Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 48

Gamitin ang Kakayahang Mag-isip Kapag Nasusubok ang Katapatan Mo

Gamitin ang Kakayahang Mag-isip Kapag Nasusubok ang Katapatan Mo

“Gamitin mo ang iyong kakayahang mag-isip sa lahat ng pagkakataon.”​—2 TIM. 4:5.

AWIT 123 Magpasakop sa Teokratikong Kaayusan

NILALAMAN a

1. Ano ang ibig sabihin ng gamitin ang ating kakayahang mag-isip? (2 Timoteo 4:5)

 KAPAG may mga nangyayari na hindi natin nagugustuhan, nasusubok ang katapatan natin kay Jehova at sa organisasyon niya. Sa ganitong mga kalagayan, ano ang puwede nating gawin? Kailangan nating gamitin ang ating kakayahang mag-isip at manatiling gising, at manghawakang mahigpit sa pananampalataya. (Basahin ang 2 Timoteo 4:5.) Ginagamit natin ang ating kakayahang mag-isip kapag nananatili tayong kalmado, nag-iisip na mabuti, at sinisikap na tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ni Jehova. Kapag ginawa natin iyan, hindi tayo makokontrol ng emosyon natin.

2. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

2 Sa naunang artikulo, tinalakay natin ang tatlong problema na nanggagaling sa labas ng kongregasyon. Sa artikulong ito, tatalakayin naman natin ang tatlong problema na nanggagaling sa kongregasyon na puwedeng sumubok sa katapatan natin kay Jehova: (1) kapag pakiramdam natin ay ginawan tayo ng masama ng isang kapatid, (2) kapag dinisiplina tayo, at (3) kapag nahihirapan tayong sundin ang mga pagbabago sa organisasyon. Sa ganitong mga sitwasyon, paano natin gagamitin ang kakayahang mag-isip para makapanatiling tapat kay Jehova at sa organisasyon niya?

KAPAG PAKIRAMDAM NATIN AY GINAWAN TAYO NG MASAMA NG ISANG KAPATID

3. Ano ang puwede nating gawin kung pakiramdam natin ay ginawan tayo ng masama ng isang kapatid?

3 Naramdaman mo na ba minsan na ginawan ka ng masama ng isang kapatid, baka ng isa na may pananagutan sa kongregasyon? Siguro hindi naman niya sinasadyang saktan ka. (Roma 3:23; Sant. 3:2) Pero baka nainis ka sa ginawa niya. Baka hindi ka pa nga nakatulog dahil sa nangyari. Baka maisip mo pa nga, ‘Kung may ganitong kapatid sa loob ng kongregasyon, talaga nga kayang organisasyon ito ng Diyos?’ Iyan mismo ang gusto ni Satanas na isipin natin. (2 Cor. 2:11) Kung ganiyan tayo mag-isip, maihihiwalay tayo nito kay Jehova at sa organisasyon niya. Kaya kung pakiramdam natin ay ginawan tayo ng masama ng isang kapatid, paano natin gagamitin ang kakayahang mag-isip para maiwasang mag-isip ng negatibo?

4. Paano ginamit ni Jose ang kaniyang kakayahang mag-isip noong gawan siya ng masama, at anong aral ang matututuhan natin sa kaniya? (Genesis 50:19-21)

4 Huwag maghinanakit. Noong tin-edyer si Jose, ginawan siya ng masama ng mga kuya niya. Galit sila sa kaniya, at gusto pa nga ng ilan na patayin siya. (Gen. 37:4, 18-22) Nang bandang huli, ibinenta nila siya sa pagkaalipin. Kaya naman sa loob ng mga 13 taon, puro mabibigat na pagsubok ang naranasan ni Jose. Puwedeng maisip ni Jose na hindi siya mahal ni Jehova at na pinabayaan na niya siya. Pero hindi naghinanakit si Jose. Nanatili siyang kalmado kasi ginamit niya ang kakayahan niyang mag-isip. May pagkakataon na sana siyang makaganti sa mga kapatid niya. Pero hindi niya iyon ginawa. Sa halip, nagpakita siya ng pag-ibig sa kanila at pinatawad sila. (Gen. 45:4, 5) Nagawa iyan ni Jose dahil nag-isip siyang mabuti. Hindi siya nagpokus sa mga problema niya. Ang inisip niya ay kung ano ang gusto ni Jehova. (Basahin ang Genesis 50:19-21.) Ano ang aral? Kung ginawan ka ng masama, huwag maghinanakit kay Jehova o isiping pinabayaan ka na niya. Isipin kung paano ka niya tinutulungan para makayanan mo ang pagsubok na iyon. Sikapin mo ring takpan ng pag-ibig ang mga kahinaan ng iba.​—1 Ped. 4:8.

