Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 42

Ano ang Pangyayarihin ni Jehova na Magawa Mo?

Ano ang Pangyayarihin ni Jehova na Magawa Mo?

“Pinasisigla kayo ng Diyos at ibinibigay sa inyo ang pagnanais at lakas para kumilos kayo.”—FIL. 2:13.

AWIT 104 Tulong ng Banal na Espiritu ng Diyos

NILALAMAN *

1. Ano ang kayang gawin ni Jehova para matupad ang layunin niya?

SI Jehova ay puwedeng maging anuman na kinakailangan para matupad ang layunin niya. Halimbawa, si Jehova ay naging Tagapagturo, Tagaaliw, at Ebanghelisador. Ilan lang ito sa maraming bagay na kaya niyang gawin. (Isa. 48:17; 2 Cor. 7:6; Gal. 3:8) Pero madalas niyang gamitin ang mga tao para matupad ang layunin niya. (Mat. 24:14; 28:19, 20; 2 Cor. 1:3, 4) Mabibigyan din niya tayo ng karunungan at lakas na kailangan natin para matupad ang kalooban niya. Ang lahat ng ito ay saklaw ng kahulugan ng pangalang Jehova, gaya ng sinasabi ng maraming iskolar.

2. (a) Bakit nag-aalinlangan tayo kung minsan na ginagamit tayo ni Jehova? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

2 Gusto nating lahat na magamit tayo ni Jehova, pero may mga nag-aalinlangan kung ginagamit nga sila ni Jehova. Bakit? Dahil pakiramdam nila, nalilimitahan sila ng kanilang edad, kalagayan, o kakayahan. Ang iba naman ay kontento na sa nagagawa nila at hindi nila naiisip na may maitutulong pa sila. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano ibinibigay ni Jehova ang kailangan natin para matupad ang layunin niya. Pagkatapos, susuriin natin ang mga ulat sa Bibliya kung paano binigyan ni Jehova ang mga lingkod niyang lalaki’t babae ng pagnanais at lakas para kumilos. Panghuli, tatalakayin natin kung paano tayo magpapagamit kay Jehova.

PAANO IBINIBIGAY NI JEHOVA ANG KAILANGAN NATIN?

3. Paano tayo maaaring bigyan ni Jehova ng pagnanais na kumilos, gaya ng sinasabi sa Filipos 2:13?

3 Basahin ang Filipos 2:13. * Binibigyan tayo ni Jehova ng pagnanais na kumilos. Paano? Baka nalaman nating may partikular na kailangan ang kongregasyon. O baka ang mga elder ay may binasang liham mula sa tanggapang pansangay na nagsasabing may pangangailangan sa ibang lugar. Baka maitanong natin, ‘Paano kaya ako makakatulong?’ O baka nabigyan tayo ng isang mahirap na atas, pero iniisip natin kung kaya ba natin itong gampanan. O baka matapos basahin ang ilang talata sa Bibliya, maisip natin, ‘Paano ko kaya ito magagamit para tulungan ang iba?’ Hindi tayo pipilitin ni Jehova na gawin ang isang bagay. Pero kapag nakikita niyang nag-iisip tayo tungkol sa magagawa natin, maaari niya tayong bigyan ng pagnanais na kumilos.

4. Paano tayo binibigyan ni Jehova ng lakas para kumilos?

4 Binibigyan din tayo ni Jehova ng lakas para kumilos. (Isa. 40:29) Matutulungan niya tayong mapasulong ang mga kakayahan natin sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. (Ex. 35:30-35) Sa pamamagitan ng organisasyon niya, tinuturuan tayo ni Jehova kung paano gagawin ang ilang atas. Kapag hindi ka sigurado kung paano ito gagawin, magpatulong ka. Puwede mo ring hilingin sa ating bukas-palad na Ama sa langit na bigyan ka ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Cor. 4:7; Luc. 11:13) Maraming halimbawa sa Bibliya kung paano binigyan ni Jehova ang mga lalaki’t babae ng pagnanais at lakas para kumilos. Habang tinatalakay natin ang ilang halimbawang ito, isipin kung paano ka rin magagamit ni Jehova sa paggawa ng mga bagay na katulad ng nagawa nila.

