ARALING ARTIKULO 44
Patuloy na Patibayin ang Pag-asa Mo
“Umasa ka kay Jehova.”—AWIT 27:14.
AWIT 144 Masdan Mo ang Gantimpala!
NILALAMAN a
1. Anong pag-asa ang ibinigay sa atin ni Jehova?
BINIGYAN tayo ni Jehova ng napakagandang pag-asa, ang buhay na walang hanggan. Ang ilan ay may pag-asang mabuhay magpakailanman sa langit bilang mga imortal na espiritung nilalang. (1 Cor. 15:50, 53) Pero ang karamihan ay may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa nang perpekto at masaya. (Apoc. 21:3, 4) Sa langit man o sa lupa ang pag-asa natin, napakahalaga nito sa atin.
2. Saan nakabase ang pag-asa natin, at bakit natin nasabi iyan?
2 Ang salitang “pag-asa,” gaya ng pagkakagamit sa Bibliya, ay puwedeng mangahulugang “pag-asam na may mangyayaring maganda.” Tiyak ang pag-asa natin sa hinaharap kasi si Jehova ang nangako nito. (Roma 15:13) Alam natin ang ipinangako niya, at alam din natin na lagi niyang tinutupad ang mga pangako niya. (Bil. 23:19) Kumbinsido tayo na gusto ni Jehova at may kapangyarihan siyang gawin ang lahat ng sinabi niyang gagawin niya. Kaya ang pag-asa natin ay hindi imahinasyon lang o pangarap; nakabase ito sa ebidensiya at katotohanan.
3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito? (Awit 27:14)
3 Mahal tayo ng ating Ama sa langit, at gusto niya na magtiwala tayo sa kaniya. (Basahin ang Awit 27:14.) Kapag lagi tayong umaasa kay Jehova, matitiis natin ang mga pagsubok at magiging masaya tayo at magkakaroon ng lakas ng loob, anuman ang mangyari. Talakayin natin kung paano tayo pinoprotektahan ng pag-asa natin. Pero repasuhin muna natin kung bakit maitutulad sa angkla at helmet ang pag-asa natin. Pagkatapos, talakayin natin kung paano natin mapapatibay ang ating pag-asa.
GAYA NG ISANG ANGKLA ANG PAG-ASA NATIN
4. Bakit maitutulad sa angkla ang pag-asa natin? (Hebreo 6:19)
4 Sa liham niya sa mga Hebreo, inihalintulad ni apostol Pablo ang pag-asa natin sa isang angkla. (Basahin ang Hebreo 6:19.) Madalas maglakbay sa dagat si Pablo, kaya alam niya na ginagamit ang mga angkla para hindi tangayin ng mga alon ang barko. Sa isang pagkakataon, nagkaroon ng malakas na bagyo habang nakasakay siya sa isang barko. Nakita niya na inihagis ng mga mandaragat ang mga angkla para hindi sumadsad ang barko sa mga bato. (Gawa 27:29, 39-41) Gaya ng angkla, pinapatatag tayo ng pag-asa para hindi tayo mapalayo kay Jehova kapag may dumarating na tulad-bagyong mga problema. Tinutulungan din tayo ng pag-asa na manatiling kalmado kahit may mga problema dahil alam natin na bubuti rin ang kalagayan. Tandaan, nagbabala si Jesus na pag-uusigin tayo. (Juan 15:20) Kaya kung bubulay-bulayin natin ang pag-asa natin sa hinaharap, patuloy tayong makakapaglingkod kay Jehova.
5. Paano nakatulong kay Jesus ang pag-asa noong malapit na siyang mamatay?
5 Tingnan kung paano nakatulong kay Jesus ang pag-asa na manatiling tapat kahit alam niya na malapit na siyang dumanas ng masakit na kamatayan. Noong Pentecostes 33 C.E., sinipi ni apostol Pedro ang isang hula na nasa aklat ng Mga Awit. Doon, inilarawan ang pagtitiwala at pagiging kalmado ni Jesus: “Mabubuhay akong may pag-asa; dahil hindi mo ako iiwan sa Libingan, at ang katawan ng tapat sa iyo ay hindi mo hahayaang mabulok. . . . Pasasayahin mo ako nang husto sa iyong presensiya.” (Gawa 2:25-28; Awit 16:8-11) Kahit alam ni Jesus na mamamatay siya, talagang umaasa siya na bubuhayin siyang muli ng Diyos at na makakasama niya ulit ang Ama niya sa langit.—Heb. 12:2, 3.
