Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

“Gusto Kong Maglingkod kay Jehova”

“Gusto Kong Maglingkod kay Jehova”

NAGPAALAM kami sa isang maliit na grupo na dinalaw namin malapit sa nayon ng Granbori. Makikita ito sa liblib at maulang kagubatan ng Suriname. Pagkatapos, sumakay kami sa isang bangka at binaybay namin ang Tapanahoni River. Habang binabaybay namin ang delikadong bahagi ng ilog, tumama ang propeller ng bangka namin sa isang bato. Agad na lumubog ang harap ng bangka at napuno ito ng tubig. Grabe ang kaba ko! Bilang tagapangasiwa ng sirkito, ilang taon na akong sumasakay sa bangka pero hindi pa rin ako marunong lumangoy.

Bago ko ikuwento ang sumunod na nangyari, ikukuwento ko muna kung paano ako nagsimulang maglingkod nang buong panahon.

Isinilang ako noong 1942 sa isla ng Curaçao sa Caribbean. Taga-Suriname ang tatay ko pero lumipat siya sa isla para magtrabaho. Ilang taon bago ako ipanganak, isa siya sa mga naging unang Saksi ni Jehova na nabautismuhan sa Curaçao. a Tinuturuan niya kaming magkakapatid ng Bibliya linggo-linggo, kahit madalas ay ayaw namin. Noong 14 anyos ako, lumipat kami sa Suriname para maalagaan ni Tatay ang nanay niya.

MALAKI ANG NAITULONG SA AKIN NG MABUBUTING KASAMA

Sa Suriname, nakipagkaibigan ako sa mga kabataan na masigasig na naglilingkod kay Jehova sa kongregasyon namin. Matanda sila sa akin nang ilang taon at mga regular pioneer sila. Kapag ikinukuwento nila ang mga karanasan nila sa ministeryo, kitang-kita ang saya sa mukha nila. Pagkatapos ng mga pulong namin, nagkukuwentuhan kaming magkakaibigan tungkol sa Bibliya—kung minsan, habang nasa labas kami at nakatingin sa mabituing kalangitan. Natulungan ako ng mga kaibigan ko na malaman kung ano ang gusto ko sa buhay; gusto kong maglingkod kay Jehova. Kaya nagpabautismo ako noong 16 anyos ako. At noong 18 anyos ako, nag-regular pioneer ako.

NATUTO AKO NG MAHAHALAGANG ARAL

Habang nagpapayunir sa Paramaribo

Marami akong natutuhan bilang payunir, at nakatulong ang mga ito sa buong-panahong paglilingkod ko. Halimbawa, isa sa mga una kong natutuhan ay ang kahalagahan ng pagsasanay sa iba. Noong magsimula akong magpayunir, sinanay ako ng misyonerong si Willem van Seijl. b Marami siyang itinuro sa akin tungkol sa pag-aasikaso sa mga pananagutan sa kongregasyon. Noong panahong iyon, hindi ko akalain na kailangang-kailangan ko pala ang pagsasanay na iyon. Nang sumunod na taon, naatasan ako bilang special pioneer. Di-nagtagal, tumulong ako sa maliliit na grupo ng mga kapatid na nakatira sa liblib at maulang kagubatan ng Suriname. Talagang napahalagahan ko ang napapanahong pagsasanay na tinanggap ko sa mga kapatid! Mula noon, sinikap kong tularan ang halimbawa nila sa pagbibigay ng panahon para sanayin ang iba.

Ang ikalawang aral na natutuhan ko ay na mabuting mamuhay nang simple pero organisado. Sa simula pa lang ng bawat buwan, inaalam na namin ng kapartner kong special pioneer ang kakailanganin namin para sa susunod na mga linggo. Pagkatapos, isa sa amin ang magbibiyahe nang malayo papuntang kapitolyo at bibili ng mga kailangan namin. Kailangan naming i-budget na mabuti ang allowance namin bawat buwan at tipirin ang suplay namin para magkasya ang mga ito sa buong buwan. Kapag naubusan na kami ng ilang suplay, iilang tao lang ang puwedeng tumulong sa amin, kung mayroon man. Nakita ko na dahil namuhay ako nang simple at organisado noong kabataan ako, nakapagpokus ako sa paglilingkod kay Jehova sa buong buhay ko.

Ang ikatlong aral na natutuhan ko ay na mahalagang turuan ang mga tao sa wika nila. Nagsasalita ako ng Dutch, English, Papiamento, at ng karaniwang wika sa Suriname, ang Sranantongo (tinatawag ding Sranan). Pero sa maulang kagubatan, nakita ko na mas nakikinig ang mga tao sa mabuting balita kapag nangangaral kami gamit ang wika nila. Nahirapan ako sa ilan sa mga wikang ito, gaya ng Saramaccan, na gumagamit ng matataas at mabababang tono. Pero sulit naman ang mga pagsisikap ko. Sa loob ng maraming taon, marami akong naturuan ng katotohanan kasi nakakapagsalita ako ng wika nila.

