Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

1918—100 Taon Na ang Nakalilipas

1918—100 Taon Na ang Nakalilipas

Sa The Watch Tower ng Enero 1, 1918, mababasa ang pambungad na mga salitang: “Ano ang mangyayari sa taóng 1918?” Kasagsagan pa rin ng Malaking Digmaan sa Europa, pero ang mga pangyayari sa mga unang buwan ng taóng iyon ay tila nagpapahiwatig ng magagandang bagay para sa mga Estudyante ng Bibliya at sa buong daigdig sa pangkalahatan.

PINAG-UUSAPAN NG DAIGDIG ANG KAPAYAPAAN

Sa kaniyang talumpati sa U.S. Congress noong Enero 8, 1918, binanggit ni Presidente Woodrow Wilson ang 14 na ideya na sa tingin niya ay mahalaga para sa isang “makatuwiran at matatag na kapayapaan.” Iminungkahi niya ang pag-uusap sa pagitan ng mga bansa, pagbabawas ng mga kagamitang pandigma, at pagtatatag ng isang “asosasyon ng mga bansa” na tutulong “kapuwa sa malalaki at maliliit na estado.” Ang kaniyang “Labing-apat na Puntos” ay magagamit sa dakong huli sa pagtatatag ng Liga ng mga Bansa at sa pag-aayos ng Treaty of Versailles, na tatapos sa Malaking Digmaan.

NATALO ANG MGA MANANALANSANG

Sa kabila ng kaguluhan sa nakaraang taon, * tila natatanaw na rin ng mga Estudyante ng Bibliya ang kapayapaan dahil sa mga nangyari sa taunang business meeting ng Watch Tower Bible and Tract Society.

Sa miting na ito, na ginanap noong Enero 5, 1918, tinangka ng ilang prominenteng lalaking pinalabas sa Bethel na kontrolin ang organisasyon. Ang miting ay sinimulan sa panalangin ni Richard H. Barber, isang tapat na naglalakbay na tagapangasiwa. Pagkatapos ng ulat ng gawain sa nakaraang taon, idinaos naman ang taunang eleksiyon ng mga direktor. Inirekomenda ni Brother Barber si Joseph Rutherford at ang anim pang brother. Pagkatapos, isang abogadong kampi sa mga mananalansang ang nagrekomenda ng pitong iba pang lalaki, kasali na ang ilang pinalabas sa Bethel, pero natalo sila. Sa boto ng karamihan, inihalal ng mga shareholder si Brother Rutherford at ang anim pang tapat na mga brother bilang mga direktor.

Ayon sa maraming kapatid na naroon, ang miting na ito “ang pinakapinagpalang kombensiyon na nadaluhan nila.” Pero hindi nagtagal ang kanilang kagalakan.

REAKSIYON SA THE FINISHED MYSTERY

Mga ilang buwan na ring namamahagi ng aklat na The Finished Mystery ang mga Estudyante ng Bibliya. Positibo ang tugon ng tapat-pusong mga mambabasa sa nilalaman nitong mga katotohanan sa Bibliya.

Ikinuwento ni E. F. Crist, isang naglalakbay na tagapangasiwa sa Canada, ang tungkol sa isang mag-asawa na nagbasa ng The Finished Mystery at tinanggap ang katotohanan sa loob lang ng limang linggo! Sinabi niya: “Interesadong-interesado ang mag-asawa at kahanga-hanga ang pagsulong nila.”

Isang lalaki naman na tumanggap ng aklat ang agad na nagbahagi nito sa mga kaibigan niya. “Tinamaan” siya sa mensahe nito. Sinabi niya: “Naglalakad ako sa Third Avenue [at] tinamaan ako sa balikat ng akala ko ay isang laryo, pero ‘The Finished Mystery’ pala iyon. Iniuwi ko ito at binasang lahat. . . . Nalaman kong isa palang pastor . . . ang naghagis nito mula sa kaniyang bintana dahil sa galit . . . Naniniwala akong mas maraming tao ang nabigyan niya ng tunay na pag-asa sa ginawa niyang iyon kaysa sa anumang iba pang ginawa niya. . . . Dahil sa galit ng pastor na ito, pinupuri namin ngayon ang Diyos.”

