Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magturo ng Katotohanan

Magturo ng Katotohanan

“O Jehova, . . . ang diwa ng iyong salita ay katotohanan.”—AWIT 119:159, 160.

AWIT: 29, 53

1, 2. (a) Sa anong gawain nagpokus si Jesus, at bakit? (b) Ano ang dapat nating gawin para magtagumpay bilang “mga kamanggagawa ng Diyos”?

SI Jesu-Kristo ay karpintero at guro. (Mar. 6:3; Juan 13:13) Bihasa siya sa dalawang kasanayang ito. Bilang karpintero, natutuhan niyang gamitin ang mga kagamitan niya para makagawa ng kapaki-pakinabang na mga bagay mula sa kahoy. Bilang guro ng mabuting balita, mahusay niyang ginamit ang kaalaman niya sa Kasulatan para maunawaan ng karaniwang tao ang katotohanan ng Salita ng Diyos. (Mat. 7:28; Luc. 24:32, 45) Sa edad na 30, isinaisantabi ni Jesus ang mga kagamitan sa pagkakarpintero dahil alam niyang mas mahalaga ang pagiging guro. Sinabi niyang ang paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ang isang dahilan kung bakit siya isinugo ng Diyos sa lupa. (Mat. 20:28; Luc. 3:23; 4:43) Nagpokus si Jesus sa ministeryo, at gusto niyang sumama ang iba sa gawaing ito.—Mat. 9:35-38.

2 Maaaring hindi naman tayo karpintero, pero mga ministro tayo ng mabuting balita. Napakahalaga ng gawaing iyan dahil kasama natin dito ang Diyos; tayo ay tinatawag na “mga kamanggagawa ng Diyos.” (1 Cor. 3:9; 2 Cor. 6:4) Sang-ayon tayo na ‘ang diwa ng salita ni Jehova ay katotohanan.’ (Awit 119:159, 160) Kaya tinitiyak nating “ginagamit [natin] nang wasto ang salita ng katotohanan” sa ministeryo. (Basahin ang 2 Timoteo 2:15.) Dahil dito, pinasusulong natin ang ating kakayahan sa paggamit ng Bibliya, ang pangunahing kagamitan o tool sa pagtuturo ng katotohanan tungkol kay Jehova, kay Jesus, at sa Kaharian. Para magtagumpay sa ministeryo, naglaan ang organisasyon ni Jehova ng iba pang mga tool na kailangang maging pamilyar tayo. Ang mga ito ay nasa ating Toolbox sa Pagtuturo.

3. Ano ang dapat na maging pokus natin sa natitirang panahon ng ating pagpapatotoo, at paano makatutulong ang Gawa 13:48 para magawa iyan?

3 Baka nagtataka ka kung bakit tinatawag itong Toolbox sa Pagtuturo sa halip na Toolbox sa Pangangaral. Ang “pangangaral” ay paghahayag ng mensahe; pero ang “pagtuturo” ay pagpapaabot ng mensahe sa isip at puso ng isang tao, para kumilos siya ayon sa kaniyang natututuhan. Sa natitirang panahon ng ating pagpapatotoo, dapat na ang pokus natin ay ang makapagpasimula ng pag-aaral sa Bibliya at maituro ang katotohanan. Ibig sabihin, masipag nating hinahanap ang lahat ng “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan” at tinutulungan silang maging mananampalataya.—Basahin ang Gawa 13:44-48.

4. Paano natin malalaman kung sino ang mga “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan,” at paano natin sila matatagpuan?

4 Paano natin malalaman kung sino ang mga “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan”? Gaya noong unang siglo, ang tanging paraan ay ang magpatotoo. Kaya kailangan nating sundin ang tagubilin ni Jesus: “Sa anumang lunsod o nayon kayo pumasok, hanapin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat.” (Mat. 10:11) Hindi natin inaasahang tutugon sa mabuting balita ang mga di-tapat, mapagmataas, o walang interes sa espirituwal. Naghahanap tayo ng mga tapat, mapagpakumbaba, at gutóm sa katotohanan. Maitutulad natin ito sa paghahanap ni Jesus bilang karpintero ng tamang kahoy para makagawa ng muwebles, pinto, pamatok, o iba pa. Kapag nakakita na siya ng angkop na materyales, kukunin niya ang toolbox, gagamitin ang kaniyang kasanayan, at gagawin ang bagay na nasa isip niya. Ganiyan din ang dapat nating gawin habang nagsisikap tayong gumawa ng tapat-pusong mga alagad.—Mat. 28:19, 20.