6. Ano ang sinabi ng isang brother tungkol sa pag-asa?
6 Natulungan ng pag-asa ang maraming kapatid natin para makapagtiis. Tingnan ang halimbawa ni Leonard Chinn, isang tapat na brother na taga-England. Noong Unang Digmaang Pandaigdig, nabilanggo siya dahil sa pagtangging magsundalo. Dalawang buwan siyang nasa bartolina. Pagkatapos, pinagtrabaho siya nang mabigat. “Ang mga karanasan ko,” isinulat niya, “ay nakatulong sa akin na mapahalagahan ang pag-asa para makapagtiis. Nandiyan ang halimbawa ni Jesus, ng mga apostol, at ng mga propeta, pati na rin ang napakagagandang pangako sa Bibliya. Pinapatibay ng mga ito ang pag-asa natin sa hinaharap at tinutulungan tayong makapagtiis.” Para kay Leonard, isang angkla ang pag-asa. Puwede rin itong maging angkla para sa atin.
7. Paano pinapatibay ng mga pagsubok ang pag-asa natin? (Roma 5:3-5; Santiago 1:12)
7 Tumitibay ang pag-asa natin sa tuwing natitiis natin ang mga pagsubok at nararanasan ang tulong at pagsang-ayon ni Jehova. (Basahin ang Roma 5:3-5; Santiago 1:12.) Kaya ngayon, mas matibay na ang pag-asa natin kaysa noong una nating malaman ang mabuting balita. Gusto ni Satanas na manghina tayo dahil sa mga problema. Pero sa tulong ni Jehova, makakayanan natin ang lahat ng ito.
GAYA NG ISANG HELMET ANG PAG-ASA NATIN
8. Bakit maitutulad sa helmet ang pag-asa natin? (1 Tesalonica 5:8)
8 Ikinumpara din ng Bibliya ang pag-asa natin sa helmet. (Basahin ang 1 Tesalonica 5:8.) Nagsusuot ng helmet ang isang sundalo para protektahan ang ulo niya sa pakikipaglaban. Ganiyan din sa espirituwal na pakikipaglaban. Kailangan nating protektahan ang isip natin mula sa mga pag-atake ni Satanas. Gumagamit siya ng mga tukso at ideya para parumihin ang isip natin. Napoprotektahan ng helmet ang ulo ng sundalo. Napoprotektahan din ng pag-asa ang isip natin para makapanatili tayong tapat kay Jehova.
9. Ano ang nangyayari sa mga taong walang pag-asa?
9 Tutulungan tayo ng pag-asang buhay na walang hanggan na kumilos nang may karunungan at kaunawaan. Pero kung unti-unti na tayong nawawalan ng pag-asa at iniisip na natin ang sarili lang nating kagustuhan, baka malimutan natin ang pag-asa natin na mabuhay magpakailanman. Tingnan ang nangyari sa ilang Kristiyano noon sa Corinto. Nawalan sila ng pananampalataya sa isang mahalagang pangako ng Diyos—ang pag-asa na pagkabuhay-muli. (1 Cor. 15:12) Sinabi ni Pablo na ang mga hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli ay nabubuhay lang para sa kasalukuyan. (1 Cor. 15:32) Ganiyan din sa ngayon. Marami ang hindi naniniwala sa mga pangako ng Diyos, kaya ginagawa na nila ang lahat para ma-enjoy ang buhay. Pero di-tulad nila, nagtitiwala tayo sa pangako ng Diyos sa hinaharap. Gaya ng helmet, pinoprotektahan ng pag-asa ang isip natin at tinutulungan tayo nito na hindi mabuhay para lang sa sarili, kasi makakasira ito sa kaugnayan natin kay Jehova.—1 Cor. 15:33, 34.
