Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 47

AWIT BLG. 103 Mga Pastol​—Regalo ng Diyos

Mga Brother​—Sinisikap Ba Ninyong Maging Elder?

Mga Brother​—Sinisikap Ba Ninyong Maging Elder?

“Kung nagsisikap ang isang lalaki na maging tagapangasiwa, magandang tunguhin iyan.”​—1 TIM. 3:1.

MATUTUTUHAN

Mga kuwalipikasyon sa Bibliya na dapat abutin ng isang brother para maging elder.

1-2. Ano ang mga gawain ng mga elder?

 KUNG isa kang ministeryal na lingkod ngayon, malamang na sinisikap mo nang magkaroon ng mga katangiang kailangan para maging elder. Puwede mo bang abutin ang pribilehiyong ito?​—1 Tim. 3:1.

2 Ano nga ba ang mga gawain ng mga elder? Nagpapakita sila ng magandang halimbawa sa pangangaral. Masipag din sila sa pagse-shepherding at pagtuturo sa mga kapatid. At sinisikap nilang nakakapagpatibay ang mga sinasabi at ginagawa nila. Kaya naman, tinatawag sila sa Bibliya na ‘mga taong ibinigay bilang regalo.’—Efe. 4:8.

3. Paano magiging kuwalipikado ang isang brother na maging elder? (1 Timoteo 3:​1-7; Tito 1:​5-9)

3 Paano ka magiging kuwalipikadong maging elder? Hindi ito parang pag-a-apply ng trabaho. Kadalasan na, kapag may skill ka na hinahanap ng isang kompanya, matatanggap ka sa trabaho. Pero hindi lang skill ang kailangan kung gusto mong maging elder. Hindi sapat na marunong kang mangaral at magturo. Kailangan mong maabot ang mga kuwalipikasyon para sa mga elder na binabanggit sa 1 Timoteo 3:​1-7 at Tito 1:​5-9. (Basahin.) Tatalakayin sa artikulong ito ang tatlong mahahalagang bagay na inaasahan sa mga elder: pagkakaroon ng magandang reputasyon sa loob at labas ng kongregasyon, pagiging magandang halimbawa bilang ulo ng pamilya, at pagiging handang maglingkod sa kongregasyon.

MAGKAROON NG MAGANDANG REPUTASYON

4. Ano ang ibig sabihin ng “di-mapupulaan”?

4 Para maging kuwalipikado ka bilang elder, dapat na ‘hindi ka mapupulaan.’ Ibig sabihin, mayroon kang magandang reputasyon sa kongregasyon dahil sa magandang paggawi mo. Dapat na “maganda rin ang reputasyon [mo] sa mga di-kapananampalataya.” Totoo, posibleng kuwestiyunin ng mga hindi lingkod ni Jehova ang mga paniniwala natin. Pero dapat, hindi nila makukuwestiyon ang pagiging tapat at mabuting tao natin. (Dan. 6:​4, 5) Tanungin ang sarili, ‘Maganda ba ang reputasyon ko sa loob at labas ng kongregasyon?’

5. Ano ang ibig sabihin ng “laging gumagawa ng mabuti”?

5 Masasabing ‘lagi kang gumagawa ng mabuti’ kung hinahanap mo ang magagandang katangian ng iba at pinupuri sila dahil dito. Nagkukusa ka ring gumawa ng mabuti sa iba kahit hindi na iyon inaasahan sa iyo. (1 Tes. 2:8; tingnan ang study note na “laging gumagawa ng mabuti” sa Tito 1:8.) Bakit napakahalaga nito? Kasi maraming panahon ang ginagamit ng mga elder sa pagpapastol sa kongregasyon at paggawa ng mga atas nila. (1 Ped. 5:​1-3) Totoo, malaking sakripisyo ito para sa kanila. Pero sulit naman ito dahil sa saya na nararamdaman nila.​—Gawa 20:35.

