Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 44

Lálakí Kaya Silang Naglilingkod sa Diyos?

Lálakí Kaya Silang Naglilingkod sa Diyos?

“Si Jesus ay patuloy na lumaki, lalong naging marunong, at lalong naging kalugod-lugod sa Diyos at sa mga tao.”​—LUC. 2:52.

AWIT 134 Mga Anak​—Ipinagkatiwala ng Diyos

NILALAMAN *

1. Ano ang pinakamagandang desisyon na puwede nating gawin?

KADALASAN nang may matagal na epekto sa mga anak ang desisyon ng mga magulang. Kapag mali ang desisyon ng mga magulang, puwedeng magkaproblema ang mga anak. Pero kapag maganda ang desisyon nila, binibigyan nila ang kanilang mga anak ng pagkakataong magkaroon ng masaya at makabuluhang buhay. Siyempre, dapat ding gumawa ng magagandang desisyon ang mga anak. Ang pinakamagandang desisyong magagawa natin ay ang paglingkuran ang maibiging Ama sa langit, si Jehova.​—Awit 73:28.

2. Anong magagandang desisyon ang ginawa ni Jesus at ng kaniyang mga magulang?

2 Gusto ng mga magulang ni Jesus na tulungan ang kanilang mga anak na maglingkod kay Jehova, at ang mga desisyong ginawa nila ay nagpapatunay na ito ang pinakamahalaga sa buhay nila. (Luc. 2:40, 41, 52) Gumawa rin si Jesus ng magagandang desisyon na nakatulong sa kaniya para magawa ang kalooban ni Jehova. (Mat. 4:1-10) Lumaki si Jesus na mabait, tapat, at malakas ang loob—isang anak na maipagmamalaki at magpapasaya sa sinumang magulang na may takot sa Diyos.

3. Anong mga tanong ang sasagutin sa artikulong ito?

3 Sa artikulong ito, sasagutin natin ang sumusunod na mga tanong: Anong magagandang desisyon ang ginawa ni Jehova tungkol kay Jesus? Ano ang matututuhan ng mga Kristiyanong magulang sa mga desisyong ginawa ng mga magulang ni Jesus? At ano ang matututuhan ng mga kabataang Kristiyano sa mga desisyong ginawa ni Jesus?

MATUTO MULA KAY JEHOVA

4. Anong mahalagang desisyon ang ginawa ni Jehova tungkol sa kaniyang Anak?

4 Pumili si Jehova ng mahuhusay na magulang para kay Jesus. (Mat. 1:18-23; Luc. 1:26-38) Ang sinabi ni Maria na nakaulat sa Bibliya ay nagpapakita kung gaano niya kamahal si Jehova at ang Kaniyang Salita. (Luc. 1:46-55) Ang pagsunod naman ni Jose sa utos ni Jehova ay nagpapakitang mahal niya ang Diyos at gusto niya Siyang mapasaya.​—Mat. 1:24.

5-6. Ano ang pinahintulutan ni Jehova na danasin ng kaniyang Anak?

5 Pansinin na hindi mayaman ang pinili ni Jehova para maging mga magulang ni Jesus. Ang hain na inihandog nina Jose at Maria pagkapanganak kay Jesus ay nagpapakitang mahirap sila. (Luc. 2:24) Posibleng may maliit na puwesto si Jose malapit sa bahay nila sa Nazaret kung saan siya nagtatrabaho bilang karpintero. Tiyak na simple lang ang buhay nila, lalo na nang magkaroon sila ng mga pitong anak.​—Mat. 13:55, 56.

6 Pinrotektahan ni Jehova si Jesus mula sa ilang panganib. Pero hindi niya pinrotektahan ang kaniyang Anak mula sa lahat ng problema. (Mat. 2:13-15) Halimbawa, may mga kamag-anak si Jesus na hindi naniniwala sa kaniya. Tiyak na nalungkot si Jesus nang sa simula ay hindi matanggap ng mga kapatid niya na siya ang Mesiyas. (Mar. 3:21; Juan 7:5) Malamang na naging mahirap para kay Jesus ang pagkamatay ng kaniyang ama-amahang si Jose. Kasi nangangahulugan iyon, na bilang panganay na anak, siya ang tatayong ulo ng pamilya. (Mar. 6:3) Habang lumalaki si Jesus, natuto siyang maging responsable para sa kapakanan ng kanilang pamilya. Malamang na kinailangan niyang magtrabaho nang husto para mapaglaanan sila. Kaya naramdaman niya kung paano mapagod pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho.

