ARALING ARTIKULO 46
Mga Bagong Kasal—Magpokus sa Paglilingkod kay Jehova
“Si Jehova ang aking lakas . . . Sa kaniya nagtitiwala ang puso ko.”—AWIT 28:7.
AWIT 131 Ang Pinagsama ng Diyos
NILALAMAN *
1-2. (a) Bakit dapat magtiwala kay Jehova ang mga bagong kasal? (Awit 37:3, 4) (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
MALAPIT ka na bang ikasal? O bagong kasal pa lang? Siguradong gusto mong maging masaya ang buhay mo kasama ng pinakamamahal mo. Pero siyempre, nagkakaproblema rin ang mga mag-asawa, at may mahahalagang desisyon sila na dapat gawin. Nakadepende ang kaligayahan ninyong mag-asawa sa mga desisyong gagawin ninyo. Kung magtitiwala kayo kay Jehova, makakagawa kayo ng tamang mga desisyon, lalong titibay ang pagsasama ninyo, at magiging mas masaya kayo. Kung hindi kayo aasa sa Diyos, malaki ang posibilidad na magkaroon kayo ng mga problema na puwedeng makaapekto sa pagsasama ninyo, at hindi kayo magiging masaya.—Basahin ang Awit 37:3, 4.
2 Kahit para sa mga bagong kasal ang artikulong ito, tatalakayin natin ang mga problema na puwedeng maranasan ng lahat ng mag-asawa. Tingnan natin kung ano ang matututuhan natin sa mga tapat na lalaki at babae noong panahon ng Bibliya. May mapupulot tayong aral sa kanila na magagamit natin sa ating buhay pati na sa pag-aasawa. Alamin din natin kung ano ang matututuhan natin sa mga karanasan ng ilang mag-asawa sa ngayon.
ANO ANG POSIBLENG MAGING PROBLEMA NG MGA BAGONG KASAL?
3-4. Ano ang posibleng maging problema ng mga bagong kasal?
3 Baka payuhan ng ilan ang bagong kasal na magkaroon ng “normal” na buhay. Halimbawa, baka pilitin sila ng mga magulang at ng ibang kamag-anak nila na mag-anak agad. O baka sabihin naman ng ilang malalapít na kaibigan at kapamilya na bumili sila ng bahay at iba’t ibang gamit.
4 Kung hindi mag-iingat ang mag-asawa, baka mabaon sila sa utang dahil sa mga gagawin nilang desisyon. Kapag nangyari iyon, baka kailanganin ng mag-asawa na magtrabaho nang mas maraming oras para mabayaran ang mga utang na iyon. Kakainin nito ang oras na para sana sa personal na pag-aaral, pampamilyang pagsamba, at ministeryo. Baka hindi na rin sila makadalo dahil sa pag-o-overtime. Gagawin nila iyon para kumita nang mas malaki o para hindi sila mawalan ng trabaho. Kapag nangyari iyan, sayang ang magagandang pagkakataon na higit pang mapaglingkuran si Jehova.
5. Ano ang matututuhan ninyo sa karanasan nina Klaus at Marisa?
5 Ipinapakita ng mga karanasan na kung magpopokus tayo sa materyal na mga bagay, hindi tayo magiging masaya. Tingnan ang karanasan nina Klaus at Marisa. * Noong bagong kasal sila, pareho silang nagtatrabaho nang full-time para maging maalwan ang buhay nila. Pero hindi sila naging masaya. Sinabi ni Klaus: “Sagana kami sa materyal, pero wala naman kaming mga espirituwal na tunguhin. Ang totoo, ang gulo ng buhay namin at lagi kaming nai-stress.” Siguro napansin din ninyo na hindi talaga kayo masaya kapag nakapokus kayo sa materyal na mga bagay. Pero huwag kayong mawalan ng pag-asa. Matutulungan kayo ng magagandang halimbawa ng iba. Una, talakayin natin kung ano ang matututuhan ng mga asawang lalaki kay Haring Jehosapat.
