Patibayin ang Iyong Pananampalataya sa mga Bagay na Inaasahan Mo
“Ang pananampalataya ay ang mapananaligang paghihintay sa mga bagay na inaasahan.”—HEB. 11:1.
1, 2. (a) Paano naiiba ang pag-asa ng mga tunay na Kristiyano sa inaasahan ng mga tao sa sanlibutan ni Satanas? (b) Anong mahahalagang tanong ang tatalakayin natin?
NAPAKAGANDA ng pag-asa nating mga tunay na Kristiyano! Lahat tayo, pinahiran man o kabilang sa “ibang mga tupa,” ay umaasang makita ang katuparan ng orihinal na layunin ni Jehova at ang pagpapabanal sa pangalan niya. (Juan 10:16; Mat. 6:9, 10) Ang mga iyan ang pinakamagagandang bagay na maaaring asahan ng sinumang tao. Inaasam din natin ang pangakong buhay na walang hanggan, bilang bahagi ng “mga bagong langit” ng Diyos o ng kaniyang “bagong lupa.” (2 Ped. 3:13) Samantala, umaasa tayo na magpapatuloy pa ang espirituwal na kasaganaan ng bayan ng Diyos.
2 May inaasahan din ang mga kabilang sa sanlibutan ni Satanas, pero baka nag-aalinlangan sila kung magkakatotoo iyon. Halimbawa, milyon-milyong nagsusugal ang umaasang mananalo sa loterya, pero hindi sila nakasisiguro diyan. Sa kabaligtaran, ang tunay na pananampalataya ay “ang mapananaligang paghihintay” sa ating pag-asang Kristiyano. (Heb. 11:1) Pero baka maitanong mo, paano magiging mas mapananaligan ang inaasahan mo? At ano ang mga pakinabang ng pagkakaroon ng matibay na pananampalataya sa mga bagay na inaasahan mo?
3. Saan nakasalig ang tunay na pananampalatayang Kristiyano?
3 Hindi tayo isinilang na may pananampalataya; hindi rin ito Gal. 5:22) Hindi sinasabi ng Bibliya na si Jehova ay may pananampalataya o na kailangan niya ito. Dahil si Jehova ang pinakamakapangyarihan at pinakamarunong, walang makahahadlang sa pagtupad niya sa kaniyang layunin. Nakatitiyak ang ating makalangit na Ama na matutupad ang kaniyang mga ipinangako, kaya naman para sa kaniya, parang natupad na ang mga ito. Dahil dito, sinasabi niya: “Naganap na ang mga iyon!” (Basahin ang Apocalipsis 21:3-6.) Alam nating si Jehova ang “tapat na Diyos,” na laging tumutupad ng kaniyang ipinangako, kaya nananampalataya tayo sa lahat ng kaniyang sinasabi.—Deut. 7:9.
kusang nalilinang. Ang pananampalatayang Kristiyano ay resulta ng pagkilos ng banal na espiritu ng Diyos sa isang masunuring puso. (MATUTO MULA SA SINAUNANG MGA HALIMBAWA NG PANANAMPALATAYA
4. Ano ang pag-asa ng tapat na mga lalaki at babae na nabuhay bago ang panahong Kristiyano?
4 Mababasa sa kabanata 11 ng aklat ng Mga Hebreo ang pangalan ng 16 na lalaki at babae na may pananampalataya. Binanggit din doon ang marami pang iba na “pinatotohanan . . . dahil sa kanilang pananampalataya.” (Heb. 11:39) Lahat sila ay nagkaroon ng “mapananaligang paghihintay” na ibabangon ng Diyos ang ipinangakong “binhi,” o supling, na dudurog sa paghihimagsik ni Satanas at tutupad sa orihinal na layunin ni Jehova. (Gen. 3:15) Ang tapat na mga lingkod na iyon ay namatay bago binuksan ng supling, si Jesu-Kristo, ang daan tungo sa makalangit na buhay. (Gal. 3:16) Pero dahil sa di-nagmimintis na mga pangako ng Diyos, bubuhayin silang muli para maging sakdal na mga tao sa isang makalupang paraiso.—Awit 37:11; Isa. 26:19; Os. 13:14.
