Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 45

AWIT BLG. 138 Kagandahan ng Puting Buhok

Matuto Mula sa mga Huling Habilin ng Tapat na mga Lalaki

Matuto Mula sa mga Huling Habilin ng Tapat na mga Lalaki

“Hindi ba taglay ng matatanda ang karunungan at nagkakaroon ng unawa ang may mahabang buhay?”JOB 12:12.

MATUTUTUHAN

Kung magiging masunurin tayo sa Diyos na Jehova, pagpapalain tayo ngayon at tatanggap ng buhay na walang hanggan sa hinaharap.

1. Bakit marami tayong matututuhan sa mga may-edad?

 LAHAT tayo, kailangan ng patnubay para makagawa ng matatalinong desisyon sa buhay. Siguradong makakatulong sa atin diyan ang mga elder at iba pang may-gulang na Kristiyano. Kung di-hamak na mas matanda sila kaysa sa atin, huwag natin agad isipin na hindi na natin magagamit ang mga payo nila. Gusto ni Jehova na matuto tayo sa mga may-edad. Mas makaranasan sila, marunong, at malawak ang unawa dahil mas matagal na silang nabubuhay kaysa sa atin.​—Job 12:12.

2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

2 Noong panahon ng Bibliya, ginamit ni Jehova ang tapat na mga may-edad para patibayin at gabayan ang bayan niya. Ang ilan sa kanila ay sina Moises, David, at apostol Juan. Magkakaibang panahon sila nabuhay, at magkakaiba rin ang sitwasyon nila. Pero lahat sila, nagbigay ng magandang payo sa mga nakakabata sa kanila noong malapit na silang mamatay. Itinuro nila kung gaano kahalagang maging masunurin sa Diyos. At tiniyak ni Jehova na maiingatan sa Bibliya ang mga sinabi nila. Bata man tayo o matanda, makikinabang tayo sa payo nila. (Roma 15:4; 2 Tim. 3:16) Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga huling habilin ng tatlong may-edad na lalaking ito at ang mga aral na matututuhan natin sa sinabi nila.

‘HAHABA ANG BUHAY NINYO’

3. Ano ang mga naging atas ni Moises sa paglilingkod?

3 Tapat na naglingkod si Moises kay Jehova sa buong buhay niya. Naging propeta siya, hukom, lider ng bayan, at istoryador. Pinangunahan niya ang bansang Israel sa paglabas sa Ehipto, at nakita niya mismo ang marami sa mga himala ni Jehova. Bukod diyan, ginamit siya ni Jehova para isulat ang unang limang aklat ng Bibliya, ang Awit 90, at posibleng pati ang Awit 91. Malamang na siya rin ang sumulat ng aklat ng Job. Talagang maraming naranasan si Moises!

4. Sino ang mga pinayuhan ni Moises, at bakit?

4 Noong malapit nang mamatay si Moises sa edad na 120, tinipon niya ang lahat ng Israelita para ipaalala sa kanila ang mga nakita at naranasan nila. Noong bata pa ang ilan sa kanila, nakita nila ang maraming himala ni Jehova at kung paano niya pinarusahan ang mga Ehipsiyo. (Ex. 7:​3, 4) Nakita nilang nahati ang Dagat na Pula, at nakalakad sila dito. Pagkatapos, nakita nilang pinatay ang Paraon at ang buong hukbo nito. (Ex. 14:​29-31) Habang nasa ilang, naranasan nila ang proteksiyon at pangangalaga ni Jehova. (Deut. 8:​3, 4) Ngayong papasók na ang bayan sa Lupang Pangako, gusto silang patibayin ni Moises sa huling pagkakataon. a

5. Sa huling habilin ni Moises sa Deuteronomio 30:​19, 20, anong katiyakan ang ibinigay niya sa mga Israelita?

5 Ano ang sinabi ni Moises? (Basahin ang Deuteronomio 30:​19, 20.) Ipinaalala niya sa mga Israelita ang magandang buhay na naghihintay sa kanila. Dahil sa pagpapala ni Jehova, puwede silang mabuhay nang mahabang panahon sa lupaing ipinangako niya sa kanila. Mabunga ang lupaing iyon at napakaganda! Ganito iyon inilarawan ni Moises para sa kanila: “Malalaki at magagandang lunsod na hindi kayo ang nagtayo, mga bahay na punô ng iba’t ibang magagandang bagay na hindi ninyo pinagpaguran, mga imbakan ng tubig na hindi kayo ang naghukay, mga ubasan at mga punong olibo na hindi kayo ang nagtanim.”​—Deut. 6:​10, 11.

