ARALING ARTIKULO 41
Puwede Kang Maging Tunay na Maligaya
“Maligaya ang lahat ng natatakot kay Jehova at lumalakad sa Kaniyang mga daan.”—AWIT 128:1.
AWIT 110 Ang Kagalakang Galing kay Jehova
NILALAMAN a
1. Ano ang matinding pagnanais ng mga tao, at paano ito nauugnay sa pagiging maligaya?
ANG pagiging tunay na maligaya ay hindi lang basta masayang pakiramdam na madaling mawala. Puwede tayong maging masaya habambuhay. Paano? Sinabi ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok: “Maligaya ang mga nakauunawa na kailangan nila ang Diyos.” (Mat. 5:3) Alam ni Jesus na nilalang ang mga tao na may matinding pagnanais na makilala at sambahin ang kanilang Maylalang, ang Diyos na Jehova. At dahil “maligayang Diyos” si Jehova, puwede ring maging masaya ang mga sumasamba sa kaniya.—1 Tim. 1:11.
2-3. (a) Ayon kay Jesus, sino pa ang puwedeng maging maligaya? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito, at bakit ito makakatulong sa atin?
2 Magiging masaya lang ba tayo kung wala tayong problema? Hindi. Baka magulat ka sa sinabi ni Jesus sa Sermon sa Bundok. Kahit ang “mga nagdadalamhati”—posibleng dahil nakokonsensiya sila sa mga nagawa nilang kasalanan o dahil may mabigat silang problema—ay puwedeng maging maligaya. Sinabi pa ni Jesus na puwede ring maging maligaya ang “mga pinag-uusig sa paggawa ng tama” o ang mga “nilalait” dahil sa pagsunod kay Kristo. (Mat. 5:4, 10, 11) Pero paano tayo magiging tunay na maligaya sa gayong mga sitwasyon?
3 Itinuturo sa atin ni Jesus na ang pagiging maligaya ay hindi nakadepende sa pagkakaroon ng magandang kalagayan kundi sa pagkakaroon ng malapít na kaugnayan sa Diyos. (Sant. 4:8) Paano natin magagawa iyan? Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang tatlong hakbang para maging tunay na maligaya.
KUMAIN NG ESPIRITUWAL NA PAGKAIN
4. Ano ang unang hakbang para maging tunay na maligaya? (Awit 1:1-3)
4 UNANG HAKBANG: Dapat tayong kumain ng espirituwal na pagkain para maging tunay na maligaya. Kailangan ng tao at hayop ng pisikal na pagkain para mabuhay. Pero ang mga tao lang ang nangangailangan ng espirituwal na pagkain. At mahalaga iyan sa atin. Kaya sinabi ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi lang sa tinapay, kundi sa bawat salitang sinasabi ni Jehova.” (Mat. 4:4) Kaya dapat nating basahin araw-araw ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sinabi ng salmista: ‘Maligaya ang taong nalulugod sa kautusan ni Jehova at binabasa ito araw at gabi.’—Basahin ang Awit 1:1-3.
5-6. (a) Ano ang mga natutuhan natin sa Bibliya? (b) Paano makakatulong sa atin ang pagbabasa ng Bibliya?
5 Sa Bibliya, nagbigay si Jehova ng mahalagang impormasyon kung paano magiging maligaya. Nalaman natin kung ano ang layunin niya para sa atin. Natutuhan din natin kung paano tayo mapapalapít sa kaniya at kung ano ang kailangan nating gawin para mapatawad ang mga kasalanan natin. At nalaman natin ang magandang kinabukasan na ipinangako niya para sa mga tao. (Jer. 29:11) Talagang napakasaya natin dahil nalaman natin ang mga katotohanang ito sa pag-aaral natin ng Bibliya!
6 May mga praktikal na payo rin ang Bibliya para sa atin. Kapag sinusunod natin ang mga ito, nagiging maligaya tayo. Kapag pinanghihinaan ka ng loob dahil sa mga problema, lalo kang magbigay ng panahon sa pagbabasa ng Salita ni Jehova at sa pagbubulay-bulay rito. Sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”—Luc. 11:28.
