Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 43

Ibigay kay Jehova ang Bukod-Tanging Debosyon

Ibigay kay Jehova ang Bukod-Tanging Debosyon

“Si Jehova ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.”—NA. 1:2.

AWIT 51 Sa Diyos Tayo’y Nakaalay!

NILALAMAN *

1. Bakit nararapat si Jehova sa ating bukod-tanging debosyon?

SI Jehova ay nararapat sa ating bukod-tanging debosyon dahil siya ang ating Maylalang at Tagapagbigay-Buhay. (Apoc. 4:11) Pero kailangan nating mag-ingat. Kahit mahal natin si Jehova at iginagalang, baka hindi natin namamalayang hindi na pala natin naibibigay ang bukod-tanging debosyong nararapat sa kaniya. Kailangan nating maintindihan kung paano ito puwedeng mangyari. Pero alamin muna natin kung ano ang ibig sabihin ng bukod-tanging debosyon.

2. Ayon sa Exodo 34:14, paano natin maipapakitang bukod-tangi ang debosyon natin kay Jehova?

2 Sa Bibliya, ang debosyon sa Diyos ay ang pagkakaroon ng malalim na pag-ibig sa kaniya. Kung bukod-tangi ang debosyon natin kay Jehova, siya lang ang sasambahin natin. Hindi natin hahayaang may sinuman o anuman na pumalit kay Jehova sa ating puso.—Basahin ang Exodo 34:14.

3. Bakit hindi masasabing walang basehan ang debosyon natin kay Jehova?

3 Ang debosyon natin kay Jehova ay hindi masasabing walang basehan. Bakit? Dahil batay ito sa mga katotohanang natututuhan natin tungkol sa kaniya. Hinahangaan natin ang magagandang katangian niya. Alam natin ang mga gusto at ayaw niya, at sang-ayon tayo rito. Naiintindihan natin at sinusuportahan ang layunin niya para sa atin. Itinuturing nating pribilehiyo na maging kaibigan niya. (Awit 25:14) Habang nakikilala natin ang ating Maylalang, lalo tayong napapalapít sa kaniya.—Sant. 4:8.

4. (a) Ano ang ginagamit ng Diyablo para mabawasan ang debosyon natin kay Jehova? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

4 Kontrolado ng Diyablo ang sistemang ito, at ginagamit niya ito para samantalahin ang normal na gusto ng tao at ang mga kahinaan natin. (Efe. 2:1-3; 1 Juan 5:19) Gusto niyang ibigin din natin ang ibang bagay para hindi na maging bukod-tangi ang debosyon natin kay Jehova. Talakayin natin ang dalawang paraan ng Diyablo para magawa ito. Una, tinutukso niya tayong magpayaman, at ikalawa, iniimpluwensiyahan niya tayong piliin ang masasamang libangan.

MAG-INGAT SA PAG-IBIG SA PERA

5. Bakit dapat tayong mag-ingat na huwag magkaroon ng pag-ibig sa pera?

5 Gusto nating lahat ng sapat na pagkain, maayos na damit, at disenteng tirahan. Pero dapat tayong mag-ingat na huwag magkaroon ng pag-ibig sa pera. Marami sa sanlibutan ni Satanas ang “maibigin sa pera” at sa mga bagay na nabibili ng pera. (2 Tim. 3:2) Alam ni Jesus na puwedeng matukso ang mga tagasunod niya na magkaroon ng ganitong pag-ibig. “Walang alipin ang makapaglilingkod sa dalawang panginoon,” ang sabi ni Jesus, “dahil alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o magiging tapat siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo puwedeng magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.” (Mat. 6:24) Ang isang taong sumasamba kay Jehova, pero gumagamit din ng malaking panahon sa pagpapayaman, ay parang naglilingkod sa dalawang panginoon. Hindi bukod-tangi ang debosyon niya kay Jehova.

Ang tingin ng ilang taga-Laodicea sa kanilang sarili . . . at ang tingin ni Jehova at ni Jesus sa kanila (Tingnan ang parapo 6)

6. Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus sa kongregasyon sa Laodicea?

