ARALING ARTIKULO 47
Gaano Katibay ang Pananampalataya Mo?
“Huwag mabagabag ang mga puso ninyo. Manampalataya kayo.”—JUAN 14:1.
AWIT 119 Dapat Magkaroon ng Pananampalataya
NILALAMAN *
1. Ano ang puwede nating maitanong sa sarili?
NAG-AALALA ka ba kung minsan kapag naiisip mo ang mga mangyayari sa hinaharap—ang pagkawasak ng huwad na relihiyon, ang pag-atake ni Gog ng Magog, at ang digmaan ng Armagedon? Naitatanong mo rin ba, ‘Kapag nangyari ang mga iyon, makakapanatili ba akong tapat?’ Kung naiisip mo ang tanong na iyan, makakatulong ang mga sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Huwag mabagabag ang mga puso ninyo. Manampalataya kayo.” (Juan 14:1) Makakatulong ang matibay na pananampalataya para makayanan natin ang mga mangyayari sa hinaharap.
2. Paano natin mapapatibay ang ating pananampalataya, at ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
2 Mapapatibay ang pananampalataya natin para sa mga pagsubok na darating kung pag-iisipan natin kung paano natin hinaharap ang mga pagsubok ngayon. Kung gagawin kasi natin iyan, makikita natin kung paano pa natin mas mapapatibay ang ating pananampalataya. Sa bawat pagsubok na nalalampasan natin, lalong tumitibay ang ating pananampalataya. Naihahanda tayo nito para sa mga pagsubok na darating. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang apat na sitwasyon na naranasan ng mga alagad ni Jesus, na nagpapakita na kailangan nila ng higit pang pananampalataya. Tatalakayin din natin kung paano natin puwedeng maranasan ang mga ito, at kung paano tayo maihahanda ng mga ito para sa hinaharap.
MANAMPALATAYA NA ILALAAN NG DIYOS ANG PANGANGAILANGAN NATIN
3. Ayon sa Mateo 6:30, 33, ano ang idiniin ni Jesus tungkol sa pananampalataya?
3 Normal lang na gusto ng isang ulo ng pamilya na maglaan ng pagkain, damit, at tirahan para sa pamilya niya. Pero hindi ito laging madali kasi mahirap ang buhay ngayon. May ilang kapatid na nawalan ng trabaho. At kahit ginawa na nila ang lahat, hindi pa rin sila makahanap ng trabaho. Tinanggihan naman ng iba ang isang trabaho kasi hindi ito angkop para sa mga Kristiyano. Sa lahat ng ito, kailangan natin ng matibay na pananampalataya na talagang ilalaan ni Jehova ang pangangailangan ng pamilya natin. Idiniin ito ni Jesus sa mga alagad niya sa Sermon sa Bundok. (Basahin ang Mateo 6:30, 33.) Kung buo ang tiwala natin na hindi tayo papabayaan ni Jehova, magagawa nating unahin ang Kaharian. Habang nakikita natin na inilalaan ni Jehova ang mga materyal na pangangailangan natin, mas magiging totoo siya sa atin at titibay ang ating pananampalataya.
4-5. Ano ang nakatulong sa isang pamilya noong nag-aalala sila kung saan sila kukuha ng pangangailangan nila?
4 Tingnan ang halimbawa ng isang pamilya sa Venezuela. Naranasan nila ang tulong ni Jehova noong nag-aalala sila kung saan sila kukuha ng pangangailangan nila. Dati, sapat naman ang kinikita ng pamilyang Castro sa sarili nilang bukid. Pero kinamkam ng isang armadong grupo ang lupa nila at pinaalis sila roon. Sinabi ng ulo ng pamilya, si Miguel: “Umaasa na lang kami sa isang maliit na lupa na hindi naman sa amin. Araw-araw, nakikiusap ako kay Jehova na ilaan ang pangangailangan namin para sa araw na iyon.” Hiráp sa buhay ang pamilyang ito. Pero buo ang pananampalataya nila na maibibigay ng ating maibiging Ama ang pangangailangan nila. Kaya naman, regular na dumadalo at nangangaral ang pamilyang Castro. Inuna nila ang Kaharian, at inilaan ni Jehova ang pangangailangan nila.
