Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Panatilihin ang Panloob na Kapayapaan sa Kabila ng mga Pagbabago

Panatilihin ang Panloob na Kapayapaan sa Kabila ng mga Pagbabago

“Pinayapa ko at pinatahimik ang aking kaluluwa.”—AWIT 131:2.

AWIT: 128, 129

1, 2. (a) Paano maaaring maapektuhan ng mga biglang pagbabago ang isang Kristiyano? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Ayon sa Awit 131, anong saloobin ang makatutulong para mapanatili ang panloob na kapayapaan?

NANG malaman nina Lloyd at Alexandra na inaatasan silang bumalik sa larangan, nalungkot sila. Mahigit 25 taon na rin silang naglilingkod sa Bethel. Sinabi ni Lloyd: “Bahagi na ng buhay ko ang Bethel at ang trabaho ko. Naiintindihan ko naman ang dahilan ng pagbabago, pero nang sumunod na mga linggo at mga buwan, madalas akong makaramdam ng sama ng loob. Pabago-bago ang nararamdaman ko. Minsan, okey; minsan, hindi.”

2 Kapag biglang nagbago ang kalagayan natin, baka magdulot ito ng pag-aalala at stress. (Kaw. 12:25) Baka nga hindi pa natin ito matanggap. Sa ganitong kalagayan, paano natin gagawing ‘payapa at tahimik’ ang ating kaluluwa? (Basahin ang Awit 131:1-3.) Alamin natin kung paano napanatili ng ilang karakter sa Bibliya at ilang lingkod ni Jehova sa ngayon ang kanilang panloob na kapayapaan sa kabila ng mga pagbabago.

KUNG PAANO TAYO TINUTULUNGAN NG “KAPAYAPAAN NG DIYOS”

3. Anong pagbabago ang naranasan ni Jose?

3 Mga 17 anyos lang si Jose nang ipagbili siya ng mga kapatid niya bilang alipin. Naiinggit kasi sila sa kaniya dahil paborito siya ng tatay nila. (Gen. 37:2-4, 23-28) Sa loob ng mga 13 taon, tiniis ni Jose ang pagiging alipin at bilanggo sa Ehipto, malayo sa kaniyang mahal na amang si Jacob. Ano ang nakatulong kay Jose para huwag mawalan ng pag-asa at huwag maghinanakit?

4. (a) Habang nakabilanggo, saan ipinokus ni Jose ang isip niya? (b) Paano sinagot ni Jehova ang mga panalangin ni Jose?

4 Habang nagdurusa sa bilangguan, tiyak na ipinokus ni Jose ang isip niya sa mga ebidensiya ng pagpapala ni Jehova. (Gen. 39:21; Awit 105:17-19) Ang makahulang mga panaginip ni Jose noong bata pa siya ay nagpatibay sa kaniya na sinasang-ayunan siya ni Jehova. (Gen. 37:5-11) Hindi lang minsan niyang ibinuhos kay Jehova ang kaniyang mga hinaing. (Awit 145:18) Bilang sagot sa taimtim na mga panalangin ni Jose, tiniyak sa kaniya ni Jehova na Siya ay “sumasakaniya” sa lahat ng dinaranas niyang pagsubok.—Gawa 7:9, 10. *

5. Ano ang epekto ng “kapayapaan ng Diyos” sa ating determinasyong umabót ng espirituwal na mga tunguhin?

5 Sa kabila ng masasamang kalagayan, nararanasan natin sa ngayon ang nakagiginhawang epekto ng “kapayapaan ng Diyos” na nagbabantay sa ating kakayahang pangkaisipan. (Basahin ang Filipos 4:6, 7.) Kaya kung lalapit tayo kay Jehova kapag nababalisa tayo, ang kapayapaan ng Diyos ang magpapalakas ng ating determinasyong umabót ng espirituwal na mga tunguhin at magbabantay sa atin laban sa anumang tendensiyang sumuko. Talakayin natin ang ilang halimbawa nito sa ngayon.