6 Sa pagtatapos ng unang siglo C.E., ipinagyabang ng kongregasyon sa Laodicea: “Mayaman ako at nakapag-ipon ng kayamanan, at wala na akong kailangan pa.” Pero para kay Jehova at kay Jesus, sila ay “miserable at kaawa-awa at dukha at bulag at hubad.” Pinayuhan sila ni Jesus, hindi dahil sa mayaman sila, kundi dahil nasisira ng pag-ibig sa kayamanan ang kaugnayan nila kay Jehova. (Apoc. 3:14-17) Kung mapansin nating naghahangad na tayong yumaman, dapat nating ituwid agad ang ating pag-iisip. (1 Tim. 6:7, 8) Kung hindi, mahahati ang puso natin at hindi na tatanggapin ni Jehova ang ating pagsamba. Siya ay “humihiling ng bukod-tanging debosyon.” (Deut. 4:24) Paano puwedeng mawala ang tamang pananaw natin sa pera?

7-9. Ano ang natutuhan mo sa karanasan ng elder na si David?

7 Tingnan ang halimbawa ni David, isang masipag na elder na nakatira sa United States. Isa siyang masipag na empleado. Na-promote siya sa kompanyang pinapasukan niya at pinarangalan pa nga siya sa bansa nila dahil sa husay niya sa trabaho. “Akala ko noon, pagpapala ang mga ’yon mula kay Jehova,” ang sabi ni David. Pero galing nga ba iyon kay Jehova?

8 Unti-unting napansin ni David na naaapektuhan na ng trabaho niya ang kaugnayan niya kay Jehova. “Sa mga pulong at kahit sa ministeryo, problema sa trabaho ang iniisip ko,” ang sabi niya. “Malaki ang kinikita ko, pero nai-stress ako, at apektado na ang pagsasama naming mag-asawa.”

9 Napag-isip-isip ni David na kailangan niyang suriin ang mga priyoridad niya. “Desidido akong ayusin ang sitwasyon ko,” ang sabi niya. Gustong baguhin ni David ang iskedyul niya sa trabaho, at sinabi niya sa kaniyang employer ang plano niya. Ano ang resulta? Tinanggal siya sa trabaho! Ano ang ginawa niya? “Kinabukasan, nag-aplay ako bilang continuous auxiliary pioneer,” ang sabi niya. Para may mapagkakitaan, nagtrabaho si David at ang asawa niya bilang tagalinis. Di-nagtagal, nag-regular pioneer siya, at nang maglaon, nagpayunir din ang asawa niya. Mababa ang tingin ng marami sa trabahong pinili nila, pero hindi iyon ang mahalaga sa kanila. Kahit 10 porsiyento na lang ng dati nilang kinikita ang suweldo nila, nababayaran pa rin nila ang mga gastusin nila buwan-buwan. Priyoridad nila si Jehova, at naranasan nila mismo ang pangangalaga ni Jehova sa mga umuuna sa Kaharian.—Mat. 6:31-33.

10. Paano natin maiingatan ang ating puso?

10 Mayaman man tayo o mahirap, kailangan nating ingatan ang ating puso. Paano? Huwag mong hayaang magkaroon ka ng pag-ibig sa pera. At huwag mong hayaang maging mas importante sa iyo ang trabaho kaysa sa paglilingkod kay Jehova. Paano mo malalaman kung nangyayari na iyan sa iyo? Puwede mong pag-isipan: ‘Madalas bang trabaho pa rin ang iniisip ko kahit nasa pulong ako o ministeryo? Lagi ba akong nag-aalala na baka kapusin kami ng pera sa hinaharap? Nagiging problema na ba sa aming mag-asawa ang pera at mga ari-arian? Handa ba akong gumawa ng trabahong mababa sa tingin ng iba para mas makapaglingkod kay Jehova?’ (1 Tim. 6:9-12) Habang pinag-iisipan ang mga tanong na ito, tandaan na mahal tayo ni Jehova at ito ang pangako niya sa mga may debosyon sa kaniya: “Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan.” Kaya naman isinulat ni apostol Pablo: “Huwag nawang makita sa pamumuhay ninyo ang pag-ibig sa pera.”—Heb. 13:5, 6.

