Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 44

AWIT BLG. 33 Ihagis Mo kay Jehova ang Iyong Pasanin

Kung Paano Haharapin ang Kawalang-Katarungan

Kung Paano Haharapin ang Kawalang-Katarungan

“Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.”​—ROMA 12:21.

MATUTUTUHAN

Mga puwede mong gawin para maharap ang kawalang-katarungan at para hindi lumala ang sitwasyon.

1-2. Anong mga kawalang-katarungan ang puwede nating maranasan?

 MAY sinabing ilustrasyon si Jesus tungkol sa isang biyuda na paulit-ulit na humihingi ng katarungan sa isang hukom. Siguradong alam na alam ng mga alagad ni Jesus ang nararamdaman ng biyudang iyon kasi kadalasan nang nakakaranas ng kawalang-katarungan ang pangkaraniwang mga tao noon. (Luc. 18:​1-5) Naiintindihan din natin ang nararamdaman ng biyuda, kasi lahat tayo, nakakaranas ng kawalang-katarungan sa iba’t ibang paraan.

2 Normal na lang sa mga tao ngayon na magpakita ng diskriminasyon, maging makasarili, at sakim. Kaya inaasahan na nating makakaranas talaga tayo ng kawalang-katarungan. (Ecles. 5:8) Pero baka hindi natin inaasahan na mararanasan din natin iyan sa mga kapatid. Di-gaya ng mga umuusig sa atin, hindi naman gusto ng mga kapatid na pakitunguhan tayo nang di-patas. Hindi lang talaga sila perpekto. May matututuhan tayo kay Jesus kung paano niya hinarap ang di-patas na pagtrato ng mga mang-uusig. Kung kaya nating tiisin ang di-patas na pagtrato ng mga mang-uusig, mas lalo tayong dapat na maging matiisin sa mga kapatid natin! Pero ano kaya ang nararamdaman ni Jehova kapag nakikita niyang pinapakitunguhan tayo nang di-patas ng mga kapatid o ng iba? May pakialam ba siya sa nangyayari sa atin?

3. Bakit sigurado tayong may pakialam si Jehova sa kawalang-katarungang nararanasan natin?

3 Nakikita ni Jehova kapag pinapakitunguhan tayo nang di-patas ng iba, at ayaw niyang nararanasan natin iyon. Mababasa sa Awit 37:28 na “iniibig ni Jehova ang katarungan.” Tinitiyak sa atin ni Jesus na kapag panahon na, ‘kikilos agad’ si Jehova para mabigyan tayo ng katarungan. (Luc. 18:​7, 8) Malapit na niyang alisin ang lahat ng pagdurusa natin, at hinding-hindi na niya hahayaang makaranas ulit tayo ng kawalang-katarungan.​—Awit 72:​1, 2.

4. Anong tulong ang ibinibigay sa atin ngayon ni Jehova?

4 Habang hinihintay natin na mawala na ang lahat ng kawalang-katarungan, tinutulungan tayo ni Jehova na maharap ito sa ngayon. (2 Ped. 3:13) Halimbawa, itinuturo niya kung ano ang magandang maging reaksiyon natin para hindi na lumala ang sitwasyon. Gamit ang perpektong halimbawa ni Jesus, ipinakita ni Jehova sa atin kung paano haharapin ang kawalang-katarungan. Nagbigay rin siya ng magagandang payo sa Bibliya na tutulong sa atin.

BANTAYAN ANG REAKSIYON MO KAPAG NAKARANAS NG KAWALANG-KATARUNGAN

5. Bakit dapat nating bantayan ang reaksiyon natin kapag nakaranas tayo ng kawalang-katarungan?

5 Kapag nakaranas tayo ng kawalang-katarungan, baka sobra tayong masaktan at malungkot. (Ecles. 7:7) Naramdaman din iyan ng tapat na mga lingkod ni Jehova, gaya nina Job at Habakuk. (Job 6:​2, 3; Hab. 1:​1-3) Kaya normal lang na maramdaman iyan. Pero dapat nating bantayan ang magiging reaksiyon natin para hindi tayo makagawa ng mga bagay na magpapalala lang sa sitwasyon.

