Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 43

Sumisigaw ang Tunay na Karunungan

Sumisigaw ang Tunay na Karunungan

“Ang tunay na karunungan ay sumisigaw sa lansangan. Inilalakas nito ang kaniyang tinig sa mga liwasan.”​—KAW. 1:20.

AWIT 88 Ipaalam Mo sa Akin ang Iyong mga Daan

NILALAMAN a

1. Paano tumutugon ang marami pagdating sa karunungan mula sa Bibliya? (Kawikaan 1:20, 21)

 SA MARAMING lupain, karaniwan nang makikita ang masasayang mamamahayag ng Kaharian na nag-aalok ng mga literatura sa matataong lansangan. Ginawa mo na rin ba iyan? Kung oo, tiyak na naisip mo ang isang paglalarawan sa aklat ng Kawikaan—ang pagsigaw ng karunungan sa lansangan para marinig ito ng mga tao. (Basahin ang Kawikaan 1:20, 21.) Naglalaman ang Bibliya at ang mga publikasyon natin ng “tunay na karunungan”—ang karunungan ni Jehova. Ang karunungang ito ang kailangan ng mga tao para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan. Masaya tayo kapag may tumanggap ng mga publikasyon natin. Pero hindi lahat ay tumatanggap. May ilang hindi interesadong makinig sa sinasabi ng Bibliya. Pinagtatawanan pa nga tayo ng iba. Iniisip nila na luma na ang Bibliya. Binabatikos naman ng iba ang mga turo ng Bibliya tungkol sa moral. Sinasabi nila na mahigpit at mapanghusga ang mga sumusunod dito. Pero dahil mahal ni Jehova ang mga tao, gusto pa rin niyang malaman ng lahat ang tunay na karunungan. Paano?

2. Saan natin makukuha ang tunay na karunungan ngayon, pero ano ang pinipili ng maraming tao?

2 Ginagamit ni Jehova ang kaniyang Salita, ang Bibliya, para ipaalám sa atin ang tunay na karunungan. At available ito sa halos lahat ng tao. Ginagamit din niya ang mga publikasyong salig sa Bibliya. Dahil sa pagpapala ni Jehova, available na ang mga ito sa mahigit 1,000 wika. Makikinabang ang mga nakikinig, o ang mga nagbabasa at sumusunod sa mga natututuhan nila rito. Pero maraming tao ang ayaw makinig sa tunay na karunungan. Kapag nagdedesisyon sila, umaasa sila sa sarili nila o sa ibang tao. Baka nga minamaliit pa nila tayo dahil sumusunod tayo sa sinasabi ng Bibliya. Tatalakayin natin sa artikulong ito kung bakit ganiyan ang reaksiyon ng mga tao. Pero talakayin muna natin kung paano tayo magkakaroon ng karunungan mula kay Jehova.

NAGPAPARUNONG ANG KAALAMAN TUNGKOL KAY JEHOVA

3. Ano ang kailangan nating gawin para maging tunay na marunong?

3 Ang karunungan ay ang kakayahang gamitin ang nalalaman natin para makagawa ng matatalinong desisyon. Pero higit pa riyan ang nagagawa ng tunay na karunungan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan, at ang kaalaman tungkol sa Kabanal-banalan ay nagbibigay ng unawa.” (Kaw. 9:10) Kaya kapag gumagawa tayo ng mahahalagang desisyon, dapat na ang basehan natin ay ang kaisipan ni Jehova—“ang kaalaman tungkol sa Kabanal-banalan.” Magagawa natin iyan kung pag-aaralan natin ang Bibliya at ang mga salig-Bibliyang publikasyon. Kapag ginawa natin iyan, nagiging tunay na marunong tayo.​—Kaw. 2:5-7.

4. Bakit si Jehova lang ang makapagbibigay sa atin ng tunay na karunungan?

4 Si Jehova lang ang makapagbibigay sa atin ng tunay na karunungan. (Roma 16:27) Bakit siya ang Pinagmumulan ng karunungan? Una, siya ang Maylalang, at alam niya ang lahat tungkol sa kaniyang nilalang. (Awit 104:24) Ikalawa, makikita sa lahat ng ginagawa niya na marunong siya. (Roma 11:33) Ikatlo, laging nakikinabang ang mga sumusunod sa matalinong payo ni Jehova. (Kaw. 2:10-12) Para magkaroon ng tunay na karunungan, kailangan nating tanggapin ang mga katotohanang ito at gawin itong gabay sa paggawi natin at mga desisyon.