5 Nagpokus si Miguel at ang asawa niyang si Yurai sa pagtulong sa kanila ni Jehova, imbes na sa mahirap na kalagayan nila. Minsan, ginagamit ni Jehova ang mga kapatid para magbigay ng tulong o para makahanap si Miguel ng trabaho. May mga pagkakataon din na nakakatanggap sila ng tulong mula sa tanggapang pansangay. Hindi sila iniwan ni Jehova, kaya lalong tumibay ang pananampalataya nila. Pagkatapos magkuwento kung paano sila tinulungan ni Jehova, sinabi ng anak nilang si Yoselin: “Nakaka-touch talaga kapag nakikita mong tinutulungan ka ni Jehova. Para sa akin, isa siyang kaibigan na maaasahan ko habambuhay.” Sinabi pa niya: “Nakatulong ang mga pinagdaanan ng pamilya namin para maihanda kami sa mas matitindi pang pagsubok na darating.”
6. Paano mo mapapatibay ang pananampalataya mo kapag nagkaproblema ka sa pinansiyal?
6 May problema ka ba sa pinansiyal? Kung oo, tiyak na nahihirapan ka. Pero magandang pagkakataon ito para mapatibay ang pananampalataya mo. Manalangin at basahin ang sinasabi ni Jesus sa Mateo 6:25-34 at bulay-bulayin ito. Pag-isipan ang mga karanasan ngayon na nagpapakita na pinaglalaanan ni Jehova ang mga abala sa paglilingkod sa kaniya. (1 Cor. 15:58) Mapapatibay nito ang tiwala mo na tutulungan ka ni Jehova kung paanong tinulungan niya ang iba. Alam niya ang pangangailangan mo, at alam din niya kung paano niya iyon ibibigay. Kapag nakikita mo na tinutulungan ka ni Jehova, lalong titibay ang pananampalataya mo kaya makakayanan mo ang mas mabibigat na pagsubok sa hinaharap.—Hab. 3:17, 18.
MANAMPALATAYA NA MAKAKAYANAN MO ANG “MALAKAS NA BAGYO”
7. Ayon sa Mateo 8:23-26, paano nasubok ng “malakas na bagyo” ang pananampalataya ng mga alagad?
7 Inabutan ng malakas na bagyo si Jesus at ang mga alagad niya sa lawa. At ginamit ni Jesus ang pagkakataong iyon para makita nila na kailangan nila ng mas matibay na pananampalataya. (Basahin ang Mateo 8:23-26.) Habang binabayo sila ng malakas na bagyo, at pinapasok na ng tubig ang bangka, ang sarap ng tulog ni Jesus. Takot na takot ang mga alagad. Kaya ginising nila si Jesus, at sinabing iligtas sila. Pero sinabi ng Panginoon sa kanila: “Bakit takot na takot kayo? Bakit ang liit ng pananampalataya ninyo?” Dapat sana’y naintindihan na nila na kayang-kayang protektahan ni Jehova si Jesus at ang mga kasama niya. Nakikita mo ba ang koneksiyon nito sa panahon natin? Kung matibay ang pananampalataya natin, makakaya natin ang anumang “malakas na bagyo,” literal man ito o problema.
8-9. Paano nasubok ang pananampalataya ni Anel, at ano ang nakatulong sa kaniya?
8 Tingnan ang halimbawa ni Anel, isang kapatid na dalaga na taga-Puerto Rico. Tumibay ang pananampalataya niya dahil sa pinagdaanan niyang pagsubok. Totoong “malakas na bagyo” ang naranasan niya. Noong 2017, sinira ng Bagyong Maria ang bahay ni Anel. At dahil din sa bagyo, nawalan siya ng trabaho. “Alalang-alala talaga ako no’n,” ang sabi ni Anel, “pero patuloy akong nananalangin kay Jehova at ipinapakita kong nagtitiwala ako sa kaniya. Hindi ko hinayaan na masyado akong maapektuhan ng pag-aalala.”