MAGTIWALA KAY JEHOVA GAYA NI HARING JEHOSAPAT
6. Paano sinunod ni Haring Jehosapat ang prinsipyo sa Kawikaan 3:5, 6 nang magkaroon siya ng malaking problema?
6 Mga asawang lalaki, nabibigatan ba kayo kung minsan sa dami ng responsibilidad ninyo? May matututuhan kayo sa halimbawa ni Haring Jehosapat. Bilang hari, napakalaki ng responsibilidad ni Jehosapat. Kailangan niyang tiyakin ang kaligtasan ng buong bansa! Ginawa niya ang lahat para maprotektahan ang mga nasasakupan niya. Nagtayo siya ng tanggulan sa mga lunsod ng Juda at bumuo ng isang malaking hukbo ng mahigit 1,160,000 sundalo. (2 Cro. 17:12-19) Pagkatapos, nagkaroon ng malaking problema si Jehosapat. Bumuo ng malaking hukbo ang mga Ammonita, Moabita, at mga lalaki mula sa mabundok na rehiyon ng Seir, at pinagbantaan si Jehosapat, ang pamilya niya, at ang bayan niya. (2 Cro. 20:1, 2) Ano ang ginawa ni Jehosapat? Humingi siya ng tulong at lakas kay Jehova. Kaayon ito ng matalinong payo sa Kawikaan 3:5, 6. (Basahin.) Makikita sa panalangin ni Jehosapat sa 2 Cronica 20:5-12 ang kapakumbabaan niya. Ipinapakita rin nito na ganoon na lang kalaki ang tiwala niya sa maibiging Ama niya sa langit. Paano siya sinagot ni Jehova?
7. Paano sinagot ni Jehova ang panalangin ni Jehosapat?
7 Ginamit ni Jehova ang Levitang si Jahaziel para kausapin si Jehosapat. Sinabi ni Jehova: “Pumunta kayo sa inyong mga puwesto, manatili kayong nakatayo, at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Jehova sa inyo.” (2 Cro. 20:13-17) Hindi iyon ang karaniwang ginagawa sa mga digmaan! Pero hindi tao ang nagsabi nito kundi si Jehova. Dahil nagtitiwala si Jehosapat sa Diyos, sinunod niya ang sinabi ni Jehova. Nang haharapin na nila ang mga kalaban, hindi niya inilagay sa unahan ang mahuhusay na sundalo kundi ang mga mang-aawit. Tinupad ni Jehova ang pangako niya kay Jehosapat. Tinalo Niya ang kalaban.—2 Cro. 20:18-23.
8. Ano ang matututuhan ng mga asawang lalaki sa halimbawa ni Jehosapat?
8 Mga asawang lalaki, may matututuhan kayo sa halimbawa ni Jehosapat. Responsibilidad ninyong pangalagaan ang inyong pamilya. Kaya nagsisikap kayong protektahan at ilaan ang pangangailangan nila. Kapag may mga problema, baka isipin ninyo na kaya ninyong solusyunan ang mga ito nang mag-isa. Pero iwasan ang tendensiya na umasa sa sariling lakas. Manalangin para sa tulong ni Jehova. Marubdob ding manalangin kasama ng inyong asawa. At para malaman ang mga tagubilin ni Jehova, pag-aralan ang Bibliya at mga publikasyon na inilalaan ng organisasyon ng Diyos, at sundin ang mga ito. Baka hindi sang-ayon ang iba sa mga desisyong gagawin ninyo, at sabihin nila na hindi iyon praktikal. Baka sabihin nila na napakahalaga ng pera at ng iba pang materyal na mga bagay para sa seguridad ng pamilya ninyo. Pero huwag kalimutan ang halimbawa ni Jehosapat. Nagtiwala siya kay Jehova at pinatunayan niya iyon sa gawa. Hindi iniwan ni Jehova ang tapat na si Jehosapat. At hindi rin niya kayo iiwan. (Awit 37:28; Heb. 13:5) Ano naman ang puwedeng gawin ng mag-asawa para maging masaya ang pagsasama nila?
MAGPOKUS SA PAGLILINGKOD KAY JEHOVA GAYA NI PROPETA ISAIAS AT NG ASAWA NIYA
9. Ano ang matututuhan natin kay propeta Isaias at sa asawa niya?
9 Paglilingkod kay Jehova ang pinakamahalaga kay propeta Isaias at sa asawa niya. Malamang na inatasan ding manghula ang asawa niya dahil tinawag itong “propetisa.” (Isa. 8:1-4) Bilang mag-asawa, nagpokus sila sa pagsamba kay Jehova. Napakaganda ng halimbawa nila para sa mga mag-asawa ngayon!
10. Paano makakatulong sa mga mag-asawa ang pag-aaral ng mga hula sa Bibliya?
10 Matutularan ng mga mag-asawa ngayon si Isaias at ang asawa niya kung gagawin nila ang buong makakaya nila sa paglilingkod kay Jehova. Kapag magkasamang pinag-aaralan ng mag-asawa ang mga hula sa Bibliya at nakikita nila na laging natutupad ang mga ito, * lalo silang magtitiwala kay Jehova. (Tito 1:2) Puwede nilang pag-usapan kung ano ang magagawa nila para sa katuparan ng ilang hula sa Bibliya. Halimbawa, makakatulong sila sa katuparan ng hula ni Jesus na ipapangaral sa buong lupa ang mabuting balita bago dumating ang wakas. (Mat. 24:14) Habang mas nagtitiwala ang mag-asawa na natutupad ang mga hula sa Bibliya, lalo silang magsisikap na gawin ang buong makakaya nila sa paglilingkod kay Jehova.
