Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 48

‘Itutok ang Paningin’ sa Hinaharap

‘Itutok ang Paningin’ sa Hinaharap

“Itutok mo ang iyong paningin sa harapan, oo, tumitig ka sa unahan.”​—KAW. 4:25.

AWIT 77 Liwanag sa Mundong Madilim

NILALAMAN *

1-2. Paano natin masusunod ang payo sa Kawikaan 4:25? Magbigay ng halimbawa.

PAG-ISIPAN ang mga halimbawang ito. Iniisip ng isang may-edad nang sister ang magagandang pangyayari sa buhay niya noong bata pa siya. Kahit mahirap ang sitwasyon niya ngayon, ginagawa pa rin niya ang buong makakaya niya para kay Jehova. (1 Cor. 15:58) Ini-imagine niya araw-araw na magkakasama sila ng pamilya niya at mga kaibigan sa Paraiso. Naalala naman ng isang sister na nasaktan siya sa ginawa ng isang kapatid, pero hindi siya nagtanim ng galit. (Col. 3:13) Natatandaan pa ng isang brother ang mga pagkakamaling nagawa niya noon, pero ginagawa pa rin niya ang buong makakaya niya para kay Jehova.​—Awit 51:10.

2 Ano ang pagkakatulad nilang tatlo? Naaalala nilang lahat ang nangyari sa kanila noon, pero hindi sila nabubuhay sa nakaraan. Sa halip, ‘itinutok nila ang paningin nila’ sa hinaharap.​—Basahin ang Kawikaan 4:25.

3. Bakit kailangang ‘nakatutok ang paningin natin’ sa hinaharap?

3 Bakit mahalagang ‘itutok ang paningin natin’ sa hinaharap? Hindi makakapaglakad nang deretso ang isang tao kung tingin siya nang tingin sa likuran. Kaya hindi rin tayo susulong sa paglilingkod kay Jehova kung babalik-balikan natin ang nakaraan.​—Luc. 9:62.

4. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

4 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang tatlong bagay na dapat iwasan para hindi tayo mabuhay sa nakaraan: * (1) panghihinayang, (2) pagtatanim ng galit, at (3) sobrang pagkakonsensiya. Matutulungan tayo ng mga prinsipyo sa Bibliya para hindi tayo magpokus sa “mga bagay na nasa likuran” kundi sa “mga bagay na nasa unahan.”​—Fil. 3:13.

PANGHIHINAYANG

Ano ang nakakapigil sa atin na itutok ang ating paningin sa hinaharap? (Tingnan ang parapo 5, 9, 13) *

5. Ano ang babala sa atin sa Eclesiastes 7:10?

5 Basahin ang Eclesiastes 7:10. Pansinin na hindi sinasabi dito na maling itanong: “Bakit ba maganda ang mga araw noon?” Ang magagandang alaala ay regalo ni Jehova. Sa halip, sinasabi sa teksto: “Huwag mong sabihin, ‘Bakit ba mas maganda ang mga araw noon kaysa ngayon?’” Ibig sabihin, hindi dapat ikumpara ang sitwasyon natin noon sa sitwasyon natin ngayon at isiping wala nang magandang nangyayari ngayon. Ganito naman ang pagkakasabi sa ibang salin ng Bibliya: “Huwag mong sabihin, ‘Bakit mas mabuti pa noon kaysa ngayon?’ Dahil ang tanong na iyan ay walang katuturan.”

Pagkaalis ng mga Israelita sa Ehipto, anong pagkakamali ang nagawa nila? (Tingnan ang parapo 6)

6. Bakit hindi natin dapat laging isipin na mas maganda ang buhay natin noon? Magbigay ng halimbawa.

6 Bakit hindi natin dapat laging isipin na mas maganda ang buhay natin noon? Dahil sa panghihinayang, posibleng puro magagandang bagay lang ang maalala natin mula sa nakaraan at malimutan na ang mahihirap nating pinagdaanan. Tingnan natin ang nangyari sa mga Israelita noon. Nang makaalis sila sa Ehipto, nalimutan nila agad kung gaano kahirap ang buhay nila doon. Nagpokus kasi sila sa masasarap na pagkain sa Ehipto. Sinabi nila: “Tandang-tanda pa namin ang isda na kinakain namin nang walang bayad sa Ehipto, pati ang mga pipino, pakwan, puero, sibuyas, at bawang!” (Bil. 11:5) Pero talaga bang “walang bayad” ang mga iyon? Mayroon. Napakalaki ng ibinayad ng mga Israelita; inalipin sila at pinagmalupitan sa Ehipto. (Ex. 1:13, 14; 3:6-9) Pero nalimutan nila iyon at hinanap-hanap ang nakaraan. Nagpokus sila sa magagandang bagay sa Ehipto imbes na sa magagandang bagay na ginawa ni Jehova para sa kanila sa ilang. Hindi natuwa si Jehova sa kanila.​—Bil. 11:10.

