Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Sa Lahat ng Nangyari sa Amin, Pinalakas Kami ni Jehova

Sa Lahat ng Nangyari sa Amin, Pinalakas Kami ni Jehova

Paul: Nobyembre 1985 noon. Excited na kami! Papunta na kami sa unang atas namin bilang misyonero sa Liberia, West Africa. Huminto muna sa Senegal ang eroplanong sinakyan namin. “Mahigit isang oras na lang,” ang sabi ni Anne, “nasa Liberia na tayo!” Pero biglang may announcement: “Para sa lahat ng pasahero na papuntang Liberia, hindi tayo makaka-landing doon dahil sa kudeta. Kailangan ninyong bumaba ng eroplano.” Kaya sa sumunod na 10 araw, nakituloy muna kami sa mga misyonero sa Senegal. Narinig namin sa balita na maraming tao ang pinapatay sa Liberia at na nagpatupad ng curfew ang gobyerno. Binabaril agad ang mga hindi sumusunod sa curfew.

Anne: Hindi kami mahilig sa adventure. Bata pa nga lang ako, kilala na akong matatakutin. Kahit nga pagtawid sa kalsada, takot ako. Pero gusto pa rin naming pumunta ng Liberia kahit alam naming baka delikado doon.

Paul: Ipinanganak kami ni Anne sa kanlurang bahagi ng England. Walong kilometro lang ang layo ng lugar namin sa kanila. Lagi kaming pinapatibay ng mga magulang ko at ng nanay ni Anne na magpayunir. Kaya ginawa namin agad iyon pagka-graduate namin ng high school. Masayang-masaya sila na gusto naming maglingkod nang buong panahon. Noong 19 ako, nagsimula akong mag-volunteer sa Bethel. At noong 1982, ikinasal kami ni Anne. Mula noon, magkasama na kami sa Bethel.

Graduation namin sa Gilead (Setyembre 8, 1985)

Anne: Mahal namin ang Bethel, pero matagal na naming gustong maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. At mas tumindi ang kagustuhan naming iyon dahil sa magandang halimbawa at karanasan ng mga dating misyonerong nakasama namin sa Bethel. Sa loob ng tatlong taon, gabi-gabi naming ipinapanalangin iyon. Kaya masayang-masaya kami noong 1985 nang makatanggap kami ng imbitasyon na mag-aral sa ika-79 na klase ng Gilead! Naatasan kami sa Liberia, West Africa.

PINALAKAS KAMI NG PAG-IBIG NG MGA KAPATID

Paul: Noong puwede na, nakasakay kami sa unang flight papuntang Liberia. May mga curfew pa rin doon, at takot na takot ang mga tao. Sa sobrang takot nila, umingay lang nang malakas ang makina ng sasakyan, nagsisigawan na sila at nagtatakbuhan. Magkasama naming binabasa ang Mga Awit gabi-gabi para maging kalmado. Pero kahit ganoon ang sitwasyon, talagang mahal namin ang atas namin. Misyonera si Anne; nasa Bethel naman ako. Nakasama ko doon si John Charuk. a Marami akong natutuhan sa kaniya. Matagal na siyang nasa Liberia, at alam niya ang mga problema at sitwasyon ng mga kapatid doon.

Anne: Minahal namin agad ang Liberia dahil sa mga kapatid. Mabait sila at tapat. Naging close kami sa kanila; parang pamilya na namin sila. Marami silang ipinapayo sa amin, at pinapalakas nila kami sa espirituwal. Ang sarap ding mangaral sa Liberia. Maiinis ang kausap mo kapag nagpaalam ka kaagad! At kahit saan, pinag-uusapan ng mga tao ang Bibliya. Puwede ka pa ngang makisali sa usapan nila. Sa dami ng Bible study namin, nahihirapan kaming puntahan silang lahat. Talagang ang ganda ng teritoryo doon!

PINALAKAS KAMI NI JEHOVA NOONG NATATAKOT KAMI

Lumikas ang mga kapatid sa Bethel sa Liberia (1990)

Paul: Pagkalipas ng apat na taon, noong 1989, lumala pa ang sitwasyon—nagkaroon ng giyera sibil! Noong Hulyo 2, 1990, ginawang teritoryo ng mga rebelde ang lugar kung nasaan ang Bethel. Tatlong buwan din kaming walang contact sa mga nasa labas ng Liberia, kasama na ang pamilya namin at ang punong-tanggapan. Ang gulo-gulo noon! Halos wala pang pagkain. Maraming babae rin ang ginahasa. Ganito ang naging sitwasyon sa buong bansa sa loob ng 14 na taon.