MAG-INGAT SA PAGPILI NG LIBANGAN

11. Ano ang nagagawa ng libangan sa isang tao?

11 Gusto ni Jehova na ma-enjoy natin ang buhay, at iyan ang nagagawa ng libangan. Sa katunayan, sinasabi ng Salita ng Diyos na “wala nang mas mabuti para sa tao kundi ang kumain, uminom, at masiyahan sa pinaghirapan niya.” (Ecles. 2:24) Pero maraming libangan sa sanlibutan na puwedeng makasamâ sa atin. Pinabababa ng mga ito ang pamantayan ng mga tao sa moral, kaya kinukunsinti nila o nagugustuhan pa nga ang mga bagay na hinahatulan ng Salita ng Diyos.

Sino ang naghahanda ng iyong libangan? (Tingnan ang parapo 11-14) *

12. Ayon sa 1 Corinto 10:21, 22, bakit dapat tayong mag-ingat sa pagpili ng libangan?

12 Gusto nating ibigay kay Jehova ang ating bukod-tanging debosyon, kaya hindi tayo puwedeng kumain sa “mesa ni Jehova” at sa “mesa ng mga demonyo.” (Basahin ang 1 Corinto 10:21, 22.) Ang dalawang taong magkasamang kumakain ay masasabing magkaibigan. Kung pinipili natin ang mga libangang nagtatampok ng karahasan, espiritismo, imoralidad, o iba pang maling pagnanasa at masasamang ugali, para na rin tayong kasalo ng mga kaaway ng Diyos sa pagkaing inihanda nila. Kapag ginawa natin iyan, hindi lang natin ipinapahamak ang ating sarili; sinisira din natin ang kaugnayan natin kay Jehova.

13-14. Ayon sa Santiago 1:14, 15, bakit dapat tayong mag-ingat sa pagpili ng libangan? Ilarawan.

13 Tingnan natin ang ilang pagkakatulad ng libangan at ng literal na pagkain. Kapag kumakain tayo, napipili natin kung ano ang isusubo natin. Pero kapag nalunok na natin ito, hindi na natin kontrolado ang magiging epekto nito sa ating katawan. Ang masustansiyang pagkain ay nakakapagpalusog; ang di-masustansiyang pagkain ay nakakasamâ sa kalusugan. Puwedeng hindi natin agad makita ang epekto nito, pero makikita rin natin ito sa kalaunan.

14 Sa katulad na paraan, kapag pumipili ng libangan, napipili rin natin ang ipinapasok natin sa ating isip. Pero pagkatapos niyan, maaapektuhan ng libangang napili natin ang ating isip at puso. Ang mabuting libangan ay nakakapagpaginhawa; ang masamang libangan ay nakakapinsala. (Basahin ang Santiago 1:14, 15.) Puwedeng hindi natin agad makita ang epekto ng masamang libangan, pero lilitaw rin ito sa kalaunan. Kaya nagbababala sa atin ang Bibliya: “Huwag ninyong dayain ang sarili ninyo: Hindi puwedeng linlangin ang Diyos. Dahil anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya; dahil ang naghahasik para sa laman ay mag-aani ng kasiraan mula sa kaniyang laman.” (Gal. 6:7, 8) Napakahalaga ngang iwasan ang mga libangang kinapopootan ni Jehova!—Awit 97:10.

15. Ano ang iniregalo sa atin ni Jehova na gusto niyang ma-enjoy natin?

15 Maraming lingkod ni Jehova ang nag-e-enjoy sa panonood ng JW Broadcasting®, ang sarili nating istasyon ng TV sa Internet. Sinabi ng sister na si Marilyn: “Nakakatulong sa akin ang JW Broadcasting para maging mas positibo. Lahat do’n, puwede kong panoorin. Kapag malungkot ako o nasisiraan ng loob, nanonood ako ng mga nakakapagpatibay na pahayag o ng programa sa Pang-umagang Pagsamba. Dahil dito, mas napapalapít ako kay Jehova at sa organisasyon niya. Talagang binago ng JW Broadcasting ang buhay ko.” Nakikinabang ka ba sa regalong ito ni Jehova? Bukod sa buwan-buwang programa sa JW Broadcasting, marami rin ditong audio at video program at nakakapagpatibay na mga kanta.

