ARALING ARTIKULO 42
“Maligaya ang mga Nananatiling Tapat” kay Jehova
“Maligaya ang mga nananatiling tapat at lumalakad ayon sa kautusan ni Jehova.”—AWIT 119:1, tlb.
AWIT 124 Ipakita ang Katapatan
NILALAMAN a
1-2. (a) Ano ang ginawa ng ilang gobyerno sa bayan ni Jehova, at ano naman ang ginawa ng bayan niya? (b) Bakit puwede pa rin tayong maging masaya kahit pinag-uusig? (Komentuhan din ang larawan sa pabalat.)
SA NGAYON, may restriksiyon o pagbabawal sa gawain natin sa mahigit 30 lupain sa buong mundo. Sa ilan sa mga lupaing iyon, ibinibilanggo ng mga awtoridad ang mga kapatid natin. Ano ba ang ginawa nilang mali? Para kay Jehova, wala. Ang ginawa lang naman nila ay basahin at pag-aralan ang Bibliya, ibahagi sa iba ang paniniwala nila, at dumalo sa mga pulong kasama ng ibang kapatid. Wala rin silang pinapanigan pagdating sa mga isyu sa politika. Kahit inuusig ang mga lingkod na ito ng Diyos, nananatili silang tapat b—hindi natitinag ang debosyon nila para kay Jehova. At masaya silang gawin iyan!
2 Siguradong nakakita ka na ng mga larawan ng ilan sa mga Saksing ito na malalakas ang loob at napansin mo ang mga ngiti nila. Masaya sila dahil alam nilang natutuwa si Jehova sa pananatili nilang tapat. (1 Cro. 29:17a) Sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga pinag-uusig sa paggawa ng tama . . . Matuwa kayo at mag-umapaw sa saya, dahil malaki ang gantimpala ninyo.”—Mat. 5:10-12.
ISANG HALIMBAWA PARA SA ATIN
3. Gaya ng mababasa sa Gawa 4:19, 20, ano ang ginawa ng mga apostol nang pag-usigin sila noong unang siglo, at bakit?
3 Nararanasan din ng mga kapatid natin sa ngayon ang pag-uusig na dinanas ng mga apostol noong unang siglo dahil sa pangangaral nila tungkol kay Jesus. Paulit-ulit silang inutusan ng mataas na hukuman ng mga Judio na “huwag nang magsalita tungkol sa pangalan ni Jesus.” (Gawa 4:18; 5:27, 28, 40) Ano ang ginawa ng mga apostol? (Basahin ang Gawa 4:19, 20.) Alam nilang may mas mataas na awtoridad na ‘nag-utos sa kanilang mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo’ tungkol kay Kristo. (Gawa 10:42) Kaya buong tapang na sinabi ng mga tagapagsalita nila na sina Pedro at Juan na Diyos ang susundin nila at hindi ang mga hukom na iyon. Sinabi rin nila na hindi sila titigil sa pagsasalita tungkol kay Jesus. Para bang tinanong nila ang mga nasa awtoridad, ‘Sinasabi ba ninyong mas dapat pang sundin ang utos ninyo kaysa sa Diyos?’
4. Gaya ng makikita sa Gawa 5:27-29, anong halimbawa ang iniwan ng mga apostol para sa lahat ng tunay na Kristiyano, at paano natin sila matutularan?
4 Tinutularan ng lahat ng tunay na Kristiyano ang magandang halimbawa ng mga apostol. Determinado silang “sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Basahin ang Gawa 5:27-29.) Matapos bugbugin ang mga apostol dahil sa pananatili nilang tapat, umalis sila sa harap ng mataas na hukuman ng mga Judio na “masayang-masaya dahil sa karangalang magdusa alang-alang sa pangalan [ni Jesus],” at patuloy silang nangaral!—Gawa 5:40-42.
5. Anong mga tanong ang kailangan nating sagutin?
5 Sa halimbawang ito ng mga apostol, baka may maitanong tayo. Halimbawa, paano nila nasunod ang Diyos sa halip na mga tao nang hindi nalalabag ang utos ng Bibliya na “magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad”? (Roma 13:1) Paano tayo ‘magiging masunurin sa mga pamahalaan at awtoridad,’ gaya ng sinabi ni apostol Pablo, nang hindi naiwawala ang katapatan natin sa Diyos bilang ating kataas-taasang Tagapamahala?—Tito 3:1.
