Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 40

Ano ang Tunay na Pagsisisi?

Ano ang Tunay na Pagsisisi?

“Dumating ako . . . para akayin sa pagsisisi ang mga makasalanan.”​—LUC. 5:32.

AWIT 36 Bantayan ang Ating Puso

NILALAMAN *

1-2. Paano nagkaiba ang dalawang hari, at anong mga tanong ang tatalakayin natin?

TINGNAN natin ang nangyari sa dalawang hari noon. Ang isa sa kanila ay namahala sa 10-tribong kaharian ng Israel, at ang isa naman ay sa 2-tribong kaharian ng Juda. Nabuhay sila sa magkaibang panahon, pero marami silang pagkakapareho. Pareho silang nagrebelde kay Jehova, at pareho nilang inimpluwensiyahan ang bayan niya. Pareho silang nagkasala ng idolatriya at pagpatay. Pero may pagkakaiba rin sila. Isa sa kanila ang patuloy na gumawa ng masama hanggang sa mamatay siya, pero ang isa ay nagsisi at pinatawad sa mabibigat na kasalanan niya. Sino sila?

2 Sila sina Ahab na hari ng Israel at Manases na hari ng Juda. Mula sa pagkakaiba ng dalawang haring ito, marami tayong matututuhan tungkol sa pagsisisi. (Gawa 17:30; Roma 3:23) Ano ang pagsisisi? Paano ito maipapakita? Mahalagang malaman natin ito dahil gusto nating mapatawad tayo ni Jehova kapag nagkasala tayo. Para masagot ang mga tanong na iyan, pag-uusapan natin ang dalawang haring ito at titingnan natin kung ano ang matututuhan natin sa nangyari sa kanila. Pagkatapos, tatalakayin natin ang itinuro ni Jesus tungkol sa pagsisisi.

ANG MATUTUTUHAN NATIN SA NANGYARI KAY HARING AHAB

3. Anong klaseng hari si Ahab?

3 Si Ahab ang ikapitong hari ng 10-tribong kaharian ng Israel. Napangasawa niya si Jezebel na anak ng hari ng Sidon, isang mayamang bansa sa hilaga. Malamang na dahil dito, nadagdagan ang kayamanan ng Israel pero lalo lang nasira ang kaugnayan ng bansa kay Jehova. Si Jezebel ay isang mananamba ni Baal. Sinulsulan niya si Ahab na suportahan ang kasuklam-suklam na relihiyon niya, na nagsasagawa ng prostitusyon sa templo at paghahandog pa nga ng mga anak sa diyos-diyusan. Lahat ng propeta ni Jehova ay nanganganib noong reyna si Jezebel. Ipinapatay niya ang marami sa kanila. (1 Hari 18:13) Si Ahab naman ay “mas masama sa paningin ni Jehova kaysa sa lahat ng nauna sa kaniya.” (1 Hari 16:30) Nakikita at alam na alam ni Jehova ang lahat ng ginagawa nina Ahab at Jezebel. Pero dahil sa awa, ipinadala ni Jehova si propeta Elias para babalaan ang bayan Niya na magbago at bumalik sa Kaniya bago mahuli ang lahat. Pero hindi nakinig sina Ahab at Jezebel.

4. Ano ang sentensiya kay Ahab, at ano ang reaksiyon niya?

4 Dumating ang panahon na nagdesisyon nang kumilos si Jehova. Ipinadala niya si Elias para sabihin ang hatol niya kina Ahab at Jezebel. Lilipulin ang buong pamilya nila. Natauhan si Ahab sa mga sinabi ni Elias! At bigla na lang, “nagpakumbaba” ang mayabang na haring ito.​—1 Hari 21:19-29.

Dahil hindi tunay ang pagsisisi ni Haring Ahab, ipinakulong niya ang propeta ng Diyos (Tingnan ang parapo 5-6) *

5-6. Bakit natin masasabi na hindi totoong nagsisi si Ahab?

5 Kahit nagpakumbaba si Ahab, makikita na hindi siya totoong nagsisi. Hindi niya inalis ang pagsamba kay Baal sa kaharian niya. Hindi rin niya itinaguyod ang pagsamba kay Jehova. Makikita rin sa ibang ginawa ni Ahab na hindi talaga siya nagsisi.