7. Ano ang makakatulong sa iyo para mas makinabang ka sa panahong ginagamit mo sa pagbabasa ng Salita ng Diyos?
7 Habang binabasa mo ang Salita ng Diyos, namnamin ang binabasa mo. Halimbawa, ipinagluto ka ng paborito mong pagkain. Pero dahil nagmamadali ka o may iniisip kang iba, subo ka lang nang subo kaya hindi mo nalalasahan ang kinakain mo. Pagkatapos mong kumain, naisip mo na masyado ka palang nagmamadali kaya hindi mo na-enjoy ang pagkain. Naranasan mo na rin bang magmadali sa pagbabasa ng Bibliya kaya hindi mo na na-enjoy ang binabasa mo? Huwag magmadali sa pagbabasa ng Salita ng Diyos; ilarawan sa isip ang mga eksena, isiping naririnig mo sila, at bulay-bulayin ang mga nababasa mo. Kapag ginawa mo iyan, magiging mas masaya ka.
8. Paano ginagampanan ng “tapat at matalinong alipin” ang papel nito? (Tingnan din ang talababa.)
8 Inatasan ni Jesus ang “tapat at matalinong alipin” para magbigay ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon, kaya busog na busog tayo sa espirituwal. b (Mat. 24:45) Sa Bibliya nanggagaling ang lahat ng pagkaing ibinibigay ng tapat na alipin. (1 Tes. 2:13) Dahil sa mga espirituwal na pagkaing iyon, nalalaman natin ang mga kaisipan ni Jehova. Iyan din ang dahilan kung bakit binabasa natin ang mga magasing Bantayan at Gumising! at ang mga artikulo sa jw.org. Naghahanda rin tayo para sa lahat ng pulong. At buwan-buwan din tayong nanonood ng programa sa JW Broadcasting®. Kapag kumakain tayo ng saganang espirituwal na pagkain, magagawa natin ang ikalawang hakbang para maging tunay na maligaya.
MAMUHAY AYON SA MGA PAMANTAYAN NI JEHOVA
9. Ano ang ikalawang hakbang para maging tunay na maligaya?
9 IKALAWANG HAKBANG: Kailangan nating mamuhay ayon sa mga pamantayan ni Jehova para maging tunay na maligaya. Isinulat ng salmista: “Maligaya ang lahat ng natatakot kay Jehova at lumalakad sa Kaniyang mga daan.” (Awit 128:1) Kung may takot tayo kay Jehova, talagang igagalang natin siya at iiwasan nating gumawa ng anumang bagay na magpapalungkot sa kaniya. (Kaw. 16:6) Kaya sinisikap nating sundin ang mga pamantayan ng Diyos ng tama at mali gaya ng sinasabi sa Bibliya. (2 Cor. 7:1) Magiging masaya tayo kung gagawin natin ang mga gusto ni Jehova at iiwasan ang mga bagay na kinapopootan niya.—Awit 37:27; 97:10; Roma 12:9.
10. Ayon sa Roma 12:2, ano ang responsibilidad natin?
10 Basahin ang Roma 12:2. Hindi sapat na alam ng isang tao na si Jehova ang may karapatang magtakda ng tama at mali. Dapat din niyang sundin ang mga pamantayan ng Diyos. Halimbawa, alam ng isang tao na may karapatan ang gobyerno na magtakda ng speed limit sa mga kalsada. Pero baka hindi niya gustong sundin ang mga iyon, kaya baka magmaneho siya nang mas mabilis. Makikita sa paggawi natin kung talagang naniniwala tayo na ang mga pamantayan ni Jehova ang pinakamabuting sundin. (Kaw. 12:28) Ganiyan ang naramdaman ni David. Kaya sinabi niya tungkol kay Jehova: “Ipinaaalam mo sa akin ang daan ng buhay. Sa presensiya mo ay may lubos na kagalakan; may kaligayahan sa iyong kanang kamay magpakailanman.”—Awit 16:11.