6. Bakit hinayaan ng Diyos na sakupin ng ibang bansa ang Israel?

6 Binabalaan din ni Moises ang mga Israelita na kung gusto nilang manatili sa mabungang lupaing iyon, kailangan nilang sumunod sa mga utos ni Jehova. Sinabi sa kanila ni Moises na ‘piliin ang buhay.’ Para magawa iyan, kailangan nilang makinig kay Jehova at ‘manatiling tapat sa kaniya.’ Pero hindi iyan ginawa ng mga Israelita. Kaya hinayaan ni Jehova na masakop sila at madalang bihag ng Asirya at pagkatapos, ng Babilonya.​—2 Hari 17:​6-8, 13, 14; 2 Cro. 36:​15-17, 20.

7. Ano ang matututuhan natin sa mga sinabi ni Moises? (Tingnan din ang larawan.)

7 Ano ang aral para sa atin? Kapag masunurin tayo kay Jehova, patuloy tayong mabubuhay. Gaya ng mga Israelita na papasók na noon sa Lupang Pangako, malapit na rin tayong pumasok sa ipinangako ng Diyos na bagong sanlibutan. Magiging paraiso na ang buong lupa. (Isa. 35:1; Luc. 23:43) Wala na doon ang Diyablo at ang mga demonyo. (Apoc. 20:​2, 3) Mawawala na ang huwad na relihiyon na naglalayo sa mga tao mula kay Jehova. (Apoc. 17:16) Wala na ring mga gobyerno ng tao na magpapahirap sa mga sakop nila. (Apoc. 19:​19, 20) Walang lugar doon ang mga rebelde. (Awit 37:​10, 11) Doon, susunod ang mga tao sa matuwid na mga utos ni Jehova, kaya magkakaisa ang lahat at magiging payapa. Dahil diyan, mamahalin at pagtitiwalaan nila ang isa’t isa. (Isa. 11:9) Hindi ka ba nananabik na mabuhay sa Paraisong lupa? Kung susundin natin si Jehova, puwede tayong mabuhay doon, hindi lang nang daan-daang taon, kundi nang walang hanggan!—Awit 37:29; Juan 3:16.

Kung susundin natin si Jehova, puwede tayong mabuhay sa Paraisong lupa, hindi lang nang daan-daang taon, kundi nang walang hanggan (Tingnan ang parapo 7)


8. Paano nakatulong sa isang matagal nang misyonero ang pangako ng Diyos na buhay na walang hanggan? (Judas 20, 21)

8 Kung lagi nating iisipin ang ipinangako ng Diyos na buhay na walang hanggan, gugustuhin nating maging masunurin sa kaniya kahit may mga problema. (Basahin ang Judas 20, 21.) Matutulungan din tayo ng pangakong iyan na malabanan ang mga kahinaan natin. Isang brother na maraming taon nang misyonero sa Africa ang matagal nang nakikipaglaban sa isang kahinaan. Sinabi niya: “Kapag naiisip kong puwedeng mawala ang pag-asa ko na mabuhay nang walang hanggan, nagiging mas determinado akong labanan ang kahinaan ko at magsumamo kay Jehova. Sa tulong niya, napagtagumpayan ko ang kahinaan ko.”

