Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sina Onésime at Géraldine

Pinagpapala ni Jehova ang mga Bumabalik sa Sariling Bansa

Pinagpapala ni Jehova ang mga Bumabalik sa Sariling Bansa

MARAMING kapatid na lumipat sa mas mauunlad na bansa ang bumalik sa kani-kanilang bansa. Dahil sa pag-ibig kay Jehova at sa mga tao, bumalik sila sa lugar na mas nangangailangan ng mamamahayag ng Kaharian. (Mat. 22:37-39) Ano ang mga isinakripisyo nila, at anong mga pagpapala ang tinanggap nila? Pag-usapan natin ang bansang Cameroon na nasa western Africa.

“NASA TAMANG LUGAR NA AKO PARA ‘MANGISDA’”

Noong 1998, umalis ang brother na si Onésime sa Cameroon at 14 na taóng tumira sa ibang bansa. Minsan, narinig niya sa pulong ang isang ilustrasyon tungkol sa pangangaral. Sinabi ng speaker, “Kung may dalawang magkaibigan na nangingisda sa magkaibang lugar, at y’ong isa ay mas maraming nahuhuli kaysa sa kaibigan niya, hindi ba’t lilipat ang kaibigan niya sa lugar niya kung saan mas maraming nahuhuling isda?”

Dahil dito, naisip ni Onésime na bumalik sa Cameroon kung saan marami ang gustong magpa-Bible study para makatulong sa mga mamamahayag doon. Pero nag-aalala siya. Masasanay pa kaya siyang muli sa bansa niya matapos siyang tumira nang matagal sa ibang bansa? Kaya bumisita muna nang anim na buwan si Onésime sa Cameroon. Pagkatapos, noong 2012, tuluyan na siyang bumalik doon.

Sinabi ni Onésime: “Nag-adjust ako sa mainit na klima at paraan ng pamumuhay dito. Sa Kingdom Hall, kailangan ko ulit umupo sa matigas na bangkô. Pero kapag nakapokus ako sa pulong,” ang sabi niya habang nakangiti, “hindi ko na hinahanap-hanap ang malambot na upuan.”

Noong 2013, napangasawa ni Onésime si Géraldine, na bumalik sa Cameroon matapos tumira nang siyam na taon sa France. Anong mga pagpapala ang tinanggap nila nang magpokus sila sa teokratikong mga gawain? Sinabi ni Onésime: “Nag-aral kaming mag-asawa sa School for Kingdom Evangelizers at naglingkod sa Bethel. Nitong nakaraang taon, 20 Bible study sa kongregasyon namin ang nabautismuhan. Para sa akin, nasa tamang lugar na ako para ‘mangisda.’” (Mar. 1:17, 18) Sinabi naman ni Géraldine: “Hindi ko akalaing ganito karami ang matatanggap kong pagpapala.”

MASAYA ANG PAGGAWA NG ALAGAD

Sina Judith at Sam-Castel

Lumipat si Judith sa United States pero gusto niyang palawakin ang ministeryo niya. Sinabi niya, “Sa tuwing babalik ako sa U.S. matapos bisitahin ang pamilya ko sa Cameroon, naiiyak ako kasi maiiwan ko na naman ang mga napasimulan ko ng Bible study.” Pero hindi pa rin makapagdesisyon si Judith kung babalik siya sa Cameroon. Malaki ang suweldo niya sa U.S. kaya naipapagamot niya ang tatay niya sa Cameroon. Pero dahil nagtitiwala siya kay Jehova, bumalik si Judith sa Cameroon. Inamin niyang nami-miss niya ang komportableng buhay sa ibang bansa. Nanalangin siya kay Jehova na tulungan siyang makapag-adjust, at napatibay din siya ng tagapangasiwa ng sirkito at ng asawa nito.

Naaalala ni Judith, “Sa loob ng tatlong taon, masayang-masaya ako nang mabautismuhan ang apat na Bible study ko.” Naglingkod si Judith bilang special pioneer. Sa ngayon, naglilingkod sila ng asawa niyang si Sam-Castel sa gawaing pansirkito. Pero kumusta na ang tatay ni Judith? Siya at ang pamilya nila ay nakahanap ng ospital sa ibang bansa na sasagot sa operasyon ng tatay niya. Nakakatuwa, naging matagumpay ang operasyon.

TINULUNGAN NI JEHOVA

Sina Caroline at Victor

Ang brother na si Victor ay lumipat sa Canada. Nang mabasa niya ang isang artikulo sa Bantayan tungkol sa pagkuha ng mataas na edukasyon, napaisip siya. Imbes na ipagpatuloy ang kurso niya sa unibersidad, kumuha na lang siya ng maikling kurso. “Nakapagtrabaho agad ako,” ang sabi niya, “at nakapagpayunir, na matagal ko nang gustong gawin.” Nang maglaon, napangasawa ni Victor si Caroline, at bumisita sila sa Cameroon. Nang dumalaw sila sa tanggapang pansangay, pinasigla sila na maglingkod sa Cameroon. Sinabi ni Victor, “Wala kaming maisip na dahilan para tumanggi, at dahil simple naman ang buhay namin, puwede naming tanggapin ang paanyaya.” May ilang problema sa kalusugan si Caroline, pero itinuloy pa rin nila ang paglipat.

