Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakipagdigma ang mga Israelita Noon—Bakit Tayo Hindi?

Nakipagdigma ang mga Israelita Noon—Bakit Tayo Hindi?

“KUNG sinuman sa inyo ang tumatangging makipagdigmaan laban sa Pransya o Inglatera, lahat kayo ay mamamatay!” ang isinigaw ng isang opisyal ng Nazi sa isang grupo ng mga Saksi ni Jehova noong Digmaang Pandaigdig II. Kahit armado ang mga sundalong Nazi, walang isa man sa mga kapatid natin ang nakipagkompromiso. Talagang napakalakas ng loob nila! Makikita sa magandang halimbawa nila ang pananaw ng mga Saksi ni Jehova sa digmaan: Hindi tayo sumasali sa mga digmaan ng mundong ito. Kahit pagbantaan tayo at manganib ang buhay natin, wala pa rin tayong papanigan pagdating sa mga alitan ng mga bansa.

Pero hindi sang-ayon dito ang lahat ng nag-aangking Kristiyano. Marami ang naniniwala na puwede at dapat na ipagtanggol ng isang Kristiyano ang bansa niya. Baka sabihin nila: ‘Ang mga Israelita noon ay bayan ng Diyos at nakipagdigma sila, kaya bakit hindi puwedeng makipagdigma ang mga Kristiyano ngayon?’ Ano ang isasagot mo? Puwede mong ipaliwanag na napakalaki ng pagkakaiba ng kalagayan ng mga Israelita noon sa bayan ng Diyos ngayon. Talakayin natin ang limang pagkakaiba.

1. ANG BAYAN NG DIYOS AY BAHAGI NG ISANG BANSA

Noon, pumili si Jehova ng isang bansa para maging bayan niya—ang bansang Israel. Tinawag niya ang mga Israelita na “espesyal na pag-aari [niya] mula sa lahat ng bayan.” (Ex. 19:5) Binigyan din sila ng Diyos ng lupain. Kaya nang utusan ng Diyos ang mga Israelita na makipagdigma sa ibang mga bansa, hindi sila makikipagdigma sa kapuwa nila mananamba. a

Sa ngayon, ang mga tunay na mananamba ay mula sa “lahat ng bansa at tribo at bayan at wika.” (Apoc. 7:9) Kung sasali sa digmaan ang bayan ng Diyos, makakalaban nila ang mga kapuwa mananamba nila—at baka magpatayan pa nga sila.

2. INUTUSAN NI JEHOVA ANG MGA ISRAELITA NA MAKIPAGDIGMA

Noon, si Jehova ang nagpapasiya kung kailan at kung bakit kailangang makipagdigma ng mga Israelita. Halimbawa, inutusan ng Diyos ang Israel na makipagdigma para ilapat ang kahatulan niya sa mga Canaanita. Kilala kasi ang mga ito sa pagsamba sa mga demonyo, pagpapakasasa sa seksuwal na imoralidad, at paghahandog ng mga anak. Inutusan ni Jehova ang mga Israelita na alisin ang masasamang impluwensiyang ito mula sa lupain na ipinangako niya sa kanila. (Lev. 18:24, 25) At noong nasa Lupang Pangako na sila, kung minsan, inuutusan sila ng Diyos na makipagdigma para ipagtanggol ang bayan mula sa mga nang-aapi sa kanila. (2 Sam. 5:17-25) Pero hindi binigyan ni Jehova ng awtoridad ang mga Israelita na magpasiya kung makikipagdigma sila. Kapag nakikipagdigma sila nang walang pahintulot ni Jehova, madalas na napapahamak sila.​—Bil. 14:41-45; 2 Cro. 35:20-24.

Sa ngayon, hindi inuutusan ni Jehova ang mga tao na makipagdigma. Nakikipagdigma ang mga bansa para sa kapakanan nila, hindi para sa Diyos. Ginagawa nila iyon para mas lumawak pa ang teritoryo nila, magkaroon ng maraming pera, o itaguyod ang mga ideya nila sa politika. Pero paano naman ang mga nagsasabi na nakikipaglaban sila sa ngalan ng Diyos para protektahan ang pagsamba nila o para patayin ang mga kaaway ng Diyos? Poprotektahan ni Jehova ang mga tunay na mananamba niya at pupuksain niya ang mga kaaway niya sa digmaan sa hinaharap—ang digmaan ng Armagedon. (Apoc. 16:14, 16) Sa digmaang iyon, ang hukbo ng Diyos ay binubuo lang ng mga espiritung nilalang, hindi ng mga taong mananamba niya.​—Apoc. 19:11-15.

3. HINDI PINATAY NG MGA ISRAELITA ANG MGA NAGPAKITA NG PANANAMPALATAYA

Nakikipaglaban ba ang Diyos para sa alinmang bansa sa ngayon, gaya ng pakikipaglaban niya sa Jerico para sa Israel?

Noon, madalas na nagpapakita ng awa ang mga hukbo ng Israel sa mga nagpakita ng pananampalataya sa Diyos, at ang pinapatay lang nila ay ang mga hinatulan ni Jehova na karapat-dapat sa kamatayan. Tingnan ang dalawang halimbawa. Iniutos ni Jehova sa mga Israelita na puksain ang Jerico, pero iniligtas nila si Rahab at ang pamilya niya dahil nanampalataya siya. (Jos. 2:9-16; 6:16, 17) Pagkatapos, hindi pinuksa ang buong lunsod ng Gibeon dahil sa ipinakitang takot sa Diyos ng mga Gibeonita.​—Jos. 9:3-9, 17-19.