ANG “NAKATATAAS NA MGA AWTORIDAD”
6. (a) Sino ang “nakatataas na mga awtoridad” sa Roma 13:1, at ano ang obligasyon natin sa kanila? (b) Paano natin ilalarawan ang awtoridad ng lahat ng tagapamahalang tao?
6 Basahin ang Roma 13:1. Sa tekstong ito, ang “nakatataas na mga awtoridad” ay tumutukoy sa mga tagapamahalang tao na may kapangyarihang mamuno sa iba. Kailangang magpasakop ng mga Kristiyano sa mga awtoridad na ito. Pinananatili nila ang kaayusan sa lipunan, ipinapatupad ang batas, at kung minsan, ipinagtatanggol pa nga nila ang bayan ni Jehova. (Apoc. 12:16) Kaya inuutusan tayong ibigay sa kanila ang buwis, tributo, takot, at karangalan na hinihiling nila. (Roma 13:7) Pero may awtoridad lang ang gobyerno ng tao dahil ipinahintulot ito ni Jehova. Nilinaw iyan ni Jesus nang tanungin siya ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato. Nang sabihin ni Pilato na may awtoridad siyang palayain o patayin si Jesus, sinabi ni Jesus: “Kung hindi ka binigyan ng Diyos ng awtoridad, wala ka sanang awtoridad sa akin.” (Juan 19:11) Gaya ni Pilato, limitado lang ang awtoridad ng lahat ng tagapamahalang tao at politiko sa ngayon.
7. Kailan tayo hindi magpapasakop sa mga tagapamahalang tao, at ano ang dapat nilang tandaan?
7 Laging nagpapasakop sa gobyerno ng tao ang mga Kristiyano kapag ang mga utos nila ay hindi labag sa kautusan ng Diyos. Pero hindi tayo susunod sa kanila kung ipinapagawa nila ang ipinagbabawal ng Diyos o kung ipinagbabawal nila ang ipinapagawa ng Diyos. Halimbawa, baka ipag-utos nila na magsundalo ang lahat ng kabataan. c O baka ipagbawal nila ang Bibliya at ang salig-Bibliyang mga publikasyon natin, pangangaral, at pagsamba nating magkakasama. Kapag inaabuso ng mga pinuno ang awtoridad nila, gaya ng pag-uusig sa mga alagad ni Kristo, mananagot sila sa Diyos. Nakikita sila ni Jehova!—Ecles. 5:8.
8. Ano ang pagkakaiba ng “nakatataas” at ng “kadaki-dakilaan,” at bakit mahalagang malaman ang pagkakaibang iyan?
8 Ang ibig sabihin ng salitang “nakatataas” ay “mas mahusay, mas dakila, mas mataas.” Pero hindi ito nangangahulugang “pinakamahusay, pinakadakila, pinakamataas.” Dahil “kadaki-dakilaan” ang tamang termino para sa mga deskripsiyong iyan. Kahit “nakatataas na mga awtoridad” ang tawag sa mga gobyerno ng tao, may mas mataas pa rin sa kanila—ang kadaki-dakilaan. Sa Bibliya, apat na beses na tinawag ang Diyos na Jehova na “Kadaki-dakilaan.”—Dan. 7:18, 22, 25, 27.
ANG “KADAKI-DAKILAAN”
9. Ano ang nakita ni propeta Daniel sa pangitain?
9 Malinaw na ipinapakita ng mga pangitain ni propeta Daniel na si Jehova ang pinakadakila o may pinakamataas na awtoridad. Una, nakita ni Daniel ang apat na dambuhalang hayop na kumakatawan sa mga kapangyarihang pandaigdig noon at ngayon—ang Babilonya, Medo-Persia, Gresya, Roma, at ang namamahala ngayon, ang Anglo-Amerika. (Dan. 7:1-3, 17) Pagkatapos, nakita ni Daniel ang Diyos na Jehova habang nakaupo sa trono niya sa hukuman sa langit. (Dan. 7:9, 10) Ang sumunod na nakita ng tapat na propetang iyon ay dapat na maging babala sa mga tagapamahala ngayon.
10. Ayon sa Daniel 7:13, 14, 27, kanino ibinigay ni Jehova ang pamamahala sa lupa, at ano ang pinapatunayan niyan tungkol sa kaniya?
