Alam Mo Ba?
Talaga bang umiral si Mardokeo?
MAHALAGA ang naging papel ng isang Judiong nagngangalang Mardokeo sa mga pangyayari sa aklat ng Bibliya na Esther. Isa siyang Judiong tapon na naglingkod sa palasyo ng hari ng Persia. Nangyari ito sa simula ng ikalimang siglo B.C.E. “noong panahon ni [Haring] Ahasuero.” (Sa ngayon, maraming tao ang naniniwala na ang haring ito ay siya ring si Jerjes I.) Dahil kay Mardokeo, hindi natuloy ang planong pagpatay sa hari. Bilang pasasalamat, pinarangalan ng hari si Mardokeo sa harap ng mga tao. Nang mamatay si Haman, na kaaway ni Mardokeo at ng ibang Judio, hinirang ng hari si Mardokeo bilang punong ministro. Nagamit ni Mardokeo ang posisyong ito para mailigtas ang buhay ng lahat ng Judio na nasa Imperyo ng Persia.—Es. 1:1; 2:5, 21-23; 8:1, 2; 9:16.
May ilang istoryador noong pasimula ng ika-20 siglo na nagsabi na kathang-isip lang ang aklat ng Esther at na hindi talaga umiral o nabuhay si Mardokeo. Pero noong 1941, nakakita ng posibleng ebidensiya ang mga arkeologo na sumusuporta sa ulat ng Bibliya tungkol kay Mardokeo. Ano ang nakita nila?
May mga mananaliksik na nakatuklas ng tekstong cuneiform mula sa Persia na bumanggit sa isang lalaking nagngangalang Marduka (Mardokeo sa Tagalog). Naglingkod siya bilang administrador, o posibleng bilang accountant, sa Susan. Sinabi ng isang eksperto sa kasaysayan ng Silangan na si Arthur Ungnad na “maliban sa Bibliya, [ang cuneiform na ito] ang tanging bumanggit kay Mardokeo” noong panahong iyon.
Mula nang sabihin ito ni Ungnad, libo-libo nang iba pang cuneiform mula sa Persia ang naisalin ng mga iskolar. Kasama sa mga ito ang mga tablet ng Persepolis, na nakuha sa mga guho ng Treasury, malapit sa mga pader ng lunsod. Ang mga tablet na ito ay mula pa noong namamahala si Jerjes I. Ito ay nasa wikang Elamita at nakasulat dito ang ilang pangalang makikita sa aklat ng Esther. a
Nabanggit sa ilang tablet ng Persepolis ang pangalang Marduka, na naglingkod bilang kalihim ng hari sa palasyo ng Susan noong namamahala si Jerjes I. Makikita naman sa isang tablet na si Marduka ay isang tagapagsalin. Tamang-tama iyan sa paglalarawan ng Bibliya kay Mardokeo. Isa siyang opisyal na naglingkod sa korte ni Haring Ahasuero (Jerjes I) at nakakapagsalita siya nang di-bababa sa dalawang wika. Laging nakaupo si Mardokeo sa pintuang-daan ng hari sa palasyo sa Susan. (Es. 2:19, 21; 3:3) Ang pintuang-daan na ito ay isang malaking gusali kung saan nagtatrabaho ang mga opisyal sa palasyo.
Kapansin-pansin ang mga pagkakatulad ng Marduka na binabanggit sa mga tablet at ng Mardokeo na binabanggit sa Bibliya. Nabuhay sila sa iisang panahon at iisang lugar at pareho silang naging opisyal sa palasyo. Ipinapahiwatig ng lahat ng pagkakatulad na ito na ang mga natuklasan ng arkeologo ay tumutukoy kay Mardokeo na binabanggit sa aklat ng Esther.
a Noong 1992, sumulat si Professor Edwin M. Yamauchi ng isang artikulo na may 10 pangalan mula sa tekstong Persepolis na makikita rin sa aklat ng Esther.