Sa ngayon, pinapatay ng nagdidigmaang mga bansa kahit ang mga nagpapakita ng pananampalataya. At nadadamay pati ang mga inosenteng sibilyan.

4. KAILANGANG SUNDIN NG MGA ISRAELITA ANG BATAS NG DIYOS SA PAKIKIDIGMA

Noon, kapag nakikipagdigma ang mga Israelita, dapat nilang sundin ang batas ni Jehova tungkol dito. Halimbawa, may mga pagkakataon na inuutusan sila ng Diyos na magharap muna ng “kasunduan para sa kapayapaan” sa kalabang lunsod. (Deut. 20:10) Inaasahan din ni Jehova na mananatiling malinis sa pisikal at moral ang mga sundalong Israelita, pati na ang kampo nila. (Deut. 23:9-14) Madalas na hinahalay ng mga sundalo ng nakapaligid na bansa ang mga babae sa nasakop nilang teritoryo, pero pinagbawalan ni Jehova ang mga Israelita na gawin iyon. Sa katunayan, makakapag-asawa lang sila ng isang bihag na babae pagkalipas ng isang buwan mula nang masakop nila ang lunsod.​—Deut. 21:10-13.

Sa ngayon, nagkasundo ang karamihan sa mga bansa na susundin nila ang mga itinakdang batas tungkol sa pakikidigma. Ginawa ang mga batas na ito para protektahan ang mga sibilyan. Pero nakakalungkot, madalas na nilalabag nila ang mga ito.

5. NAKIPAGLABAN ANG DIYOS PARA SA BAYAN NIYA

Sa mga digmaan sa ngayon, napoprotektahan ba ang mga tapat gaya noong iligtas si Rahab at ang pamilya niya nang makipagdigma si Jehova sa Jerico?

Noon, nakikipaglaban si Jehova para sa mga Israelita, at madalas na gumagawa siya ng himala para manalo sila. Halimbawa, paano tinulungan ni Jehova ang mga Israelita na matalo ang lunsod ng Jerico? Gaya ng sinabi ni Jehova, “pagkasigaw [ng mga Israelita] ng malakas na hiyaw para sa pakikipagdigma, gumuho ang mga pader,” kaya madali nilang nasakop ang lunsod. (Jos. 6:20) Paano naman nila natalo ang mga Amorita? “Nagpabagsak si Jehova ng malalaking tipak ng yelo mula sa langit . . . Sa katunayan, mas marami ang namatay sa pag-ulan ng yelo kaysa sa napatay ng mga Israelita sa pamamagitan ng espada.”​—Jos. 10:6-11.

Sa ngayon, hindi na nakikipaglaban si Jehova para sa alinmang bansa. Ang Kaharian niya, na si Jesus ang Hari, ay “hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 18:36) Si Satanas ang may awtoridad sa lahat ng gobyerno ng tao. Kitang-kita ang kasamaan niya sa malulupit na digmaang ito.​—Luc. 4:5, 6; 1 Juan 5:19.

MAPAGPAYAPA ANG MGA TUNAY NA KRISTIYANO

Nakita natin na malaki ang pagkakaiba ng kalagayan natin ngayon at ng Israel noon. Pero hindi lang iyan ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikipagdigma. Halimbawa, inihula ng Diyos na sa mga huling araw, ang mga naturuan niya ay hindi na “mag-aaral ng pakikipagdigma” kaya hindi rin sila makikibahagi rito. (Isa. 2:2-4) Sinabi rin ni Kristo na “hindi . . . bahagi ng sanlibutan” ang mga alagad niya, kaya wala silang pinapanigan pagdating sa alitan ng mga bansa.​—Juan 15:19.

Pero hindi lang iniutos ni Kristo sa mga tagasunod niya na umiwas sa digmaan. Inutusan din niya sila na iwasan ang mga ugali na puwedeng mauwi sa pagkikimkim ng sama ng loob, galit, at digmaan. (Mat. 5:21, 22) Inutusan pa niya sila na maging “mapagpayapa” at na mahalin ang mga kaaway nila.​—Mat. 5:9, 44.

Kumusta naman ang bawat isa sa atin? Siyempre, hindi naman natin gustong sumali sa digmaan. Pero baka may kagalit tayong kapatid na puwedeng maging dahilan ng pagkakabaha-bahagi sa kongregasyon. Sikapin nating alisin ang ganoong mga damdamin sa puso natin.​—Sant. 4:1, 11.

Imbes na makisali sa alitan ng mga bansa, nakikipagpayapaan tayo at nagmamahalan. (Juan 13:34, 35) Maging determinado sana tayo na manatiling neutral habang hinihintay natin ang panahon na aalisin na ni Jehova ang lahat ng digmaan magpakailanman.​—Awit 46:9.

a Kung minsan, naglalabanan ang mga tribo sa Israel, pero hindi ito sinasang-ayunan ni Jehova. (1 Hari 12:24) Pero may mga pagkakataong sinasang-ayunan niya ang mga labanang ito dahil may ilang tribo na tumalikod sa kaniya o gumawa ng malulubhang kasalanan.​—Huk. 20:3-35; 2 Cro. 13:3-18; 25:14-22; 28:1-8.