“MAGTATAGUMPAY KA”

9. Anong mga pagsubok ang naranasan ni David?

9 Mabuting hari si David. Isa siyang mandirigma at propeta. Magaling din siya sa musika at paggawa ng tula. Pero marami siyang pinagdaanan sa buhay. Matagal siyang nagtagô dahil gusto siyang patayin ni Haring Saul. Nang maging hari na siya, kailangan niyang magtagô ulit dahil gusto ng anak niyang si Absalom na agawin ang trono at patayin siya. Sa kabila ng lahat ng ito at ng mga kahinaan niya, nanatiling tapat si David sa Diyos buong buhay niya. Inilarawan siya ni Jehova na “isang lalaking kalugod-lugod sa puso [Niya].” Kaya dapat lang na pakinggan natin ang payo ni David!—Gawa 13:22; 1 Hari 15:5.

10. Bakit pinayuhan ni David ang anak niyang si Solomon bago ito maging hari?

10 Tingnan natin ngayon ang payo ni David sa anak niyang si Solomon, na papalit sa kaniya bilang hari. Pinili ni Jehova si Solomon para magtayo ng templo kung saan sasamba ang bayan. (1 Cro. 22:5) Napakabigat na atas niyan. Kailangan niya rin ng tulong ni Jehova para pamunuan ang bayan. Ano kaya ang ipapayo sa kaniya ni David? Tingnan natin.

11. Anong katiyakan ang ibinigay ni David kay Solomon sa 1 Hari 2:​2, 3, at paano iyon naging totoo? (Tingnan din ang larawan.)

11 Ano ang sinabi ni David? (Basahin ang 1 Hari 2:​2, 3.) Sinabi ni David kay Solomon na kung susunod siya kay Jehova, magtatagumpay siya sa buhay. At sa loob ng maraming taon, talagang naging matagumpay na hari si Solomon. (1 Cro. 29:​23-25) Nakapagtayo siya ng isang napakagandang templo, at nakapagsulat siya ng ilang bahagi ng Bibliya. Nakilala siya dahil sa talino at yaman niya. (1 Hari 4:34) Pero gaya ng sinabi ni David, magiging matagumpay lang si Solomon hangga’t sinusunod niya si Jehova. Nakakalungkot, sumamba sa ibang mga diyos si Solomon pagtanda niya. Dahil doon, naiwala niya ang pagsang-ayon ni Jehova at hindi na siya binigyan ng Diyos ng karunungan para mapamunuan nang mabait at makatarungan ang mga sakop niya.​—1 Hari 11:​9, 10; 12:4.

Sa huling habilin ni David sa anak niyang si Solomon, natutuhan natin na kung susunod tayo kay Jehova, bibigyan Niya tayo ng karunungan para makagawa ng matatalinong desisyon (Tingnan ang parapo 11-12) b


12. Ano ang matututuhan natin sa mga sinabi ni David?

12 Ano ang aral para sa atin? Kapag masunurin tayo kay Jehova, magtatagumpay tayo. (Awit 1:​1-3) Hindi naman tayo pinangakuan ni Jehova na magiging mayaman at kilala tayo gaya ni Solomon. Pero kung susundin natin ang Diyos, bibigyan niya tayo ng karunungan para makagawa tayo ng matatalinong desisyon. (Kaw. 2:​6, 7; Sant. 1:5) Makakatulong sa atin ang mga payo ni Jehova kapag nagdedesisyon tayo pagdating sa trabaho, edukasyon, libangan, at pera. Maiingatan din nito ang kaugnayan natin sa kaniya at ang pag-asa nating mabuhay nang walang hanggan. (Kaw. 2:​10, 11) At kapag sumusunod tayo sa Diyos, magkakaroon tayo ng mabubuting kaibigan at masayang pamilya.