5. Ano ang kailangan nating malaman tungkol sa mga tool sa ating Toolbox sa Pagtuturo? Ilarawan. (Tingnan ang mga larawan sa simula ng artikulo.)

5 Sa isang toolbox, ang bawat tool ay may espesipikong gamit. Kuning halimbawa ang mga kagamitan ni Jesus sa pagkakarpintero. * Kailangan niya ng mga tool na panukat, pangmarka, pamutol, pambutas, pang-ukit, pangnibel, panghulog, at panghugpong sa mga piraso ng kahoy. Sa katulad na paraan, ang bawat tool sa ating Toolbox sa Pagtuturo ay may espesipikong gamit. Kaya tingnan natin ang ating toolbox at alamin kung paano gagamitin ang mahahalagang tool na inilaan sa atin.

MGA TOOL NA NAGPAPAKILALA SA ATIN

6, 7. (a) Paano mo ginagamit ang mga contact card? (b) Ano ang dalawang layunin ng imbitasyon sa pulong ng kongregasyon?

6 Contact Card. Maliit lang ito pero mabisang tool na magagamit natin para ipakilala ang ating sarili sa mga tao at akayin sila sa ating website, kung saan mas makikilala nila tayo at puwede pa nga silang humiling ng pag-aaral sa Bibliya. Sa ngayon, mahigit nang 400,000 online request ng pag-aaral sa Bibliya ang natanggap ng jw.org, at daan-daan pa ang humihiling nito araw-araw! Puwede kang magdala ng ilang contact card para masamantala mo ang pagkakataong makapagpatotoo habang ginagawa ang iyong pang-araw-araw na gawain.

7 Imbitasyon. Ang imbitasyon sa pulong ng kongregasyon ay may dalawang layunin. Sinasabi nito: “Imbitado ka na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova.” Pagkatapos, may opsiyon kung gagawin ito “sa [ating] pampublikong pagtitipon” “o kasama ng isang tagapagturo.” Kaya ang tool na ito ay hindi lang nagpapakilala sa atin kundi nag-iimbita rin sa mga “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan” na mag-aral ng Bibliya. (Mat. 5:3) Siyempre pa, tinatanggap natin ang mga tao sa ating mga pulong, magpa-Bible study man sila o hindi. Kapag dumalo sila, makikita nila at maririnig ang iniaalok nating tunay na edukasyon mula sa Bibliya.