6. Ano ang ibig sabihin ng pagiging “mapagpatuloy”? (Hebreo 13:​2, 16; tingnan din ang larawan.)

6 Masasabing “mapagpatuloy” ka kung ginagawan mo ng mabuti ang iba, kasama na ang mga hindi malalapit sa iyo. (1 Ped. 4:9) Ganito inilarawan ng isang reperensiya ang isang mapagpatuloy na tao: “Ang pinto ng bahay niya—at ng puso niya—ay bukás sa mga estranghero.” Tanungin ang sarili, ‘Kilala ba akong nagpapakita ng kabaitan sa mga bumibisita sa kongregasyon?’ (Basahin ang Hebreo 13:​2, 16.) Ang isang mapagpatuloy na tao ay nagpapakita ng kabaitan sa lahat. Kasama diyan ang mahihirap, mga inimbitahang speaker, at iba pang masisipag na lingkod ni Jehova, gaya ng mga tagapangasiwa ng sirkito.​—Gen. 18:​2-8; Kaw. 3:27; Luc. 14:​13, 14; Gawa 16:15; Roma 12:13.

Inimbitahan ng isang mag-asawa sa bahay nila ang tagapangasiwa ng sirkito at ang asawa niya (Tingnan ang parapo 6)


7. Ano ang ibig sabihin ng “hindi maibigin sa pera”?

7 “Hindi maibigin sa pera.” Ibig sabihin, hindi pangunahin sa buhay mo ang pagkakaroon ng maraming materyal na bagay. Mayaman ka man o mahirap, ang paglilingkod kay Jehova ang pinakamahalaga sa iyo. (Mat. 6:33) Ginagamit mo ang panahon, lakas, at mga pag-aari mo para sambahin si Jehova, alagaan ang pamilya mo, at paglingkuran ang kongregasyon. (Mat. 6:24; 1 Juan 2:​15-17) Tanungin ang sarili: ‘Ano ang tingin ko sa pera? Kontento na ba ako sa mga pangunahing pangangailangan para mabuhay? O ang lagi na lang nasa isip ko ay ang pagkakaroon ng pera at maraming pag-aari?’—1 Tim. 6:​6, 17-19.

8. Ano ang ibig sabihin ng ‘may kontrol sa paggawi’ at “may pagpipigil sa sarili”?

8 Masasabing ‘may kontrol ka sa paggawi’ mo at “may pagpipigil sa sarili” kung alam mo ang mga limitasyon mo sa mga bagay-bagay. Halimbawa, maayos kang manamit at mag-ayos, hindi ka sobrang lakas kumain o uminom, at hindi kuwestiyunable ang mga libangan mo. Hindi mo ginagaya ang mga lifestyle na salungat sa pamantayan ni Jehova. (Luc. 21:34; Sant. 4:4) Nananatili ka ring kalmado kapag ginagawan ka ng masama ng iba. Bukod diyan, ‘hindi ka lasenggo’ o kilalang malakas uminom. Tanungin ang sarili, ‘Makikita ba sa buhay ko na may kontrol ako sa paggawi ko at may pagpipigil ako sa sarili?’

9. Ano ang ibig sabihin ng “may matinong pag-iisip” at “maayos”?

9 Masasabing ‘matino ang pag-iisip’ mo kung lagi mong iniisip ang mga prinsipyo sa Bibliya sa iba’t ibang sitwasyon sa buhay. Pinag-iisipan mong mabuti ang mga ito kaya mas naiintindihan mo ang gagawin mo sa bawat sitwasyon. Hindi ka basta-basta nagdedesisyon. Tinitiyak mo na nakuha mo na ang lahat ng impormasyong kailangan mo para makapagpasiya. (Kaw. 18:13) Dahil dito, nakakagawa ka ng mahusay na desisyon na base sa kaisipan ni Jehova. Masasabi namang “maayos” ka kung organisado ka at laging nasa oras. Kilala kang maaasahan at sumusunod sa mga tagubilin. Kung sisikapin mong magkaroon ng mga katangiang tinalakay sa subtitulong ito, magkakaroon ka ng magandang reputasyon. Talakayin na natin ngayon ang isa pang kuwalipikasyong sinasabi sa Bibliya: maging mahusay na halimbawa sa pagiging ulo ng pamilya.

MAGING MAGANDANG HALIMBAWA SA PAGIGING ULO NG PAMILYA

10. Paano namumuno ang isang lalaki “sa sarili niyang pamilya sa mahusay na paraan”?

10 Kung isa kang ulo ng pamilya at gusto mong maging elder, makakaapekto sa kuwalipikasyon mo ang reputasyon ng pamilya mo. Kaya dapat kang ‘mamuno sa sarili mong pamilya sa mahusay na paraan.’ Dapat na kilala ka bilang isang mapagmahal at responsableng ulo ng pamilya. Ibig sabihin, pinapangunahan mo ang pamilya mo sa lahat ng bahagi ng pagsamba natin. Bakit napakahalaga nito? Sinabi ni apostol Pablo: “Kung hindi kayang mamuno ng isang lalaki sa sarili niyang pamilya, paano niya aalagaan ang kongregasyon ng Diyos?”—1 Tim. 3:5.