5. Paano ginamit ni Miqueas ang kaniyang kakayahang mag-isip noong pakiramdam niya ay ginawan siya ng masama?

5 Tingnan naman ang naranasan ni Miqueas, isang elder sa South America. b Naalala niya na minsan, pakiramdam niya ay hindi siya pinakitunguhan ng maganda ng ilang kapatid na may pananagutan sa organisasyon. Sinabi niya: “Noon ko lang naranasan ang ganoon. Stress na stress ako. Hindi ako makatulog, at umiiyak ako kasi wala akong magawa.” Pero ginamit ni Miqueas ang kaniyang kakayahang mag-isip at sinikap na kontrolin ang nararamdaman niya. Nanalangin siya nang madalas kay Jehova para humingi ng banal na espiritu at ng lakas para makayanan iyon. Naghanap din siya sa mga publikasyon natin ng mga impormasyon na makakatulong sa kaniya. Ano ang aral? Kung pakiramdam mo ay ginawan ka ng hindi maganda ng isang kapatid, manatiling kalmado at sikaping kontrolin ang anumang negatibong mararamdaman mo. Hindi mo alam ang dahilan kung bakit niya iyon nasabi o nagawa. Kaya manalangin kay Jehova, at hilingin na tulungan kang makita ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw niya. Kapag ginawa mo iyan, maiisip mo na hindi ka naman sinasadyang saktan ng kapatid at mapapalampas mo ang pagkukulang niya. (Kaw. 19:11) Tandaan, alam na alam ni Jehova ang nangyayari sa iyo at bibigyan ka niya ng lakas para makayanan iyon.​—2 Cro. 16:9; Ecles. 5:8.

KAPAG DINISIPLINA TAYO

6. Bakit dapat nating ituring na pag-ibig ni Jehova ang disiplina? (Hebreo 12:5, 6, 11)

6 Masakit ang madisiplina. Pero kung magpopokus lang tayo rito, baka maliitin natin ang disiplina at isiping hindi ito makatuwiran o na hindi ito para sa atin. Dahil diyan, baka hindi natin makita na ang disiplina ay pagmamahal ni Jehova sa atin. (Basahin ang Hebreo 12:5, 6, 11.) At kung hindi natin kokontrolin ang emosyon natin, binibigyan natin ng pagkakataon si Satanas. Ayaw niyang tanggapin natin ang disiplina. At mas masama pa, gusto niya tayong ilayo kay Jehova at sa kongregasyon. Kung tumanggap ka ng disiplina, paano mo gagamitin ang iyong kakayahang mag-isip?

Dahil nagpakumbaba si Pedro at tinanggap ang payo at disiplina, mas ginamit pa siya ni Jehova (Tingnan ang parapo 7)

7. (a) Gaya ng makikita sa larawan, paano ginamit ni Jehova si Pedro matapos itong tumanggap ng disiplina? (b) Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Pedro?

7 Tanggapin ang disiplina at gumawa ng pagbabago. Hindi lang isang beses itinuwid ni Jesus si Pedro sa harap ng ibang apostol. (Mar. 8:33; Luc. 22:31-34) Posibleng napahiya si Pedro noon! Pero nanatili siyang tapat kay Jesus. Tinanggap niya ang disiplina at natuto sa mga pagkakamali niya. Dahil diyan, pinagpala ni Jehova ang katapatan ni Pedro at binigyan siya ng mabibigat na pananagutan sa kongregasyon. (Juan 21:15-17; Gawa 10:24-33; 1 Ped. 1:1) Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Pedro? Makikinabang tayo sa disiplina, pati na ang iba, kung hindi tayo magpopokus sa pagkapahiya, kung tatanggapin natin ang pagtutuwid, at gagawa ng pagbabago. Kapag ginawa natin iyan, mas gagamitin tayo ni Jehova at makakatulong tayo sa mga kapatid.