LUMAPIT KAY JEHOVA PARA MANAULI ANG PANLOOB NA KAPAYAPAAN

6, 7. Paano nakatutulong ang pagiging espesipiko sa ating panalangin para mapanauli ang panloob na kapayapaan? Magbigay ng halimbawa.

6 Nang sabihin kina Ryan at Juliette na tapós na ang kanilang atas bilang temporary special pioneer, nalungkot sila. “Inilapit agad namin ito kay Jehova sa panalangin,” ang sabi ni Ryan. “Alam naming magandang pagkakataon ito para ipakitang nagtitiwala kami sa kaniya. Maraming baguhan sa aming kongregasyon, kaya nanalangin kami na sana’y tulungan kami ni Jehova na makapagpakita ng magandang halimbawa ng pananampalataya.”

7 Paano sinagot ni Jehova ang panalangin nila? Naaalaala ni Ryan: “Pagkatapos na pagkatapos naming manalangin, nawala ang mga álalahanín at negatibong saloobin namin. Ang kapayapaan ng Diyos ang nagbantay sa aming puso at kakayahang pangkaisipan. Napag-isip-isip namin na patuloy kaming magagamit ni Jehova kung pananatilihin namin ang tamang saloobin.”

8-10. (a) Paano tayo tinutulungan ng espiritu ng Diyos na makayanan ang kabalisahan? (b) Paano pagpapalain ni Jehova ang pagsisikap nating mapanatili ang pokus sa espirituwal?

8 Hindi lang pinapayapa ng espiritu ng Diyos ang kalooban natin, inaakay rin nito ang ating pansin sa mga tekstong tutulong sa atin na unahin pa rin ang espirituwal na mga bagay. (Basahin ang Juan 14:26, 27.) Tingnan ang nangyari sa mag-asawang Philip at Mary na halos 25 taóng naglingkod sa Bethel. Sa loob lang ng apat na buwan, pareho silang namatayan ng nanay, bukod pa sa isang kamag-anak, at kinailangang alagaan nina Mary ang tatay niyang may dementia.

9 Naaalaala ni Philip: “Akala ko, okey lang ako, pero may kulang pala. Minsan, nabasa ko ang Colosas 1:11 sa isang araling artikulo sa Bantayan. Nagbabata ako, oo, pero kulang pa rin. Kailangan kong ‘makapagbata nang lubos at magkaroon ng mahabang pagtitiis taglay ang kagalakan.’ Ipinaalaala sa akin ng talatang ito na ang kagalakan ko ay hindi nakadepende sa aking kalagayan, kundi sa epekto ng espiritu ng Diyos sa buhay ko.”

10 Dahil nagsikap sina Philip at Mary na mapanatili ang pokus nila sa espirituwal kahit nagbago ang kanilang kalagayan, pinagpala sila ni Jehova sa maraming paraan. Di-nagtagal pagkalabas nila ng Bethel, nagkaroon sila ng sumusulong na mga Bible study, na hindi lang isang beses sa isang linggo gustong magpa-study. Sinabi ni Mary, “Sila ang kagalakan namin at ang paraan ni Jehova ng pagsasabing magiging okey ang lahat.”

BIGYAN SI JEHOVA NG DAHILAN PARA PAGPALAIN KA

Paano natin matutularan si Jose anuman ang ating kalagayan? (Tingnan ang parapo 11-13)

11, 12. (a) Paano binigyan ni Jose si Jehova ng dahilan para pagpalain siya? (b) Paano pinagpala ang pagbabata ni Jose?

11 Kapag biglang nagbago ang kalagayan natin, baka bigla na ring huminto ang mundo natin. Puwede sanang mangyari iyan kay Jose. Pero mas pinili niyang gawin ang pinakamabuting magagawa niya ayon sa kaniyang kalagayan, anupat binibigyan si Jehova ng dahilan para pagpalain siya. Kahit nakabilanggo, pinagbuti ni Jose ang anumang atas na ipinagagawa sa kaniya ng punong opisyal ng bilangguan, gaya ng ginawa niyang pagtatrabaho para kay Potipar.—Gen. 39:21-23.