8. Gaano kahalaga na makadalo ang mga tao sa pulong kahit isang beses lang? Magbigay ng halimbawa.

8 Napakahalagang patuloy na imbitahan ang mga tao na dumalo sa ating pulong kahit isang beses lang. Bakit? Makikita nila ang malaking pagkakaiba ng ating mga pulong na sagana sa espirituwal at ng Babilonyang Dakila na kalunos-lunos ang kalagayan sa espirituwal. (Isa. 65:13) Iyan ang napansin nina Ray at Linda, isang mag-asawa sa United States, ilang taon na ang nakalipas. Napagpasiyahan nila na kailangan na nilang magsimba. Naniniwala sila sa Diyos at gusto nilang mapalapit sa kaniya, kaya isa-isa nilang pinuntahan ang lahat ng simbahan sa kanilang lunsod. Napakaraming relihiyon at sekta roon. Sa simula pa lang, ipinasiya na ng mag-asawa na aanib lang sila sa isang relihiyon sa dalawang kondisyon. Una, dapat na may matutuhan sila kapag nagsimba sila, at ikalawa, dapat makita sa mga miyembro ng relihiyong iyon na talagang kinatawan sila ng Diyos. Pagkalipas ng ilang taon, napuntahan na nila ang lahat ng simbahan sa bayan, pero dismayado sila. Wala silang natutuhan, at hindi kagalang-galang ang mga nagsisimba. Matapos mag-walk-out sa huling simbahang nasa listahan nila, pumasok na si Linda sa trabaho at umuwi naman si Ray. Habang nagmamaneho pauwi, nadaanan niya ang isang Kingdom Hall at naisip, ‘Makápasok kaya para makita ko kung ano’ng mayroon sa loob?’ Siyempre pa, iyon ang pinakamagandang karanasan! Lahat ng nasa Kingdom Hall ay palakaibigan at napakaayos manamit. Naupo si Ray sa unahan at nagustuhan niya ang kaniyang napapakinggan! Gaya ito ng sinabi ni apostol Pablo tungkol sa isa na dumalo sa pulong sa kauna-unahang pagkakataon at nagsabi: “Ang Diyos ay tunay ngang nasa gitna ninyo.” (1 Cor. 14:23-25) Mula noon, dumalo na si Ray tuwing Linggo; pagkatapos, pati na rin sa mga pulong sa gitnang sanlinggo. Dumalo na rin si Linda, at kahit mahigit 70 anyos na sila, nagpa-Bible study sila at nabautismuhan.

MGA TOOL PARA MAKAPAGPASIMULA NG PAG-UUSAP

9, 10. (a) Bakit madaling gamitin ang mga tract? (b) Ipaliwanag kung paano gagamitin ang tract na Ano ang Kaharian ng Diyos?

9 Tract. Mayroon tayong walong tract na madaling gamitin at napakaepektibo para makapagpasimula ng pag-uusap. Mula nang ilabas ang mga tract na ito noong 2013, mga limang bilyong kopya na ang nailimbag! Ang maganda sa mga tool na ito, matutuhan mo lang gamitin ang isa, alam mo na kung paano gagamitin ang lahat dahil iisa lang ang format nito. Paano mo gagamitin ang tract para makapagpasimula ng pag-uusap?

10 Baka gusto mong gamitin ang tract na Ano ang Kaharian ng Diyos? Ipakita sa kausap ang tanong sa harap at tanungin siya: “Ano sa palagay mo ang Kaharian ng Diyos? Ito ba ay . . . ?” Pagkatapos, papiliin siya sa tatlong sagot. Sa halip na sabihin kung tama o mali ang pinili niya, buksan ang tract sa “Ang Sabi ng Bibliya,” at ipakita ang mga tekstong naroon, ang Daniel 2:44 at Isaias 9:6. Kung posible, ituloy ang pag-uusap. Panghuli, ipakita ang tanong sa likod ng tract sa ilalim ng “Pag-isipan Ito”: “Ano ang magiging buhay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos?” Iyan ang magiging pundasyon ng susunod ninyong pag-uusap. Sa susunod mong pagdalaw, puwede ninyong talakayin ang aralin 7 ng brosyur na Magandang Balita Mula sa Diyos!, na isa sa mga tool natin para makapagsimula ng pag-aaral sa Bibliya.

MGA TOOL NA PUMUPUKAW NG INTERES

11. Sa ano dinisenyo ang ating mga magasin, pero ano ang dapat nating malaman tungkol sa mga ito?

11 Magasin. Ang Bantayan at Gumising! ang mga babasahíng may pinakamaraming limbag at salin sa buong mundo! Dahil pang-internasyonal ang mga ito, ang mga paksa sa pabalat ay dinisenyo para matawag ang pansin ng mga tao. Gagamitin natin ang mga tool na ito para pukawin ang interes ng isang tao tungkol sa kung ano nga ba ang mahalaga sa buhay ngayon. Pero para maibigay ang mga magasing ito sa mga dapat pagbigyan nito, kailangang alam natin kung para kanino dinisenyo ang bawat magasin.

12. (a) Para kanino dinisenyo ang Gumising!, at ano ang layunin nito? (b) Ano ang magandang karanasan mo sa paggamit ng tool na ito?