Hindi lang ang pastor na iyon ang may ganoong reaksiyon. Noong Pebrero 12, 1918, ipinagbawal ng mga opisyal ng Canada ang aklat dahil naglalaman daw ito ng pananalitang kontra sa pamahalaan at sa digmaan. Di-nagtagal, ganoon din ang ginawa ng mga opisyal ng United States. Hinalughog ng mga tauhan ng gobyerno ang Tahanang Bethel at mga opisina sa New York, Pennsylvania, at California, para maghanap ng ebidensiya laban sa mga nangunguna sa organisasyon. Noong Marso 14, 1918, ipinagbawal ng U.S. Department of Justice ang The Finished Mystery, na sinasabing ang paglalathala at pamamahagi nito ay humahadlang sa digmaan, isang paglabag sa Espionage Act.

IBINILANGGO!

Noong Mayo 7, 1918, nakakuha ng warrant of arrest ang Department of Justice para kina Giovanni DeCecca, George Fisher, Alexander Macmillan, Robert Martin, Frederick Robison, Joseph Rutherford, William Van Amburgh, at Clayton Woodworth. Inakusahan sila ng “labag sa batas, malubha, at sinasadyang pagpapasimuno ng pagrerebelde, pagtataksil at pagtangging maglingkod sa militar at hukbong pandagat ng Estados Unidos.” Nagsimula ang paglilitis noong Hunyo 3, 1918, pero malaki ang posibilidad na mahahatulan sila. Bakit?

Ayon sa attorney general ng United States, ang Espionage Act na nilabag nila ay isang “mabisang sandata laban sa propaganda.” Noong Mayo 16, 1918, tumanggi ang Kongreso na amyendahan ang Espionage Act na poprotekta sana sa mga naglalathala ng “mga bagay na totoo, na may mabuting motibo, at sa makatuwirang mga layunin.” Tampok sa kanilang debate ang The Finished Mystery. Tungkol dito, mababasa sa opisyal na rekord ng U.S. Congress: “Ang isa sa pinakamapanganib na halimbawa ng ganitong propaganda ay ang aklat na tinatawag na ‘The Finished Mystery’ . . . Maghahasik lang ito sa mga sundalo ng pagdududa sa ating ipinaglalaban at magpapalakas ng loob sa iba na tumangging magsundalo.”

Noong Hunyo 20, 1918, nagdesisyon ang hurado na nagkasala ang walong brother. Kinabukasan, nagbaba ng sentensiya ang hukom. Sinabi niya: “Ang relihiyosong propaganda na puspusang itinataguyod at ikinakalat ng mga akusado . . . ay mas mapanganib pa kaysa sa isang batalyon ng Hukbong Aleman. . . . Dapat silang patawan ng mabigat na parusa.” Pagkaraan ng dalawang linggo, ang walong brother na nasentensiyahang mabilanggo nang 10 hanggang 20 taon ay dinala sa Federal Penitentiary sa Atlanta, Georgia.

NAGPATULOY ANG PANGANGARAL

Noong panahong iyon, napaharap sa matinding pagsalansang ang mga Estudyante ng Bibliya. Inimbestigahan nang husto ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang kanilang gawain, at nakagawa ng libo-libong dokumento. Ipinakikita ng mga rekord na ito na determinado ang ating mga kapatid na patuloy na mangaral.

Sa isang liham sa FBI, ganito ang isinulat ng isang postmaster sa Orlando, Florida: “[Ang mga Estudyante ng Bibliya] ay nagbabahay-bahay sa bayan at madalas nila itong ginagawa sa gabi. . . . Sa paanuman, para bang patuloy nilang ginagatungan ang apoy para kumulo nang kumulo ang kaldero.”