7. Ano ang nakatulong sa isang sister na huwag panghinayangan ang nakaraan?

7 Paano natin maiiwasan ang panghihinayang sa nakaraan? Tingnan ang halimbawa ng sister na naglingkod sa Brooklyn Bethel noong 1945. Pagkalipas ng ilang taon, napangasawa niya ang isa ring Bethelite, at magkasama silang naglingkod nang maraming taon. Pero noong 1976, nagkasakit ang asawa niya. Sinabi niya na noong malapit na itong mamatay, binigyan siya nito ng payo na nakatulong sa kaniya na makayanan ang pagiging biyuda. Sinabi nito sa kaniya: “Nagkaroon tayo ng maligayang pag-aasawa. Maraming tao ang hindi kailanman nakaranas niyan.” Pero pinaalalahanan din siya nito: “Huwag kang mabuhay sa kahapon—bagaman ang iyong mga alaala ay magpapatuloy. Tutulungan ka ng panahon na maghilom. Huwag kang maghinanakit at maawa sa iyong sarili. Magsaya ka na tinamasa mo ang mga kagalakan at mga pagpapalang ito. . . . Ang mga alaala ay kaloob ng Diyos sa atin.” Magandang payo iyan, hindi ba?

8. Paano nakatulong sa sister ang payo ng asawa niya?

8 Sinunod ng sister ang payo ng asawa niya. Naglingkod siya nang tapat kay Jehova hanggang kamatayan sa edad na 92. Mga ilang taon bago siya mamatay, sinabi niya: “Sa pagbabalik-tanaw sa mahigit na 63 taon sa buong-panahong paglilingkod kay Jehova, masasabi kong nagkaroon ako ng isang kasiya-siyang buhay.” Bakit? Sinabi niya: “Ang talagang dahilan kung kaya nagiging kasiya-siya ang buhay ay ang ating kamangha-manghang kapatiran at ang pag-asang mabuhay magpakailanman kasama ng ating mga kapatid sa isang paraisong lupa, na naglilingkod sa ating Dakilang Maylalang, ang tanging tunay na Diyos na si Jehova magpakailan-kailanman.” * Isa ngang napakagandang halimbawa ng pagpopokus sa hinaharap!

PAGTATANIM NG GALIT

9. Gaya ng ipinapakita sa Levitico 19:18, bakit mahirap magpatawad kung minsan?

9 Basahin ang Levitico 19:18. Madalas na mahirap magpatawad kung ang nagkasala sa atin ay isang kapananampalataya, malapít na kaibigan, o kamag-anak. Halimbawa, isang sister ang pinagbintangan ng kapananampalataya niya na ninakaw niya ang pera nito. Pagkaraan, nag-sorry ito sa sister pero hindi pa rin niya makalimutan ang nangyari. Naranasan mo na rin ba iyan? Kahit hindi ganiyang-ganiyan ang nangyari sa atin, malamang na nakaramdam na rin tayo ng galit na mahirap alisin.

10. Ano ang makakatulong sa atin kapag nahihirapan tayong magpatawad?

10 Ano ang makakatulong sa atin kapag nahihirapan tayong magpatawad? Tandaan na nakikita ni Jehova ang lahat. Alam niya ang lahat ng pinagdadaanan natin, kasama na ang kawalang-katarungang nararanasan natin. (Heb. 4:13) Nararamdaman din niya ang paghihirap natin. (Isa. 63:9) At nangangako siyang aalisin niya ang pinsalang resulta ng kawalang-katarungang nararanasan natin.​—Apoc. 21:3, 4.

11. Ano ang pakinabang kapag nagpatawad tayo?

11 Tandaan din natin na makikinabang tayo kapag nagpatawad tayo. Iyan ang napatunayan ng sister na napagbintangan. Dumating ang panahon na inalis din niya ang galit niya. Nakita niya na kapag nagpapatawad tayo sa iba, papatawarin din tayo ni Jehova. (Mat. 6:14) Alam niyang mali ang ginawa sa kaniya, pero pinili niyang magpatawad. Kaya mas masaya na ngayon ang sister at nakapokus sa paglilingkod kay Jehova.