8-9. Ano ang unang naramdaman ni Bernardo nang madisiplina siya, pero paano niya itinuwid ang pag-iisip niya?

8 Tingnan naman ang nangyari kay Bernardo, isang brother sa Mozambique. Natanggal siya sa pagiging elder. Ano ang unang naramdaman ni Bernardo? Sinabi niya, “Masamang-masama ang loob ko kasi hindi ko nagustuhan ang disiplina sa akin.” Nag-aalala siya kung ano ang magiging tingin sa kaniya ng iba sa kongregasyon. Inamin niya, “Ilang buwan din ang lumipas bago ako nagkaroon ng tamang pananaw sa disiplina at magtiwala uli kay Jehova at sa organisasyon niya.” Ano ang nakatulong kay Bernardo na magkaroon ng tamang pananaw?

9 Itinuwid ni Bernardo ang pag-iisip niya. Sinabi niya: “Noong elder pa ako, ginagamit ko ang Hebreo 12:7 para tulungan ang iba na magkaroon ng tamang pananaw sa disiplina ni Jehova. Ngayon, tinatanong ko ang sarili ko, ‘Para kanino ba ang tekstong ito?’ Sa lahat ng lingkod ni Jehova—kasali na ako.” Pagkatapos, gumawa pa ng ibang pagbabago si Bernardo para maibalik niya ang tiwala niya kay Jehova at sa organisasyon Niya. Lalo pa niyang binasa ang Bibliya at pinag-isipang mabuti ang mga nababasa niya. Kahit nahihiya siya sa mga kapatid, sumama pa rin siya sa kanila sa ministeryo at nakibahagi sa mga pulong sa kongregasyon. Nang maglaon, naging elder uli si Bernardo. Kung tumanggap ka rin ng disiplina gaya ni Bernardo, huwag magpokus sa pagkapahiya, tanggapin ang payo, at gumawa ng mga pagbabago. c (Kaw. 8:33; 22:4) Kung gagawin mo iyan, tiyak na pagpapalain ka ni Jehova dahil hindi mo siya iniwan at ang organisasyon niya.

KAPAG NAHIHIRAPAN TAYONG SUNDIN ANG MGA PAGBABAGO SA ORGANISASYON

10. Anong pagbabago sa kaayusan ang sumubok sa katapatan ng ilang Israelita?

10 Nasusubok ang katapatan natin kapag nagkaroon ng mga pagbabago sa organisasyon. Kung hindi tayo mag-iingat, puwede tayong maihiwalay nito kay Jehova. Halimbawa, tingnan kung paano naapektuhan ang ilang Israelita nang magkaroon ng pagbabago sa isang kaayusan sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. Bago ibigay ni Jehova ang Kautusan, nagagawa ng mga ulo ng pamilya ang gawain ng mga saserdote. Nagtatayo sila ng altar at naghahandog kay Jehova para sa pamilya nila. (Gen. 8:20, 21; 12:7; 26:25; 35:1, 6, 7; Job 1:5) Pero nang magkaroon na ng Kautusan, inalis na ang pribilehiyong iyan sa mga ulo ng pamilya. Nag-atas si Jehova ng mga saserdote mula sa pamilya ni Aaron para maghandog ng mga hain. Mula noon, kung gagawin ng isang ulo ng pamilya ang gawain ng isang saserdote at hindi naman siya galing sa pamilya ni Aaron, puwede siyang patayin. d (Lev. 17:3-6, 8, 9) Ang pagbabago kayang iyan ang dahilan kung bakit nagrebelde kina Moises at Aaron sina Kora, Datan, Abiram, at ang 250 pinuno? (Bil. 16:1-3) Posible. Pero anuman ang dahilan, hindi nanatiling tapat kay Jehova si Kora at ang mga kasama niya. Kung nasusubok ang katapatan mo dahil sa mga pagbabago sa organisasyon, ano ang puwede mong gawin?