UNAHIN ANG KAHARIAN GAYA NINA PRISCILA AT AQUILA
11. Ano ang mga nakayang gawin nina Priscila at Aquila, at bakit?
11 May matututuhan ang mga bagong kasal kina Priscila at Aquila, isang mag-asawang Judio na nakatira sa lunsod ng Roma. Nalaman nila ang mabuting balita tungkol kay Jesus, at naging mga Kristiyano sila. Siguradong masaya sila sa kalagayan nila. Pero nagbago ang sitwasyon nila nang paalisin ni Emperador Claudio ang lahat ng Judio sa Roma. Isipin na lang ang epekto nito kina Aquila at Priscila. Kailangan nilang iwan ang lugar na kinasanayan nila, lumipat ng bagong bahay, at magsimula ulit ng negosyo na paggawa ng tolda sa ibang lugar. Pero nakaapekto ba sa paglilingkod nila kay Jehova ang bago nilang kalagayan? Siguro alam na ninyo ang sagot. Sa bago nilang tirahan sa Corinto, tumulong sina Aquila at Priscila sa kongregasyon doon at sumama sila kay apostol Pablo para patibayin ang mga kapatid. Pagkatapos, lumipat sila sa iba pang bayan kung saan mas malaki ang pangangailangan. (Gawa 18:18-21; Roma 16:3-5) Tiyak na naging masaya ang paggawang magkasama nina Aquila at Priscila!
12. Bakit kailangang umabót ng espirituwal na mga tunguhin ang mag-asawa?
12 Matutularan ng mga mag-asawa ngayon sina Priscila at Aquila kung uunahin nila ang Kaharian. Sa umpisa pa lang, magandang pag-usapan na ng magkasintahan kung ano ang mga tunguhin nila sa buhay. Kapag pinag-uusapan nila ang mga tunguhin nila sa paglilingkod kay Jehova at nagsisikap na abutin ang mga ito, mas mararamdaman nila ang tulong ni Jehova. (Ecles. 4:9, 12) Tingnan ang karanasan nina Russell at Elizabeth. Sinabi ni Russell, “Bago pa kami ikasal, pinag-uusapan na namin kung ano ang mga tunguhin namin.” Sinabi naman ni Elizabeth, “Pinag-usapan namin iyon para kapag kailangan na naming gumawa ng mga desisyon, masisiguro namin na hindi ito makakaapekto sa espirituwal na mga tunguhin namin.” Kaya nakapaglingkod sina Russell at Elizabeth sa Micronesia bilang mga need-greater.
13. Ayon sa Awit 28:7, ano ang magiging resulta kung magtitiwala tayo kay Jehova?
13 Gaya nina Russell at Elizabeth, maraming mag-asawa ang nagpasimple ng buhay para mas marami silang panahon sa pagtuturo at pangangaral ng mabuting balita. Kapag may espirituwal na mga tunguhin ang mag-asawa at nagtutulungan sila na maabot ang mga iyon, tiyak na magiging maganda ang resulta. Makikita nila na mahal sila ni Jehova, titibay ang pagtitiwala nila sa kaniya, at talagang magiging masaya sila.—Basahin ang Awit 28:7.
MAGTIWALA SA MGA PANGAKO NI JEHOVA GAYA NI APOSTOL PEDRO AT NG ASAWA NIYA
14. Paano ipinakita ni apostol Pedro at ng asawa niya na nagtitiwala sila sa pangako na nasa Mateo 6:25, 31-34?
14 May matututuhan din ang mga mag-asawa sa halimbawa ni apostol Pedro at ng asawa niya. Wala pang isang taon matapos makilala ni Pedro si Jesus, kinailangan niyang gumawa ng isang mahalagang desisyon. Pangingisda ang ikinabubuhay ni Pedro, kaya nang anyayahan ni Jesus si Pedro na maging tagasunod niya, kailangan niya munang isaalang-alang ang asawa niya bago magdesisyon. (Luc. 5:1-11) Nagpasiya si Pedro na sumama kay Jesus sa gawaing pangangaral. Tama ang naging desisyon niya! At masasabi natin na sinuportahan siya ng asawa niya sa desisyon niya. Ipinapahiwatig ng Bibliya na may mga panahong sumama kay Pedro ang asawa niya sa paglalakbay matapos buhaying muli si Jesus. (1 Cor. 9:5) Dahil sa magandang halimbawa na ipinakita ng asawa ni Pedro, may kalayaang magpayo si Pedro sa mga Kristiyanong asawang lalaki at babae. (1 Ped. 3:1-7) Kitang-kita natin na nagtiwala si Pedro at ang asawa niya sa pangako ni Jehova na ibibigay niya ang lahat ng pangangailangan nila kung uunahin nila ang Kaharian.—Basahin ang Mateo 6:25, 31-34.