9 Sinabi ni Anel na nakatulong din sa kaniya ang pagsunod para makayanan ang problema niya. Sinabi niya: “Nakatulong sa akin ang pagsunod sa tagubilin ng organisasyon para manatili akong kalmado. Ginamit ni Jehova ang mga kapatid para patibayin ako at maglaan ng materyal na tulong.” Sinabi pa niya: “Sobra-sobra ang ibinigay sa akin ni Jehova at lalo pang tumibay ang pananampalataya ko.”
10. Ano ang puwede mong gawin kapag napaharap ka sa isang “malakas na bagyo”?
10 May pinagdaraanan ka bang “malakas na bagyo”? Baka naghihirap ka ngayon dahil sa isang likas na sakuna. O baka dumaranas ka ng tulad-bagyong problema gaya ng malubhang sakit, kaya lungkot na lungkot ka at hindi mo na alam ang gagawin. Baka minsan nag-aalala ka, pero huwag mong hayaang mawala ang tiwala mo kay Jehova. Lumapit ka kay Jehova at marubdob na manalangin. Bulay-bulayin kung paano ka tinulungan ni Jehova noon para tumibay ang pananampalataya mo. (Awit ) Makakatiyak ka na hinding-hindi ka papabayaan ni Jehova kailanman. 77:11, 12
11. Bakit dapat tayong sumunod sa mga nangangasiwa sa atin?
11 Ano pa ang makakatulong sa iyo para makayanan ang mga pagsubok? Gaya ng sinabi ni Anel, pagsunod. Sikaping magtiwala sa mga pinagkakatiwalaan ni Jehova at ni Jesus. Kung minsan, baka hindi natin maintindihan kung bakit ganoon ang tagubilin ng mga inatasang mangasiwa sa atin. Pero pinagpapala ni Jehova ang mga masunurin. Makikita natin sa Salita niya at sa karanasan ng tapat na mga lingkod na nagliligtas ng buhay ang pagsunod. (Ex. 14:1-4; 2 Cro. 20:17) Kung bubulay-bulayin mo ang mga halimbawang iyon, lalo kang magiging determinado na makipagtulungan sa mga kaayusan ng organisasyon ngayon at sa hinaharap. (Heb. 13:17) At hindi ka matatakot sa mas malakas na bagyo na malapit nang dumating.—Kaw. 3:25.
MANAMPALATAYA NA MAKAKAYANAN MO ANG KAWALANG-KATARUNGAN
12. Batay sa Lucas 18:1-8, ano ang kaugnayan ng pananampalataya sa pagtitiis ng kawalang-katarungan?
12 Alam ni Jesus na daranas ng kawalang-katarungan ang mga alagad niya at masusubok ang pananampalataya nila. Para makayanan ito, nagbigay siya ng isang ilustrasyon na makikita sa aklat ng Lucas. Tungkol ito sa isang biyuda na paulit-ulit na humihingi ng katarungan sa isang di-matuwid na hukom. Nagtitiwala siya na kung pursigido siya, pagbibigyan siya ng hukom. Nang bandang huli, pinagbigyan nga siya. Ang aral? Si Jehova ay hindi katulad ng di-matuwid na hukom. Makatarungan siya. Kaya sinabi ni Jesus: “Kung gayon, hindi ba sisiguraduhin din ng Diyos na mabigyan ng katarungan ang mga pinili niya na dumaraing sa kaniya araw at gabi?” (Basahin ang Lucas 18:1-8.) Sinabi pa ni Jesus: “Kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang makikita niya ang ganitong pananampalataya sa lupa?” Kapag dumaranas tayo ng kawalang-katarungan, kailangan nating maging matiisin at matiyaga para ipakitang matibay ang pananampalataya natin gaya ng sa biyuda. Kapag ganiyan ang pananampalataya natin, makakapagtiwala tayo na tutulungan tayo ni Jehova. Tandaan din na napakamakapangyarihan ng panalangin. At kung minsan, sinasagot ni Jehova ang panalangin natin sa paraang hindi natin inaasahan.