6 Nang magsabi si Ahab kay Haring Jehosapat ng Juda na samahan siya nito sa pakikipagdigma sa mga Siryano, sinabi ni Jehosapat na sumangguni muna sila sa isang propeta ni Jehova. Ayaw ni Ahab noong una. Sinabi niya: “May isa pa na puwede nating lapitan para makasangguni tayo kay Jehova; pero galit ako sa kaniya, dahil hindi siya humuhula ng mabubuting bagay tungkol sa akin, kundi laging masasama.” Pero kumonsulta rin sila kay propeta Micaias. At masamang balita nga para kay Ahab ang inihula nito! Imbes na magsisi at humingi ng tawad kay Jehova, ipinakulong ni Ahab ang propeta. (1 Hari 22:7-9, 23, 27) Kahit naipakulong ng masamang hari ang propeta ni Jehova, natupad pa rin ang hula tungkol sa kaniya. Napatay si Ahab sa digmaan.​—1 Hari 22:34-38.

7. Ano ang sinabi ni Jehova tungkol kay Ahab pagkamatay nito?

7 Pagkamatay ni Ahab, makikita kung ano ang tingin sa kaniya ni Jehova. Nang makauwi nang ligtas ang mabuting hari na si Jehosapat, ipinadala ni Jehova si propeta Jehu para sawayin siya dahil sa pakikipag-alyansa kay Ahab. Sinabi ng propeta ni Jehova: “Ang masama ba ang dapat mong tulungan, at ang mga napopoot ba kay Jehova ang dapat mong mahalin?” (2 Cro. 19:1, 2) Pag-isipan ito: Kung totoong nagsisi si Ahab, hindi sasabihin ng propeta na masama siya at napopoot kay Jehova. Maliwanag, kahit ipinakita ni Ahab na nalungkot siya sa mga ginawa niya, hindi siya tunay na nagsisi.

8. Mula sa nangyari kay Ahab, ano ang matututuhan natin tungkol sa pagsisisi?

8 Ano ang matututuhan natin sa nangyari kay Ahab? Nang marinig niya ang mensahe ni Elias tungkol sa kapahamakan na mangyayari sa pamilya niya, nagpakumbaba si Ahab sa umpisa. At maganda iyon. Pero makikita sa sumunod na mga ginawa niya na hindi mula sa puso ang pagsisisi niya. Kaya ang pagsisisi ay hindi lang basta pagpapakita ng kalungkutan. Tingnan natin ang isa pang halimbawa na tutulong sa atin na maintindihan kung ano ang tunay na pagsisisi.

ANG MATUTUTUHAN NATIN SA NANGYARI KAY HARING MANASES

9. Anong klaseng hari si Manases?

9 Makalipas ang mga 200 taon, naging hari ng Juda si Manases. Masasabing mas malala pa siya kay Ahab dahil mababasa natin: “Napakarami niyang ginawang masama sa paningin ni Jehova para galitin siya.” (2 Cro. 33:1-9) Nagtayo siya ng mga altar para sa mga diyos-diyusan, at naglagay pa nga siya ng inukit na imahen na isang sagradong poste—malamang na simbolo ng pagsamba sa sekso—sa mismong loob ng templo ni Jehova! Nagsagawa siya ng mahika, panghuhula, at pangkukulam. “Nagpadanak din [siya] ng napakaraming dugo ng inosenteng mga tao.” Kasama sa karumal-dumal na pagpatay niya ang ‘pagsunog sa sarili niyang mga anak bilang handog’ sa mga diyos-diyusan.​—2 Hari 21:6, 7, 10, 11, 16.