Mga magulang, maihahanda ninyo ang inyong mga anak sa realidad ng buhay kung tuturuan ninyo silang umasa sa Salita ng Diyos (Tingnan ang parapo 7) *

7. (a) Anong mga tanong ang makakatulong sa mga mag-asawa sa pagpapalaki ng anak? (b) Paano makakatulong sa mga magulang ang Kawikaan 2:1-6 sa pagsasanay sa kanilang mga anak?

7 Kung kayong mag-asawa ay may planong magkaanak, tanungin ang sarili: ‘Kami ba ay mapagpakumbaba at makadiyos para piliin ni Jehova na mag-alaga ng anak?’ (Awit 127:3, 4) Kung may anak ka na, tanungin ang sarili: ‘Itinuturo ko ba sa mga anak ko na mahalaga ang pagiging masipag?’ (Ecles. 3:12, 13) ‘Ginagawa ko ba ang lahat para protektahan ang mga anak ko mula sa mga panganib na posibleng mapaharap sa kanila sa sanlibutang ito?’ (Kaw. 22:3) Hindi mo mapoprotektahan ang iyong mga anak mula sa lahat ng problema na posibleng mapaharap sa kanila. Imposible iyon! Pero maihahanda mo sila sa realidad ng buhay kung patuloy mong ituturo sa kanila na umasa sa Salita ng Diyos. (Basahin ang Kawikaan 2:1-6.) Halimbawa, kung ang isang kamag-anak ay huminto na sa paglilingkod kay Jehova, tulungan mo ang iyong mga anak na alamin mula sa Salita ng Diyos kung bakit napakahalagang manatiling tapat kay Jehova. (Awit 31:23) O kapag namatay ang isang minamahal, ipakita sa iyong mga anak kung paano gagamitin ang Bibliya para makayanan ang lungkot at makadama ng kapayapaan.​—2 Cor. 1:3, 4; 2 Tim. 3:16.

MATUTO MULA KINA JOSE AT MARIA

8. Ayon sa Deuteronomio 6:6, 7, ano ang kailangang gawin nina Jose at Maria?

8 Sa tulong ng mga magulang ni Jesus, lumaki siyang malapít sa Diyos; sinunod nila ang utos ni Jehova sa mga magulang. (Basahin ang Deuteronomio 6:6, 7.) Mahal na mahal nina Jose at Maria si Jehova, at tunguhin nilang magkaroon ng ganoon ding pagmamahal ang kanilang mga anak.

9. Anong mahahalagang desisyon ang ginawa nina Jose at Maria?

9 Naging desisyon nina Jose at Maria na mapanatili ang pagsamba nila kay Jehova bilang isang pamilya. Dumadalo sila sa mga pulong linggo-linggo sa sinagoga sa Nazaret, pati na sa taunang Paskuwa sa Jerusalem. (Luc. 2:41; 4:16) Posibleng kapag pumupunta sila sa Jerusalem, itinuturo nila kay Jesus at sa mga kapatid nito ang tungkol sa kasaysayan ng bayan ni Jehova at malamang na dumadaan sila sa mga lugar na binabanggit sa Kasulatan. Habang dumadami ang anak nina Jose at Maria, tiyak na hindi naging madali para sa kanila ang regular na pagsamba kay Jehova. Pero sulit naman ang paggawa nito! Dahil inuna nila si Jehova, nanatiling malapít sa kaniya ang pamilya nila.

10. Ano ang matututuhan ng mga Kristiyanong magulang kina Jose at Maria?

10 Ano ang matututuhan ng mga magulang na may takot sa Diyos kina Jose at Maria? Ang pinakamahalaga, ipakita sa iyong mga anak sa salita at gawa na mahal na mahal mo si Jehova. Ang pinakamagandang regalong maibibigay mo sa kanila ay ang pagkakataong mahalin si Jehova. At ang isa sa pinakamahalagang maituturo mo sa kanila ay kung paano nila mapapanatili ang regular na pag-aaral, pananalangin, pagdalo sa pulong, at pakikibahagi sa ministeryo. (1 Tim. 6:6) Siyempre, dapat mo ring ibigay ang materyal na pangangailangan nila. (1 Tim. 5:8) Pero tandaan na ang malapít na kaugnayan ng iyong mga anak kay Jehova, hindi ang materyal na mga bagay, ang tutulong sa kanila para makaligtas sa wakas ng sistemang ito at makapasok sa bagong sanlibutan ng Diyos. *Ezek. 7:19; 1 Tim. 4:8.