Siyempre, may mga nakakahiyang karanasan din ako. Minsan, kinumusta ko ang isang Bible study na nagsasalita ng Saramaccan, kasi masakit ang tiyan niya. Pero ang nasabi ko pala ay kung buntis siya! Siyempre, hindi niya nagustuhan ang pagtatanong ko. Kahit na nagkakamali ako, lagi ko pa ring sinisikap na magsalita gamit ang wika ng mga tao sa teritoryo namin.

TUMANGGAP AKO NG KARAGDAGANG PANANAGUTAN

Noong 1970, naatasan ako bilang tagapangasiwa ng sirkito. Nang taóng iyon, ipinapanood ko sa maraming grupo sa liblib at maulang kagubatan ang slide program na “Pagbisita sa Pandaigdig na Punong-Tanggapan ng mga Saksi ni Jehova.” Para marating ang mga kapatid na ito, kinailangan ko at ng ilang brother na bagtasin ang ilog sakay ng mahabang bangka. May dala kaming generator, tangke ng gasolina, mga gasera, at slide projector at mga kagamitan para dito. Kapag nakarating na kami sa destinasyon namin, dadalhin namin ang lahat ng kagamitang ito sa lugar kung saan namin ipapapanood ang slide program. Talagang nagustuhan iyon ng mga tao sa mga liblib na lugar, at hinding-hindi ko makakalimutan ang mga biyaheng iyon. Masayang-masaya ako na matulungan ang mga tao na matuto tungkol kay Jehova at sa makalupang bahagi ng organisasyon niya. Walang-wala ang mga isinakripisyo ko kumpara sa espirituwal na mga pagpapala na tinanggap ko sa paglilingkod kay Jehova.

PANALING GAWA SA TATLONG HIBLA

Ikinasal kami ni Ethel noong Setyembre 1971

Alam ko na bilang binata, mas madali kong magagampanan ang mga atas ko, pero gusto ko pa ring mag-asawa. Kaya espesipiko kong ipinanalangin na makahanap ng mapapangasawa na masayang sasama sa akin sa paglilingkod nang buong panahon sa mahirap na teritoryong ito. Makalipas ang mga isang taon, niligawan ko si Ethel, isang mapagsakripisyong special pioneer. Kabataan pa lang si Ethel, hinahangaan na niya si apostol Pablo at gustong-gusto niya ring gawin ang lahat ng magagawa niya sa ministeryo. Ikinasal kami noong Setyembre 1971 at naglingkod kami sa gawaing pansirkito.

Lumaki si Ethel sa isang simpleng pamilya, kaya madali siyang nakapag-adjust sa gawaing paglalakbay sa maulang kagubatan. Halimbawa, kapag naghahanda kami para dumalaw sa mga kongregasyon doon, kaunti lang ang dinadala namin. Naglalaba kami at naliligo sa ilog. Kinakain namin ang anumang ihanda ng mga kapatid—iguana, piranha, o anumang mahuli nila sa gubat o sa ilog. Kapag walang plato, kumakain kami sa mga dahon ng saging. Kapag walang kutsara, nagkakamay kami. Dahil sa mga sakripisyong ginawa namin ni Ethel sa paglilingkod kay Jehova, mas tumibay ang pagsasama namin na gaya ng panaling gawa sa tatlong hibla. (Ecles. 4:12) Hindi namin ipagpapalit sa anuman ang mga karanasang iyon!

Isang araw, noong pauwi na kami galing sa isang liblib na lugar, doon namin naranasan ang ikinuwento ko sa simula. Noong nasa delikadong bahagi na kami ng ilog, biglang lumubog ang bangka, pero agad din itong umangat sa tubig. Mabuti na lang, nakasuot kami ng life jacket at hindi kami nahulog mula sa bangka. Pero napuno ng tubig ang bangka namin. Kaya itinapon namin sa ilog ang laman ng mga kaldero at ginamit namin ang mga ito para limasin ang tubig sa bangka.

Dahil wala na kaming pagkain, nangisda kami habang binabagtas ang ilog. Pero wala kaming mahuli. Kaya nanalangin kami kay Jehova na bigyan niya kami ng pagkain sa araw na iyon. Pagkatapos naming manalangin, inihagis ng isang brother ang pamingwit niya at nakahuli ng isang malaking isda na kasya sa aming lima nang gabing iyon, at busog na busog kami.

BILANG ASAWA, TATAY, AT NAGLALAKBAY NA TAGAPANGASIWA

Makalipas ang limang taon sa gawaing paglalakbay, nakatanggap kami ni Ethel ng di-inaasahang pagpapala—magkakaroon na kami ng anak. Masayang-masaya ako kahit hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa amin. Gustong-gusto namin ni Ethel na manatili sa buong-panahong paglilingkod hangga’t maaari. Noong 1976, ipinanganak si Ethniël. Pagkalipas ng dalawa at kalahating taon, ipinanganak naman si Giovanni.

