1919—100 Taon Na ang Nakalipas
NOONG 1919, nagwakas ang Malaking Digmaan (nakilala bilang Digmaang Pandaigdig I), na tumagal nang mahigit apat na taon. Sa pagtatapos ng 1918, tumigil na ang paglalabanan ng mga bansa, at noong Enero 18, 1919, nagsimula ang Paris Peace Conference. Ang isa sa mga nabuo ng komperensiyang iyan ay ang Treaty of Versailles, na tumapos sa pakikipagdigma ng magkakaalyadong bansa laban sa Germany. Nilagdaan ito noong Hunyo 28, 1919.
Naitatag din ang isang bagong organisasyon na tinawag na Liga ng mga Bansa. Tunguhin nito na “itaguyod ang internasyonal na pagtutulungan at magkaroon ng internasyonal na kapayapaan at katiwasayan.” Ang Ligang ito ay sinuportahan ng marami sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Sinabi ng Federal Council of the Churches of Christ in America na ito ang mismong “kapahayagan ng Kaharian ng Diyos sa lupa.” Bilang pagsuporta, nagpadala sila ng mga delegado sa Paris Peace Conference. Sinabi ng isa sa mga delegadong iyon na ang komperensiyang ito ay “pasimula ng isang bagong panahon sa kasaysayan ng daigdig.”
Nagsimula nga ang isang bagong panahon, pero hindi dahil sa mga delegado sa peace conference na iyon. Noong 1919, nagsimula ang isang bagong panahon sa pangangaral nang palakasin ni Jehova ang kaniyang bayan para lubusang makapangaral. Pero bago iyan, isang malaking pagbabago ang kailangang gawin ng mga Estudyante ng Bibliya.
ISANG MAHIRAP NA DESISYON
Ang taunang eleksiyon ng mga direktor ng Watch Tower Bible and Tract Society ay nakaiskedyul noong Sabado, Enero 4, 1919. Nang panahong iyon, si Joseph F. Rutherford, na nangangasiwa sa bayan ni Jehova, at ang pitong kasamahan niya ay nakabilanggo sa Atlanta, Georgia, U.S.A. Kailangang magpasiya ng mga brother kung ihahalal pa nila o papalitan na ang mga direktor na nakabilanggo.
Habang nasa bilangguan, iniisip ni Brother Rutherford kung ano ang mangyayari sa organisasyon. Alam niyang gusto ng ilang brother na maghalal ng bagong presidente. Kaya gumawa siya ng liham sa lahat ng dadalo sa eleksiyon at inirekomenda niya si Evander J. Coward bilang presidente. Sinabi niyang si Coward ay “mahinahon,” “maingat,” at “tapat sa Panginoon.” Pero gusto ng marami na maghintay muna ng anim na buwan bago ituloy ang eleksiyon. Sang-ayon dito ang mga abogado ng mga nakabilanggong direktor. Nagkaroon ng mainitang diskusyon tungkol dito.
Naalaala ng isa pang bilanggong si A. H. Macmillan na kinabukasan, kinatok siya ni Brother Rutherford sa selda niya at sinabi, “Ilabas mo ang kamay mo.” Iniabot sa kaniya ni Brother Rutherford ang isang telegrama. Maikli lang ang mensahe pero naintindihan agad iyon ni Brother Macmillan. Sinasabi roon: “RUTHERFORD WISE VAN BARBER ANDERSON BULLY AT SPILL DIREKTOR UNANG TATLO OPISYAL MAHAL NAMIN KAYO.” Ibig sabihin nito, naihalal ulit ang lahat ng direktor at nanatili sa puwesto sina Joseph Rutherford at William Van Amburgh. Kaya presidente pa rin si Brother Rutherford.
PINALAYA NA!
Habang nakabilanggo ang walong brother, ang tapat na mga Estudyante ng Bibliya ay gumawa ng isang petisyon na nagsasabing palayain ang mga ito, at pinapirmahan nila sa mga tao ang petisyon. Ang matatapang na kapatid na ito ay nakakuha ng mahigit 700,000 pirma. Noong Miyerkules, Marso 26, 1919, bago pa man isumite ang petisyon, pinalaya na si Brother Rutherford at ang mga kasamahan niya.
Sinabi ni Brother Rutherford sa mga sumalubong sa kaniya: “Kumbinsido ako na naranasan nating lahat ito para ihanda tayo sa mas mahihirap na panahon. . . . Ang pakikipaglaban n’yo ay hindi para mapalaya ang mga kapatid n’yo sa bilangguan. Hindi iyon ang mahalaga. . . . Nakikipaglaban kayo para luwalhatiin si Jehova, at ang mga gumawa nito ay tumanggap ng napakagandang pagpapala.”