Nakakatuwang makita ang mga Kristiyanong magulang na gumagawa ng magagandang desisyon para mapalapít kay Jehova ang kanilang pamilya! (Tingnan ang parapo 11) *

11. (a) Paano makakatulong sa mga magulang ang payo na nasa 1 Timoteo 6:17-19 para makagawa ng magagandang desisyon sa pagpapalaki sa mga anak? (b) Anong mga tunguhin ang puwedeng pag-isipan ng inyong pamilya, at anong mga pagpapala ang puwede ninyong matanggap? (Tingnan ang kahong “ Ano ang mga Tunguhin Mo?”)

11 Nakakatuwang makita ang napakaraming Kristiyanong magulang na gumagawa ng magagandang desisyon para mapalapít kay Jehova ang kanilang pamilya! Regular silang sumasamba nang sama-sama, dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon at mga kombensiyon, at nangangaral ng mabuting balita. May mga pamilya pa ngang nakakapangaral sa mga seldom-worked territory. Ang iba naman ay nagtu-tour sa Bethel o nagboboluntaryo sa mga proyekto ng pagtatayo. Kailangang gumastos ang mga pamilyang ito, at baka hindi ito madali para sa kanila. Pero gagantimpalaan sila ni Jehova. (Basahin ang 1 Timoteo 6:17-19.) Kadalasan nang ipinagpapatuloy ng mga anak ang magagandang nakasanayan nila sa pamilya nila, at wala silang pinagsisisihan. *Kaw. 10:22.

MATUTO MULA KAY JESUS

12. Ano ang kailangang gawin ni Jesus habang lumalaki siya?

12 Palaging magaganda ang desisyon ng Ama ni Jesus sa langit, at magaganda rin ang desisyon ng kaniyang mga magulang dito sa lupa. Pero habang lumalaki si Jesus, kailangan din niyang gumawa ng sariling mga desisyon. (Gal. 6:5) Gaya nating lahat, malaya rin siyang makakapili ng gusto niyang gawin. Puwede niya sanang piliing unahin ang sarili niya. Pero pinili niyang mapanatili ang magandang kaugnayan niya kay Jehova. (Juan 8:29) Paano makakatulong sa mga kabataan ngayon ang halimbawang iyan?

Mga kabataan, huwag bale-walain ang pagtuturo ng inyong mga magulang (Tingnan ang parapo 13) *

13. Anong mahalagang desisyon ang ginawa ni Jesus noong bata pa siya?

13 Noong bata pa si Jesus, pinili na niyang magpasakop sa kaniyang mga magulang. Hindi niya binale-wala ang pagtuturo ng mga magulang niya, na nangangatuwirang mas marunong siya kaysa sa kanila. Sa halip, “patuloy siyang naging masunurin sa kanila.” (Luc. 2:51) Tiyak na binalikat niya ang pananagutan bilang panganay. Siguradong nagsikap siyang matutuhan ang trabaho ng kaniyang ama-amahan para makasuporta sa pamilya nila.

14. Paano natin nalaman na si Jesus ay isang mahusay na estudyante ng Salita ng Diyos?

14 Malamang na sinabi ng mga magulang ni Jesus sa kaniya ang tungkol sa makahimalang pagsisilang sa kaniya at kung ano ang sinabi ng mga mensahero ng Diyos tungkol sa kaniya. (Luc. 2:8-19, 25-38) Hindi lang basta pinakinggan ni Jesus ang mga sinabi tungkol sa kaniya, pinag-aralan din niya mismo ang Kasulatan. Paano natin nalaman na si Jesus ay isang mahusay na estudyante ng Salita ng Diyos? Kasi noong bata pa siya, ang mga guro sa Jerusalem ay “hangang-hanga sa kaniyang unawa at mga sagot.” (Luc. 2:46, 47) At 12 anyos pa lang si Jesus, napatunayan na niya sa kaniyang sarili na si Jehova ang kaniyang Ama.​—Luc. 2:42, 43, 49.

15. Paano ipinakita ni Jesus na pinili niyang gawin ang kalooban ni Jehova?

15 Nang malaman ni Jesus ang tungkol sa papel niya sa layunin ni Jehova, tinanggap niya ang atas na iyon. (Juan 6:38) Alam niyang marami ang magagalit sa kaniya, at hindi niya gusto iyon. Pero pinili pa rin niyang sundin si Jehova. Nang mabautismuhan si Jesus noong 29 C.E., ang pinakamahalaga sa kaniya ay ang gawin ang kalooban ni Jehova. (Heb. 10:5-7) Kahit noong mamamatay na siya sa pahirapang tulos, desidido pa rin si Jesus na gawin ang kalooban ng kaniyang Ama.​—Juan 19:30.