11-12. Paano makakaapekto sa kuwalipikasyon mo ang paggawi ng bawat miyembro ng pamilya mo? (Tingnan din ang larawan.)

11 Kung isa kang ama at may menor-de-edad na mga anak, dapat na sila ay “masunurin at mabuti ang asal.” Dapat na tinuturuan at sinasanay mo sila sa maibiging paraan. Siyempre, gaya rin sila ng ibang mga bata na kailangang magsaya at maglaro. Pero dahil sa mahusay na pagsasanay mo, masunurin sila, magalang, at may magandang paggawi. Dapat mo ring gawin ang buong makakaya mo para tulungan sila na maging malapít kay Jehova, sumunod sa mga prinsipyo sa Bibliya, at sumulong hanggang sa mabautismuhan.

12 “May nananampalatayang mga anak na hindi mapaparatangan ng masamang pamumuhay o pagrerebelde.” Kung may nananampalataya kang anak na nakatira sa bahay ninyo at nakagawa siya ng malubhang kasalanan, paano iyan makakaapekto sa kuwalipikasyon mo? Kung naging pabaya ang isang brother sa pagsasanay at pagdidisiplina sa anak niya, malamang na hindi siya kuwalipikado sa pagiging elder.​—Tingnan ang Bantayan, isyu ng Oktubre 15, 1996, p. 21, par. 6-7.

Nasasanay ng mga ulo ng pamilya ang mga anak nila kapag isinasama nila ang mga ito sa iba’t ibang bahagi ng paglilingkod (Tingnan ang parapo 11)


PINAGLILINGKURAN ANG KONGREGASYON

13. Paano mo maipapakitang “makatuwiran” ka at “hindi arogante”?

13 Pagpapala sa kongregasyon ang mga brother na nagpapakita ng mga Kristiyanong katangian. Sinisikap ng isang taong “makatuwiran” na mapanatili ang kapayapaan. Kung gusto mong magkaroon ng reputasyon ng pagiging makatuwiran, maging handang makinig at sundin ang sinasabi ng iba. Halimbawa, kapag may meeting, handa ka bang suportahan ang desisyon ng nakakarami kung wala namang prinsipyo sa Bibliya ang nalalabag? Masasabi namang “hindi [ka] arogante” kung hindi mo ipinipilit ang sarili mong paraan. Para sa iyo, mahalaga ang opinyon ng iba at nakikinig ka sa kanila. (Gen. 13:​8, 9; Kaw. 15:22) Dapat din, ‘hindi ka palaaway’ at ‘hindi mainitin ang ulo mo.’ Ibig sabihin, magalang kang makipag-usap sa iba at mabait sa kanila. At dahil mapagpayapa ka, nauuna kang makipag-ayos kahit sa mahihirap na sitwasyon. (Sant. 3:​17, 18) Mabait ka ring makipag-usap, kaya napapakalma mo kahit ang mga kumokontra sa paniniwala mo.​—Huk. 8:​1-3; Kaw. 20:3; 25:15; Mat. 5:​23, 24.

14. Ano ang ibig sabihin ng “hindi bagong kumberte” at pagiging “tapat”?

14 Ang mga brother na maglilingkod bilang elder ay dapat na “hindi bagong kumberte.” Hindi naman kailangan na maraming taon ka nang bautisado, pero kailangan mo ng panahon para mapatibay ang kaugnayan mo kay Jehova at masanay na gamitin ang Bibliya kapag gumagawa ng desisyon. Bago ka atasan bilang elder, dapat na naipakita mo nang mapagpakumbaba ka gaya ni Jesus. Ibig sabihin, kontento ka sa mga atas mo at handa kang hintayin si Jehova para sa iba pang mga atas. (Mat. 20:23; Fil. 2:​5-8) Mapapatunayan mo namang “tapat” ka kung patuloy kang mamumuhay sa mga pamantayan ni Jehova at susunod sa mga tagubiling ibinibigay ng organisasyon.​—1 Tim. 4:15.