13. Paano nakatulong ang panalangin sa isang pamilya na nakaranas ng kawalang-katarungan?
13 Tingnan natin ang karanasan ng sister na si Vero, na nakatira sa Democratic Republic of the Congo. Nilusob ng isang grupo ng mga sundalo ang nayon nila. Kaya kinailangang tumakas ni Vero, ng asawa niyang di-Saksi, at ng anak nilang babae na 15 taóng gulang. Kaya lang, nahuli sila pagdating sa checkpoint at pinagbantaang papatayin. Iyak nang iyak si Vero, kaya nanalangin nang malakas ang anak nila para pakalmahin siya, at ilang beses nitong binanggit ang pangalan ni Jehova. Pagkatapos niyang manalangin, tinanong siya ng commander ng grupo, “Sino’ng nagturo sa ’yong manalangin?” Sumagot siya, “Si Nanay po, itinuro niya y’ong nasa Mateo 6:9-13.” Sinabi ng commander, “Makakaalis na kayong tatlo, at ingatan sana kayo ng Diyos ninyong si Jehova!”
14. Ano ang puwedeng sumubok sa pananampalataya natin, at ano ang tutulong sa atin na makayanan ito?
14 Tinuturuan tayo ng mga karanasang iyon na huwag maliitin ang panalangin. Pero paano kung hindi sagutin agad ni Jehova ang panalangin natin o hindi ito gaya ng pagsagot niya sa panalangin ng anak ni Vero? Gaya ng biyuda sa ilustrasyon ni Jesus, patuloy na manalangin. Magtiwala na hindi ka iiwan ng Diyos, at na sasagutin niya sa tamang panahon ang panalangin mo. Patuloy na makiusap kay Jehova na bigyan ka ng banal na espiritu. (Fil. 4:13) Tandaan na malapit nang ibuhos sa iyo ni Jehova ang mga pagpapala. Kaya malilimutan mo na ang pinagdaanan mong mga pagdurusa. Habang nakikita mong tinutulungan ka ni Jehova na makayanan ang mga pagsubok, titibay ang pananampalataya mo na mahaharap mo ang anumang pagsubok na darating.—1 Ped. 1:6, 7.
MANAMPALATAYA NA MAKAKAYANAN MO ANG MGA PROBLEMA
15. Ayon sa Mateo 17:19, 20, anong problema ang napaharap sa mga alagad ni Jesus?
15 Itinuro ni Jesus sa mga alagad niya na makakatulong ang pananampalataya para makayanan nila ang mga problema. (Basahin ang Mateo 17:19, 20.) Sa isang pagkakataon, hindi nila mapalayas ang demonyo, kahit nagawa na nila ito dati. Bakit kaya? Ipinaliwanag ni Jesus na kailangan nila ng mas malaking pananampalataya. Sinabi niya na kapag malaki ang pananampalataya nila, makakayanan nila ang gabundok na mga problema. Sa ngayon, baka napapaharap din tayo sa mga problema na parang hindi natin kaya.
16. Paano nakatulong ang pananampalataya para makayanan ni Geydi ang trahedya at matinding kalungkutan?
16 Tingnan ang karanasan ni Geydi, isang sister na taga-Guatemala. Pinatay ang asawa niyang si Edi habang pauwi sila mula sa pulong. Paano nakatulong kay Geydi ang pananampalataya para makayanan ang matinding kalungkutan? Sinabi niya: “Napapanatag ako kapag inihahagis ko kay Jehova sa panalangin ang mga álalahanín ko. Ginagamit ni Jehova ang mga kapamilya at kaibigan ko sa kongregasyon para ipakitang mahal niya ako. Nababawasan din ang sakit na nararamdaman ko kapag abala ako sa paglilingkod kay Jehova. Nakakatulong iyon sa akin para makapagpatuloy ako sa araw-araw nang hindi masyadong nag-aalala. Sa naranasan kong ito, natutuhan ko na anumang pagsubok ang mapaharap sa akin, makakayanan ko iyon sa tulong ni Jehova, ni Jesus, at ng organisasyon.”