13. Ano ang mga ginawa ni Carmen para makapagdesisyon siya nang tama at maging matagumpay sa buhay?

13 Inisip ni Carmen na taga-Mozambique na kailangan niyang kumuha ng mataas na edukasyon para magtagumpay sa buhay. Kaya pumasok siya sa unibersidad at nag-aral ng architecture. “Sobrang nag-enjoy ako sa pag-aaral,” ang sabi niya. “Pero inubos n’on ang oras at lakas ko. Nasa school ako mula 7:30 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi. Nahirapan akong dumalo, kaya humina ang espirituwalidad ko. Alam kong pinipilit kong maglingkod sa dalawang panginoon.” (Mat. 6:24) Ipinanalangin ni Carmen ang sitwasyon niya at nag-research sa mga publikasyon natin. Sinabi niya: “Dahil sa magagandang payo sa akin ng mga elder at ng nanay ko, nagdesisyon akong huminto na sa pag-aaral at maglingkod kay Jehova nang buong panahon. Masayang-masaya ako dahil alam kong isa ito sa pinakamagandang desisyong nagawa ko.”

14. Ano ang pinakamensahe ng mga payo nina Moises at David?

14 Mahal na mahal nina Moises at David si Jehova, at alam nila kung gaano kahalaga ang pagsunod sa kaniya. Sa mga huling habilin nila, pareho nilang pinayuhan ang mga kausap nila na tularan sila at manatiling tapat kay Jehova. Pareho rin silang nagbabala na kung hindi mananatiling tapat ang isang tao kay Jehova, maiwawala nito ang pagsang-ayon at mga pagpapala niya. Napakagandang payo niyan para sa atin ngayon. Pagkalipas ng daan-daang taon, ipinaliwanag pa ng isang lingkod ni Jehova kung gaano kahalagang manatiling tapat sa Diyos.

“WALA NANG MAS MAKAPAGPAPASAYA PA”

15. Ano ang mga naranasan ni apostol Juan?

15 Si Juan ay isang minamahal na apostol ni Jesu-Kristo. (Mat. 10:2; Juan 19:26) Kasama siya ni Jesus sa pangangaral. Nakita rin niya ang mga himala ni Jesus, at nanatili siyang tapat sa Panginoon niya kahit may mga pagsubok. Nandoon si Juan nang patayin si Jesus, at nakita rin niya ito pagkatapos itong buhaying muli. Bukod diyan, nakita ni Juan ang pagdami ng mga Kristiyano noong unang siglo—mula sa isang maliit na grupo ng tapat na mga lingkod hanggang sa maipangaral ang mabuting balita “sa lahat ng nilalang sa buong lupa.”​—Col. 1:23.

16. Sino ang mga nakinabang sa mga liham ni Juan?

16 Noong malapit nang mamatay ang may-edad nang apostol na si Juan, nagkapribilehiyo siyang sumulat ng ilang bahagi ng Bibliya. Isinulat niya ang isang kapana-panabik na “pagsisiwalat ni Jesu-Kristo.” (Apoc. 1:1) Sumulat din siya ng isang Ebanghelyo at tatlong liham. Ang ikatlong liham niya ay para kay Gayo, isang tapat na Kristiyano na minahal ni Juan na gaya ng sarili niyang anak. (3 Juan 1) Nang mga panahong iyon, siguradong marami nang anak sa espirituwal si Juan. Malaking pampatibay sa lahat ng tagasunod ni Jesus, mula noon hanggang ngayon, ang isinulat ng tapat na apostol na ito.

17. Ayon sa 3 Juan 4, ano ang isang bagay na talagang nagbibigay ng kaligayahan?

17 Ano ang isinulat ni Juan? (Basahin ang 3 Juan 4.) Isinulat niya na masaya siyang makita ang mga kapatid niya na sumusunod sa Diyos. Noon kasing isulat niya ang ikatlong liham niya, may mga nagpapakalat na ng maling turo at sumisira sa pagkakaisa ng kongregasyon. Pero may mga ‘patuloy na lumakad sa katotohanan.’ Nanatili silang masunurin kay Jehova at patuloy na “lumakad ayon sa mga utos niya.” (2 Juan 4, 6) Hindi lang si Juan ang napasaya ng tapat na mga Kristiyanong ito, kundi pati si Jehova.​—Kaw. 27:11.