16-17. Bakit dapat nating kontrolin ang dami ng panahong ginagamit natin sa paglilibang, at paano natin ito magagawa?

16 Dapat tayong mag-ingat hindi lang sa uri ng libangang pinipili natin kundi pati sa dami ng panahong ginagamit natin dito. Kung hindi, baka mas malaking panahon ang magamit natin sa paglilibang kaysa sa paglilingkod kay Jehova. Marami ang nahihirapang limitahan ang panahon nila sa paglilibang. Sinabi ng 18-anyos na sister na si Abigail: “Busy ako sa maghapon, kaya nanonood ako ng TV sa gabi para marelaks. Pero kung hindi ako mag-iingat, baka magbabad ako sa harap ng TV.” Sinabi naman ng kabataang brother na si Samuel: “Nauubos ang oras ko sa panonood ng maiikling video sa Internet. Sa umpisa, isang video lang muna, pero hindi ko namamalayan, tatlo o apat na oras na pala akong nanonood.”

17 Paano mo makokontrol ang dami ng panahong ginagamit mo sa paglilibang? Una, alamin kung gaano kalaking panahon ang ginagamit mo rito. Subukan mong irekord ito sa loob ng isang linggo. Isulat sa isang kalendaryo kung ilang oras kang nanonood ng TV, nag-i-Internet, at naglalaro sa gadyet. Kapag nakita mong napakarami mo palang nauubos na panahon dito, subukang gumawa ng iskedyul. Ilagay mo muna kung gaano katagal mo gagawin ang mas mahahalagang bagay, at saka mo isunod ang paglilibang. Pagkatapos, hilingin kay Jehova na tulungan kang masunod ang iskedyul mo. Kapag ginawa mo iyan, magkakaroon ka ng sapat na panahon at lakas para sa personal na pag-aaral ng Bibliya, pampamilyang pagsamba, pagdalo sa mga pulong, at pangangaral at pagtuturo. Posible ring mas mag-enjoy ka sa iyong paglilibang dahil inuna mo si Jehova.

PANATILIHIN ANG BUKOD-TANGING DEBOSYON KAY JEHOVA

18-19. Paano natin mapapatunayang bukod-tangi ang ating debosyon kay Jehova?

18 Matapos isulat ang tungkol sa wakas ng sanlibutan ni Satanas at sa paparating na bagong sanlibutan, sinabi ni apostol Pedro: “Mga minamahal, dahil hinihintay ninyo ang mga bagay na ito, gawin ninyo ang buong makakaya ninyo, para sa katapusan ay makita niyang wala kayong batik at dungis at kayo ay nasa kapayapaan.” (2 Ped. 3:14) Kapag sinusunod natin ang payong iyan at ginagawa ang ating makakaya para manatiling malinis sa moral at espirituwal, pinapatunayan nating bukod-tangi ang ating debosyon kay Jehova.

19 Patuloy tayong iimpluwensiyahan ni Satanas at ng kaniyang sanlibutan na baguhin ang ating priyoridad. (Luc. 4:13) Pero sa kabila nito, hindi natin hahayaang may sinuman o anuman na pumalit kay Jehova sa ating puso. Determinado tayong ibigay kay Jehova ang para lang sa kaniya—ang ating bukod-tanging debosyon!

AWIT 30 Aking Kaibigan, Diyos, at Ama

^ par. 5 Sinasamba natin si Jehova. Pero bukod-tangi ba ang debosyon natin sa kaniya? Ang sagot ay makikita sa mga desisyong ginagawa natin. Talakayin natin ang dalawang bagay sa ating buhay na makakatulong sa atin na makita kung hanggang saan ang ating debosyon kay Jehova.

^ par. 53 LARAWAN: Ayaw nating kumain ng maruming pagkain na inihanda sa maruming kusina. Kaya bakit tayo manonood ng mga palabas na may karahasan, espiritismo, o imoralidad?