TALAMBUHAY
Saganang Pinagpala ni Jehova ang Desisyon Ko
Nagbubukang-liwayway na habang tahimik naming tinatapos ang pagsisingit ng mga tract sa ilalim ng pinto ng ilan pang bahay sa aming teritoryo. Taóng 1939 noon. Gumising kami sa kalagitnaan ng gabi at nagbiyahe nang mahigit isang oras papuntang Joplin, isang maliit na lunsod sa timog-kanluran ng Missouri, U.S.A. Nang matapos kami, bumalik na kami sa kotse at nagbiyahe papunta sa aming tagpuan para hintayin ang iba pa naming kasama. Siguro nagtataka kayo kung bakit ganoon kami kaaga sa ministeryo at kung bakit kami nagmamadaling umalis. Ikukuwento ko sa inyo mamaya.
NAGPAPASALAMAT ako at pinalaki ako sa katotohanan ng aking mga Kristiyanong magulang, sina Fred at Edna Molohan, na nagturo sa akin na maging makadiyos. Sila’y 20 taon nang aktibong mga Estudyante ng Bibliya (mga Saksi ni Jehova) nang ipanganak ako noong 1934. Nakatira kami sa Parsons, isang maliit na bayan sa timog-silangan ng Kansas, at halos lahat ng kakongregasyon namin ay pinahirang Kristiyano. Masaya kaming dumadalo sa mga pulong at nangangaral ng katotohanan tungkol sa Salita ng Diyos. Tuwing Sabado ng hapon, madalas na nasa street work kami, gaya ng tawag noon sa pampublikong pagpapatotoo. Medyo nakakapagod kung minsan, pero nililibre kami ni Itay ng ice cream pagkatapos.
Malaki ang teritoryo ng aming maliit na kongregasyon—may maliliit na bayan at maraming bukid sa kalapít na mga probinsiya. Kapag dumadalaw kami sa mga magbubukid, madalas na ipinagpapalit namin ang mga literatura sa mga gulay, itlog (mula mismo sa pugad), o mga buháy na manok pa nga. Dahil nakapagbigay na si Itay ng donasyon para sa mga literatura, sa amin na ang mga pagkaing ito.
KAMPANYA SA PAGPAPATOTOO
May ponograpo ang mga magulang ko na ginagamit nila sa pangangaral. Napakabata ko pa para i-operate iyon, pero nakakatulong naman ako kapag pinatutugtog nila ang rekording ng mga lektyur ni Brother Rutherford sa kanilang mga return visit at Bible study.
Ang aming 1936 Ford ay ginawa ni Itay na sound car, isang sasakyang may malaking speaker na nakakabit sa bubong. Napakalaking tulong nito sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian. Karaniwan nang nagpapatugtog muna kami ng musika para makuha ang atensiyon ng mga tao, at saka
namin pinatutugtog ang rekording ng isang lektyur mula sa Bibliya. Pagkatapos, nag-aalok kami ng mga literatura sa mga interesado.Sa maliit na bayan ng Cherryvale, Kansas, sinabihan ng pulis si Itay na bawal ang sound car sa loob ng parke, kung saan marami ang nagrerelaks tuwing Linggo, pero pinayagan naman kaming pumarada sa labas. Hindi tumutol si Itay; inilipat niya ang sasakyan sa katabing kalye pero nakaharap sa parke para marinig pa rin ng mga tao ang mensahe, at saka niya ipinagpatuloy ang pagpapatugtog. Lagi akong nag-e-enjoy sa pagsama kay Itay at sa kuya kong si Jerry.
Noong huling mga taon ng 1930, nakibahagi kami sa espesyal na kampanya para makubrehan agad ang mga teritoryong matindi ang pagsalansang. Gumigising kami bago magbukang-liwayway (gaya noon sa Joplin, Missouri) at tahimik na naglalagay ng mga tract o buklet sa ilalim ng pinto ng mga bahay. Pagkatapos, nagkikita-kita kami sa labas ng lunsod para alamin kung may nahuli ng pulis.
Noong mga taóng iyon, may isa pang kapana-panabik na paraan ang aming ministeryo—ang information march. Para ianunsiyo ang Kaharian, nagsusuot kami ng plakard at nakahanay na nagmamartsa sa isang lunsod. Minsan nga, may mga kapatid na nagmartsa sa bayan namin suot-suot ang plakard na ang nakasulat ay “Religion Is a Snare and a Racket.” Naglakad sila nang mga isa’t kalahating kilometro at saka bumalik sa bahay namin. Buti na lang, wala silang nakaharap na pagsalansang, pero maraming nagmamasid ang naging interesado.