18. Ano ang matututuhan natin sa mga isinulat ni Juan?

18 Ano ang aral para sa atin? Kung mananatili tayong tapat kay Jehova, magiging masaya tayo at mapapasaya din natin ang iba. (1 Juan 5:3) Masaya tayo kasi alam nating napapasaya natin si Jehova. Masaya ang Diyos kapag nilalabanan natin ang mga tukso sa mundong ito at sinusunod ang mga utos niya. (Kaw. 23:15) Napapasaya rin niyan ang mga anghel sa langit. (Luc. 15:10) Nagiging masaya rin tayo kapag nakikita nating nananatiling tapat ang mga kapatid natin, lalo na sa harap ng mga pagsubok at tukso. (2 Tes. 1:4) At kapag dumating na ang bagong sanlibutan, masaya tayo kasi alam nating nanatili tayong tapat kay Jehova habang nabubuhay tayo sa mundong pinamumunuan ni Satanas.

19. Ano ang sinabi ng sister na si Rachel tungkol sa pagtuturo ng katotohanan sa iba? (Tingnan din ang larawan.)

19 Mas nagiging masaya tayo kapag itinuturo natin sa iba ang katotohanan. Para kay Rachel na taga-Dominican Republic, napakalaking karangalan na maturuan ang iba tungkol kay Jehova. Sinabi niya tungkol sa mga natulungan niyang maging lingkod ng Diyos: “Hindi ko kayang ipaliwanag kung gaano ako kasaya kapag nakikita kong lumalalim ang pag-ibig nila kay Jehova, natututo silang magtiwala sa kaniya, at binabago nila ang buhay nila para mapasaya siya. Kaya para sa akin, sulit na sulit ang anumang sakripisyong ginawa ko para maturuan sila.”

Nagiging masaya tayo kapag tinuturuan natin ang iba na mahalin at sundin si Jehova (Tingnan ang parapo 19)


MAKINABANG SA MGA HULING HABILIN NG TAPAT NA MGA LALAKI

20. Ano ang pagkakatulad natin kina Moises, David, at Juan?

20 Ibang-iba ang panahon at sitwasyon nina Moises, David, at Juan kung ikukumpara sa atin. Pero malaki ang pagkakapareho natin sa kanila. Mga lingkod sila ng tunay na Diyos, at ganiyan din tayo. Gaya nila, nananalangin tayo kay Jehova, nagtitiwala sa kaniya, at umaasa sa patnubay niya. At sigurado rin tayo na pagpapalain ni Jehova ang mga sumusunod sa kaniya.

21. Anong mga pagpapala ang tatanggapin ng mga makikinig sa payo ng tapat na mga may-edad na gaya nina Moises, David, at Juan?

21 Talagang napakahalagang makinig tayo sa mga huling habilin ng tapat na mga may-edad na iyon at sumunod kay Jehova! Kung gagawin natin iyan, magiging matagumpay tayo. ‘Mabubuhay tayo nang mahaba’—nang walang hanggan! (Deut. 30:20) At magiging masaya tayo dahil alam nating napapasaya natin ang mapagmahal nating Ama, na saganang magbibigay sa atin ng mga gantimpalang higit sa maiisip natin.​—Efe. 3:20.

AWIT BLG. 129 Hindi Tayo Susuko

a Ang karamihan sa mga Israelita na nakakita sa mga himala ni Jehova sa Dagat na Pula ay hindi nakapasok sa Lupang Pangako. (Bil. 14:​22, 23) Sinabi ni Jehova na mamamatay sa ilang ang mga nakarehistro mula 20 taóng gulang pataas. (Bil. 14:29) Pero nakaligtas sina Josue at Caleb at ang marami sa mga Levita. Nakatawid sila ng Ilog Jordan at nakapasok sa Canaan kasama ng marami sa nakakabatang henerasyon, at nakita nilang natupad ang pangako ni Jehova sa Israel.​—Deut. 1:​24-40.

b LARAWAN: Kaliwa: Bago mamatay si David, binigyan niya ng payo ang anak niyang si Solomon. Kanan: Nakikinabang sa pinakamagandang edukasyon ang mga estudyante ng Pioneer Service School dahil tumatanggap sila dito ng karunungan ni Jehova.