Isang koronel sa War Department ang sumulat sa kawanihan para ireport ang ginagawa ni Frederick W. Franz, na nang maglaon ay naging miyembro ng Lupong Tagapamahala. Isinulat ng koronel: “Si F. W. Franz . . . ay aktibo sa pagbebenta ng libo-libong tomo ng ‘Finished Mystery’.”

Si Charles Fekel, na naging miyembro din ng Lupong Tagapamahala, ay napaharap sa matinding pag-uusig. Inaresto siya ng mga awtoridad dahil sa pamamahagi ng The Finished Mystery at sinubaybayan ang personal niyang mga liham. Isang buwan siyang nabilanggo sa Baltimore, Maryland, at binansagang “estrangherong kaaway na taga-Austria.” Habang buong-tapang siyang nagpapatotoo sa mga nag-iimbestiga, naalaala niya ang sinabi ni apostol Pablo sa 1 Corinto 9:16: “Sa aba ko kung hindi ko ipinahayag ang mabuting balita!” *

Bukod sa masigasig na pangangaral ng mga Estudyante ng Bibliya, wala rin silang tigil sa pagpapakalat ng petisyong palayain ang nakabilanggong mga kapatid sa Atlanta. Naalaala ni Anna K. Gardner: “Lagi kaming gumagawa ng paraan. Nang mabilanggo ang mga kapatid, nagbahay-bahay kami para mangalap ng mga pirma. Libo-libo ang napapirma namin! Sinasabi namin sa kanila na ang mga taong ito ay tunay na mga Kristiyano na di-makatarungang ibinilanggo.”

MGA KOMBENSIYON

Sa mahirap na panahong iyon, madalas na nagdaraos ng mga kombensiyon para palakasin sa espirituwal ang mga kapatid. Ganito ang sabi ng The Watch Tower: “Mahigit 40 kombensiyon . . . ang idinaos sa taóng iyon . . . Ang gaganda ng report mula sa mga kombensiyong ito. Dati, ang lahat ng kombensiyon ay ginaganap lang sa pagtatapos ng tag-init o sa pasimula ng taglagas; pero ngayon, may kombensiyon na kada buwan.”

Mayroon pa ring mga tapat-pusong tumutugon sa mabuting balita. Sa isang kombensiyon sa Cleveland, Ohio, mga 1,200 ang dumalo at 42 ang nabautismuhan, kasali na ang isang batang lalaki na may “pagpapahalaga sa Diyos at sa pag-aalay, anupat mapapahiya ang maraming adulto.”

ANO ANG SUSUNOD?

Habang papatapos ang 1918, hindi alam ng mga Estudyante ng Bibliya kung ano na ang mangyayari sa kanila. Ibinenta na ang ilang pag-aari sa Brooklyn at inilipat na ang punong-tanggapan sa Pittsburgh, Pennsylvania. Habang nakabilanggo pa rin ang mga nangunguna sa organisasyon, isa na namang taunang miting ng mga shareholder ang nakaiskedyul sa Enero 4, 1919. Ano kaya ang mangyayari?

Nagpatuloy sa gawain ang ating mga kapatid. Talagang kumbinsido sila sa mangyayari kaya ang napili nilang taunang teksto para sa 1919 ay: “Walang almas na ginawa laban sa iyo ay pakikinabangan.” (Isaias 54:17, Ang Biblia) Malapit nang magbago ang kalagayan na magpapatibay sa pananampalataya nila at magpapalakas sa kanila para sa isang napakalaking gawain.

^ par. 6 Tingnan ang “100 Taon Na ang Nakalilipas—1917” sa 2017 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova, p. 172-176.

^ par. 22 Tingnan ang talambuhay ni Charles Fekel, “Joys Through Perseverance in Good Work,” sa The Watchtower ng Marso 1, 1969.