11-12. (a) Kapag nag-aalala tayo o pinanghihinaan ng loob, saan tayo dapat mag-ingat? (b) Paano makakatulong ang Filipos 4:8 sa pagpili natin ng libangan?
11 Kapag nag-aalala tayo o pinanghihinaan ng loob, baka maghanap tayo ng paraan para makalimutan ang mga problema natin. Normal lang naman iyan. Pero dapat tayong mag-ingat kasi baka makagawa tayo ng mga bagay na kinapopootan ni Jehova.—Efe. 5:10-12, 15-17.
12 Sa liham niya sa mga taga-Filipos, pinasigla ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na patuloy na isaisip ang mga bagay na “matuwid, malinis, kaibig-ibig, [at] mabuti.” (Basahin ang Filipos 4:8.) Nang isulat ito ni Pablo, hindi naman niya espesipikong tinutukoy rito ang tungkol sa paglilibang. Pero dapat itong makaimpluwensiya sa pagpili natin ng libangan. Sa tekstong ito, subukang palitan ang mga salitang “anumang bagay” ng mga salitang “awitin,” “pelikula,” “nobela,” o “video game.” Kapag ginawa mo iyan, mauunawaan mo kung ano ang katanggap-tanggap at hindi katanggap-tanggap sa paningin ng Diyos. Gusto nating sundin ang matataas na pamantayan ni Jehova. (Awit 119:1-3) At dahil malinis ang konsensiya natin, magagawa natin ang susunod na hakbang para maging tunay na maligaya.—Gawa 23:1.
UNAHIN ANG PAGSAMBA KAY JEHOVA
13. Ano ang ikatlong hakbang para maging tunay na maligaya? (Juan 4:23, 24)
13 IKATLONG HAKBANG: Tiyaking inuuna mo sa buhay mo ang pagsamba kay Jehova. Bilang ating Maylalang, karapat-dapat si Jehova sa pagsamba natin. (Apoc. 4:11; 14:6, 7) Kaya kailangang maging pangunahin sa buhay natin ang pagsamba sa kaniya sa paraang gusto niya, “sa espiritu at katotohanan.” (Basahin ang Juan 4:23, 24.) Kapag sinasamba natin ang Diyos, gusto nating magpagabay sa banal na espiritu para ang pagsamba natin ay maging kaayon ng mga katotohanan na nasa Salita niya. Dapat nating unahin ang pagsamba sa Diyos kahit nakatira tayo sa lugar na may restriksiyon o pagbabawal sa gawain natin. Sa ngayon, mahigit 100 kapatid ang nakabilanggo dahil lang sa Saksi ni Jehova sila. c Pero kahit ganoon, masaya pa rin silang gawin ang magagawa nila para manalangin, mag-aral, at sabihin sa iba ang tungkol sa Diyos at sa kaniyang Kaharian. Kapag tinutuya o pinag-uusig tayo, masaya pa rin tayo kasi alam natin na kasama natin si Jehova at na pagpapalain niya tayo.—Sant. 1:12; 1 Ped. 4:14.
ISANG KARANASAN
14. Ano ang nangyari sa isang kabataang brother sa Tajikistan, at bakit?
14 May mga karanasang nagpapatunay na ang tatlong hakbang na tinalakay natin ay makakatulong para maging tunay na maligaya anuman ang sitwasyon natin. Tingnan ang nangyari kay Jovidon Bobojonov, isang 19 na taóng gulang mula sa Tajikistan, na tumangging magsundalo. Noong Oktubre 4, 2019, sapilitan siyang kinuha sa bahay nila, ikinulong nang ilang buwan, at tinrato na parang kriminal. Ibinalita ng media ang pangyayaring ito sa maraming bansa. Iniulat na binugbog siya para piliting magsabi ng panata at magsuot ng uniporme ng sundalo. Pagkatapos, hinatulan siya at ipinadala sa isang labor camp hanggang sa mabigyan siya ng parole at palayain ng presidente ng bansa. Sa lahat ng nangyaring ito sa kaniya, nanatiling tapat at masaya si Jovidon. Paano? Naging palaisip siya sa espirituwal na pangangailangan niya.