Anne: Pinapatay ng mga miyembro ng ilang tribo ang mga taga-ibang tribo. Nagkalat sa kalsada ang mga rebelde. Marami silang dalang armas, at kakaiba ang suot nila. Pinapasok nila ang lahat ng bahay, at kinukuha nila kung ano ang gusto nila. Para sa ilan sa kanila, para lang “pagpatay ng manok” ang pagpatay ng tao. Patong-patong ang bangkay sa mga checkpoint. May makikitang ganiyan kahit sa mga checkpoint na malapit sa Bethel. May mga kapatid din na pinatay, kasama na ang dalawa nating misyonero.

Pinapatay ng mga rebelde ang makikita nilang mula sa ibang tribo. Kaya kahit delikado, itinatago ng mga kapatid ang mga kapananampalataya nila na galing sa ibang tribo. Ganiyan din ang ginawa ng mga misyonero at ng mga Bethelite. May mga lumikas na pinatuloy sa Bethel. Mayroong natulog sa kuwarto ng mga Bethelite sa itaas. Pito ang kasama namin sa kuwarto.

Paul: Araw-araw, sinusubukan ng mga rebelde na pasukin ang Bethel. Gusto nilang malaman kung itinatago namin ang mga hinahanap nila. Sa tuwing mangyayari iyon, may dalawang brother na pumupunta sa may gate para makipag-usap sa kanila; may dalawa pang kapatid sa may bintana na nakakakita sa mga nangyayari. Kapag nasa harap ng dalawang brother ang kamay nila, ibig sabihin, walang problema. Pero kapag inilagay na nila ang mga kamay nila sa likod nila, ibig sabihin, talagang nagpupumilit pumasok sa Bethel ang mga rebelde. Kaya itatago na ng mga kapatid na nasa may bintana ang mga kapatid na galing sa ibang tribo.

Anne: Isang araw, may mga rebelde na nagpumilit pumasok. Hindi na sila napigilan ng mga brother. Nagtago kami ng isang sister sa CR. May cabinet doon na may tagong compartment, at doon isiniksik ng sister ang sarili niya. Umakyat sa kuwarto namin ang mga rebelde na may dalang mga machine gun. Kinalampag nila ang pinto, pero sabi ni Paul sa kanila, “Nasa CR ang asawa ko.” Kaya lang, umingay noong isinasarado ko ang pinto ng compartment na pinagtataguan ng sister. Ibinalik ko pa ang lahat ng laman ng cabinet kaya medyo natagalan ako. Alam kong nagtataka ang mga rebelde kung bakit ang tagal kong lumabas. Kaya nanginginig ang buong katawan ko noon sa takot. Pero alam kong kailangan kong maging kalmado kasi mahahalata iyon ng mga rebelde. Kaya nanalangin ako kay Jehova at saka ko binuksan ang pinto. Pagkabukas, nabati ko sila nang kalmado. Pero bigla akong itinulak ng isa sa kanila para makapasok siya. Dumeretso siya sa cabinet, binuksan niya iyon, at hinalughog ang mga gamit. Pero hindi siya makapaniwala na wala siyang nakitang tao sa loob. Tiningnan din nila ang ibang kuwarto, pati na ang attic. Pero wala pa rin silang nakita.

KATOTOHANAN ANG NAGING LIWANAG NAMIN

Paul: Ilang buwan kaming halos walang makain. Pero hindi naman kami nawalan ng espirituwal na pagkain. Madalas, wala kaming almusal, pero mayroon naman kaming morning worship. Iyon na ang “almusal” namin. Iyon ang nagbibigay sa amin ng lakas araw-araw.

Alam namin na kapag may ilan sa amin na lumabas para kumuha ng pagkain at tubig, puwedeng mapatay ang mga kapatid na nagtatago sa Bethel. Pero laging ibinibigay ni Jehova sa amin ang kailangan namin sa tamang panahon at sa mga paraang hindi namin inaasahan. Kahit kailan, hindi niya kami pinabayaan kaya nakapanatili kaming kalmado.

Kahit palala nang palala ang sitwasyon, nagsilbing liwanag sa amin ang katotohanan. Maraming beses na lumikas ang mga kapatid para sa buhay nila, pero kalmado pa rin sila at nanatiling matatag ang pananampalataya nila. Sinabi ng ilan na “paghahanda na sa malaking kapighatian” ang mga nararanasan nila. Ginawa ng mga elder at kabataang brother ang lahat ng magagawa nila para tulungan ang mga kapatid. Nagtutulungan din ang mga kapatid na lumikas, at nangangaral sila saanman sila mapunta. Ginagamit din nila ang anumang makita nila sa gubat para makapagtayo ng simpleng Kingdom Hall at makapagpulong. Ang mga bagay na iyon ang nagbigay ng lakas at pag-asa sa mga kapatid kahit napakahirap ng sitwasyon. Kapag nagbibigay kami ng relief, marami ang nagre-request ng preaching bag imbes na damit. Nakakapagpatibay na makita iyon. At ang mga taong naapektuhan ng digmaan, gustong-gusto nilang marinig ang mabuting balita. Nakita kasi nila kung gaano kasaya at kapositibo ang mga Saksi. Parang liwanag sa kadiliman ang mga kapatid! (Mat. 5:​14-16) Dahil sa sigasig nila, naging kapatid natin kahit ang ilan sa mga rebelde.