Noong dumalo ako sa isang bautismo sa Tapanahoni River malapit sa Godo Holo sa Eastern Suriname​—1983

Dahil may pangangailangan sa Suriname noong panahong iyon, inatasan ako ng tanggapang pansangay na patuloy na maglingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito habang nagpapalaki ng mga anak namin. Noong bata pa sila, inatasan ako na mangasiwa sa mga sirkito na may iilang kongregasyon. Kaya kadalasan, nakakapaglingkod ako nang ilang linggo kada buwan bilang naglalakbay na tagapangasiwa. At sa natitirang mga araw ng buwan, nakakapagpayunir ako sa kongregasyon kung saan kami naatasan. Kapag malapit sa bahay namin ang kongregasyon na dadalawin ko, sumasama sa akin si Ethel at ang mga anak namin. Pero mag-isa lang ako kapag ang dinadalaw kong kongregasyon at asamblea ay nasa maulang kagubatan.

Sa gawaing pansirkito, madalas akong sumasakay ng bangka para dalawin ang mga kongregasyon sa liblib na lugar

Nagpaplano akong mabuti para magawa ko ang lahat ng pananagutan ko. Tinitiyak ko na nakakapag-aral kami bilang pamilya linggo-linggo. Kapag dumadalaw ako sa mga kongregasyon sa kagubatan, si Ethel ang nangunguna sa pag-aaral kasama ang mga anak namin. Pero hangga’t posible, sinisikap naming gawin ang mga bagay-bagay bilang pamilya. Naglilibang din kami kasama ng mga anak namin—naglalaro kami o namamasyal malapit sa bahay namin. Madalas na ginagabi ako sa paghahanda ng mga teokratikong atas. Maagang-maaga namang gumigising si Ethel para mabasa naming sama-sama ang pang-araw-araw na teksto at makapag-almusal bago pumasok sa paaralan ang mga anak namin. Talagang isang mahusay na asawang babae si Ethel gaya ng paglalarawan sa Kawikaan 31:15. Nagpapasalamat ako dahil nagkaroon ako ng mapagsakripisyong asawa na laging tumutulong sa akin na magampanan ang mga atas na ibinigay sa akin ni Jehova!

Bilang mga magulang, sinikap naming tulungan ang mga anak namin na mahalin si Jehova at ang ministeryo. Gusto naming maglingkod sila nang buong panahon, hindi dahil gusto namin, kundi dahil gusto nila. Lagi naming sinasabi sa kanila na napakasayang maglingkod nang buong panahon. Sinasabi namin sa kanila na kahit may mga hamon, lagi kaming tinutulungan at pinagpapala ni Jehova bilang pamilya. Tinitiyak din namin na ang laging kasama nila ay ang mga kapatid na inuuna sa buhay nila si Jehova.

Inilalaan ni Jehova ang lahat ng pangangailangan ng pamilya namin. Siyempre, sinisikap kong gawin ang pananagutan ko. Dahil sa mga karanasan ko sa maulang kagubatan bilang binatang special pioneer, natutuhan kong magtipid para mabili ang mga kailangan namin. Pero kung minsan, kahit anong sikap namin, kinakapos pa rin kami. Sa mga pagkakataong iyon, nagtitiwala ako na tutulungan kami ni Jehova. Halimbawa, noong mga huling taon ng mga 1980’s at mga unang taon ng 1990’s, nagkaroon ng kaguluhan sa Suriname. Noong mga panahong iyon, kung minsan, napakahirap makakuha kahit ng mga pangunahing pangangailangan. Pero pinaglaanan kami ni Jehova.​—Mat. 6:32.

PAGBABALIK SA NAKARAAN

Mula sa kaliwa pakanan: Kasama ang asawa ko, si Ethel

Ang panganay namin, si Ethniël, kasama ang asawa niya, si Natalie

Ang anak naming si Giovanni kasama ang asawa niya, si Christal

Sa buong buhay namin, lagi kaming pinapangalagaan ni Jehova at tinutulungan na maging masaya at kontento. Pagpapala sa amin ang mga anak namin, at isang pribilehiyo na mapalaki silang naglilingkod kay Jehova. Masayang-masaya kami dahil pinili rin nilang maglingkod nang buong panahon. Nag-aral sina Ethniël at Giovanni sa mga teokratikong paaralan at naglilingkod sila ngayon sa tanggapang pansangay sa Suriname kasama ng mga asawa nila.

Matanda na kami ni Ethel, pero abala pa rin kami sa paglilingkod kay Jehova bilang mga special pioneer. Sa katunayan, sa sobrang abala namin, wala pa rin akong panahong mag-aral lumangoy! Pero wala akong pinagsisisihan. Kapag binabalik-balikan ko ang nakaraan, nadarama ko na ang paglilingkod nang buong panahon habang kabataan pa ang isa sa pinakamagandang desisyong ginawa ko.

b Mababasa ang talambuhay ni Willem van Seijl, “Nahigitan ng Aktuwal na Pangyayari ang Aking Inaasahan,” sa Gumising!, isyu ng Oktubre 8, 1999.