Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dapat marinig ng mga tao ang babala habang paparating ang “bagyo” mula sa Diyos!

Paghatol ng Diyos—Lagi Ba Siyang Nagbibigay ng Sapat na Babala?

Paghatol ng Diyos—Lagi Ba Siyang Nagbibigay ng Sapat na Babala?

HABANG nakatingin sa radar, nakita ng weather forecaster ang isang malakas na bagyong paparating sa isang lugar na malaki ang populasyon. Dahil nababahala siya sa kaligtasan ng mga tao, hindi siya tumigil sa pagbibigay ng babala bago mahulí ang lahat.

Sa katulad na paraan, nagbababala ngayon si Jehova tungkol sa isang “bagyo” na mas mapanganib pa kaysa sa pinakamasamang lagay ng panahon. Paano niya ito ginagawa? At bakit tayo nakakatiyak na binibigyan niya ang mga tao ng sapat na panahon para kumilos? Para masagot iyan, tingnan natin ang ilang babalang ibinigay ni Jehova noon.

KAPAG NAGBIBIGAY ANG DIYOS NG BABALA

Noong panahon ng Bibliya, nagbababala si Jehova tungkol sa iba’t ibang “bagyo,” o paghatol, na pasasapitin niya sa mga kusang sumusuway sa kaniyang mga utos. (Kaw. 10:25; Jer. 30:23) Malayo pa bago mangyari iyon, ipinaaalam niya agad iyon sa mga maaapektuhan at sinasabihan sila kung ano ang dapat gawin. (2 Hari 17:12-15; Neh. 9:29, 30) Para matulungan ang mga tao na gawin ito, madalas niyang ginagamit ang kaniyang tapat na mga lingkod sa lupa para sabihin ang hatol niya at ipaunawa sa kanila na kailangan silang kumilos agad.—Amos 3:7.

Isa na rito si Noe. Sa loob ng maraming taon, buong tapang niyang binabalaan ang mga imoral at mararahas na tao noong panahon niya tungkol sa isang paparating na Baha sa buong lupa. (Gen. 6:9-13, 17) Sinabi rin niya sa kanila ang kailangan nilang gawin para makaligtas. Nangaral siya, kaya nang maglaon, tinawag siyang “mángangarál ng katuwiran.”—2 Ped. 2:5.

Sa kabila ng pagsisikap ni Noe, hindi pinansin ng mga tao ang mensahe niya mula sa Diyos. Ipinakita nilang wala silang pananampalataya. Dahil diyan, namatay sila nang ‘dumating ang Baha at tangayin silang lahat.’ (Mat. 24:39; Heb. 11:7) Sa nangyari sa kanila, hindi nila masasabing hindi nagbabala ang Diyos.

May mga pagkakataon namang malapit nang magsimula ang “bagyo” ng paghatol ni Jehova nang magbigay siya ng babala. Pero tiniyak niyang may sapat na panahon pa para kumilos ang mga maaapektuhan nito. Halimbawa, bago dumating ang Sampung Salot na dinanas ng Ehipto noon, nagbigay muna siya ng babala. Ipinadala niya sina Moises at Aaron para babalaan ang Paraon at ang mga lingkod nito tungkol sa ikapitong salot, ang mapaminsalang pag-ulan ng mga tipak ng yelo. Dahil magsisimula na ito kinabukasan, binigyan ba sila ng Diyos ng sapat na panahon para makahanap ng masisilungan at makaligtas dito? Sinasabi ng Bibliya: “May mga lingkod ang Paraon na natakot sa sinabi ni Jehova kaya agad nilang pinapasok sa mga bahay ang mga lingkod nila at isinilong ang kanilang mga alagang hayop, pero hindi pinansin ng iba ang sinabi ni Jehova at pinabayaan lang sa parang ang kanilang mga lingkod at alagang hayop.” (Ex. 9:18-21) Maliwanag, nagbigay si Jehova ng sapat na babala para makaligtas sa salot na iyon ang mga kikilos agad.

Binabalaan din ang Paraon at ang mga lingkod niya bago ang ika-10 salot. Pero hindi sila nakinig. (Ex. 4:22, 23) Dahil diyan, namatay ang mga panganay nilang lalaki. Napakasaklap! (Ex. 11:4-10; 12:29) Nabigyan ba sila ng panahong sumunod sa babala? Oo! Nagbabala agad si Moises sa mga Israelita tungkol sa paparating na ika-10 salot at sinabi niya kung paano nila maililigtas ang pamilya nila. (Ex. 12:21-28) Ilan ang nakinig sa babala? Tinatayang tatlong milyon katao, kasama na ang mga Israelita at “isang malaking grupo” ng mga Ehipsiyo at di-Israelita, ang nakaligtas sa hatol ng Diyos at umalis sa Ehipto.—Ex. 12:38; tlb.

Gaya ng ipinapakita ng mga halimbawang ito, laging tinitiyak ni Jehova na may sapat na pagkakataon ang mga tao na sumunod sa babala. (Deut. 32:4) Bakit ito ginagawa ng Diyos? Sinabi ni apostol Pedro na ‘hindi gusto ni Jehova na mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.’ (2 Ped. 3:9) Oo, nagmamalasakit ang Diyos sa mga tao. Bago dumating ang hatol niya, gusto niyang magsisi sila at magbago.—Isa. 48:17, 18; Roma 2:4.

MAKINIG SA BABALA NG DIYOS

Dapat ding makinig ang mga tao sa mahalagang babala na inihahayag ngayon sa buong mundo. Noong nasa lupa si Jesus, nagbabala siya na ang sistemang ito ay pupuksain sa “malaking kapighatian.” (Mat. 24:21) Tungkol sa hatol na iyan, nagbigay siya ng detalyadong hula tungkol sa makikita at mararanasan ng kaniyang mga tagasunod habang papalapit ang panahong iyon. Inisa-isa ni Jesus ang mahahalagang pangyayari sa buong mundo na nakikita natin ngayon.—Mat. 24:3-12; Luc. 21:10-13.

Kaayon ng hulang iyan, hinihimok ni Jehova ang bawat isa na magpasakop sa Kaniyang maibiging pamamahala. Gusto niya na ang masunuring mga tao ay magkaroon ng mas magandang buhay ngayon pa lang at sa darating na matuwid na bagong sanlibutan. (2 Ped. 3:13) Para matulungan ang mga tao na magtiwala sa mga pangako ni Jehova, nagbigay siya ng mensaheng magliligtas sa kanila—ang ‘mabuting balita tungkol sa Kaharian,’ na inihula ni Jesus na “ipangangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa.” (Mat. 24:14) Inorganisa ng Diyos ang kaniyang tunay na mga mananamba na sabihin ang kaniyang mensahe sa mga 240 bansa. Gusto ni Jehova na hangga’t maaari, marami ang makinig sa babala at makaligtas sa paparating na “bagyo” ng kaniyang matuwid na paghatol.—Zef. 1:14, 15; 2:2, 3.

Kaya hindi na mahalagang itanong kung nagbibigay ba si Jehova ng sapat na panahon sa mga tao na kumilos ayon sa kaniyang babala. Ipinapakita ng mga ebidensiya na lagi niya itong ginagawa. Sa halip, ito ang mahalagang itanong: Makikinig ba ang mga tao sa babala ng Diyos habang may panahon pa? Bilang mga mensahero ng Diyos, patuloy sana nating tulungan ang maraming tao hangga’t maaari na makaligtas sa katapusan ng sistemang ito.