5, 6. Saan nagpokus si Abraham at ang kaniyang pamilya, at paano nila napanatiling matibay ang kanilang pananampalataya? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
5 Ganito ang sabi ng Hebreo 11:13 tungkol sa ilan na nabuhay bago ang panahong Kristiyano: “Sa pananampalataya ang lahat ng mga ito ay namatay, bagaman hindi nila nakamtan ang katuparan ng mga pangako, ngunit nakita nila ang mga iyon mula sa malayo at malugod na inasahan ang mga iyon.” Ang isa sa kanila ay si Abraham. Inasam din ba niya ang buhay sa ilalim ng pamamahala ng ipinangakong supling? Malinaw ang sagot ni Jesus nang sabihin niya sa kaniyang mga mananalansang: “Si Abraham na inyong ama ay nagsaya nang labis sa pag-asang makita ang aking araw, at nakita niya iyon at nagsaya.” (Juan 8:56) Ganiyan din ang nadama nina Sara, Isaac, Jacob, at marami pang iba na nagpokus sa dumarating na Kaharian, “na ang tagapagtayo at maygawa . . . ay ang Diyos.”—Heb. 11:8-11.
6 Paano napanatiling matibay ni Abraham at ng kaniyang pamilya ang kanilang pananampalataya? Malamang na patuloy silang natuto tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng pakikinig sa tapat na mga may-edad. Marahil ay natuto rin sila mula sa mga pagsisiwalat ng Diyos at sa mapananaligang sinaunang mga akda. Higit sa lahat, hindi nila kinalimutan ang mga natutuhan nila kundi pinahalagahan ang mga pangako at kahilingan ng Diyos at binulay-bulay ang mga iyon. At dahil tiyak na tiyak ang kanilang pag-asa, ang mga lalaki at babaeng ito ay handang magdusa para manatiling matapat sa Diyos.
7. Anong mga paglalaan ang ibinigay ni Jehova para magkaroon tayo ng matibay na pananampalataya? At ano ang dapat nating gawin sa mga paglalaang iyon?
7 Para mapanatiling matibay ang ating pananampalataya, inilaan ni Jehova ang kaniyang Salita, ang Bibliya. Kung gusto nating maging “maligaya” at ‘magtagumpay,’ kailangan nating basahin nang regular ang Salita ng Diyos, araw-araw pa nga kung posible. (Awit 1:1-3; basahin ang Gawa 17:11.) At tulad ng sinaunang mga mananamba ni Jehova, kailangan nating patuloy na bulay-bulayin ang mga pangako ng Diyos at sundin ang kaniyang mga kahilingan. Pinagpapala rin tayo ni Jehova ng saganang suplay ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45) Kung pahahalagahan natin ang mga natututuhan natin mula sa espirituwal na paglalaan ni Jehova, magiging tulad tayo ng sinaunang mga halimbawa ng pananampalataya na nagkaroon ng “mapananaligang paghihintay” sa kanilang pag-asa sa Kaharian.
8. Paano mapatitibay ng panalangin ang ating pananampalataya?
8 Nakatulong din ang panalangin sa sinaunang mga saksing iyon. Tumibay ang pananampalataya nila habang nakikita nilang sinasagot ng Diyos ang kanilang mga panalangin. (Neh. 1:4, 11; Awit 34:4, 15, 17; Dan. 9:19-21) Maidudulog din natin kay Jehova ang ating mga álalahanín dahil alam nating diringgin at patitibayin niya tayo para makapagbata nang may kagalakan. At kapag nasasagot ang ating mga panalangin, lalong tumitibay ang ating pananampalataya. (Basahin ang 1 Juan 5:14, 15.) Dahil ang pananampalataya ay isang aspekto ng bunga ng espiritu, kailangan tayong “patuloy na humingi” ng espiritu ng Diyos, gaya ng sinabi ni Jesus.—Luc. 11:9, 13.
9. Bukod sa ating sarili, sino pa ang dapat nating ipanalangin?
9 Pero kapag nananalangin, hindi lang personal na mga bagay ang dapat nating hilingin sa Diyos. Pinasasalamatan at pinupuri natin si Jehova araw-araw dahil sa kaniyang “mga kamangha-manghang gawa” na “mas marami kaysa sa kaya [nating] isalaysay.” (Awit 40:5) Sa ating mga panalangin, dapat din nating “ingatan . . . sa isipan yaong mga nasa gapos ng bilangguan na para bang naigapos [tayong] kasama nila.” At dapat nating ipanalangin ang ating pambuong-daigdig na kapatiran, lalo na ang “mga nangunguna sa [atin].” Talagang naaantig ang puso natin kapag nakikita nating sinasagot ni Jehova ang ating mga panalangin!—Heb. 13:3, 7.
HINDI SILA NAKIPAGKOMPROMISO
10. Magbigay ng ilang halimbawa ng mga lingkod ng Diyos na hindi nakipagkompromiso ng kanilang katapatan. Ano ang nagbigay sa kanila ng lakas na gawin iyon?