15. Ano ang matututuhan ninyo sa karanasan nina Tiago at Esther?
15 Kung matagal-tagal na rin kayong kasal, paano pa ninyo mapapalawak ang inyong ministeryo? Makakatulong ang karanasan ng ibang mag-asawa. Puwede ninyong basahin ang seryeng “Kusang-loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili.” Nakatulong ang mga artikulong ito kina Tiago at Esther, isang mag-asawa sa Brazil, para makapaglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Sinabi ni Tiago: “Kapag nababasa namin kung paano tinutulungan ni Jehova ang mga lingkod niya sa ngayon, gusto rin naming maranasan iyon.” Di-nagtagal, lumipat sila sa Paraguay. At mula noong 2014, naglilingkod na sila sa teritoryong nagsasalita ng Portuguese. Sinabi ni Esther: “Gustong-gusto naming mag-asawa y’ong Efeso 3:20. Ilang beses na itong nagkatotoo sa paglilingkod namin kay Jehova.” Sa liham na ito sa mga taga-Efeso, ipinangako ni Pablo na higit pa sa hinihiling natin ang ibibigay ni Jehova. Hindi ba’t totoong-totoo iyan?
16. Kanino puwedeng humingi ng payo ang mga bagong kasal kapag pinag-iisipan nila ang kanilang mga tunguhin?
16 Makakatulong sa mga bagong kasal ang karanasan ng ibang mag-asawa na nagtiwala kay Jehova. Ang ilan sa kanila ay maraming taon nang nasa buong-panahong paglilingkod. Puwede kayong humingi ng payo sa kanila para matulungan kayo sa mga tunguhin ninyo. Kapag ginawa ninyo iyon, ipinapakita ninyo na nagtitiwala kayo kay Jehova. (Kaw. 22:17, 19) Makakatulong din ang mga elder sa mga bagong kasal para magkaroon sila ng tunguhin at maabot ang mga iyon.
17. Ano ang nangyari kina Klaus at Marisa, at ano ang matututuhan natin sa karanasan nila?
17 Minsan, hindi lahat ng plano natin ay nangyayari gaya ng inaasahan natin. Tingnan natin ulit ang karanasan nina Klaus at Marisa na binanggit sa pasimula. Tatlong taon na silang kasal nang lumipat sila at magboluntaryo sa construction sa sangay sa Finland. Kaya lang, nalaman nila na hindi sila puwedeng tumira doon nang mahigit anim na buwan. Sa simula, nalungkot sila. Pero hindi nila inaasahan, inimbitahan sila na mag-aral ng Arabic. At ngayon, masaya na silang naglilingkod sa ibang bansa na may teritoryong nagsasalita ng Arabic. Sinabi ni Marisa: “Nakakatakot gumawa ng isang bagay na hindi mo pa nagagawa noon, at ipagkatiwala kay Jehova ang lahat. Pero nakita ko na lagi kaming tinutulungan ni Jehova sa mga paraang hindi namin inaasahan. Kaya lalong tumibay ang pagtitiwala ko kay Jehova.” Ipinapakita ng halimbawang ito na makakatiyak kayo na lagi kayong pagpapalain ni Jehova kung buong-buo ang tiwala ninyo sa kaniya.
18. Ano ang dapat gawin ng mga mag-asawa para patuloy silang magtiwala kay Jehova?
18 Ang pag-aasawa ay regalo mula kay Jehova. (Mat. 19:5, 6) Gusto niyang masiyahan ang lahat ng mag-asawa sa regalong ito. (Kaw. 5:18) Para sa lahat ng bagong kasal, pag-isipan kung paano ninyo ginagamit ang inyong buhay. Ginagawa ba ninyo ang lahat para ipakita kay Jehova na talagang pinapahalagahan ninyo ang regalo niya sa inyo? Manalangin kay Jehova. Pag-aralan ang mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa sitwasyon ninyo. Pagkatapos, sundin ang mga payo ni Jehova. Siguradong magiging masaya kayo at magiging makabuluhan ang buhay ninyo kung magpopokus kayo sa paglilingkod kay Jehova.
AWIT 132 Tayo’y Isa Na
^ par. 5 Puwedeng makaapekto ang ilang desisyon natin sa dami ng panahon at lakas na ginagamit natin sa paglilingkod kay Jehova. Totoo ito lalo na sa mga bagong kasal. Napapaharap sila sa mga desisyon na puwedeng magkaroon ng malaking epekto sa buhay nila. Sa tulong ng artikulong ito, makakagawa ng tamang desisyon ang mga bagong kasal para maging masaya at makabuluhan ang buhay nila.
^ par. 5 Binago ang ilang pangalan.
^ par. 10 Bilang halimbawa, pag-aralan ang kabanata 6, 7, at 19 ng aklat na Ibinalik ang Dalisay na Pagsamba kay Jehova.