6. Ano ang matututuhan natin sa ginawa ni Absalom? (Tingnan din ang larawan.)

6 Kapag nakaranas tayo o ang malalapit sa atin ng kawalang-katarungan, baka ang unang reaksiyon natin ay gumanti. Pero kung gagawin natin iyan, baka mas lumala lang ang sitwasyon. Tingnan ang nangyari sa anak ni Haring David na si Absalom. Galit na galit siya sa nangyari sa kapatid niyang si Tamar. Ginahasa ito ng kapatid nila sa ama na si Amnon. Ayon sa Kautusang Mosaiko, dapat lang na mamatay si Amnon dahil sa ginawa niya. (Lev. 20:17) Natural lang na magalit si Absalom, pero hindi siya ang dapat pumatay kay Amnon.​—2 Sam. 13:​20-23, 28, 29.

Nagpadala si Absalom sa galit nang gahasain ang kapatid niyang si Tamar (Tingnan ang parapo 6)


7. Ano ang unang naging reaksiyon ng salmista sa nakikita niyang kawalang-katarungan?

7 Kapag parang hindi napaparusahan ang mga gumagawa ng masama, baka magduda tayo kung sulit pa bang gawin ang tama. Nakita ng salmista na gumaganda ang buhay ng masasama habang nagdurusa naman ang mabubuti dahil sa mga ginagawa nila. Sinabi niya: “Ganiyan ang masasama, na laging maginhawa ang buhay.” (Awit 73:12) Nadidismaya rin siya sa nakikita niyang kawalang-katarungan at naisip pa ngang para saan pa ang paglilingkod niya kay Jehova. Sinabi niya: “Nang subukan kong unawain iyon, nabagabag ako.” (Awit 73:​14, 16) Sinabi rin niya: “Muntik nang maligaw ang mga paa ko; muntik na akong madulas sa mga hakbang ko.” (Awit 73:2) Ganiyan din ang nangyari sa brother na si Alberto. a

8. Ano ang naging epekto sa isang brother ng kawalang-katarungang naranasan niya?

8 Napagbintangan si Alberto na nagnanakaw ng pera sa pondo ng kongregasyon. Dahil dito, nawala ang mga pribilehiyo niya at nag-iba ang tingin sa kaniya ng mga kapatid na nakaalam nito. “Galit na galit ako at dismayadong-dismayado,” ang sabi ni Alberto. Hinayaan niyang makaapekto sa espirituwalidad niya ang nararamdaman niya, at naging inactive pa nga siya nang limang taon. Ipinapakita ng karanasang ito ang puwedeng mangyari kung hindi natin kokontrolin ang nararamdaman natin kapag nakakaranas tayo ng kawalang-katarungan.

TULARAN ANG PAGHARAP NI JESUS SA KAWALANG-KATARUNGAN

9. Anong mga kawalang-katarungan ang tiniis ni Jesus? (Tingnan din ang larawan.)

9 Nagpakita si Jesus ng perpektong halimbawa kung paano haharapin ang kawalang-katarungan. Nakaranas siya ng di-magandang pagtrato sa maraming tao, pati na sa pamilya niya. Sinabi ng mga kamag-anak niya na nababaliw na siya. Sinabi naman ng mga lider ng relihiyon na galing sa demonyo ang kapangyarihan niya. Ininsulto rin siya ng mga Romanong sundalo, pinahirapan, at pinatay. (Mar. 3:​21, 22; 14:55; 15:​16-20, 35-37) Pero tiniis ni Jesus ang lahat ng iyon at hindi siya gumanti. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa niya?

Nagpakita si Jesus ng perpektong halimbawa kung paano haharapin ang kawalang-katarungan (Tingnan ang parapo 9-10)


10. Paano hinarap ni Jesus ang kawalang-katarungan? (1 Pedro 2:​21-23)

10 Basahin ang 1 Pedro 2:​21-23. b Tingnan natin ang perpektong halimbawa ni Jesus ng pagharap sa kawalang-katarungan. Alam niya kung kailan mananahimik at kung kailan magsasalita. (Mat. 26:​62-64) Hindi niya sinagot ang lahat ng kasinungalingang sinasabi tungkol sa kaniya. (Mat. 11:19) At noong magsalita siya, hindi niya ininsulto ang mga umuusig sa kaniya o pinagbantaan sila. Nagawa ni Jesus na kontrolin ang reaksiyon niya dahil “ipinagkatiwala [niya] ang sarili niya sa Diyos na humahatol nang matuwid.” Alam niyang nakikita ni Jehova ang kawalang-katarungang nararanasan niya. At nagtitiwala siyang aayusin ni Jehova ang mga ito sa tamang panahon.