12 Minsan, ipinagkatiwala kay Jose ang pangangalaga sa dalawang lalaki na dating mga opisyal sa korte ni Paraon. Dahil alam nilang mabait si Jose, ikinuwento nila sa kaniya ang kanilang problema at ang kakaibang panaginip nila nang gabing iyon. (Gen. 40:5-8) Walang kamalay-malay si Jose na ang pag-uusap palang iyon ang babago sa buhay niya. Dalawang taon pa ang inilagi niya sa bilangguan, pero pinalaya rin siya, at noong araw ding iyon, inatasan siyang maging pinuno pangalawa kay Paraon.—Gen. 41:1, 14-16, 39-41.

13. Paano natin mabibigyan si Jehova ng dahilan para pagpalain tayo anuman ang ating kalagayan?

13 Tulad ni Jose, baka mapalagay rin tayo sa isang sitwasyong wala tayong gaanong kontrol o hindi talaga natin kontrolado. Pero kung patuloy tayong magtitiis at gagawin ang pinakamabuting magagawa natin ayon sa ating kalagayan, mabibigyan natin si Jehova ng dahilan para pagpalain tayo. (Awit 37:5) Totoo, “naguguluhan” tayo kung minsan, pero gaya ng sinabi ni apostol Pablo, hindi tayo kailanman mawawalan ng pag-asa. (2 Cor. 4:8) Magiging totoo rin iyan sa atin, lalo na kung pananatilihin natin ang ating pokus sa ministeryo.

MANATILING NAKAPOKUS SA MINISTERYO

14-16. Sa kabila ng mga pagbabago, bakit masasabing nakapokus pa rin sa kaniyang ministeryo si Felipe na ebanghelisador?

14 Si Felipe na ebanghelisador ay magandang halimbawa ng isa na nanatiling nakapokus sa ministeryo sa kabila ng mga pagbabago. Sa Jerusalem, nagkaroon ng sunod-sunod na pag-uusig pagkatapos patayin si Esteban. * Nang panahong iyon, may ginagampanang bagong pribilehiyo ng paglilingkod si Felipe. (Gawa 6:1-6) Pero nang mangalat ang mga tagasunod ni Kristo, hindi maatim ni Felipe na basta manood na lang. Nangaral siya sa Samaria, isang lunsod na hindi pa gaanong napapangaralan ng mabuting balita nang panahong iyon.—Mat. 10:5; Gawa 8:1, 5.

15 Handang pumunta si Felipe saanman siya akayin ng espiritu ng Diyos, kaya ginamit siya ni Jehova para makapagbukas ng mga bagong teritoryo. Hindi siya nagtatangi, kaya malamang na natuwa ang mga Samaritano, na nasanay nang hinahamak ng mga Judio. Hindi nga nakapagtatakang “may-pagkakaisang” nakinig sa kaniya ang mga tao!—Gawa 8:6-8.

16 Pagkatapos, inakay si Felipe ng espiritu ng Diyos sa Asdod at Cesarea, dalawang lunsod na pinaninirahan ng maraming Gentil. (Gawa 8:39, 40) Mga 20 taon mula nang mangaral siya sa Samaria, nagbago na naman ang kalagayan ni Felipe. Ngayong may pamilya na siya, nanatili na siya sa teritoryong pinapangaralan niya. Sa kabila ng mga pagbabago, nakapokus pa rin si Felipe sa kaniyang ministeryo, at dahil doon, siya at ang pamilya niya ay saganang pinagpala ni Jehova.—Gawa 21:8, 9.

17, 18. Paano nakatutulong ang pagiging nakapokus sa ministeryo para maging balanse pa rin sa kabila ng mga pagbabago?

17 Maraming nasa buong-panahong paglilingkod ang makapagpapatunay na dahil nakapokus sila sa ministeryo, nakapanatili silang balanse sa kabila ng mga pagbabago. Nang lumabas sa Bethel sina Osborne at Polite, mag-asawang taga-South Africa, inakala nilang makakakuha agad sila ng part-time na trabaho at matitirhan. “Nakakalungkot,” ang sabi ni Osborne, “hindi kami agad nagkatrabaho gaya ng inaasahan namin.” Naalaala naman ni Polite: “Tatlong buwan kaming walang trabaho, at wala rin kaming ipon. Ang hirap talaga.”