10 Basahin ang Daniel 7:13, 14, 27. Inalis ng Diyos ang lahat ng pamamahala mula sa mga gobyerno ng tao at ibinigay ito sa mas karapat-dapat at mas makapangyarihan. Kanino? Sa “isang gaya ng anak ng tao,” si Jesu-Kristo, at sa “mga banal ng Kadaki-dakilaan,” ang 144,000 na mamamahala “magpakailanman.” (Dan. 7:18) Maliwanag, si Jehova ang “Kadaki-dakilaan,” dahil siya lang ang may awtoridad na gumawa niyan.
11. Ano pa ang isinulat ni Daniel na nagpapakitang si Jehova ang may pinakamataas na awtoridad?
11 Ang nakita ni Daniel sa pangitain ay sumusuporta sa nauna niyang sinabi. “Ang Diyos ng langit,” ang sabi ni Daniel, ay ‘nag-aalis at nagtatalaga ng mga hari.’ Isinulat din niya na “ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao at na ibinibigay niya ang pamamahala kung kanino niya gusto.” (Dan. 2:19-21; 4:17) May mga pagkakataon bang nag-alis at nagtalaga si Jehova ng mga tagapamahala? Oo!
12. Magbigay ng halimbawa kung paano inalis ni Jehova sa trono ang ilang hari. (Tingnan ang larawan.)
12 Malinaw na ipinakita ni Jehova na mas mataas siya kaysa sa “nakatataas na mga awtoridad.” Tingnan ang tatlong halimbawa. Inalipin ng Paraon ng Ehipto ang bayan ni Jehova at paulit-ulit na tumangging palayain sila. Pero pinalaya sila ng Diyos at nilunod ang Paraon sa Dagat na Pula. (Ex. 14:26-28; Awit 136:15) May handaan noon sa Babilonya at “nagrebelde [ang hari nito na si Belsasar] sa Panginoon ng langit” at “pinuri [niya] ang mga diyos na gawa sa pilak at ginto” sa halip na si Jehova. (Dan. 5:22, 23) Pero ibinaba ng Diyos ang mayabang na lalaking iyon. “Nang mismong gabing iyon,” pinatay si Belsasar at ibinigay ang kaharian niya sa mga Medo at Persiano. (Dan. 5:28, 30, 31) Ipinapatay ni Haring Herodes Agripa I ng Palestina si apostol Santiago at ibinilanggo si apostol Pedro. Gusto niya rin sana itong patayin, pero hinadlangan ni Jehova ang plano ni Herodes. “Sinaktan [siya] ng anghel ni Jehova,” at namatay.—Gawa 12:1-5, 21-23.
13. Magbigay ng halimbawa kung paano tinalo ni Jehova ang magkakakamping tagapamahala.
13 Ipinakita rin ni Jehova na siya ang pinakamataas. Tinalo niya ang mga bansang nagkampi-kampi laban sa Israel. Sa tulong ng Diyos, tinalo ng Israel ang 31 Canaanitang hari na magkakaalyansa at sinakop ang malaking bahagi ng Lupang Pangako. (Jos. 11:4-6, 20; 12:1, 7, 24) Pinabagsak din ni Jehova si Haring Ben-hadad at ang 32 iba pang Siryanong tagapamahala na nakipaglaban sa Israel.—1 Hari 20:1, 26-29.
14-15. (a) Ano ang sinabi ng mga haring sina Nabucodonosor at Dario tungkol sa soberanya ni Jehova? (b) Ano ang sinabi ng salmista tungkol kay Jehova at sa Kaniyang bayan?
14 Maraming beses na pinatunayan ni Jehova na siya ang Kadaki-dakilaan! Nang ipagyabang ng hari ng Babilonya na si Nabucodonosor ang sarili niyang ‘lakas at kapangyarihan at maluwalhating karingalan’ sa halip na mapagpakumbabang kilalanin na si Jehova ang dapat purihin, inalis ng Diyos ang katinuan niya. Nang bumalik siya sa katinuan, “pinuri [niya] ang Kataas-taasan” at kinilala niya na “ang pamamahala [ni Jehova] ay walang hanggan.” Sinabi pa niya: “Walang makapipigil sa [Diyos].” (Dan. 4:30, 33-35) Nang subukin ang katapatan ni Daniel at iligtas siya ni Jehova mula sa yungib ng mga leon, sinabi ni Haring Dario: “Ang mga tao ay dapat na manginig sa takot sa harap ng Diyos ni Daniel. Dahil siya ang Diyos na buháy at mananatili siya magpakailanman. Hindi kailanman mawawasak ang kaharian niya, at walang hanggan ang soberanya niya.”—Dan. 6:7-10, 19-22, 26, 27, tlb.