Nang magbago ang atas ng mga Kohatita, masaya silang naglingkod bilang mga mang-aawit, bantay ng pintuang-daan, o tagapangasiwa sa mga imbakan (Tingnan ang parapo 11)

11. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ng ilang Kohatitang Levita?

11 Lubusang suportahan ang mga pagbabago sa organisasyon. Noong naglalakbay ang mga Israelita sa ilang, napakaespesyal ng atas ng mga Kohatita. Sa tuwing lilipat sila ng kampo, ang ilang Kohatita ang nagbubuhat ng kaban ng tipan. (Bil. 3:29, 31; 10:33; Jos. 3:2-4) Napakagandang pribilehiyo! Pero noong nasa Lupang Pangako na ang mga Israelita, nagkaroon ng pagbabago. Hindi na kailangang ilipat-lipat ang Kaban. Kaya noong si Solomon na ang hari, iba-iba na ang atas ng ilang Kohatita. May mga mang-aawit, may mga bantay ng pintuang-daan, at ang iba ay nangangasiwa sa mga imbakan. (1 Cro. 6:31-33; 26:1, 24) Walang ulat na nagreklamo o humiling ng mas prominenteng atas ang mga Kohatita dahil sa espesyal na atas nila noon. Ano ang aral? Buong-pusong suportahan ang mga pagbabago sa organisasyon ni Jehova, kasali na ang anumang pagbabago na nakakaapekto sa atas mo. Masiyahan sa anumang atas na ibinigay sa iyo. Tandaan, mahal ka ni Jehova hindi dahil sa atas mo. Mas mahalaga kay Jehova ang pagsunod mo kaysa sa anumang atas.​—1 Sam. 15:22.

12. Ano ang naramdaman ni Zaina nang tumanggap siya ng bagong atas?

12 Tingnan ang halimbawa ni Zaina, isang sister sa Middle East, na tumanggap ng bagong atas. Naglingkod siya sa Bethel nang mahigit 23 taon. Mahal na mahal niya ang pribilehiyong ito. Pero ngayon, naatasan siyang maglingkod bilang special pioneer. Sinabi niya: “Gulat na gulat ako nang bigyan ako ng bagong atas. Pakiramdam ko, wala akong halaga. At lagi kong tinatanong ang sarili ko, ‘Saan ako nagkulang?’” Ang nakakalungkot pa, sinabi ng ilang kakongregasyon niya sa kaniya: “Kung pinagbuti mo lang ang trabaho mo, nasa Bethel ka pa sana ngayon.” Matagal ding pinanghinaan ng loob si Zaina, at umiiyak siya gabi-gabi. Pero sinabi niya: “Kahit kailan, hindi ako nagduda sa organisasyon o sa pag-ibig ni Jehova.” Paano ginamit ni Zaina ang kaniyang kakayahang mag-isip?

13. Ano ang ginawa ni Zaina para mapaglabanan ang negatibong damdamin?

13 Napaglabanan ni Zaina ang negatibong damdamin niya. Paano? Nagbasa siya ng mga artikulo sa mga publikasyon natin na bagay sa kalagayan niya. Malaki ang naitulong sa kaniya ng artikulong “Mapaglalabanan Mo ang Panghihina ng Loob!” sa Bantayan, isyu ng Pebrero 1, 2001. Ipinaliwanag sa artikulong iyon kung ano rin ang naramdaman ng manunulat ng Bibliya na si Marcos nang makatanggap ito ng bagong atas. Naalala ni Zaina, “Bagay na bagay sa akin ang halimbawa ni Marcos para mapaglabanan ang panghihina ng loob.” Sa halip na ibukod ang sarili, nanatiling malapít si Zaina sa mga kaibigan niya. At iniwasan din niyang maawa nang husto sa sarili niya. Sinabi niya na kumikilos ang espiritu ni Jehova sa organisasyon at mahal na mahal siya ng mga nangunguna. Pero nakita rin niya na kailangang gawin ng organisasyon ng Diyos ang pinakamabuti para matapos ang gawain ni Jehova.