18 Ano ang nakatulong sa kanila para makayanan ang sitwasyong iyon? Sinabi ni Osborne: “Malaking tulong ang pangangaral kasama ng kongregasyon para makapanatili kaming nakapokus at positibo. Ipinasiya naming maging abala sa pangangaral sa halip na magmukmok na lang, at iyon ang talagang nagpasaya sa amin. Kung saan-saan kami naghanap ng trabaho, at nakakuha naman kami.”

MAGHINTAY KAY JEHOVA

19-21. (a) Ano ang tutulong sa atin para mapanatili ang panloob na kapayapaan? (b) Ano ang pakinabang kung mag-a-adjust tayo sa ating bagong kalagayan?

19 Gaya ng ipinakikita ng mga halimbawang ito, mapananatili natin ang panloob na kapayapaan kung gagawin natin ang pinakamabuting magagawa natin ayon sa ating kalagayan at maghihintay kay Jehova. (Basahin ang Mikas 7:7.) Baka nga mas marami pa tayong natamong pagpapala sa espirituwal noong mag-adjust tayo sa ating bagong kalagayan. Batay sa kaniyang karanasan, sinabi ni Polite: “Nang ma-reassign kami, natutuhan ko kung ano talaga ang ibig sabihin ng umasa kay Jehova lalo na sa mahihirap na kalagayan. Mas napalapít ako sa kaniya.”

20 Inaalagaan pa rin ni Mary, na nabanggit kanina, ang kaniyang may-edad nang tatay habang nagpapayunir siya. Sinabi niya: “Natutuhan ko na kapag nababalisa ako, kailangan kong huminto, manalangin, at maging relaks. Ang pinakamalaking aral na natutuhan ko ay ang ipaubaya kay Jehova ang mga bagay-bagay, at alam kong mas kakailanganin ko ito sa hinaharap.”

21 Inamin nina Lloyd at Alexandra, na nabanggit sa simula, na nang magbago ang kanilang kalagayan, nasubok ang pananampalataya nila sa paraang hindi nila inaasahan. Pero sinabi nila: “Ang mga pagsubok sa pananampalataya ay nagsisiwalat kung ang pananampalataya namin ay tunay at may kakayahang sumuporta at umaliw sa amin sa mahihirap na panahon. Dahil diyan, naging mas mabuting tao kami.”

Ang mga di-inaasahang pagbabago ay puwedeng magdulot ng mga di-inaasahang pagpapala! (Tingnan ang parapo 19-21)

22. Kung gagawin natin ang pinakamabuti ayon sa sitwasyon natin ngayon, sa ano tayo makatitiyak?

22 Kapag biglang nagbago ang ating kalagayan—dahil man ito sa bagong teokratikong atas, problema sa kalusugan, o bagong pananagutan sa pamilya—magtiwalang nagmamalasakit si Jehova sa iyo at tutulungan ka niya sa tamang panahon. (Heb. 4:16; 1 Ped. 5:6, 7) Samantala, gawin ang pinakamabuting magagawa mo ayon sa sitwasyon mo ngayon. Lumapit sa iyong makalangit na Ama sa panalangin, at matutong ipaubaya ang iyong sarili sa kaniyang pangangalaga. Sa gayon, mapananatili mo rin ang iyong panloob na kapayapaan sa kabila ng mga pagbabago.

^ par. 4 Ilang panahon matapos lumaya si Jose, alam niyang inaliw siya ni Jehova mula sa mapait niyang karanasan nang bigyan siya ng isang anak na lalaki. Manases ang itinawag niya sa panganay niyang ito, dahil gaya ng sinabi niya: “Ipinalimot ng Diyos sa akin ang lahat ng aking kabagabagan.”—Gen. 41:51.

^ par. 14 Tingnan ang artikulong “Alam Mo Ba?” sa isyung ito.