15. Paano patuloy na nakakain sa espirituwal si Jovidon habang nasa bilangguan siya?
15 Habang nasa bilangguan, patuloy pa ring kumain ng espirituwal na pagkain si Jovidon, kahit wala siyang Bibliya o anumang publikasyon. Paano niya nagawa iyon? Dinadalhan siya ng mga kapatid ng pagkain at isinusulat nila sa mga grocery bag ang teksto sa araw na iyon. Kaya araw-araw niyang nababasa at nabubulay-bulay ang Bibliya. Nang makalaya siya, nagbigay siya ng payo sa mga hindi pa nakakaranas ng pag-uusig: “Napakahalagang gamitin ninyo ang panahon ngayon para palalimin ang kaalaman ninyo tungkol kay Jehova sa pamamagitan ng pagbabasa ng kaniyang Salita at ng mga publikasyon natin.”
16. Saan nagpokus si Jovidon?
16 Si Jovidon ay namuhay kaayon ng mga pamantayan ni Jehova. Imbes na isip-isipin ang mga maling pagnanasa at gumawa ng masasamang bagay, nagpokus siya kay Jehova at sa mga pamantayan Niya. Hangang-hanga siya sa magagandang nilalang ng Diyos. Sa tuwing gumigising siya sa umaga, naririnig niya ang huni ng mga ibon. Sa gabi naman, pinagmamasdan niya ang buwan at mga bituin. Sinabi niya: “Dahil sa mga iyon, napatibay ako kaya naging masaya ako.” Kapag pinapahalagahan natin ang espirituwal at pisikal na mga paglalaan ni Jehova, nagiging masaya tayo at natitiis natin ang mga pagsubok.
17. Paano magiging totoo ang 1 Pedro 1:6, 7 sa isang tao na nakakaranas ng sitwasyon na kagaya ng kay Jovidon?
17 Inuna rin ni Jovidon ang pagsamba kay Jehova. Alam niyang mahalaga ang pananatiling tapat sa tunay na Diyos. Sinabi ni Jesus: “Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lang ang dapat mong paglingkuran.” (Luc. 4:8) Gusto ng mga kumander at sundalo na itakwil ni Jovidon ang relihiyon niya. Kaya marubdob siyang nanalangin araw at gabi. Hiniling niya kay Jehova na tulungan siyang huwag sumuko at na hindi niya maikompromiso ang pananampalataya niya. Kahit dumanas siya ng kawalang-katarungan, nanatiling tapat si Jovidon. Kaya masayang-masaya siya ngayon kasi nagkaroon siya ng isang subók na pananampalataya—isang bagay na wala siya bago siya sapilitang kinuha, binugbog, at ibinilanggo.—Basahin ang 1 Pedro 1:6, 7.
18. Paano ka mananatiling maligaya?
18 Alam ni Jehova kung ano ang kailangan natin para maging tunay na maligaya. Kung susundin mo ang tatlong hakbang na tinalakay natin, mananatili kang masaya kahit mahirap ang sitwasyon. Kaya masasabi mo rin: “Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!”—Awit 144:15.
AWIT 89 Makinig at Sumunod Upang Pagpalain Ka
a Nahihirapan ang marami na maging tunay na maligaya kasi hinahanap nila ito sa kayamanan, kasikatan, kapangyarihan, o pagpapasarap sa buhay. Pero noong nasa lupa si Jesus, sinabi niya sa mga tao kung paano nila ito mahahanap. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang tatlong hakbang na makakatulong sa atin para maging tunay na maligaya.
b Tingnan ang artikulong “Nakakatanggap Ka Ba ng ‘Pagkain sa Tamang Panahon’?” sa Bantayan, Agosto 15, 2014.
c Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang “Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya” sa jw.org.
d LARAWAN: Sa pagsasadulang ito, ipinakita ng mga kapatid ang suporta nila sa isang brother na inaresto at dinala sa korte para kasuhan.