10 Sa Hebreo kabanata 11, inilarawan ni apostol Pablo ang mga pagsubok na binatá ng maraming lingkod ng Diyos na di-binanggit ang pangalan. Halimbawa, binanggit ng apostol ang mga babae na namatayan ng mga anak pero tinanggap ang mga ito sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Binanggit din niya ang iba na “ayaw . . . tumanggap ng paglaya sa pamamagitan ng anumang pantubos, upang sila ay makapagkamit ng mas mabuting pagkabuhay-muli.” (Heb. 11:35) Hindi natin tiyak kung sino ang tinutukoy ni Pablo, pero may ilan, gaya nina Nabot at Zacarias, na binato hanggang sa mamatay dahil sa pagsunod sa Diyos at paggawa ng Kaniyang kalooban. (1 Hari 21:3, 15; 2 Cro. 24:20, 21) Maaari sanang “tumanggap ng paglaya” si Daniel at ang kaniyang mga kasama kung ikinompromiso nila ang kanilang katapatan. Sa halip, dahil sa kanilang pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, nagawa nilang ‘itikom ang mga bibig ng mga leon,’ at ‘patigilin ang puwersa ng apoy.’—Heb. 11:33, 34; Dan. 3:16-18, 20, 28; 6:13, 16, 21-23.
11. Anong mga pagsubok ang binatá ng ilang mga propeta dahil sa kanilang pananampalataya?
11 Dahil sa pananampalataya, tinanggap ng mga propetang gaya nina Micaias at Jeremias ang “kanilang pagsubok sa pamamagitan ng mga panlilibak . . . at mga bilangguan.” Ang iba, gaya ni Elias, ay “nagpagala-gala sa mga disyerto at mga bundok at mga yungib at mga lungga sa lupa.” Lahat sila ay nakapagbata dahil mayroon silang “mapananaligang paghihintay sa mga bagay na inaasahan.”—Heb. 11:1, 36-38; 1 Hari 18:13; 22:24-27; Jer. 20:1, 2; 28:10, 11; 32:2.
12. Sino ang pinakamahusay na halimbawa ng pagbabata ng mga pagsubok, at ano ang nakatulong sa kaniya na magawa iyon?
12 Matapos ilarawan ni Pablo ang mga lalaki at babae na may pananampalataya, itinampok naman niya ang pinakamahusay na halimbawa sa lahat—ang ating Panginoong Jesu-Kristo. “Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya,” ayon sa Hebreo 12:2, “nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng trono ng Diyos.” Dapat talaga nating “maingat [na] pag-isipan” ang halimbawa ng pananampalataya ni Jesus sa harap ng pinakamatitinding pagsubok. (Basahin ang Hebreo 12:3.) Tulad ni Jesus, hindi ikinompromiso ng mga sinaunang Kristiyanong martir na gaya ng alagad na si Antipas ang kanilang katapatan. (Apoc. 2:13) Gagantimpalaan sila ng pagkabuhay-muli sa langit—na nakahihigit sa “mas mabuting pagkabuhay-muli” na inasam ng sinaunang mga lingkod ng Diyos. (Heb. 11:35) Ilang panahon matapos isilang ang Kaharian noong 1914, ang lahat ng tapat na pinahiran, na natutulog sa kamatayan, ay binuhay-muli sa langit bilang mga espiritu para makasama ni Jesus na mamahala sa sangkatauhan.—Apoc. 20:4.
MAKABAGONG-PANAHONG MGA HALIMBAWA NG PANANAMPALATAYA
13, 14. Anong mga pagsubok ang naranasan ni Rudolf Graichen? At ano ang nakatulong sa kaniya na makapagbata?
13 Milyon-milyong mananamba ng Diyos sa ngayon ang tumutulad kay Jesus at nananatiling nakapokus sa kanilang pag-asa. Hindi nila pinahihintulutang pahinain ng mga pagsubok ang kanilang pananampalataya. Isa sa mga ito ay si Rudolf Graichen, na isinilang sa Germany noong 1925. Naalaala niya ang mga larawan ng mga eksena sa Bibliya na nakasabit sa dingding ng kanilang bahay. “Ipinakikita ng isang larawan,” ang isinulat niya, “ang lobo at ang kordero, ang batang kambing at ang leopardo, Isa. 11:6-9) Kahit maraming taon siyang dumanas ng malupit na pag-uusig, una sa kamay ng Gestapo ng Nazi at nang maglaon, sa Komunistang Stasi ng East Germany, pinanatiling matibay ni Rudolf ang pananampalataya niya sa isang makalupang paraiso.