10. Paano tayo mapoprotektahan ng pag-asa laban sa maling mga pangangatuwiran?
10 Gaya ng helmet, pinoprotektahan din tayo ng pag-asa na huwag isipin na hindi natin mapapasaya si Jehova kahit ano ang gawin natin. Halimbawa, baka sabihin ng ilan: ‘Hindi naman ako mapapasama sa mga mabubuhay magpakailanman. Hindi ako karapat-dapat para doon. Hindi ko kayang gawin ang mga ipinapagawa sa akin ng Diyos.’ Tandaan na ganiyan din ang pangangatuwiran ng huwad na kaibigan ni Job na si Elipaz. Sinabi niya: “Puwede bang maging malinis ang taong mortal?” Pagkatapos, sinabi niya tungkol sa Diyos: “Tingnan mo! Wala siyang tiwala sa mga banal niya, at kahit ang langit ay hindi malinis sa paningin niya.” (Job 15:14, 15, tlb.) Kasinungalingan nga ang mga iyan! Tandaan na iyan ang gusto ni Satanas na isipin mo. Alam niya na kapag ganiyan ang inisip mo, mawawalan ka ng pag-asa. Kaya imbes na maniwala sa mga kasinungalingang iyan, magpokus sa mga pangako ni Jehova. Huwag pagdudahan na gusto ka niyang mabuhay magpakailanman at na tutulungan ka niya na magawa iyon.—1 Tim. 2:3, 4.
PATULOY NA PATIBAYIN ANG PAG-ASA MO
11. Bakit hindi tayo dapat mainip habang hinihintay ang pag-asa natin?
11 Hindi laging madali na panatilihing matibay ang pag-asa natin. Baka mainip tayo habang naghihintay sa Diyos. Pero walang pasimula at wakas si Jehova, kaya ang maikling panahon sa kaniya ay mahabang panahon na para sa atin. (2 Ped. 3:8, 9) Tiyak na tutuparin niya ang ipinangako niya, pero baka hindi sa panahong inaasahan natin. Paano natin patuloy na papatibayin ang pag-asa natin habang naghihintay tayo na tuparin ng Diyos ang mga pangako niya?—Sant. 5:7, 8.
12. Ayon sa Hebreo 11:1, 6, bakit magkaugnay ang pag-asa at pananampalataya?
12 Mapapanatili nating matibay ang pag-asa natin kung mananatili tayong malapít kay Jehova, ang tumitiyak na matutupad ang pag-asa natin. Sa Bibliya, magkaugnay ang pag-asa at ang pananampalatayang umiiral si Jehova at na siya ang “nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kaniya nang buong puso.” (Basahin ang Hebreo 11:1, 6.) Habang mas nagiging totoo sa atin si Jehova, mas tumitibay ang pagtitiwala natin na tutuparin niya ang mga ipinangako niya. Tingnan ang mga puwede nating gawin para lumalim ang kaugnayan natin kay Jehova at mapanatiling matibay ang pag-asa natin.
13. Paano tayo mapapalapít sa Diyos?
13 Manalangin kay Jehova, at basahin ang Salita niya. Kahit hindi natin nakikita si Jehova, puwede tayong maging malapít sa kaniya. Puwede natin siyang kausapin sa panalangin, at alam natin na pinapakinggan niya tayo. (Jer. 29:11, 12) Mapapakinggan naman natin ang Diyos kung babasahin natin ang Salita niya at bubulay-bulayin ito. Habang binabasa natin kung paano pinangalagaan ni Jehova ang mga tapat na lingkod niya noon, lalong tumitibay ang pag-asa natin. Ang lahat ng nasa Salita ng Diyos ay “isinulat para matuto tayo, at may pag-asa tayo dahil ang Kasulatan ay nagbibigay sa atin ng lakas at tumutulong sa atin na magtiis.”—Roma 15:4.
14. Bakit dapat nating bulay-bulayin ang mga ginawa ni Jehova para sa iba?
14 Bulay-bulayin kung paano tinupad ni Jehova ang mga pangako niya. Isipin ang ginawa ng Diyos para kina Abraham at Sara. Matanda na sila para magkaanak. Pero nangako ang Diyos na magkakaanak sila. (Gen. 18:10) Ano ang reaksiyon ni Abraham? Sinasabi ng Bibliya: “Umasa . . . siya at nanampalataya na magiging ama siya ng maraming bansa.” (Roma 4:18) Sa pananaw ng tao, parang wala nang pag-asa ang sitwasyon nina Abraham. Pero nagtiwala si Abraham na tutuparin ni Jehova ang ipinangako niya. Hindi nabigo ang tapat na lalaking ito. (Roma 4:19-21) Itinuturo sa atin ng ulat na ito na lagi tayong makakapagtiwala na tutuparin ni Jehova ang mga ipinangako niya, gaano man ito kaimposible sa paningin natin.