ANG PINANGYARI NI JEHOVA SA ILANG LALAKI

5. Ano ang matututuhan natin sa kung paano at kailan ginamit ni Jehova si Moises para iligtas ang bayan Niya?

5 Pinangyari ni Jehova si Moises na maging tagapagligtas ng mga Israelita. Pero kailan siya ginamit ni Jehova? Noon bang madama ni Moises na kuwalipikado siya matapos ‘ituro sa kaniya ang lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo’? (Gawa 7:22-25) Hindi. Ginamit lang ni Jehova si Moises matapos Niya itong tulungang maging mapagpakumbaba at mahinahon. (Gawa 7:30, 34-36) Binigyan ni Jehova si Moises ng lakas ng loob na humarap sa pinakamakapangyarihang tagapamahala ng Ehipto. (Ex. 9:13-19) Ano ang matututuhan natin sa kung paano at kailan ginamit ni Jehova si Moises? Ginagamit ni Jehova ang mga tumutulad sa mga katangian niya at ang mga umaasa sa kaniya para sa lakas.—Fil. 4:13.

6. Ano ang matututuhan natin sa paggamit ni Jehova kay Barzilai para matulungan si Haring David?

6 Pagkalipas ng daan-daang taon, ginamit ni Jehova si Barzilai para tulungan si Haring David. Si David at ang mga tauhan niya ay “nagutom . . . , napagod, at nauhaw” habang tumatakas sa anak ni David na si Absalom. Sa pagkakataong iyon, isinapanganib ng may-edad nang si Barzilai at ng mga kasama niya ang buhay nila para matulungan si David at ang mga tauhan nito. Hindi inisip ni Barzilai na dahil may-edad na siya, hindi na siya magagamit ni Jehova. Sa halip, ibinigay niya kung ano ang mayroon siya para matulungan ang mga lingkod ng Diyos na nangangailangan. (2 Sam. 17:27-29) Ang aral? Anuman ang edad natin, magagamit tayo ni Jehova para tulungan ang nangangailangan nating mga kapatid, nasa malapit man sila o nasa ibang bansa. (Kaw. 3:27, 28; 19:17) Kahit hindi tayo direktang nakakatulong sa kanila, puwede tayong magbigay ng donasyon para sa pambuong-daigdig na gawain, na magagamit kailanman at saanman kailanganin.—2 Cor. 8:14, 15; 9:11.

7. Paano ginamit ni Jehova si Simeon, at bakit ito nakakapagpatibay?

7 Ipinangako ni Jehova kay Simeon, isang tapat at may-edad nang lalaki sa Jerusalem, na makikita niya ang Mesiyas bago siya mamatay. Siguradong napatibay si Simeon ng pangakong iyan, dahil maraming taon na niyang hinihintay ang Mesiyas. Ginantimpalaan ang kaniyang pananampalataya at pagtitiis. Isang araw, “sa patnubay ng espiritu,” pumasok siya sa templo. Nakita niya roon ang sanggol na si Jesus, at ginamit ni Jehova si Simeon para sabihin ang hula tungkol sa sanggol na ito na magiging Kristo. (Luc. 2:25-35) Malamang na hindi na nakita ni Simeon ang ministeryo ni Jesus sa lupa, pero pinahalagahan ni Simeon ang naging pribilehiyo niya. At sa hinaharap, marami pa siyang tatanggaping pagpapala! Sa bagong sanlibutan, makikita ng tapat na lalaking iyon ang pamamahala ni Jesus na magbibigay ng pagpapala sa lahat ng pamilya sa lupa. (Gen. 22:18) Nagpapasalamat din tayo sa anumang pribilehiyo na ibinibigay sa atin ni Jehova sa paglilingkod sa kaniya.

8. Paano tayo puwedeng gamitin ni Jehova gaya ng ginawa niya kay Bernabe?

8 Noong unang siglo C.E., nagpagamit kay Jehova ang bukas-palad na si Jose. (Gawa 4:36, 37) Malamang na mahusay siyang magbigay ng kaaliwan sa iba, kaya tinawag siya ng mga apostol na Bernabe, ibig sabihin, “Anak ng Kaaliwan.” Halimbawa, nang maging mánanampalatayá si Saul, maraming kapatid ang natatakot sa kaniya dahil pinag-usig niya noon ang mga kongregasyon. Pero tinulungan ni Bernabe si Saul, at siguradong napahalagahan ito ni Saul. (Gawa 9:21, 26-28) Nang maglaon, nakita ng matatandang lalaki sa Jerusalem na kailangang patibayin ang mga kapatid sa Antioquia ng Sirya. Sino ang isinugo nila? Si Bernabe! At hindi sila nagkamali sa pagpili. “Pinatibay [ni Bernabe] ang lahat na patuloy na sumunod sa Panginoon nang buong puso.” (Gawa 11:22-24) Sa ngayon, matutulungan din tayo ni Jehova na maging “anak ng kaaliwan” sa mga kapatid natin. Halimbawa, puwede niya tayong gamitin para aliwin ang mga namatayan ng mahal sa buhay. O baka pakilusin niya tayong dalawin o tawagan ang isang may-sakit o nadedepres para patibayin ito. Hahayaan mo bang gamitin ka ni Jehova gaya ng ginawa niya kay Bernabe?—1 Tes. 5:14.