ang guya at ang leon—pawang nasa kapayapaan, na pinapatnubayan ng isang munting bata. . . . Ang gayong mga larawan ay hindi ko makalimutan.” (14 Marami pang pagsubok na dinanas si Rudolf. Namatay ang minamahal niyang ina dahil sa tipus sa kampong piitan ng Ravensbrück, at nanghina ang pananampalataya ng kaniyang ama kung kaya pumirma ito ng dokumento na nagsasabing tinatalikuran na niya ang pagiging Saksi ni Jehova. Nang makalaya si Rudolf, nagkapribilehiyo siyang maglingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito at saka naanyayahan sa Paaralang Gilead. Inatasan siya bilang misyonero sa Chile, kung saan naglingkod siya muli bilang tagapangasiwa ng sirkito. Pero hindi pa tapós ang mga pagsubok kay Rudolf. Isang taon matapos silang ikasal ng misyonera na si Patsy, namatay ang kanilang sanggol. Nang maglaon, namatay rin ang kaniyang minamahal na asawa, na noon ay 43 pa lang. Nabata ni Rudolf ang lahat ng ito, at kahit may-edad na at masasakitin, naglilingkod pa rin siya bilang regular pioneer at elder nang lumabas ang kaniyang talambuhay sa Agosto 1, 1997, isyu ng Bantayan, pahina 20-25. [1]
15. Magbigay ng makabagong-panahong mga halimbawa ng mga Saksi ni Jehova na masayang nagbabata ng pag-uusig.
15 Sa kabila ng matindi at walang-tigil na pag-uusig, ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy na nagsasaya sa kanilang pag-asa. Halimbawa, marami sa ating mga kapatid ang nakabilanggo sa Eritrea, Singapore, at South Korea, kadalasan nang dahil sa pagsunod sa sinabi ni Jesus na huwag ‘humawak ng tabak.’ (Mat. 26:52) Kabilang sa daan-daang bilanggong ito sina Isaac, Negede, at Paulos, na mahigit 20 taon nang nasa kampong piitan sa Eritrea! Kahit pinagkaitan ng kalayaang makapag-asawa o maalagaan ang kanilang may-edad nang mga magulang, nananatiling matapat ang mga brother na ito sa kabila ng matinding pagmamaltrato. Ang kanilang mga ngiti, gaya ng makikita sa ating website na jw.org, ay nagpapakita na matibay pa rin ang kanilang pananampalataya. At iginagalang na sila kahit ng mga guwardiya sa bilangguan.
16. Paano magsisilbing proteksiyon sa iyo ang matibay na pananampalataya?
16 Hindi pa naman nakaranas ng matinding pag-uusig ang karamihan sa bayan ni Jehova. Pero iba-iba ang mga pagsubok sa kanilang pananampalataya. Marami ang nagtitiis ng kahirapan o nagdurusa dahil sa mga gera sibil o likas na mga sakuna. Ang iba ay gaya ni Moises at ng mga patriyarka dahil tinalikuran nila ang kaalwanan o kasikatan sa sanlibutan. Pinaglalabanan nila ang tukso na mamuhay nang materyalistiko at makasarili. Ano ang nakatulong sa kanila na magawa ito? Ang pag-ibig nila kay Jehova at ang matibay nilang pananampalataya sa pangakong itutuwid niya ang lahat ng kawalang-katarungan at gagantimpalaan ang kaniyang tapat na mga lingkod ng buhay na walang hanggan sa isang matuwid na bagong sanlibutan.—Basahin ang Awit 37:5, 7, 9, 29.
17. Ano ang iyong determinasyon, at ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
17 Sa artikulong ito, nakita natin kung paano nakatutulong ang pagbubulay-bulay sa mga pangako ng Diyos at regular na pananalangin para manatiling matibay ang ating pananampalataya. Sa gayon, mababata natin ang mga pagsubok sa ating pananampalataya habang nakapokus tayo sa ating pag-asang Kristiyano taglay ang “mapananaligang paghihintay.” Tatalakayin sa susunod na artikulo ang karagdagang paglalarawan ng Bibliya tungkol sa pananampalataya.
^ [1] (parapo 14) Tingnan din ang artikulong “Sa Kabila ng mga Pagsubok, Nanatiling Maningning ang Aking Pag-asa” sa Abril 22, 2002, isyu ng Gumising!, na naglalahad ng talambuhay ni Andrej Hanák na mula sa Slovakia.