12 Ang Gumising! ay dinisenyo para sa mga mambabasa na walang gaanong alam sa Bibliya o wala talagang alam dito. Baka wala silang alam sa mga turong Kristiyano, walang tiwala sa relihiyon, o hindi nila alam na makatutulong pala sa kanila ang Bibliya. Pangunahing layunin ng Gumising! na kumbinsihin ang mambabasa na talagang may Diyos. (Roma 1:20; Heb. 11:6) Tinutulungan din nito ang mambabasa na magtiwalang ang Bibliya “sa totoo, [ay] salita ng Diyos.” (1 Tes. 2:13) Ang tatlong paksa sa pabalat para sa 2018 ay: “Ang Daan ng Kaligayahan,” “12 Sekreto ng Matagumpay na Pamilya,” at “Tulong Para sa mga Nagdadalamhati.”

13. (a) Para kanino dinisenyo ang pampublikong edisyon ng Bantayan? (b) Ano ang magandang karanasan mo sa paggamit ng tool na ito?

13 Ang Bantayan, pampublikong edisyon, ay nakapokus sa espirituwal na mga bagay para sa mga may paggalang sa Diyos at sa kaniyang Salita. Kahit may alam sila sa Bibliya, wala silang tumpak na kaalaman sa mga turo nito. (Roma 10:2; 1 Tim. 2:3, 4) Ang tatlong paksa sa pabalat para sa 2018 ay sumasagot sa mga tanong na: “Mahalaga Pa Ba sa Ngayon ang Bibliya?,” “Ano ang Mangyayari sa Hinaharap?,” at “Mahalaga Ka Ba sa Diyos?

MGA TOOL NA NAGPAPAKILOS

14. (a) Ano ang layunin ng apat na video sa ating Toolbox sa Pagtuturo? (b) Ano ang magandang karanasan mo nang ipapanood mo ang mga video?

14 Video. Noong panahon ni Jesus, pangmano-mano ang mga kagamitan ng karpintero. Pero sa ngayon, ang mga karpintero ay mayroon nang mga power tool—chain saw, drill, sander, nailer, at iba pa. Bukod sa nakalimbag na mga publikasyon, may magagandang video na tayo ngayon na puwedeng ipapanood sa mga tao—apat ang nasa toolbox natin: Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya?, Paano Ginagawa ang Pag-aaral sa Bibliya?, Ano’ng Mayroon sa Kingdom Hall?, at Mga Saksi ni Jehova—Sino Kami? Ang mga video na wala pang dalawang minuto ang haba ay mabisa sa unang pag-uusap. Ang mahahabang video naman ay puwedeng gamitin sa mga pagdalaw-muli at sa mga taong mas may panahong manood. Ang magagandang tool na ito ay magpapakilos sa mga tao na mag-aral ng Bibliya at dumalo sa ating mga pulong.

15. Ilarawan ang epekto sa mga tao ng panonood ng isa sa ating mga video sa kanilang wika.

15 Halimbawa, nang makilala ng isang sister ang isang babaeng lumipat mula Micronesia at nagsasalita ng wikang Yapese, ipinapanood niya ang Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya? sa wika nito. Nang i-play ang video, sinabi ng babae: “Wika ko ito, a! Hindi ako makapaniwala! Halatang-halata sa pagsasalita niya na tagaisla namin siya. Pareho kami ng wika!” Pagkatapos, sinabi niyang babasahin niya at panonoorin ang lahat ng mayroon sa wika niya sa jw.org. (Ihambing ang Gawa 2:8, 11.) Tingnan naman ang karanasan ng isang sister sa United States. Nagpadala siya sa kaniyang pamangking nasa ibang bansa ng link ng video ring iyon sa wika nito. Pinanood iyon ng pamangkin niya at nag-e-mail sa kaniya: “Sa video, nakatawag po ng pansin ko ang tungkol sa isa na masama na kumokontrol sa mundo. Nag-sign-up po ako para sa Bible study.” Nakatira siya sa isang bansang may paghihigpit sa ating gawain!