SOBRANG PAGKAKONSENSIYA

12. Ano ang matututuhan natin sa 1 Juan 3:19, 20?

12 Basahin ang 1 Juan 3:19, 20. Normal lang ang makonsensiya. Halimbawa, nakokonsensiya ang ilan sa mga nagawa nila bago nila malaman ang katotohanan. Nakokonsensiya naman ang iba sa mga pagkakamali nila pagkatapos ng bautismo. (Roma 3:23) Pero siyempre, gusto nating gawin ang tama. Kaya lang, “lahat tayo ay nagkakamali nang maraming ulit.” (Sant. 3:2; Roma 7:21-23) Hindi maganda sa pakiramdam ang nakokonsensiya, pero nakakabuti rin ito sa atin. Bakit? Dahil makakatulong ito sa atin na ituwid ang ating mga pagkakamali at maging determinadong huwag nang ulitin ang mga iyon.​—Heb. 12:12, 13.

13. Bakit hindi tayo dapat sobrang makonsensiya?

13 Pero posible ring makadama tayo ng sobrang pagkakonsensiya—ibig sabihin, nakokonsensiya pa rin tayo kahit nagsisi na tayo at pinatawad na ni Jehova. Nakakasamâ ang ganiyang pagkakonsensiya. (Awit 31:10; 38:3, 4) Bakit? Pag-usapan natin ang karanasan ng isang sister na sobrang nakonsensiya sa mga kasalanan niya noon. Sinabi niya: “Sa tingin ko, hindi ko na kailangang maging masigasig sa paglilingkod kay Jehova kasi baka mapuksa din naman ako.” Marami ang nakakaramdam nang ganiyan. Kaya dapat tayong mag-ingat. Isipin na lang kung gaano kasaya si Satanas kung susuko tayo—kahit na hindi naman tayo sinusukuan ni Jehova.​—Ihambing ang 2 Corinto 2:5-7, 11.

14. Paano tayo nakakasigurong hindi tayo sinusukuan ni Jehova?

14 Pero baka maitanong natin, ‘Paano ako makakasigurong hindi ako sinusukuan ni Jehova?’ Kapag naitanong mo iyan, ibig sabihin, mapapatawad ka ni Jehova. Sinabi sa The Watchtower maraming taon na ang nakakaraan: “[Maaaring] masumpungan natin ang ating sarili na natitisod at nabubuwal nang maraming ulit sa isang masamang ugali na nakabaon nang malalim sa ating dating paraan ng pamumuhay kaysa sa natatanto natin. . . . Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghinuha na nakagawa kayo ng di-mapatatawad na pagkakasala. Ganiyan ang ibig ni Satanas na ikatuwiran ninyo. Ang bagay na kayo ay nalungkot at nabalisa ay katunayan sa ganang sarili na hindi naman gayon kalubha ang iyong pagkakasala. Huwag kailanman manghimagod sa mapagpakumbaba at marubdob na pagbaling sa Diyos, anupat hinihingi ang kaniyang pagpapatawad at paglilinis at pagtulong. Lumapit sa kaniya kung papaanong ang isang bata ay lumalapit sa kaniyang ama kapag siya’y may suliranin, gaano man kalimit dahil sa iyon at iyon ding kahinaan, at madamaying tutulungan ka ni Jehova dahil sa kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan.” *

15-16. Ano ang naramdaman ng ilan nang malaman nilang hindi sila sinusukuan ni Jehova?

15 Napatibay ang maraming lingkod ni Jehova nang malaman nilang hindi sila sinusukuan ni Jehova. Halimbawa, ilang taon na ang nakakaraan, napatibay ang isang brother sa isang karanasan sa seryeng “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay.” Sa artikulong iyon, sinabi ng isang sister na dahil sa masasamang nangyari sa kaniya, nahihirapan siyang maniwala na mamahalin pa rin siya ni Jehova. Ganoon pa rin ang nararamdaman niya kahit matagal na siyang bautisado. Pero nang pag-isipan niya ang tungkol sa pantubos, nagbago ang pananaw niya. *