Ang mga pangyayari noong nililitis ang mga kapatid natin ay posibleng isang indikasyon ng patnubay ni Jehova. Noong Mayo 14, 1919, ipinasiya ng court of appeals: “Ang mga nasasakdal sa kasong ito ay hindi nakatanggap ng patas na paglilitis na nararapat sa kanila, at sa dahilang iyan, binabaligtad na ang hatol.” Ang mga brother na ito ay nahatulan dahil sa paggawa diumano ng malulubhang krimen, at mananatili sana ito sa rekord nila kung pinatawad lang sila o kung pinababa lang ang sentensiya nila. Wala nang ibang kasong isinampa sa kanila. Kaya nanatiling kuwalipikado si Judge Rutherford na ipagtanggol ang bayan ni Jehova sa Supreme Court ng United States, at maraming beses niya itong ginawa matapos siyang makalaya.
DETERMINADONG MANGARAL
“Hindi kami basta uupo na lang at maghihintay na dalhin kami ng Panginoon sa langit,” ang sabi ni Brother Macmillan. “Mayroon kaming
dapat gawin para malaman kung ano talaga ang kalooban ng Panginoon.”Pero hindi basta maitutuloy ng mga kapatid sa punong-tanggapan ang trabaho nila noon. Bakit? Dahil sira na ang lahat ng plate na ginagamit noon para sa pag-iimprenta ng mga literatura. Nakakapanghina ito ng loob, at inisip pa nga ng ilang kapatid kung titigil na sila sa pangangaral.
Interesado pa kaya ang mga tao sa mensaheng ipinangangaral ng mga Estudyante ng Bibliya? Para masagot iyan, naisip ni Brother Rutherford na magbigay ng pahayag. Iimbitahan nila ang mga tao. “Kung walang pupunta,” ang sabi ni Brother Macmillan, “titigil na kami.”
Kaya noong Linggo, Mayo 4, 1919, kahit may malubhang sakit, ipinahayag ni Brother Rutherford ang paksang “The Hope for Distressed Humanity” (“Ang Pag-asa Para sa Namimighating Sangkatauhan”) sa Los Angeles, California. Mga 3,500 ang dumalo, at daan-daan pa ang hindi nakapasok. Kinabukasan, 1,500 pa ang dumalo. Nasagot ang tanong ng mga kapatid—interesado pa ang mga tao!
Ang sumunod na ginawa ng mga kapatid ay nagkaroon ng malaking epekto sa paraan ng pangangaral ng mga Saksi ni Jehova hanggang ngayon.
HANDA NA SA PAGLAGO
Ipinatalastas sa The Watch Tower ng Agosto 1, 1919 na sa Setyembre, magkakaroon ng kombensiyon sa Cedar Point, Ohio. “Gusto naming lahat na makadalo,” ang sabi ni Clarence B. Beaty, isang Estudyante ng Bibliya na taga-Missouri. Mahigit 6,000 kapatid ang dumalo—mas marami kaysa sa inaasahan. At lalo pang sumaya ang kombensiyon dahil mahigit 200 ang nabautismuhan sa kalapit na Lake Erie.
* Sa magasing ito, “mababasa ang kasalukuyang mahahalagang balita at ang makakasulatang paliwanag kung bakit nangyayari ang mga ito.”
Noong Setyembre 5, 1919, ikalimang araw ng kombensiyon, ipinahayag ni Brother Rutherford ang temang “Talumpati sa mga Kamanggagawa.” Ipinatalastas niya roon ang paglalathala ng isang bagong magasin na pinamagatang The Golden Age.Pinasigla ang lahat ng Estudyante ng Bibliya na buong tapang na mangaral gamit ang bagong publikasyong ito. Ganito ang sinabi sa isang sulat na nagpapaliwanag kung paano oorganisahin ang gawain: “Tandaan sana ng bawat nakaalay na [bautisadong] Kristiyano na isang malaking pribilehiyo ang maglingkod, at samantalahin sana niya ang pagkakataong makibahagi sa pagpapatotoong ito sa buong mundo.” Marami ang tumugon! Pagdating ng Disyembre, ang masisigasig na mamamahayag ng Kaharian ay nakapag-ulat ng mahigit 50,000 suskripsiyon sa bagong magasin.
Sa pagtatapos ng 1919, muling naorganisa at napasigla ang bayan ni Jehova. Bukod diyan, natupad na ang ilang mahahalagang hula tungkol sa mga huling araw. Natapos na ang pagsubok at pagdadalisay sa bayan ng Diyos na inihula sa Malakias 3:1-4. Napalaya na ang bayan ni Jehova mula sa makasagisag na pagkabihag sa “Babilonyang Dakila,” at naatasan na ni Jesus ang “tapat at matalinong alipin.” * (Apoc. 18:2, 4; Mat. 24:45) Handa na ngayon ang mga Estudyante ng Bibliya sa gawaing iniatas ni Jehova.
^ par. 22 Ang The Golden Age ay pinalitan ng pangalang Consolation noong 1937 at Awake! noong 1946.