15. Dapat bang mahusay magpahayag ang isang elder? Ipaliwanag.

15 Malinaw na sinasabi ng Bibliya na ang mga tagapangasiwa ay dapat na “kuwalipikadong magturo.” Ibig bang sabihin, dapat napakahusay mong magpahayag? Hindi. May mga kuwalipikadong elder na hindi ganoon kahusay magpahayag pero epektibo naman sa ministeryo at pagse-shepherding. (Tingnan ang study note na “kuwalipikadong magturo” sa 1 Timoteo 3:2; ihambing ang 1 Corinto 12:​28, 29 at Efeso 4:11.) Pero siyempre, dapat mo pa ring pasulungin ang pagtuturo mo. Paano mo iyan magagawa?

16. Paano ka magiging mas epektibong tagapagturo? (Tingnan din ang larawan.)

16 “Mahigpit na nanghahawakan sa mapananaligang mensahe.” Para maging mas epektibo kang tagapagturo, laging ibase sa Salita ng Diyos ang mga itinuturo at payo mo. Maging masipag sa pag-aaral ng Bibliya at ng mga publikasyon natin. (Kaw. 15:28; 16:23; tingnan ang study note na “mahigpit na nanghahawakan sa mapananaligang mensahe” sa Tito 1:9.) Habang nag-aaral ka, tingnan kung paano ipinapaliwanag ng mga publikasyon natin ang isang teksto sa Bibliya para maipaliwanag mo ito nang tama. At kapag nagtuturo, sikaping maabot ang puso ng mga tagapakinig mo. Mapapasulong mo ang pagtuturo mo kung hihingi ka ng payo sa makaranasang mga elder at susundin ang mga iyon. (1 Tim. 5:17) Dapat na may kakayahan din ang mga elder na “magpatibay” sa mga kapatid. Pero kung minsan, kailangan nilang magbigay ng payo o “sumaway” pa nga. Dapat na lagi silang maging mabait sa paggawa ng mga ito. Kung magiging mahinahon ka, mapagmahal, at lagi mong ibabase sa Salita ng Diyos ang mga itinuturo mo, magiging epektibo ka kasi tinutularan mo ang Dakilang Guro, si Jesus.​—Mat. 11:​28-30; 2 Tim. 2:24.

Sinisikap ng isang ministeryal na lingkod na matuto sa isang makaranasang elder kung paano magturo gamit ang Bibliya. Pinapraktis ng ministeryal na lingkod ding iyon ang pahayag niya sa harap ng salamin (Tingnan ang parapo 16)


PATULOY NA ABUTIN ANG PAGIGING ELDER

17. (a) Ano ang tutulong sa mga ministeryal na lingkod na patuloy na abutin ang pagiging elder? (b) Ano ang dapat tandaan ng mga elder kapag sinusuri ang kuwalipikasyon ng isang brother? (Tingnan ang kahong “ Maging Makatuwiran Kapag Sinusuri ang Kuwalipikasyon ng Iba.”)

17 Ngayong natalakay na natin ang mga kuwalipikasyon para maging elder, baka maramdaman ng ilang ministeryal na lingkod na hindi nila kayang maabot ang pribilehiyong iyan. Pero tandaan na hindi inaasahan ni Jehova o ng organisasyon niya na maipapakita mo nang perpekto ang mga kuwalipikasyong ito. (1 Ped. 2:21) Tandaan din na tutulungan ka ng banal na espiritu ni Jehova na maabot ang mga ito. (Fil. 2:13) May naiisip ka bang katangian na gusto mong mapasulong? Ipanalangin ito kay Jehova, mag-research tungkol dito, at hingin ang payo ng isa sa mga elder kung paano mo ito mapapasulong.

18. Ano ang dapat na maging determinasyon ng lahat ng ministeryal na lingkod?

18 Maging determinado sana tayong lahat, kasama na ang mga elder, na patuloy na magkaroon ng mga katangiang tinalakay sa artikulong ito. (Fil. 3:16) Isa ka bang ministeryal na lingkod? Patuloy na abutin ang pagiging elder! Hilingin kay Jehova na sanayin ka para mas mapaglingkuran mo siya at ang kongregasyon. (Isa. 64:8) Pagpalain sana ni Jehova ang mga pagsisikap mo na maging isang elder.

AWIT BLG. 101 Naglilingkod Nang May Pagkakaisa