10. Paano dinisiplina ni Jehova si Manases, at ano ang ginawa ng hari?

10 Gaya ni Ahab, nagmatigas si Manases at binale-wala niya ang babala ng mga propeta ni Jehova. Kaya ‘pinasalakay ni Jehova sa Juda ang mga pinuno ng hukbo ng hari ng Asirya, at binihag ng mga ito si Manases gamit ang mga pangawit at iginapos ng dalawang kadenang tanso at dinala sa Babilonya.’ Habang nakabilanggo sa Babilonya, malinaw na nakapag-isip-isip si Manases. Siya ay “patuloy na nagpakumbaba nang husto sa Diyos ng kaniyang mga ninuno” at ‘nagmakaawa pa nga siya sa Diyos niyang si Jehova.’ Sa katunayan, “patuloy siyang nanalangin sa Diyos.” Unti-unti nang nagbabago si Manases. Kinikilala na niya si Jehova bilang ‘Diyos niya,’ at nanalangin siya sa kaniya nang patuluyan.​—2 Cro. 33:10-13.

Dahil tunay ang pagsisisi ni Haring Manases, inalis niya ang pagsamba sa diyos-diyusan (Tingnan ang parapo 11) *

11. Ayon sa 2 Cronica 33:15, 16, paano ipinakita ni Manases na talagang nagsisisi siya?

11 Sinagot ni Jehova ang mga panalangin ni Manases. Nakita niya sa mga panalangin nito na talagang nagbago ang puso nito. Pinakinggan ni Jehova ang pagmamakaawa ni Manases at ibinalik siya sa pagiging hari. Ginawa ni Manases ang buong makakaya niya para ipakita na talagang nagsisisi siya. Di-tulad ni Ahab, nagbago siya, inalis niya ang pagsamba sa mga diyos-diyusan, at itinaguyod ang tunay na pagsamba. (Basahin ang 2 Cronica 33:15, 16.) Para magawa iyon, kinailangan ni Manases ng lakas ng loob at pananampalataya. Sa loob ng maraming taon, naging masamang impluwensiya siya sa kaniyang pamilya, sa prominenteng mga tao, at sa mga nasasakupan niya. Pero sa mga huling taon ng paghahari niya, sinikap niya na ituwid ang ilan sa masasamang bagay na nagawa niya. Malamang na naging magandang impluwensiya siya sa apo niyang si Josias, na naging napakabuting hari.​—2 Hari 22:1, 2.

12. Mula sa nangyari kay Manases, ano ang matututuhan natin tungkol sa pagsisisi?

12 Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Manases? Hindi lang siya nagpakumbaba, nanalangin din siya at nagmakaawang patawarin siya. Nagbago siya. Ginawa niya ang buong makakaya niya para ituwid ang masasamang bagay na nagawa niya. Sinamba niya si Jehova at tinulungan ang iba na gawin din iyon. Makikita sa nangyari kay Manases na may pag-asa pang mapatawad kahit ang mga nakagawa ng napakabigat na mga kasalanan. Kitang-kita natin na ang Diyos na Jehova ay “mabuti at handang magpatawad.” (Awit 86:5) Papatawarin niya ang mga tunay na nagsisisi.

13. Ano ang isang mahalagang aral tungkol sa pagsisisi? Ilarawan.

13 Hindi lang basta nalungkot si Manases sa mga nagawa niyang kasalanan. May mahalagang itinuturo ito tungkol sa pagsisisi. Pag-isipan ito: Nagpunta ka sa isang bakeshop para bumili ng cake. Pero imbes na cake, isang itlog lang ang ibinigay sa iyo ng tindera. Matutuwa ka kaya? Siyempre hindi! Tatanggapin mo na ba ang itlog kapag sinabi ng tindera na kailangan iyon para makagawa ng cake? Siyempre hindi pa rin! Ganiyan din kapag nagkasala ang isa. Gusto ni Jehova na talagang magsisi siya. Kung nalulungkot siya sa nagawa niyang pagkakasala, mabuti iyon kasi mahalaga iyon sa pagsisisi. Pero hindi iyon sapat. Ano pa ang kailangan? Marami tayong matututuhan sa isang nakakaantig na ilustrasyon ni Jesus.

PAANO MALALAMAN KUNG TUNAY NA NAGSISISI ANG NAGKASALA?