MGA KOMBENSIYON NOON
Madalas magbiyahe ang aming pamilya mula Kansas hanggang Texas para dumalo ng kombensiyon. Nagtatrabaho si Itay sa Missouri-Kansas-Texas Railroad (kilalá rin sa tawag na M-K-T, o Katy, Railroad), kaya libre kami sa tren gamit ang pases niya. Nadadalaw na rin namin ang aming mga kamag-anak at sama-samang nakakadalo sa kombensiyon. Ang kuya ni Inay, si Tiyo Fred Wismar, at ang asawa niyang si Tiya Eulalie, ay nakatira sa Temple, Texas. Bata pa si Tiyo Fred nang malaman niya ang katotohanan noong unang mga taon ng 1900, nagpabautismo, at ibinahagi ang mga natututuhan niya sa kaniyang mga kapatid, kasama na si Inay. Kilalang-kilala siya ng mga kapatid sa buong sentral Texas dahil siya ay naging lingkod ng sona roon (ngayo’y tinatawag na tagapangasiwa ng sirkito). Mabait siya, masayahin, at masarap kasama. Masigasig siya sa katotohanan, at mabuti siyang impluwensiya sa akin noong bata ako.
Noong 1941, nagtren ang pamilya namin papuntang St. Louis, Missouri, para sa isang malaking kombensiyon. Sama-samang pinaupo ang lahat ng kabataan sa isang espesyal na seksiyon ng arena para makinig sa pahayag ni Brother Rutherford na “Mga Anak ng Hari.” Sa pagtatapos ng pahayag niya, nagulat kami nang isa-isa kaming abutan ni Brother Rutherford at ng mga kasama niya ng bagong aklat na Children, bilang regalo. Mahigit 15,000 kabataan ang nakinabang sa espirituwal na pagpapalang iyon.
Noong Abril 1943, dumalo kami sa maliit pero napakahalagang “Panawagan sa Pagkilos” na Asamblea sa Coffeyville, Kansas. Pinasimulan ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, na idaraos sa lahat ng kongregasyon, at inilabas ang buklet na may 52 aralin na gagamitin sa paaralan. Nang taon ding iyon, nagbigay ako ng aking unang pahayag bilang estudyante. Espesyal din sa akin ang asambleang iyon dahil isa ako sa ilang nabautismuhan sa kalapít na lawa na pagkalamig-lamig.
PANGARAP KONG MAGLINGKOD SA BETHEL
Nang makatapos ako sa pag-aaral noong 1951, kinailangan kong magdesisyon tungkol sa aking kinabukasan. Pangarap kong maglingkod sa Bethel, gaya ni Kuya Jerry na dating naglingkod doon. Di-nagtagal, ipinadala ang aplikasyon ko sa opisina sa Brooklyn. Lubos akong nakinabang sa espirituwal dahil sa desisyon kong iyon. Di-nagtagal, naaprobahan ang aplikasyon ko, at nagsimula akong maglingkod sa Bethel noong Marso 10, 1952.
Gusto ko sanang sa palimbagan makapagtrabaho dahil gusto kong tumulong sa produksiyon ng mga magasin at literatura. Pero inatasan akong magtrabaho bilang waiter at pagkaraan ay sa kusina. Masaya na rin ako dahil marami akong natutuhan. Hindi nga lang natupad ang kagustuhan kong makapagtrabaho sa palimbagan. Pero dahil nababago ang iskedyul ng mga tagakusina, may pagkakataon akong makapag-personal study sa tulong ng napakaraming aklat sa library ng Bethel kapag day-off ko. Nakatulong ito para sumulong ako at tumibay ang aking pananampalataya. Napatibay rin nito ang determinasyon kong paglingkuran si Jehova sa Bethel hangga’t kaya ko. Lumabas si Kuya Jerry sa Bethel noong 1949 at pinakasalan si Ate Patricia, pero tumira sila malapit lang sa Brooklyn. Napakalaking tulong at pampatibay nila sa akin sa unang mga taon ko sa Bethel.
Noong bago pa lang ako sa Bethel, nagsaayos ng mga tryout para madagdagan ang bilang ng mga tagapagsalita mula sa Bethel. Ang mga brother na ito ay ipinadadala sa mga kongregasyon na hanggang 322 kilometro ang layo mula sa Brooklyn para magbigay ng pahayag pangmadla at maglingkod sa larangan kasama ng kongregasyon. Nagkapribilehiyo akong mapasama rito. Kabado ako sa una kong pahayag, na isang oras pa noon ang haba. Madalas, nagtetren ako kapag dumadalaw sa mga kongregasyon. Naaalaala ko pa noong taglamig ng 1954, sumakay ako ng tren isang Linggo ng hapon pabalik ng New York. Makakarating sana ako sa Bethel maaga pa nang gabing iyon. Pero biglang bumagyo na may dalang napakalakas na hangin at niyebe. Nagkaproblema ang electric engine ng tren kaya patigil-tigil kami. Sa wakas, nakarating din ang tren sa istasyon sa New York City nang mga alas-singko ng umaga ng Lunes. Sumakay ako ng subway papuntang Brooklyn at dumeretso na sa kusina para magtrabaho. Medyo huli na ako noon at pagod na pagod. Pero sulit ang ganitong mga sakripisyo dahil masaya akong nakapaglilingkod sa mga kongregasyong dinadalaw ko at napakarami kong nakikilalang mga bagong kaibigan.