9. Ano ang matututuhan natin sa paggamit ni Jehova kay Vasily para maging mahusay na pastol?

9 Tinulungan ni Jehova ang brother na si Vasily na maging isang mahusay na pastol. Nang maging elder si Vasily sa edad na 26, natakot siya na baka hindi siya kuwalipikadong tumulong sa kongregasyon, lalo na sa mga may pinagdaraanang problema. Pero sinanay siya ng makaranasang mga elder at nag-aral siya sa Kingdom Ministry School. Nagsikap nang husto si Vasily. Halimbawa, gumawa siya ng listahan ng mga simpleng bagay na puwede niyang gawin. Habang isa-isa niyang nagagawa ang mga ito, unti-unti niyang nadaig ang takot. Ang sabi niya ngayon: “Kung ano ang ikinakatakot ko noon, ’yon ang nagpapasaya sa akin ngayon. Kapag tinutulungan ako ni Jehova na mahanap ang tamang teksto para mapatibay ang isang kapatid, masayang-masaya ako.” Mga brother, kung magpapagamit din kayo kay Jehova gaya ni Vasily, ibibigay niya sa inyo ang kakayahan para magampanan ang higit pang pananagutan sa kongregasyon.

ANG PINANGYARI NI JEHOVA SA ILANG BABAE

10. Ano ang ginawa ni Abigail, at ano ang matututuhan natin sa kaniya?

10 Tinutugis noon ni Haring Saul si David at ang mga tauhan niya, at kailangan nila ng tulong. Humingi ng kaunting pagkain ang mga tauhan ni David sa mayamang Israelitang si Nabal. Naisip nilang walang masama rito dahil pinoprotektahan naman nila ang mga kawan ni Nabal sa ilang. Pero ayaw magbigay ng maramot na si Nabal. Nagalit si David at gusto niyang patayin si Nabal at ang lahat ng lalaki sa sambahayan nito. (1 Sam. 25:3-13, 22) Pero kumilos ang maganda at matalinong asawa ni Nabal na si Abigail. Lakas-loob siyang pumunta kay David at sumubsob sa paanan nito, at pinigilan niya itong maghiganti para hindi ito magkasala sa dugo. Magalang niyang sinabi kay David na ipaubaya na lang ito kay Jehova. Dahil sa kapakumbabaan at karunungan ni Abigail, humupa ang galit ni David. Kaya nasabi niyang isinugo ni Jehova si Abigail. (1 Sam. 25:23-28, 32-34) Taglay ni Abigail ang mga katangiang kailangan para magamit ni Jehova. Sa ngayon, puwede ring gamitin ni Jehova ang mga sister na may karunungan at kaunawaan para patibayin ang kanilang pamilya at mga kapatid sa kongregasyon.—Kaw. 24:3; Tito 2:3-5.

11. Ano ang ginawa ng mga anak na babae ni Salum, at sino sa ngayon ang tumutulad sa kanila?

11 Pagkalipas ng daan-daang taon, ang mga anak na babae ni Salum ay kabilang sa mga ginamit ni Jehova sa pagkukumpuni ng mga pader ng Jerusalem. (Neh. 2:20; 3:12) Kahit tagapamahala ang ama nila, handa silang makibahagi sa mahirap at mapanganib na gawaing iyon. (Neh. 4:15-18) Ibang-iba nga sila sa mga prominenteng tao sa Tekoa, na “hindi nagpakumbaba para makibahagi sa gawain”! (Neh. 3:5) Isipin na lang kung gaano kasaya ang mga anak ni Salum nang matapos ang proyekto sa loob lang ng 52 araw! (Neh. 6:15) Sa ngayon, handa ring tumulong ang mga sister sa isang pantanging uri ng sagradong paglilingkod—ang pagtatayo at pagmamantini ng mga gusaling inialay kay Jehova. Ang kanilang kakayahan, sigla, at katapatan ay mahalaga para magtagumpay ang gawaing ito.

12. Paano tayo puwedeng gamitin ni Jehova gaya ng ginawa niya kay Tabita?

12 Dahil pinakilos ni Jehova si Tabita, ‘napakarami niyang ginawang mabuti, at naging matulungin siya sa mahihirap,’ lalo na sa mga biyuda. (Gawa 9:36) Bukas-palad siya at mabait, kaya marami ang nagdalamhati nang mamatay siya. Pero tuwang-tuwa sila nang buhayin siyang muli ni apostol Pedro. (Gawa 9:39-41) Ano ang matututuhan natin kay Tabita? Bata man tayo o matanda, lalaki o babae, makakatulong tayo sa mga kapatid natin sa praktikal na paraan.—Heb. 13:16.