Nang matauhan ang masuwaying anak, naglakbay siya nang malayo pabalik sa kanila (Tingnan ang parapo 14-15) *

14. Sa ilustrasyon ni Jesus, paano nag-umpisang magsisi ang masuwaying anak?

14 Sa Lucas 15:11-32, mababasa natin ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa alibughang anak. Nagrebelde ang anak sa kaniyang ama, umalis sa kanilang tahanan, at pumunta “sa isang malayong lupain.” Naging imoral at masama ang pamumuhay niya. Pero nang maghirap siya, sinabi ni Jesus na ‘nakapag-isip-isip siya.’ Nakita niya na di-hamak na mas maganda ang buhay niya sa poder ng ama niya, at natauhan siya. Nagdesisyon siyang umuwi at humingi ng tawad sa ama niya. Mahalaga na nakita ng anak kung gaano kalaki ang pagkakamali niya. Pero sapat na ba iyon? Hindi. Kailangan niyang kumilos!

15. Paano ipinakita ng masuwaying anak sa ilustrasyon ni Jesus na talagang nagsisisi siya?

15 Ipinakita ng masuwaying anak sa ilustrasyon ni Jesus na talagang nagsisisi siya. Naglakbay siya nang malayo pabalik sa kanila. Nang makausap na niya ang kaniyang ama, sinabi niya: “Nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo.” (Luc. 15:21) Makikita sa pag-amin niya na gusto niyang maayos ang kaugnayan niya kay Jehova. Inamin din niya na nasaktan niya ang ama niya. Handa pa nga niyang gawin ang lahat para maibalik ang magandang ugnayan nilang mag-ama, kahit maging trabahador pa siya ng kaniyang ama. (Luc. 15:19) Hindi lang ito isang magandang ilustrasyon. May matututuhan dito ang mga elder na tutulong sa kanila na malaman kung talagang nagsisisi ang isang kapatid na nakagawa ng malubhang pagkakasala.

16. Bakit mahirap para sa mga elder na malaman kung talagang nagsisisi ang isa?

16 Hindi madali para sa mga elder na malaman kung talagang nagsisisi ang isa na nagkasala nang malubha. Bakit? Hindi kasi sila nakakabasa ng puso. Kaya kailangan nilang makakita ng ebidensiya na talagang pinagsisisihan ng kapatid ang pagkakasala niya at na nagbago na siya. Sa ilang kaso, baka napakalala ng pagkakasala ng isa kaya hindi makumbinsi ang mga elder na nakipag-usap sa kaniya na talagang nagsisisi siya.

17. (a) Anong halimbawa ang nagpapakitang hindi sapat ang basta pagkalungkot para ipakita ang tunay na pagsisisi? (b) Batay sa 2 Corinto 7:11, ano ang dapat makita sa isang tunay na nagsisisi?

17 Tingnan ang isang halimbawa. Isang brother ang maraming taon na palang nangangalunya. Sa halip na humingi ng tulong, itinago niya sa misis niya, mga kaibigan niya, at mga elder ang imoral na ginagawa niya. Pero bandang huli, nabisto rin siya. Nang ipakita sa kaniya ng mga elder ang ebidensiya, umamin siya at parang lungkot na lungkot sa ginawa niya. Sapat na kaya iyon? Tiyak na hindi lang basta pagkalungkot ang kailangang makita ng mga elder na humahawak sa kaso. Kasi sa kasong ito, hindi lang basta nadala ng sitwasyon ang brother at minsan lang nagkasala, kundi paulit-ulit niyang ginawa iyon sa loob ng maraming taon. Hindi rin siya kusang umamin; nabisto siya. Kaya kailangang makakita ang mga elder ng ebidensiya na talagang nagbago na ang kaisipan, damdamin, at ginagawa ng nagkasala. (Basahin ang 2 Corinto 7:11.) Baka kailangan ng nagkasala ng mahaba-habang panahon para magawa ang mga pagbabagong iyan. Kaya malamang na aalisin muna siya sa kongregasyon hanggang sa mapatunayan niya na talagang nagsisisi siya.​—1 Cor. 5:11-13; 6:9, 10.