Noong unang mga taon ko sa Bethel, nabigyan ako ng bahagi sa istasyon ng radyo na WBBR. Ang mga studio noon ay nasa ikalawang palapag ng 124 Columbia Heights. Isa ako sa mga gaganap sa isang programa ng pag-aaral sa Bibliya na ibinobrodkast linggo-linggo. Si Brother A. H. Macmillan, matagal nang miyembro ng pamilyang Bethel, ay regular na nakikibahagi sa mga programang ito sa radyo. Brother Mac ang tawag namin sa kaniya. Pagdating sa pagbabata sa paglilingkuran kay Jehova, napakagandang halimbawa niya sa amin na mga nakababatang miyembro ng pamilyang Bethel.
Noong 1958, nagkapribilehiyo akong magtrabaho para sa Paaralang Gilead. Tumulong ako sa pagkuha ng visa ng mga nagsipagtapos at sa pag-aayos ng biyahe ng masisigasig na kapatid na ito. Napakamahal ng tiket noon sa eroplano, kaya iilan lang ang pinag-e-eroplano. Karamihan ng naatasan sa Africa at Far East ay nagbibiyahe sakay ng mga barkong pangkargamento. Nang magkaroon ng mga jet na pampasahero, bumagsak ang presyo ng tiket ng eroplano at di-nagtagal, karamihan ng misyonero ay pinag-e-eroplano na papunta sa kanilang atas.
PAGLALAKBAY PAPUNTA SA KOMBENSIYON
Noong 1960, idinagdag sa atas ko ang pagsasaayos ng mga charter flight mula United States papuntang Europe para sa internasyonal na mga kombensiyon sa taóng 1961. Sumama ako sa charter flight mula New York papunta sa kombensiyon sa Hamburg, Germany. Pagkatapos ng kombensiyon, ako at ang tatlo pang Bethelite ay umarkila ng sasakyan para makapunta sa Italy at mapasyalan ang tanggapang pansangay sa Rome. Mula roon, pumunta kami sa France, at dumaan sa Pyrenees Mountains papuntang Spain, kung saan bawal ang pangangaral noon. Nakapagdala kami ng ilang literatura, na pinagmukha naming mga regalo, para sa mga kapatid sa Barcelona. Tuwang-tuwa kaming makita sila! Pagkatapos, nagbiyahe kami papuntang Amsterdam para doon sumakay ng eroplano pauwing New York.
Makalipas ang mga isang taon, idinagdag sa atas ko ang pagsasaayos na makadalo ang mga napiling delegado sa isang espesyal na serye ng internasyonal na mga kombensiyon na gaganapin sa iba’t ibang panig ng mundo. Iyon ang “Walang-Hanggang Mabuting Balita” na Asamblea ng 1963. Gumawa ng mga kaayusan para sa 583 delegado na makapaglakbay sa buong mundo para dumalo sa mga kombensiyon sa Europe, Asia, at South Pacific, na magtatapos sa Honolulu, Hawaii, at Pasadena, California. Kasama sa itineraryo ang Lebanon at Jordan bilang espesyal na tour sa mga lupain sa Bibliya. Bukod sa pag-iiskedyul ng mga eroplano at tutuluyang hotel, ang departamento rin namin sa Bethel ang kumuha ng lahat ng kinakailangang visa sa ilang bansa.
BAGONG KASAMA SA PAGLALAKBAY
May isa pang dahilan kung bakit napakaespesyal sa akin ang taóng 1963. Noong Hunyo 29, pinakasalan ko si Lila Rogers na taga-Missouri, na tatlong taon nang naglilingkod sa Bethel. Isang linggo matapos ang aming kasal, naglibot kami ni Lila sa buong mundo. Pumasyal kami sa Greece, Egypt, at Lebanon. Mula sa Beirut, nag-eroplano kami at lumapag sa isang maliit na airport sa Jordan. Dahil bawal ang gawain sa Jordan at hindi raw binibigyan ng visa ang mga Saksi ni Jehova para makapasok doon, inisip namin kung ano ang mangyayari pagdating namin doon. Nagulat kami nang makita namin ang isang grupong may hawak na baner na may nakasulat na “Maligayang Pagdating, mga Saksi ni Jehova”! Tuwang-tuwa kaming makita mismo ang mga lupain sa Bibliya! Pinuntahan namin ang mga lugar na tinirhan ng mga patriyarka, pinangaralan ni Jesus at ng mga apostol, at pinagmulan ng Kristiyanismo na lumaganap hanggang sa dulo ng lupa.—Gawa 13:47.