15. Bakit dapat nating pag-isipan ang mga ginawa na ng Diyos para sa atin?
15 Pag-isipan ang mga ginawa na ni Jehova para sa iyo. Isipin kung paano ka natulungan ng katuparan ng mga pangako na nasa Salita ng Diyos. Halimbawa, nangako si Jesus na ilalaan ng kaniyang Ama ang mga pangangailangan mo. (Mat. 6:32, 33) Tiniyak din ni Jesus na kapag humingi ka ng banal na espiritu, ibibigay iyon sa iyo ni Jehova. (Luc. 11:13) Tinutupad ni Jehova ang mga pangako niyang iyan. Baka may naiisip ka pang ibang mga pangako na tinupad niya para sa iyo. Halimbawa, nangangako siya na papatawarin ka niya, papatibayin, at papakainin sa espirituwal. (Mat. 6:14; 24:45; 2 Cor. 1:3) Kapag binubulay-bulay mo ang mga ginawa na ng Diyos para sa iyo, titibay ang pagtitiwala mo na tutuparin niya ang mga ipinangako niya para sa iyo sa hinaharap.
MAGSAYA DAHIL SA PAG-ASA
16. Bakit napakahalagang regalo ang pag-asa natin?
16 Ang pag-asa na mabuhay nang walang hanggan ay isang napakahalagang regalo ng Diyos. Nasasabik na tayo sa isang napakagandang kinabukasan na siguradong mangyayari. Ang pag-asa natin ay gaya ng angkla na nagpapatatag sa atin para matiis ang mga pagsubok, makayanan ang mga pag-uusig, at maharap pa nga ang kamatayan. Gaya rin ito ng helmet na pumoprotekta sa isip natin para maiwasan ang masama at magawa ang tama. Dahil sa pag-asa natin mula sa Bibliya, lalo tayong napapalapít sa Diyos at nadarama natin kung gaano niya tayo kamahal. Talagang nakikinabang tayo habang pinapatibay natin ang pag-asa natin.
17. Bakit nagsasaya tayo dahil sa pag-asa natin?
17 “Magsaya kayo dahil sa pag-asa ninyo,” ang sabi ni apostol Pablo sa liham niya sa mga taga-Roma. (Roma 12:12) Masaya si Pablo dahil sigurado siya na kapag nanatili siyang tapat, magkakaroon siya ng buhay na walang hanggan sa langit. Nagsasaya rin tayo sa pag-asa natin dahil siguradong tutuparin ni Jehova ang mga pangako niya. Isinulat ng salmista na “maligaya ang . . . umaasa kay Jehova na kaniyang Diyos, . . . ang Diyos na laging tapat.”—Awit 146:5, 6.
AWIT 139 Kapag Naging Bago ang Lahat ng Bagay
a Binigyan tayo ni Jehova ng napakagandang pag-asa sa hinaharap. Pinapatibay tayo ng pag-asang ito at tinutulungan tayo nito na huwag magpokus sa mga problema natin ngayon. Binibigyan din tayo nito ng lakas para patuloy na mapaglingkuran si Jehova kahit nasa mahihirap na sitwasyon tayo. At pinoprotektahan din tayo nito mula sa mga ideya na magpaparumi sa isip natin. Gaya ng matututuhan natin sa artikulong ito, mabubuting dahilan ito para patuloy nating patibayin ang pag-asa natin.
b LARAWAN: Pinoprotektahan ng helmet ang ulo ng sundalo at pinapatatag ng angkla ang isang barko. Ganiyan din ang pag-asa natin. Pinoprotektahan nito ang kaisipan natin at pinapatatag tayo kapag may mga pagsubok. Buong-pagtitiwalang nananalangin kay Jehova ang isang sister. Binubulay-bulay ng isang brother kung paano tinupad ng Diyos ang mga pangako Niya kay Abraham. Pinag-iisipan ng isa pang brother kung paano siya pinagpala ni Jehova.