18. Paano maipapakita ng natiwalag ang tunay na pagsisisi, at ano ang magiging resulta nito?

18 Para ipakitang talagang nagsisisi siya, regular na dadalo sa pulong ang isang natiwalag at susundin niya ang payo ng mga elder na regular na manalangin at mag-aral ng Bibliya. Sisikapin din niyang iwasan ang mga sitwasyon na puwedeng makatukso sa kaniya na magkasala ulit. Kung gagawin niya ang lahat para maayos ang kaugnayan niya kay Jehova, makakatiyak siya na lubusan siyang papatawarin ni Jehova at ibabalik siya ng mga elder sa kongregasyon. Alam ng mga elder na magkakaiba ang mga kaso ng malulubhang pagkakasala kaya maingat nilang sinusuri ang bawat kaso at iniiwasang humatol nang padalos-dalos.

19. Ano ang kailangan para maipakita ang tunay na pagsisisi? (Ezekiel 33:14-16)

19 Natutuhan natin na ang tunay na pagsisisi ay hindi lang basta paghingi ng tawad dahil sa nagawa nating kasalanan. Kailangan nating baguhin ang ating isip at puso at gawin ang tama. Kailangan din nating talikuran o itigil ang masamang ginagawa natin at sumunod ulit sa mga pamantayan ni Jehova. (Basahin ang Ezekiel 33:14-16.) Ang pinakamahalagang dapat gawin ng nagkasala ay ayusin ang nasirang kaugnayan niya kay Jehova.

AKAYIN SA PAGSISISI ANG MGA MAKASALANAN

20-21. Paano natin matutulungan ang isa na nakagawa ng malubhang kasalanan?

20 Ipinakita ni Jesus ang isang mahalagang dahilan ng kaniyang ministeryo nang sabihin niya: “Dumating ako . . . para akayin sa pagsisisi ang mga makasalanan.” (Luc. 5:32) Dapat na ganiyan din ang gawin natin. Paano kung nalaman mo na nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang malapít na kaibigan mo? Ano ang dapat mong gawin?

21 Lalo lang mapapasama ang kaibigan mo kung pagtatakpan mo ang kasalanan niya. Hindi mo iyon maitatago dahil nakikita iyon ni Jehova. (Kaw. 5:21, 22; 28:13) Matutulungan mo ang kaibigan mo kung sasabihin mo sa kaniya na gusto siyang tulungan ng mga elder. Kung ayaw ipagtapat ng kaibigan mo sa mga elder ang nagawa niya, dapat na ikaw na ang magsabi nito sa mga elder para ipakitang gusto mo talaga siyang tulungan. Mahalaga ito dahil baka masira ang kaugnayan niya kay Jehova.

22. Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?

22 Pero paano kung masyadong malubha ang nagawang kasalanan ng isa at matagal na niya itong ginagawa at napagdesisyunan ng mga elder na dapat siyang itiwalag? Ibig bang sabihin nito, pinakitunguhan siya nang walang awa? Sa susunod na artikulo, matututuhan natin kung paano nagpapakita ng awa si Jehova kapag dinidisiplina niya ang mga nagkasala at kung paano natin ito matutularan.

AWIT 103 Mga Pastol—Regalo ng Diyos

^ par. 5 Ang tunay na pagsisisi ay hindi lang basta paghingi ng tawad dahil sa nagawa nating kasalanan. Sa artikulong ito, gagamitin ang halimbawa ni Haring Ahab, ni Haring Manases, at ng masuwaying anak sa ilustrasyon ni Jesus para tulungan tayong maintindihan kung ano talaga ang pagsisisi. Tatalakayin din dito ang mga dapat pag-isipan ng mga elder para malaman kung tunay na nagsisisi ang isang kapatid na nakagawa ng malubhang kasalanan.

^ par. 60 LARAWAN: Galit na galit na inutusan ni Haring Ahab ang mga bantay na ikulong ang propeta ni Jehova na si Micaias.

^ par. 62 LARAWAN: Ipinag-utos ni Haring Manases na sirain ang mga imaheng inilagay niya sa templo.

^ par. 64 LARAWAN: Pagod na pagod ang masuwaying anak dahil malayo ang nilakbay niya, pero natuwa siya nang makita niyang malapit na siya sa bahay nila.