11. Paano natin makokontrol ang mga sasabihin natin? (Tingnan din ang mga larawan.)

11 Matutularan natin si Jesus kung magiging maingat tayo sa mga sinasabi natin kapag tinatrato tayo nang di-maganda. Kung minsan, baka puwede nating palampasin na lang ang ginawa sa atin kung hindi naman iyon ganoon kaseryoso. O baka may pagkakataong huwag na lang tayong magsalita para hindi na lumala ang sitwasyon. (Ecles. 3:7; Sant. 1:​19, 20) Pero kung minsan, baka kailangan nating ipagtanggol ang paniniwala natin o ang isa na nakakaranas ng di-patas na pagtrato. (Gawa 6:​1, 2) Pero kapag nagsalita tayo, dapat nating sikaping maging kalmado at magalang.​—1 Ped. 3:15. c

Kapag nakakaranas ng kawalang-katarungan, matutularan natin si Jesus kung pag-iisipan natin kung kailan at kung paano tayo magsasalita (Tingnan ang parapo 11-12)


12. Paano natin ipagkakatiwala ang sarili natin sa “Diyos na humahatol nang matuwid”?

12 Matutularan din natin si Jesus kung ipagkakatiwala natin ang sarili natin sa “Diyos na humahatol nang matuwid.” Kapag ginawan tayo ng mali o inakusahan ng iba, nagtitiwala tayong alam ni Jehova kung ano ang totoo. At dahil alam nating aalisin ni Jehova ang lahat ng kawalang-katarungan, makakatulong ito sa atin na matiis ang sitwasyon natin. Kapag ipinaubaya na natin kay Jehova ang mga bagay-bagay, maiiwasan nating magalit o maghinanakit. Kasi kung hindi natin kokontrolin ang nararamdaman natin, baka may magawa tayong masama. Baka mahirapan din tayong maging masaya at masira pa nga ang kaugnayan natin kay Jehova.​—Awit 37:8.

13. Ano ang makakatulong sa atin na patuloy na matiis ang kawalang-katarungan?

13 Siyempre, hindi natin kayang tularan nang eksaktong-eksakto ang perpektong halimbawa ni Jesus. Kaya kung minsan, baka may magawa o masabi pa rin tayong pagsisisihan natin bandang huli. (Sant. 3:2) Posible rin na may maranasan tayong kawalang-katarungan na may matagal na epekto sa atin sa pisikal at emosyonal na paraan. Baka nga kailangan nating tiisin iyon hangga’t nabubuhay tayo sa sistemang ito. Kung nararanasan mo iyan ngayon, makakapagtiwala kang alam ni Jehova ang pinagdadaanan mo. Bukod diyan, isipin si Jesus, na nakaranas din ng kawalang-katarungan. Siguradong nauunawaan niya ang nararamdaman mo. (Heb. 4:​15, 16) Bukod sa perpektong halimbawa ni Jesus, nagbigay rin si Jehova ng magandang payo sa atin kung paano haharapin ang kawalang-katarungan. Tingnan natin ngayon ang dalawang teksto sa aklat ng Roma na makakatulong sa atin.

“BIGYANG-DAAN NINYO ANG POOT”

14. Ano ang ibig sabihin ng ‘bigyang-daan ang poot’? (Roma 12:19)

14 Basahin ang Roma 12:19. Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na ‘bigyang-daan ang poot.’ Kaninong poot? Sa konteksto, poot ni Jehova ang tinutukoy dito. Binibigyang-daan natin ang poot ni Jehova kapag hinahayaan nating itama niya ang mga bagay-bagay sa panahon niya at sa paraan niya. Ganito ang sinabi ni John, isang brother na nakaranas ng kawalang-katarungan: “Pinipigilan ko ang sarili ko na itama ang mga bagay-bagay sa paraan ko. Natulungan ako ng Roma 12:19 na hintayin si Jehova.”