16. Ano ang matututuhan ng mga anak mula kay Jesus?

16 Sundin ang inyong mga magulang. Gaya nina Jose at Maria, ang mga magulang ninyo ay hindi rin perpekto. Pero inatasan pa rin sila ni Jehova na protektahan kayo at sanayin. Kung susundin ninyo ang payo nila at igagalang ang awtoridad nila, ‘mapapabuti kayo.’—Efe. 6:1-4.

17. Ayon sa Josue 24:15, anong desisyon ang kailangang gawin ng mga kabataan?

17 Magdesisyon kung sino ang paglilingkuran ninyo. Kailangan ninyong patunayan sa inyong sarili kung sino si Jehova, kung ano ang layunin niya, at kung paano ninyo magagawa ang kalooban niya. (Roma 12:2) Sa gayon, makakagawa kayo ng pinakamahalagang desisyon sa buhay ninyo—ang paglingkuran si Jehova. (Basahin ang Josue 24:15; Ecles. 12:1) Kung regular kayong magbabasa at mag-aaral ng Bibliya, lalo ninyong mamahalin si Jehova at lalong titibay ang inyong pananampalataya sa kaniya.

18. Anong desisyon ang dapat gawin ng mga kabataan, at ano ang magiging resulta nito?

18 Magdesisyong unahin ang kalooban ni Jehova sa inyong buhay. Nangangako ang sanlibutan ni Satanas na kung gagamitin ninyo ang mga kakayahan ninyo para sa inyong kapakinabangan, magiging masaya kayo. Pero ang totoo, ang mga nagpopokus sa materyal na mga bagay ay ‘daranas ng maraming kirot.’ (1 Tim. 6:9, 10) Kung makikinig kayo kay Jehova at magdedesisyong unahin ang kalooban niya, ‘magiging marunong kayo sa mga gagawin ninyo’ at magiging masaya ang buhay ninyo.​—Jos. 1:8.

ANO ANG MAGIGING DESISYON NINYO?

19. Ano ang dapat tandaan ng mga magulang?

19 Mga magulang, gawin ang buong makakaya ninyo para tulungan ang mga anak ninyo na maglingkod kay Jehova. Umasa sa kaniya, at tutulungan niya kayong makagawa ng magagandang desisyon. (Kaw. 3:5, 6) Tandaan, mas makakatulong sa mga anak ninyo ang ginagawa ninyo kaysa sa sinasabi ninyo. Kaya gumawa ng mga desisyong makakatulong sa kanila para mapasaya si Jehova.

20. Anong mga pagpapala ang tatanggapin ng mga kabataan kung magdedesisyon silang paglingkuran si Jehova?

20 Mga kabataan, makakatulong ang mga magulang ninyo para makagawa kayo ng magagandang desisyon sa buhay. Pero nasa inyo na kung gusto ninyong pasayahin ang Diyos. Kaya tularan si Jesus at magdesisyong paglingkuran ang inyong maibiging Ama sa langit. Kung gagawin ninyo iyan, magiging masaya at makabuluhan ang buhay ninyo ngayon. (1 Tim. 4:16) At sa hinaharap, magiging napakasaya ng buhay ninyo!

AWIT 133 Sambahin si Jehova Habang Nasa Kabataan

^ par. 5 Gusto ng mga Kristiyanong magulang na lumaki ang kanilang mga anak na masasayang lingkod ni Jehova. Anong mga desisyon ang puwede nilang gawin para matulungan ang kanilang mga anak na maabot ang tunguhing iyan? Anong mga desisyon ang kailangang gawin ng mga kabataang Kristiyano para magtagumpay sila sa buhay? Sasagutin sa artikulong ito ang mga tanong na iyan.

^ par. 11 Tingnan ang kahong “Sila Na Yata ang Pinakamahusay na Magulang” sa Gumising!, Oktubre 2011, p. 20, at ang artikulong “Isang Natatanging Liham sa Kanilang mga Magulang” sa Gumising!, Marso 8, 1999, p. 25.

^ par. 66 LARAWAN: Nakatulong ang pagtuturo ni Maria sa batang si Jesus para lubusan nitong mahalin si Jehova. Sa ngayon, matutulungan din ng mga nanay ang kanilang mga anak na mahalin si Jehova.

^ par. 68 LARAWAN: Tiyak na mahalaga kay Jose ang pagdalo sa sinagoga kasama ang pamilya niya. Sa ngayon, mahalaga rin sa mga ama ang pagdalo sa mga pulong kasama ang pamilya nila.

^ par. 70 LARAWAN: Natuto si Jesus ng mga kasanayan mula sa kaniyang ama. Sa ngayon, natututo rin ang mga kabataan ng mga kasanayan mula sa kanilang ama.