17. Ano ang puwede nating gawin kapag napapaharap sa gabundok na mga problema?
17 Sobra ka bang nalulungkot dahil sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay? Basahin ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa mga taong binuhay-muli para tumibay ang pananampalataya mo sa pag-asang ito. Nalulungkot ka ba dahil natiwalag ang isang kapamilya mo? Mag-aral para maintindihan mo na laging tama ang paraan ng pagdidisiplina ng Diyos. Anuman ang problema mo ngayon, ituring mo itong pagkakataon para patibayin ang pananampalataya mo. Sabihin mo kay Jehova ang eksaktong nararamdaman mo. Huwag mong ibukod ang sarili mo. Manatili kang malapít sa mga kapatid. (Kaw. 18:1) Makibahagi sa mga gawaing tutulong sa iyo na makapagtiis, kahit naiiyak ka pa dahil sa kalungkutan. (Awit 126:5, 6) Regular ka pa ring dumalo sa mga pulong, makibahagi sa paglilingkod sa larangan, at magbasa ng Bibliya. Magpokus sa mga pagpapalang ibibigay sa iyo ni Jehova sa hinaharap. Kapag nakikita mo kung paano ka tinutulungan ni Jehova, lalong titibay ang pananampalataya mo.
“PALAKASIN MO ANG PANANAMPALATAYA NAMIN”
18. Kapag nakita mo na hindi ganoon katibay ang pananampalataya mo, ano ang puwede mong gawin?
18 Baka nakita mo na hindi ganoon katibay ang pananampalataya mo dahil sa pinagdaanan mo o sa nararanasan mo ngayon. Pero huwag kang panghinaan ng loob. Ituring mo itong pagkakataon para patibayin ang pananampalataya mo. Tularan ang mga apostol ni Jesus na nagsabi: “Palakasin mo ang pananampalataya namin.” (Lucas 17:5) Pag-isipan din ang mga karanasan na binanggit sa artikulong ito. Gaya nina Miguel at Yurai, alalahanin ang mga panahon na tinulungan ka ni Jehova. Gaya ni Anel at ng anak ni Vero, marubdob na manalangin kay Jehova, lalo na sa panahon ng krisis. At gaya ni Geydi, makita mo sana na ginagamit ni Jehova ang mga kapamilya o kaibigan mo para ilaan ang pangangailangan mo. Kapag hinahayaan mong tulungan ka ni Jehova na malampasan ang mga problema mo ngayon, lalo kang magtitiwala na tutulungan ka niya na makayanan ang anumang pagsubok na puwedeng mapaharap sa iyo.
19. Ano ang natitiyak ni Jesus, at ano ang matitiyak mo?
19 Tinulungan ni Jesus ang mga alagad niya na makita kung saan sila nangangailangan ng higit na pananampalataya. Pero alam niya na sa tulong ni Jehova, makakayanan nila ang mga darating na pagsubok. (Juan 14:1; 16:33) Nakakatiyak si Jesus na makakaligtas ang malaking pulutong sa malaking kapighatian dahil sa matibay na pananampalataya. (Apoc. 7:9, 14) Kasama ka kaya sa makakaligtas? Dahil sa walang-kapantay na kabaitan ni Jehova, makakaligtas ka kung gagawin mo ang lahat ng magagawa mo ngayon para patibayin ang pananampalataya mo!—Heb. 10:39.
AWIT 118 Palakasin Mo ang Aming Pananampalataya
^ par. 5 Gustong-gusto na nating matapos ang masamang sistemang ito. Pero baka maisip natin, matibay na ba talaga ang pananampalataya natin para makapagtiis hanggang sa wakas? Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga karanasan at mga aral na makakatulong para tumibay ang pananampalataya natin.