MGA TOOL PARA ITURO ANG KATOTOHANAN

16. Ipaliwanag ang espesipikong layunin ng brosyur na: (a) Makinig sa Diyos at Mabuhay Magpakailanman. (b) Magandang Balita Mula sa Diyos! (c) Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?

16 Brosyur. Paano mo ituturo ang katotohanan sa isang di-gaanong marunong magbasa o kaya’y walang literatura sa wika niya? May tool tayo para sa kanila—ang brosyur na Makinig sa Diyos at Mabuhay Magpakailanman. * Ang isang napakagandang tool para makapagpasimula ng Bible study ay ang brosyur na Magandang Balita Mula sa Diyos! Puwede mong ipakita sa kausap mo ang 14 na paksa sa likod ng brosyur at tanungin siya kung alin ang pinakagusto niya. Pagkatapos, simulan na ang pag-aaral sa araling iyon. Nasubukan mo na ba ang paraang ito sa iyong mga pagdalaw-muli? Ang ikatlong brosyur sa ating toolbox ay Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon? Dinisenyo ito para akayin sa organisasyon ang mga Bible study. Para malaman kung paano ito gagamitin sa bawat pag-aaral ng Bibliya, tingnan ang Marso 2017 ng Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong.

17. (a) Ano ang espesipikong layunin ng bawat aklat na ginagamit sa pag-aaral? (b) Ano ang kahilingan para sa lahat ng nabautismuhan na, at bakit?

17 Aklat. Kapag sa brosyur mo napasimulan ang pag-aaral, puwede mo itong ilipat anumang oras sa aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Mapalalawak ng tool na ito ang kaalaman ng Bible study mo tungkol sa mga pangunahing turo ng Bibliya. Kapag natapos na ang aklat at sumusulong na siya sa espirituwal, ituloy ang pag-aaral sa aklat na Manatili sa Pag-ibig ng Diyos. * Ituturo sa kaniya ng tool na ito kung paano ikakapit ang mga simulain sa Bibliya sa pang-araw-araw na buhay. Tandaan, kahit nabautismuhan na ang mga Bible study, kailangang ituloy pa rin nila ang pag-aaral hanggang sa matapos ang dalawang aklat na ito. Tutulong ito sa kanila na magkaroon ng matibay na pundasyon sa katotohanan.—Basahin ang Colosas 2:6, 7.

18. (a) Ano ang hinihimok ng 1 Timoteo 4:16 na gawin natin bilang mga guro ng katotohanan, at ano ang resulta nito? (b) Ano ang dapat nating maging tunguhin sa paggamit ng ating Toolbox sa Pagtuturo?

18 Bilang mga Saksi ni Jehova, ipinagkatiwala sa atin ang ‘pagsasabi ng katotohanan ng mabuting balita’ na aakay sa mga tao sa buhay na walang hanggan. (Col. 1:5; basahin ang 1 Timoteo 4:16.) Kaya ibinigay sa atin ang Toolbox sa Pagtuturo na naglalaman ng mga kailangan natin. (Tingnan ang “ Toolbox sa Pagtuturo.”) Gamitin nawa natin ang mga tool na ito sa pinakamahusay na paraan. Nasa atin na kung aling literatura sa toolbox ang iaalok natin sa isang interesado at kung kailan natin ito iaalok. Pero hindi lang tayo basta namamahagi ng mga literatura; ni nag-iiwan man ng mga ito sa mga hindi interesado. Ang tunguhin natin ay ang gumawa ng mga alagad na tapat, mapagpakumbaba, at gutóm sa espirituwal—mga taong “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan.”—Gawa 13:48; Mat. 28:19, 20.

^ par. 5 Tingnan ang artikulong “Ang Karpintero” at ang kahong “Ang mga Kagamitan ng Karpintero” sa Agosto 1, 2010 ng Bantayan.

^ par. 16 Kung hindi marunong magbasa ang kausap mo, puwede mong gamitin ang brosyur na Listen to God, na halos puro larawan.

^ par. 17 Kapag available na ang mga aklat na Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya? at Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos, ang mga ito ang dapat mong gamitin.