14. Sa anong pagbabago sa organisasyon nahirapang mag-adjust si Vlado, at ano ang nakatulong sa kaniya?

14 Nahirapan naman ang 73-anyos na elder sa Slovenia na si Vlado nang isama ang kongregasyon nila sa isa pang kongregasyon at isara ang Kingdom Hall nila. Sinabi niya: “Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang isara ang ganoon kagandang Kingdom Hall. Nasaktan ako kasi kakatapos lang naming i-renovate iyon. Isa akong karpintero, at ako ang gumawa ng ilan sa mga bagong furniture doon. Isa pa, dahil sa pagsasama ng dalawang kongregasyon, maraming nabago. At nahirapan kaming mga may-edad na mag-adjust. Ano ang nakatulong kay Vlado na suportahan ang pagbabagong iyon? Sinabi niya: “Kapag sinusuportahan natin ang mga pagbabago sa organisasyon ni Jehova, lagi tayong pinagpapala. Inihahanda tayo ng mga pagbabagong ito sa mas malalaking pagbabago sa hinaharap.” Nahihirapan ka bang mag-adjust dahil isinama ang kongregasyon ninyo sa iba o dahil nagbago ang atas mo? Tiyak na naiintindihan ni Jehova ang nararamdaman mo. Kapag sinusuportahan mo ang gayong mga pagbabago at nananatili kang tapat kay Jehova at sa organisasyong ginagamit niya, siguradong pagpapalain ka.​—Awit 18:25.

GAMITIN MO ANG IYONG KAKAYAHANG MAG-ISIP SA LAHAT NG PAGKAKATAON

15. Paano natin gagamitin ang ating kakayahang mag-isip kapag nagkakaroon tayo ng mga problema na nanggagaling sa loob ng kongregasyon?

15 Habang papalapít tayo sa katapusan ng sistemang ito, asahan natin na magkakaroon tayo ng mga problema na nanggagaling sa loob ng kongregasyon. Puwedeng masubok ang ating katapatan kay Jehova dahil sa mga iyon. Kaya dapat nating gamitin ang ating kakayahang mag-isip. Kung pakiramdam mo, ginawan ka ng masama ng isang kapatid, huwag maghinanakit. Kung tumanggap ka ng disiplina, huwag magpokus sa pagkapahiya, tanggapin ang payo, at gumawa ng mga pagbabago. At kapag may mga pagbabago sa organisasyon ni Jehova na nakaapekto mismo sa iyo, buong-pusong tanggapin iyon, at sundin ang mga tagubilin.

16. Paano ka makakapagtiwala kay Jehova at sa organisasyon niya?

16 Makakapagtiwala ka kay Jehova at sa organisasyon niya kahit nasusubok ang katapatan mo. Pero para magawa iyan, kailangan mong gamitin ang iyong kakayahang mag-isip. Kailangan mong manatiling kalmado, mag-isip na mabuti, at tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ni Jehova. Pag-aralan ang mga karakter sa Bibliya na napagtagumpayan ang katulad na mga problema at bulay-bulayin ang halimbawa nila. Hingin ang tulong ni Jehova sa panalangin. At huwag mong ilayo ang sarili mo sa kongregasyon. Kung gagawin mo iyan, hindi ka maihihiwalay ni Satanas kay Jehova o sa organisasyon niya, anuman ang mangyari.​—Sant. 4:7.

AWIT 126 Manatiling Gisíng at Magpakatibay

a Puwedeng masubok ang katapatan natin kay Jehova at sa organisasyon niya, lalo na kapag nagkakaproblema tayo sa loob ng kongregasyon. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang tatlong problemang ito at kung ano ang puwede nating gawin para manatiling tapat kay Jehova at sa organisasyon niya.

b Binago ang ilang pangalan.

c Makakatulong ang iba pang impormasyon na nasa artikulong “Makapaglilingkod Ka Bang Muli Gaya ng Dati?” sa Bantayan, isyu ng Agosto 15, 2009, p. 30.

d Hinihiling ng Kautusan na kung gusto ng mga ulo ng pamilya na magkatay ng isang alagang hayop para makakain sila ng karne, dadalhin muna nila ang hayop sa santuwaryo, maliban na lang kung napakalayo ng tinitirhan nila mula rito.​—Deut. 12:21.