Nag-regular pioneer sina Victor at Caroline para makatulong sa mga interesado. Sa umpisa, may nagagamit silang panggastos dahil may ipon sila. Pagkatapos, nagtrabaho sila nang ilang buwan sa Canada, at nakabalik sa Cameroon para ipagpatuloy ang pagpapayunir nila. Anong mga pagpapala ang tinanggap nila? Nag-aral sila sa School for Kingdom Evangelizers, naging special pioneer, at mga construction servant ngayon. Sinabi ni Victor, “Dahil iniwan namin ang mga nakasanayan namin, tinulungan kami ni Jehova.”

MASAYANG MAKATULONG SA MGA TAO NA IALAY ANG KANILANG SARILI KAY JEHOVA

Sina Stéphanie at Alain

Noong 2002, nabasa ni Alain, isang estudyante sa unibersidad sa Germany, ang tract na Mga Kabataan—Ano ang Gagawin Ninyo sa Inyong Buhay? Dahil dito, nagbago siya ng mga tunguhin. Noong 2006, nag-aral siya sa Ministerial Training School at naatasan sa Cameroon, kung saan siya ipinanganak.

Sa Cameroon, nakapagtrabaho nang part-time si Alain. Nang maglaon, nakahanap siya ng trabahong mas malaki ang suweldo, pero nag-alala siyang makakaapekto ito sa ministeryo niya. Kaya nang anyayahan siyang mag-special pioneer, tinanggap niya agad iyon. Inalok siya ng employer niya ng mas mataas na suweldo pero hindi nagbago ang desisyon niya. Napangasawa ni Alain si Stéphanie, na ilang taóng nanirahan sa France. Anong mga hamon ang napaharap kay Stéphanie nang lumipat siya sa Cameroon?

Sinabi niya: “Nagkaroon ako ng ilang sakit at mga allergy, pero nagagamot naman.” Ginantimpalaan ang pagtitiis nilang mag-asawa. Sinabi ni Alain: “Nang mangaral kami sa liblib na nayon ng Katé, marami ang gustong magpa-Bible study. Na-Bible study namin sila sa phone. Dalawa sa kanila ang nabautismuhan at isang grupo ng mamamahayag ang nabuo.” Sinabi pa ni Stéphanie: “Napakasayang makatulong sa mga tao na ialay ang kanilang sarili kay Jehova. Maraming beses naming naranasan iyan sa paglilingkod dito.” Sa ngayon, sina Alain at Stéphanie ay naglilingkod sa gawaing pansirkito.

“GINAWA LANG NAMIN ANG DAPAT NAMING GAWIN”

Sina Léonce at Gisèle

Nabautismuhan si Gisèle habang nag-aaral sa medical school sa Italy. Hangang-hanga siya sa simpleng buhay ng mag-asawang payunir na nag-study sa kaniya at gusto niyang mapalawak pa ang ministeryo niya. Kaya nag-regular pioneer si Gisèle habang tinatapos ang pag-aaral niya.

Gusto ni Gisèle na mas mapaglingkuran si Jehova sa Cameroon, pero nag-aalala siya. Sinabi niya, “Kailangan kong isakripisyo ang Italian residency ko at mapawalay sa mga kaibigan at kapamilya ko sa Italy.” Pero kahit ganoon, bumalik pa rin si Gisèle sa Cameroon noong Mayo 2016. Di-nagtagal, napangasawa niya si Léonce, at inirekomenda ng tanggapang pansangay sa Cameroon na lumipat sila sa bayan ng Ayos, na may malaking pangangailangan sa mamamahayag ng Kaharian.

Kumusta naman ang buhay sa Ayos? Ikinuwento ni Gisèle: “Madalas na ilang linggong walang kuryente kaya hindi kami makapag-charge ng cellphone. Halos hindi namin magamit ang mga iyon. Natuto akong magluto sa kahoy, at nagdadala kami ng kartilya at flashlight para sumalok ng tubig sa bukal sa gabi, kung kailan wala nang masyadong tao.” Paano nila iyon nakayanan? Sinabi ni Gisèle: “Nakatulong sa amin ang banal na espiritu ni Jehova, pagtutulungan naming mag-asawa, at pampatibay ng mga kapamilya at kaibigan at paminsan-minsang pinansiyal na suporta nila.”

Naging masaya ba si Gisèle nang bumalik siya sa bansa niya? “Oo, walang kaduda-duda,” ang sabi niya. “Noong una, nahirapan kami at pinanghinaan ng loob. Pero nang mapagtagumpayan namin ang mga iyon, nadama naming mag-asawa na ginawa lang namin ang dapat naming gawin. Nagtiwala kami kay Jehova at mas napalapít sa kaniya.” Nag-aral sina Léonce at Gisèle sa School for Kingdom Evangelizers at naglilingkod ngayon bilang temporary special pioneer.

Gaya ng mga mangingisda na sinusuong ang iba’t ibang sitwasyon para makahuli ng maraming isda, ang mga bumalik sa kanilang sariling bansa ay handa ring magsakripisyo para makatulong sa mga tumutugon sa mensahe ng Kaharian. Siguradong hindi malilimutan ni Jehova ang masisipag na mamamahayag na ito dahil sa pag-ibig na ipinakita nila para sa kaniyang pangalan. (Neh. 5:19; Heb. 6:10) Kung nasa ibang bansa ka at nangangailangan ng mángangarál ng Kaharian sa bansang pinagmulan mo, magagawa mo kayang bumalik? Kung gagawin mo iyan, tatanggap ka ng maraming pagpapala.​—Kaw. 10:22.