PINALAKAS KAMI NI JEHOVA NOONG KAILANGAN NAMING IWAN ANG MGA KAPATID

Paul: Ilang beses naming kinailangang umalis ng Liberia. Tatlo doon, saglit lang, pero may dalawang beses na nawala kami nang isang taon. Makikita sa sinabi ng isang misyonera ang nararamdaman namin sa tuwing aalis kami. Sinabi niya: “Itinuro sa amin sa Gilead na talagang mahalin ang mga kapatid sa atas namin, at iyon nga ang ginawa namin. Kaya kapag kailangan naming iwan ang mga kapatid sa mahirap na sitwasyon, sobrang lungkot namin!” Buti na lang, nakakatulong pa rin kami ni Anne sa mga kapatid sa Liberia at sa pangangaral doon kahit nasa katabing mga bansa kami.

Masaya kaming makabalik sa Liberia (1997)

Anne: Noong Mayo 1996, magbibiyahe sana kami gamit ang sasakyan ng sangay. May dala kaming mahahalagang dokumento tungkol sa gawain sa Liberia. Apat kaming aalis noon papunta sa isang mas ligtas na lugar na 16 na kilometro ang layo. Pero noong mismong pagkakataong iyon, may mga umatake sa lugar namin. Nagpaputok ng baril ang galit na mga rebelde. Pinahinto nila ang sasakyan namin, pinalabas ang tatlo sa amin, at kinuha nila ang sasakyan. Nasa loob pa si Paul noon. Talagang natulala na lang kami sa mga nangyari. Pagkatapos, bigla na lang, nakita namin si Paul na naglalakad papalapit sa amin. Ang dami niyang dugo sa noo. Akala namin, binaril siya. Pero naisip namin na kung iyon ang nangyari sa kaniya, hindi siya makakapaglakad! Ang nangyari pala, hinampas siya ng isa sa mga rebelde noong pinapalabas siya ng sasakyan. Buti na lang, maliit lang ang sugat niya.

May nakita kaming sasakyan ng militar na paalis na. Takot na takot ang mga nakasakay doon. At dahil puno na ang sasakyan, sumabit na lang kami; halos wala kaming makapitan. Ang bilis pang magpatakbo ng driver, kaya ilang beses na muntik na kaming makabitaw. Nagmakaawa kami sa kaniya na tumigil muna, pero natatakot siyang gawin iyon. Nakarating naman kami nang hindi nahuhulog, pero pagod na pagod kami at nanginginig sa takot.

Paul: Nagkatinginan na lang kami, at hindi kami makapaniwalang buhay pa kami. Ang dumi-dumi namin noon; nagkasira-sira ang mga damit namin. Natulog kami sa isang bukid. Katabi namin ang isang lumang helicopter na marami nang tama ng bala at mukhang masisira na. Pero iyon ang sinakyan namin papuntang Sierra Leone kinabukasan. Nakarating naman kami nang ligtas, pero nag-aalala kami para sa mga kapatid sa Liberia.

PINALAKAS KAMI PARA MAKAYANAN ANG IBA PANG PROBLEMA

Anne: Talagang inalagaan at inasikaso kami sa Bethel sa Freetown, Sierra Leone. Pero may nangyari na hindi ko inaasahan. Bigla ko na lang naaalala ang mga pangit na nangyari sa amin sa Liberia. Araw-araw akong natatakot at hindi makapag-isip mabuti. Pakiramdam ko, lahat ng nakikita ko, hindi totoo at laging may masamang mangyayari. Sa gabi naman, madalas akong nagigising na malamig ang pawis at nanginginig. Nahihirapan din akong huminga. Kaya niyayakap ako ni Paul at nananalangin kami. Kumakanta rin kami ng mga Kingdom song hanggang sa kumalma ako. Pakiramdam ko noon, nababaliw na ako at hindi ko na kayang magtuloy bilang misyonera.