15 Sinabi ng salmista: “Binigo ni Jehova ang mga pakana ng mga bansa; sinira niya ang mga plano ng mga bayan.” Idinagdag pa niya: “Maligaya ang bansa na ang Diyos ay si Jehova, ang bayang pinili niya bilang pag-aari niya.” (Awit 33:10, 12) Napakaganda ngang dahilan iyan para manatiling tapat kay Jehova!
ANG HULING DIGMAAN
16. Saan tayo makakapagtiwala kapag dumating na ang “malaking kapighatian,” at bakit?
16 Nalaman natin ang ginawa ni Jehova noon. Ano naman ang aasahan nating gagawin niya sa hinaharap? Makapagtitiwala tayo na ililigtas ni Jehova ang tapat na mga lingkod niya sa dumarating na “malaking kapighatian.” (Mat. 24:21; Dan. 12:1) Gagawin ito ni Jehova kapag sinalakay na ng koalisyon ng mga bansa, na tinatawag na Gog ng Magog, ang tapat na mga lingkod niya sa buong mundo. Kahit na magsama-sama pa ang lahat ng 193 miyembro ng United Nations, wala pa rin silang kalaban-laban sa Kadaki-dakilaan at sa makalangit na hukbo niya! Ipinangako ni Jehova: “Dadakilain ko at pababanalin ang sarili ko, at ipapakilala ko ang sarili ko sa harap ng maraming bansa; at malalaman nila na ako si Jehova.”—Ezek. 38:14-16, 23; Awit 46:10.
17. Ayon sa Bibliya, ano ang kahihinatnan ng mga hari sa lupa at anong kinabukasan ang naghihintay para sa mga nananatiling tapat kay Jehova?
17 Kapag sumalakay na si Gog, magsisimula na ang huling digmaan ni Jehova, ang Armagedon. Pupuksain Niya ang “mga hari ng buong lupa.” (Apoc. 16:14, 16; 19:19-21) “Ang mga matuwid lang ang maninirahan sa lupa, at ang mga nananatiling tapat ang mananatili rito.”—Kaw. 2:21, tlb.
KAILANGAN NATING MANATILING TAPAT
18. Ano ang ginagawa ng maraming tunay na Kristiyano, at bakit? (Daniel 3:28)
18 Mula pa noon, isinasapanganib na ng maraming tunay na Kristiyano ang kanilang kalayaan pati na ang buhay nila dahil sa pagmamahal nila kay Jehova, ang kanilang Kataas-taasang Tagapamahala. Nananatili silang tapat gaya ng tatlong Hebreo na iniligtas ng Kadaki-dakilaan sa nagniningas na hurno dahil nanatili silang tapat sa kaniya.—Basahin ang Daniel 3:28.
19. Ano ang magiging basehan ni Jehova sa paghatol sa bayan niya, at ano ang dapat nating gawin?
19 Isinulat ng salmistang si David kung gaano kahalagang manatiling tapat sa Diyos: “Maglalapat si Jehova ng hatol sa mga bayan. Hatulan mo ako, O Jehova, ayon sa matuwid kong mga gawa at ayon sa katapatan ko.” (Awit 7:8) Isinulat din niya: “Ingatan nawa ako ng aking katapatan at pagiging matuwid.” (Awit 25:21) Manatiling tapat kay Jehova anuman ang mangyari, dahil iyan ang pinakamagandang paraan ng pamumuhay! Kapag ginawa mo iyan, mararamdaman mo rin ang isinulat ng salmista: “Maligaya ang mga nananatiling tapat . . . at lumalakad ayon sa kautusan ni Jehova.”—Awit 119:1, tlb.
AWIT 122 Magpakatatag!
a Pinapayuhan ng Bibliya ang mga Kristiyano na sundin ang nakatataas na mga awtoridad—ang mga gobyerno sa mundong ito. Pero may mga gobyerno na hayagang lumalaban kay Jehova at sa mga lingkod niya. Paano natin masusunod ang mga tagapamahalang tao nang hindi naman naiwawala ang katapatan natin kay Jehova?
b KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang pananatiling tapat kay Jehova ay nangangahulugang hindi tayo makikipagkompromiso at mananatili tayo sa panig niya kahit may pagsubok.
c Tingnan sa isyung ito ang artikulong “Nakipagdigma ang mga Israelita Noon—Bakit Tayo Hindi?”