16 Paano nakatulong sa brother ang karanasan ng sister? Sinabi ng brother: “Noong bata pa ako, pinaglabanan ko ang pagka-adik ko sa pornograpya. Kamakailan lang, bumalik na naman ako sa aking bisyo. Humingi ako ng tulong sa mga Kristiyanong elder, at unti-unti kong napagtagumpayan ang aking problema. Tiniyak nila sa akin na mahal ako ng Diyos at naaawa siya sa akin. Pero kung minsan, nadarama ko pa rin na wala akong halaga at hindi ako magagawang mahalin ni Jehova. Talagang nakatulong sa akin ang karanasan [ng sister]. Ngayon, napag-isip-isip kong kapag nadarama kong imposibleng mapatawad ako ng Diyos, para ko na ring sinasabing hindi kayang takpan ng sakripisyo ng kaniyang Anak ang aking mga kasalanan. Ginupit ko ang artikulong ito para mabasa at mabulay-bulay agad kapag nadarama kong wala akong halaga.”

17. Paano naiwasan ni apostol Pablo ang sobrang pagkakonsensiya?

17 Naaalala natin si apostol Pablo sa ganitong mga karanasan. Bago siya maging Kristiyano, nakagawa siya ng malulubhang kasalanan. Tandang-tanda niya pa ang mga ginawa niya, pero hindi siya nagpokus doon. (1 Tim. 1:12-15) Para sa kaniya, ang pantubos ay regalo ng Diyos sa kaniya. (Gal. 2:20) Kaya naiwasan ni Pablo ang sobrang pagkakonsensiya at nagpokus siya sa pagbibigay ng buong makakaya niya para kay Jehova.

MAGPOKUS SA HINAHARAP!

Maging determinado tayo na magpokus sa hinaharap (Tingnan ang parapo 18-19) *

18. Ano ang mga natutuhan natin sa artikulong ito?

18 Ano ang mga natutuhan natin sa artikulong ito? (1) Ang magagandang alaala ay regalo ni Jehova; pero kahit gaano pa man kaganda ang buhay noon, mas maganda pa rin ang buhay sa Paraiso. (2) Baka masaktan tayo ng iba, pero kung magpapatawad tayo, makakapagpokus tayo sa paglilingkod kay Jehova. (3) Puwedeng mawala ang saya natin sa paglilingkod kay Jehova dahil sa sobrang pagkakonsensiya. Kaya gaya ni Pablo, kailangan nating magtiwalang pinatawad na tayo ni Jehova.

19. Paano natin nalaman na sa bagong sanlibutan, hindi na natin maaalala ang mga bagay na nagpapalungkot sa atin?

19 May pag-asa tayo na mabuhay magpakailanman. At sa bagong sanlibutan ng Diyos, hindi na natin maaalala ang mga bagay na nagpapalungkot sa atin. Sinasabi ng Bibliya: “Ang dating mga bagay ay hindi na maaalaala pa.” (Isa. 65:17) Pag-isipan ito: Ang ilan sa atin ay tumanda na sa paglilingkod kay Jehova, pero sa bagong sanlibutan, babata tayo ulit. (Job 33:25) Kaya maging determinado na huwag mabuhay sa nakaraan. Sa halip, magpokus sa bagong sanlibutan at gawin ang buong makakaya para makarating doon!

AWIT 142 Manalig sa Ating Pag-asa

^ par. 5 Maganda namang alalahanin ang nakaraan. Pero kung masyado tayong magpopokus doon, hindi na natin mapapansin ang dapat gawin sa kasalukuyan o malilimutan natin ang magagandang mangyayari sa hinaharap. Tatalakayin sa artikulong ito ang tatlong bagay na dapat iwasan para hindi tayo mabuhay sa nakaraan. Pag-uusapan din natin ang mga prinsipyo sa Bibliya at mga halimbawa sa ngayon na tutulong sa atin para maiwasan ang mga iyon.

^ par. 4 KARAGDAGANG PALIWANAG: Sa artikulong ito, ang ibig sabihin ng “mabuhay sa nakaraan” ay ang laging pag-iisip tungkol sa nakaraan—bukambibig iyon, binabalik-balikan, o hinahanap-hanap.

^ par. 14 Tingnan ang The Watchtower, Pebrero 15, 1954, p. 123.

^ par. 59 LARAWAN: Ang panghihinayang, pagtatanim ng galit, at sobrang pagkakonsensiya ay gaya ng mabibigat na dalahing hinahatak natin at pumipigil sa atin sa paglakad sa daang papunta sa buhay.

^ par. 66 LARAWAN: Kung bibitawan natin ang mabibigat na dalahing iyon, gagaan ang pakiramdam natin, sasaya tayo, at magkakaroon ng panibagong lakas. Pagkatapos, magagawa na nating magpokus sa hinaharap.