13. Paano tinulungan ni Jehova ang mahiyaing sister na si Ruth, at ano ang nasabi niya?

13 Isang mahiyaing sister na nagngangalang Ruth ang gustong maging misyonera. Noong bata pa siya, namamahagi lang siya ng tract sa bahay-bahay. “Talagang nasisiyahan ako sa gawaing ito,” ang sabi niya. Pero hiráp siyang makipag-usap at sabihin ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Kahit mahiyain, nag-regular pioneer si Ruth sa edad na 18. Noong 1946, nag-aral siya sa Watchtower Bible School of Gilead at nang maglaon ay naglingkod sa Hawaii at Japan. Lubusan siyang ginamit ni Jehova sa paghahayag ng mabuting balita sa mga lupaing iyon. Pagkatapos ng halos 80-taóng pagmiministeryo, nasabi ni Ruth: “Si Jehova ay naging isang nagpapalakas na tulong sa akin. Tinulungan niya akong mapagtagumpayan ko ang aking pagkamahiyain. Lubusan akong naniniwala na magagamit ni Jehova ang sinuman na naglalagak ng tiwala sa kaniya.”

MAGPAGAMIT KAY JEHOVA

14. Ayon sa Colosas 1:29, ano ang dapat nating gawin para magamit tayo ni Jehova?

14 Sa buong kasaysayan, ginamit ni Jehova ang mga lingkod niya sa iba’t ibang paraan. Sa anong paraan ka gagamitin ni Jehova? Nakadepende iyan nang malaki sa pagiging handa mong ibigay ang iyong buong makakaya. (Basahin ang Colosas 1:29.) Kung handa kang magpagamit kay Jehova, puwede ka niyang gawing masigasig na ebanghelisador, mahusay na tagapagturo, nakakapagpatibay na tagaaliw, magaling na manggagawa, matulunging kaibigan, o anuman na kinakailangan para matupad ang layunin niya.

15. Kaayon ng 1 Timoteo 4:12, 15, ano ang dapat hilingin ng mga kabataang brother kay Jehova?

15 Kumusta naman kayong mga kabataang brother na malapit nang maging adulto? Malaki ang pangangailangan sa mga brother na may sapat na lakas para bumalikat ng karagdagang responsibilidad bilang ministeryal na lingkod. Sa maraming kongregasyon, mas marami ang elder kaysa sa ministeryal na lingkod. Puwede ba ninyong linangin ang pagnanais na bumalikat ng karagdagang responsibilidad sa kongregasyon? Kung minsan, sinasabi ng ilang brother, “Okey na ako sa pagiging regular na mamamahayag.” Kung iyan ang nadarama mo, hilingin kay Jehova na tulungan kang magkaroon ng pagnanais na maging ministeryal na lingkod at bigyan ka ng lakas para magawa ang iyong buong makakaya sa paglilingkod sa kaniya. (Ecles. 12:1) Kailangan namin ang tulong mo!—Basahin ang 1 Timoteo 4:12, 15.

16. Ano ang dapat nating hilingin kay Jehova, at bakit?

16 Puwede kang tulungan ni Jehova na maging anuman na kinakailangan para matupad ang kalooban niya. Kaya hilingin sa kaniya ang pagnanais na gawin ang kalooban niya, at pagkatapos ay hilingin na bigyan ka ng lakas na kailangan mo. Bata ka man o matanda, gamitin ang iyong panahon, lakas, at iba pang bagay na mayroon ka para parangalan si Jehova. (Ecles. 9:10) Huwag mong palampasin ang napakagandang pagkakataong mapaglingkuran si Jehova nang iyong buong makakaya dahil natatakot ka o iniisip mong hindi mo ito kayang gawin. Isa ngang pribilehiyo na magkaroon ng kahit isang maliit na bahagi sa pagbibigay ng karangalang nararapat sa ating mapagmahal na Ama!

AWIT 127 Ang Uri ng Pagkatao na Dapat Kong Taglayin

^ par. 5 Nadarama mo bang limitado lang ang nagagawa mo para kay Jehova? Naiisip mo ba kung nagagamit ka pa niya? O pakiramdam mo, sapat na ang nagagawa mo para kay Jehova? Tatalakayin sa artikulong ito ang iba’t ibang paraan kung paano ka mabibigyan ni Jehova ng pagnanais at lakas para matupad ang layunin niya.

^ par. 3 Ang liham ni Pablo ay para sa mga Kristiyano noong unang siglo, pero ang simulaing nandito ay para sa lahat ng lingkod ni Jehova.