Hindi ko makakalimutan ang sumunod na nangyari. Noong mismong linggong iyon, may natanggap kaming dalawang magasin. Ang isa doon ay Gumising!, isyu ng Hunyo 8, 1996. May artikulo sa magasing iyon na “Pagharap sa mga Sumpong ng Pagkataranta.” Dahil doon, naintindihan ko na panic attack pala ang nangyayari sa akin. Ang isa pang magasin na natanggap namin ay ang Bantayan, isyu ng Mayo 15, 1996. May artikulo naman doon na “Saan Nila Nakuha ang Kanilang Lakas?” May artwork iyon ng isang paruparo na hindi na buo ang isang pakpak. Sinabi sa artikulo na nakakakain at nakakalipad pa rin ang paruparo kahit ganoon ang pakpak niya. Tayo rin. Kahit nanghihina tayo dahil sa hindi magagandang nangyari sa buhay natin, kaya tayong bigyan ni Jehova ng lakas para tulungan ang iba. Ginamit ni Jehova ang mga artikulong iyon para palakasin ako, at talagang dumating iyon sa tamang panahon. (Mat. 24:45) Nakatulong din sa akin ang pagre-research ng kaparehong mga artikulo at ang pag-iipon ng mga iyon sa isang folder. Paglipas ng panahon, unti-unting nabawasan ang mga panic attack ko.

PINALAKAS KAMI PARA SA BAGONG ATAS

Paul: Ang saya-saya namin sa tuwing bumabalik kami sa Liberia. Noong huling bahagi ng 2004, natapos ang digmaan at nagkaroon din ng mga plano ng construction sa sangay. Halos 20 taon na kami sa atas namin, pero bigla kaming nakatanggap ng bagong atas.

Napakahirap nito para sa amin. Napakalapít namin sa mga kapatid sa Liberia. Para na namin silang pamilya, at ayaw namin silang iwan. Pero naranasan na namin ang tulong ni Jehova noong iwan namin ang sariling pamilya namin para mag-Gilead. Kaya tinanggap namin ang bagong atas. Pinadala kami sa Ghana, isang bansa na malapit sa Liberia.

Anne: Iyak kami nang iyak noong paalis na kami ng Liberia. Pero nagulat kami sa sinabi ni Kuya Frank, isang mahusay at may-edad nang brother, “Kalimutan n’yo na kami!” Pero sinabi rin niya: “Alam naming hindi n’yo kami makakalimutan, pero buksan n’yo ang puso n’yo sa mga kapatid sa Ghana. Galing kay Jehova ang atas n’yo, kaya mahalin n’yo at alagaan ang mga kapatid doon.” Nakatulong iyon para magkaroon kami ng mga bagong kaibigan sa isang lugar na lahat, bago sa amin at wala kaming masyadong kakilala.

Paul: Naging malapít agad kami sa mga kapatid sa Ghana. Ang daming Saksi doon. At ang dami naming natutuhan sa katapatan at pananampalataya nila. Pero pagkalipas ng 13 taon doon, may nangyari ulit na hindi namin inaasahan. Naatasan kaming maglingkod sa sangay sa East Africa, na nasa Kenya. Kahit sobra naming nami-miss ang mga kapatid sa Liberia at Ghana, mabilis din kaming nagkaroon ng mga kaibigan sa Kenya. At napakalaki ng gawain dito.

Kasama ang mga kaibigan namin sa Kenya (2023)

MGA NATUTUHAN NAMIN

Anne: Marami akong naranasang mahihirap na sitwasyon, at may mga panahon na takot na takot ako. Talagang may epekto sa kalusugan at emosyon natin kapag delikado at nakakatakot sa lugar na tinitirhan natin. Sa ganoong mga sitwasyon, hindi natin dapat asahan na poprotektahan tayo ni Jehova sa makahimalang paraan. Kahit ngayon, kapag nakakarinig ako ng putok ng baril, para akong nasusuka at namamanhid ang mga kamay ko. Pero natutuhan ko na samantalahin ang lahat ng tulong ni Jehova para palakasin tayo, gaya ng mga kapatid. Nakita ko rin na kapag mayroon tayong magandang espirituwal na rutin, matutulungan tayo ni Jehova na manatili sa atas natin.

Paul: Minsan, may mga nagtatanong sa amin, “Nae-enjoy n’yo ba ang assignment n’yo?” Masarap namang makapunta sa iba’t ibang bansa, pero puwedeng biglang magbago ang sitwasyon at maging delikado sa mga lugar na iyon. Kaya ang talagang pinakaminahal namin sa mga atas namin ay ang naging pamilya namin doon, ang mga kapatid. Kahit iba-iba ang pinanggalingan namin, mahal naming lahat si Jehova. At ang totoo, ang akala namin ni Anne, ipinadala kami para patibayin ang mga kapatid. Pero ang nangyari, kami ang napatibay nila.

Napakagandang regalo mula kay Jehova ang mga kapatid sa buong mundo. Basta bahagi tayo ng organisasyon, panatag tayo at may pamilya tayo saanman tayo pumunta. Kung patuloy tayong magtitiwala kay Jehova, siguradong mapapalakas niya tayo anuman ang maging sitwasyon.​—Fil. 4:13.

a Tingnan ang talambuhay ni John Charuk na “I Am Grateful to God and Christ” sa The Watchtower, isyu ng Marso 15, 1973.