15. Bakit makakabuting hintayin si Jehova na itama ang mga bagay-bagay?

15 Makakabuti kung hihintayin natin si Jehova na itama ang mga bagay-bagay. Kapag ginawa natin iyan, maiiwasan nating sobrang ma-stress at madismaya kasi hindi na natin kailangang solohin ang isang mahirap na problema. Tandaan, gusto tayong tulungan ni Jehova. Para bang sinasabi niya, ‘Ako na’ng bahala.’ Kung magtitiwala tayo sa pangako ni Jehova na siya ang gaganti, hindi na natin kailangang isip-isipin ang problema kasi sigurado tayong gagawin niya ang pinakamabuti para sa lahat. Iyan ang nakatulong kay John, na binanggit kanina. Sinabi niya, “Kung hihintayin ko si Jehova na ayusin ang mga bagay-bagay, alam kong mas maganda ang kakalabasan.”

“PATULOY NA DAIGIN NG MABUTI ANG MASAMA”

16-17. Paano makakatulong ang panalangin para magawa nating “daigin ng mabuti ang masama”? (Roma 12:21)

16 Basahin ang Roma 12:21. Pinayuhan din ni Pablo ang mga Kristiyano na “patuloy na daigin ng mabuti ang masama.” Sinabi ni Jesus sa Sermon sa Bundok: “Patuloy na mahalin ang inyong mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa inyo.” (Mat. 5:44) Ganiyang-ganiyan ang ginawa ni Jesus. Isipin na lang kung gaano kahirap ang pinagdaanan niya nang ipako siya ng mga Romanong sundalo sa tulos. Napakasakit niyan at nakakahiya. Talagang nakaranas siya ng kawalang-katarungan.

17 Hindi nagpaapekto si Jesus sa kawalang-katarungang nararanasan niya. Nanatili siyang tapat at mapagmahal. Imbes na sumpain ang mga sundalo, nanalangin siya: “Ama, patawarin mo sila, dahil hindi nila alam ang ginagawa nila.” (Luc. 23:34) Kapag ipinapanalangin natin ang mga gumagawa ng masama sa atin, nakakatulong ito para manatili tayong kalmado at mabawasan ang galit natin. Baka mabago pa nga nito ang tingin natin sa kanila.

18. Paano nakatulong kina Alberto at John ang panalangin para makayanan nila ang kawalang-katarungang nararanasan nila?

18 Nakatulong ang panalangin sa dalawang brother na binanggit kanina para makayanan nila ang kawalang-katarungang nararanasan nila. Sinabi ni Alberto: “Ipinanalangin ko ang mga kapatid na pinakitunguhan ako nang di-tama. Paulit-ulit kong hiniling kay Jehova na mawala ang galit ko sa ginawa nila sa akin.” Sa ngayon, masaya na ulit si Alberto at naglilingkod nang tapat kay Jehova. Sinabi naman ni John: “Maraming beses kong ipinanalangin ang brother na nakasakit sa akin. Nakatulong sa akin iyon para maalis ang galit ko sa kaniya at mapatawad siya. Nagkaroon din ako ng kapayapaan ng isip dahil dito.”

19. Ano ang dapat nating gawin hanggang sa wakas ng sistemang ito? (1 Pedro 3:​8, 9)

19 Habang nabubuhay tayo sa masamang mundong ito, hindi natin maiiwasang mapaharap sa iba’t ibang klase ng kawalang-katarungan. Anuman ang mangyari, laging hingin ang tulong ni Jehova sa panalangin. Tularan din kung paano hinarap ni Jesus ang kawalang-katarungan, at patuloy na sundin ang mga prinsipyo sa Bibliya. Kung gagawin natin iyan, siguradong pagpapalain tayo ni Jehova.​—Basahin ang 1 Pedro 3:​8, 9.

AWIT BLG. 38 Tutulungan Ka Niya

a Binago ang ilang pangalan.

b Sa kabanata 2 at 3 ng unang liham ni apostol Pedro, sinabi niya ang ilang sitwasyon ng mga Kristiyano na nakaranas ng kawalang-katarungan. May ilan na nakaranas nito sa mga amo nila o sa mga asawa nila na hindi mananampalataya.​—1 Ped. 2:​18-20; 3:​1-6, 8, 9.