pananakit ng buong katawan. Pagkalipas ng mga dalawang taon, minsan paggising ko, hindi na ako makagalaw. Kahit anong gawin ko, hindi ko maigalaw ang mga binti ko. Hindi na ako nakalakad mula noon. Dahil sa sakit ko, hindi na rin ako lumaki. Kasinliit pa rin ako ng bata hanggang ngayon.

Ilang buwan na akong hindi makaalis ng bahay nang dumalaw ang dalawang babaeng Saksi ni Jehova sa amin. Madalas akong nagtatago kapag may pumupunta sa amin, pero noong araw na iyon, nakipag-usap ako sa kanila. Sinabi nila ang tungkol sa Paraiso at naalala kong narinig ko na rin ito noong mga limang taong gulang ako. Kasi noon, minsan sa isang buwan, pumupunta sa nayon namin ang misyonerong si Jethro na taga-Suriname at bina-Bible study niya ang tatay ko. Napakabait niya sa akin kaya tuwang-tuwa ako sa kaniya. Isinasama rin ako noon ng lolo’t lola ko sa ilang pulong ng mga Saksi sa nayon namin. Kaya nang tanungin ako ni Florence, isa sa mga dumalaw na Saksi, kung gusto ko pang matuto tungkol sa Bibliya, pumayag ako.

Bumalik si Florence kasama ang asawa niyang si Justus, at nag-Bible study kami. Nang mapansin nilang hindi ako marunong bumasa, tinuruan nila ako. Noong bandang huli, nakakabasa na ako. Isang araw, sinabi nila sa akin na na-assign sila sa Suriname. Kaya wala nang ibang magba-Bible study sa akin sa Orealla. Pero buti na lang, hindi ako kinalimutan ni Jehova.

Di-nagtagal, dumating sa Orealla ang payunir na si Floyd, at nakita niya ako habang nagbabahay-bahay siya. Nang alukin niya akong mag-Bible study, napangiti ako. “Bakit ka napangiti?” ang tanong niya. Sinabi ko na na-Bible study na ako sa brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? at napasimulan na namin ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. * Ipinaliwanag ko kung bakit natigil ang pag-aaral. Itinuloy ni Floyd ang pagtuturo sa akin sa aklat na Kaalaman, pero na-assign din siya sa ibang lugar. Wala na namang magtuturo sa akin.

Pero noong 2004, na-assign sa Orealla ang dalawang special pioneer na sina Granville at Joshua. Nakita nila ako nang magbahay-bahay sila. Nang tanungin nila ako kung gusto kong mag-study, ngumiti ako. Sinabi kong pag-aralan namin ang aklat na Kaalaman mula sa umpisa. Gusto kong malaman kung pareho sila ng ituturo ng mga naunang nag-Bible study sa akin. Sinabi ni Granville na may mga pulong na ginaganap sa nayon. Halos 10 taon akong nasa bahay lang, pero gusto kong dumalo. Kaya sinundo ako ni Granville, isinakay sa wheelchair, at dinala sa Kingdom Hall.

Nang maglaon, hinimok ako ni Granville na magpa-enroll sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Sinabi niya: “Hindi ka man nakakalakad, nakakapagsalita ka naman. Isang araw, makakapag-public talk ka. Mangyayari ’yon.” Lumakas ang loob ko sa mga sinabi niya.

Nagsimula akong mangaral kasama si Granville. Pero masyadong bako-bako para sa wheelchair ang mga daan sa nayon namin. Kaya sinabi ko kay Granville na isakay ako sa kartilya. Umubra naman iyon. Noong Abril 2005, nabautismuhan ako. Di-nagtagal, sinanay ako ng mga brother sa pag-aasikaso ng literatura ng kongregasyon at sound system sa Kingdom Hall.

Nakakalungkot, noong 2007, namatay ang tatay ko nang mahulog siya sa bangka. Nabigla ang pamilya namin. Matapos manalangin ni Granville para sa amin, nagbasa siya ng nakakapagpatibay na mga teksto. Pagkalipas ng dalawang taon, isang trahedya na naman ang nangyari—namatay si Granville nang lumubog ang bangkang sinasakyan niya.

Walang elder na natira sa maliit na kongregasyon namin at isa lang ang ministeryal na lingkod. Napakasakit ng pagkamatay ni Granville; bestfriend ko siya. Lagi siyang nandiyan para alalayan ako sa espirituwal at pisikal na pangangailangan ko. Sa unang pulong pagkamatay niya, ako ang tagabasa ng parapo para sa Pag-aaral sa Bantayan. Nabasa ko naman ang unang dalawang parapo, pero bigla akong naiyak at hindi ko na mapigilan iyon, kaya bumaba na ako ng stage.

Natuwa ako nang may dumating na mga kapatid mula sa ibang kongregasyon para tulungan kami sa Orealla. Ipinadala rin sa amin ng tanggapang pansangay ang special pioneer na si Kojo. At napakasaya ko nang mag-Bible study at magpabautismo ang nanay ko at mas batang kapatid na lalaki. Noong Marso 2015, naging ministeryal na lingkod ako. Di-nagtagal, nakapag-public talk ako sa unang pagkakataon. Napangiti ako at naluha nang maalala ko ang sinabi ni Granville noon: “Isang araw, makakapag-public talk ka. Mangyayari ’yon.”

Napapanood ko sa mga programa sa JW Broadcasting® ang ibang mga kapatid na kapareho ko ng sitwasyon. Kahit may kapansanan, masaya pa rin sila at maraming nagagawa. Gaya nila, may magagawa rin ako. Gusto kong ibigay kay Jehova ang natitira kong lakas, kaya nag-regular pioneer ako. At noong Setyembre 2019, nagulat ako nang atasan akong maging elder sa kongregasyon namin na may mga 40 mamamahayag.

Talagang nagpapasalamat ako sa mga kapatid na nag-Bible study sa akin at tumulong na magawa ang ministeryo ko. Higit sa lahat, laking pasasalamat ko na hindi ako kinalimutan ni Jehova.

^ par. 8 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na iniimprenta.