Sa loob ng 55 taon, si Lila ay naging tapat na kasama ko sa lahat ng atas ng paglilingkuran. Ilang beses kaming nakapunta sa Spain at Portugal noong mga panahong bawal ang gawain doon. Napatibay namin ang mga kapatid at nadalhan sila ng mga literatura at iba pang kailangan nila. Nadalaw pa nga namin ang ilang brother na nakabilanggo sa isang lumang tanggulang militar sa Cádiz, Spain. Napakasayang mapatibay sila ng isang pahayag mula sa Kasulatan.
Mula noong 1963, nagkapribilehiyo akong tumulong
sa pagsasaayos ng internasyonal na kombensiyon na iikot sa Africa, Australia, Central at South America, Europe, Far East, Hawaii, New Zealand, at Puerto Rico. Nakadalo kami ni Lila sa maraming di-malilimutang kombensiyon, pati na sa Warsaw, Poland, noong 1989. Maraming kapatid mula sa Russia ang nakadalo sa malaking kombensiyong iyon—ang una nilang kombensiyon! Ang mga kapatid na nakilala namin ay ilang taóng nagdusa sa mga bilangguan sa Soviet dahil sa kanilang pananampalataya.Napakasayang pribilehiyo ang dumalaw sa mga tanggapang pansangay sa buong daigdig para patibayin ang mga Bethelite at mga misyonero. Sa huling dalaw namin sa sangay sa South Korea, nakilala namin ang 50 brother na nakabilanggo sa Suwon. Positibo silang lahat at nananabik na muling makibahagi sa ministeryo. Talagang nakapagpapatibay na makilala sila!—Roma 1:11, 12.
NAGDUDULOT NG KAGALAKAN ANG PAGLAGO
Nasaksihan ko kung paano pinagpala at pinalago ni Jehova ang kaniyang bayan sa paglipas ng mga taon, mula sa mga 100,000 mamamahayag nang mabautismuhan ako noong 1943 hanggang sa mahigit 8,000,000 naglilingkod ngayon kay Jehova sa 240 lupain. Pangunahin nang dahil ito sa gawaing pangangaral na pinangunahan ng mga nagtapos sa Gilead. Napakalaking kagalakan na maasikaso ang marami sa mga misyonerong ito sa nagdaang mga taon at matulungan silang makarating sa bansang iniatas sa kanila.
Nagpapasalamat ako na pinalawak ko ang aking ministeryo nang magdesisyon akong maglingkod sa Bethel noong kabataan ko. Saganang pinagpala ni Jehova ang bawat desisyon ko. Bukod sa masayang paglilingkod sa Bethel, ilang dekada naming na-enjoy ni Lila ang ministeryo kasama ang iba’t ibang kongregasyon sa Brooklyn, kung saan nagkaroon kami ng maraming tunay na kaibigan.
Nakapaglilingkod ako sa Bethel araw-araw sa tulong ni Lila. Kahit mahigit 84 anyos na ako ngayon, nakakatulong pa rin ako sa pag-aasikaso ng mga liham ng sangay.
Isang kagalakan na maging bahagi ng kahanga-hangang organisasyon ni Jehova at makita ang malaking pagkakaiba ng mga naglilingkod kay Jehova at ng mga di-naglilingkod sa kaniya. Mas nauunawaan namin ang Malakias 3:18: “Makikita ninyong muli ang pagkakaiba sa pagitan ng matuwid at ng balakyot, sa pagitan ng isa na naglilingkod sa Diyos at ng isa na hindi naglilingkod sa kaniya.” Sa bawat araw na lumilipas, nakikita natin ang paglala ng sistemang ito ni Satanas, na punô ng mga taong walang pag-asa at hindi masaya. Pero kahit sa mapanganib na panahong ito, ang mga umiibig at naglilingkod kay Jehova ay masaya at may tiyak na pag-asa sa hinaharap. Isa ngang pribilehiyo na mapalaganap ang mabuting balita ng Kaharian! (Mat. 24:14) Nananabik tayo sa araw na iyon na wawakasan ng Kaharian ng Diyos ang sanlibutang ito at papalitan ng bagong sanlibutan kasama na ang lahat ng ipinangakong pagpapala, gaya ng sakdal na kalusugan at buhay na walang hanggan. Sa panahong iyon, ang tapat na mga lingkod ni Jehova sa lupa ay mabubuhay nang maligaya magpakailanman.