5. Ano ang resulta kapag ayaw kilalanin ng mga tao si Jehova bilang ang Pinagmumulan ng tunay na karunungan?

5 Kinikilala ng maraming nakakausap natin sa ministeryo na napakaganda ng disenyo sa kalikasan, pero sinasabi nila na walang Maylalang. Naniniwala naman ang iba na may Diyos, pero iniisip nila na ang mga prinsipyo sa Bibliya ay hindi na bagay sa panahon natin at namumuhay sila ayon sa gusto nila. Ano ang resulta? Mas maganda ba ang kalagayan ng mga tao dahil umaasa sila sa sarili nilang karunungan sa halip na sa Diyos? Talaga bang masaya sila o may magandang kinabukasan? Dahil sa mga nakikita natin, kumbinsido tayo sa katotohanang ito: “Walang karunungan, kaunawaan, o payo na makalalaban kay Jehova.” (Kaw. 21:30) Magandang dahilan iyan para patuloy na umasa kay Jehova para sa tunay na karunungan! Nakakalungkot, ayaw ng maraming tao na gawin iyan. Bakit?

KUNG BAKIT TINATANGGIHAN NG MGA TAO ANG TUNAY NA KARUNUNGAN

6. Ayon sa Kawikaan 1:22-25, sino ang mga nagbibingi-bingihan sa tunay na karunungan?

6 Marami ang nagbibingi-bingihan kapag “sumisigaw sa lansangan” ang tunay na karunungan. Ayon sa Bibliya, may tatlong grupo ng mga tao na tumatanggi sa karunungan: “walang karanasan,” “manunuya,” at “mangmang.” (Basahin ang Kawikaan 1:22-25.) Tingnan natin kung bakit tinatanggihan ng mga taong ito ang karunungan ng Diyos at kung paano natin maiiwasang maging gaya nila.

7. Bakit pinipili ng ilan na manatiling “walang karanasan”?

7 Ang mga “walang karanasan” ay mapaniwalain at madaling dayain. (Kaw. 14:15) Madalas na may nakakausap tayong ganiyan sa ministeryo. Halimbawa, milyon-milyon ang nadadaya ng mga lider ng relihiyon o politiko. Nagugulat ang ilan kapag nalaman nila na nadaya sila ng mga ito. Pero pinili ng mga walang karanasan na binanggit sa Kawikaan 1:22 na manatiling ganoon. (Jer. 5:31) Ginagawa nila kung ano ang gusto nila at ayaw nilang malaman ang sinasabi ng Bibliya o sundin ang mga utos nito. Marami ang nakadarama ng naramdaman ng isang relihiyosa sa Quebec, Canada, na nagsabi sa isang Saksi, “Kung dinaya kami ng pari namin, hindi na namin kasalanan iyon, siya ang may kasalanan!” Siguradong ayaw nating matulad sa mga gustong maging walang alam!—Kaw. 1:32; 27:12.

8. Ano ang tutulong sa atin na maging makaranasan?

8 May mabuting dahilan kung bakit pinapayuhan tayo ng Bibliya na huwag manatiling walang karanasan kundi “maging nasa hustong-gulang pagdating sa pang-unawa.” (1 Cor. 14:20) Magiging makaranasan tayo kung susundin natin ang mga prinsipyo sa Bibliya. Kung gagawin natin iyan, makikita natin kung paano tayo tinutulungan ng Bibliya na makaiwas sa mga problema at makagawa ng matatalinong desisyon. Makakabuting pag-isipan ang mga nagawa na nating desisyon. Kung nag-aaral na tayo ng Bibliya at dumadalo na sa mga pulong, tanungin ang sarili kung bakit hindi pa tayo nag-aalay kay Jehova at nagpapabautismo. Kung bautisado na tayo, sumusulong ba tayo bilang mángangarál at guro ng mabuting balita? Makikita ba sa mga desisyon natin na nagpapagabay tayo sa mga prinsipyo sa Bibliya? Nagpapakita ba tayo ng mga katangiang Kristiyano kapag nakikitungo sa iba? Kung mayroon pa tayong mga dapat pasulungin, pag-isipan ang mga paalaala ni Jehova, na “nagpaparunong sa walang karanasan.”​—Awit 19:7.

9. Paano ipinapakita ng mga “manunuya” na tinatanggihan nila ang karunungan?

9 Ang ikalawang grupo ng mga tao na nagwawalang-bahala sa karunungan ng Diyos ay ang mga “manunuya.” Minsan, may nakakausap tayong ganitong mga tao sa ministeryo. Tuwang-tuwa silang tuyain ang iba. (Awit 123:4) Nagbabala ang Bibliya na sa mga huling araw, marami ang magiging manunuya. (2 Ped. 3:3, 4) Gaya ng mga manugang na lalaki ng matuwid na si Lot, hindi rin nagbibigay-pansin ang ilan sa ngayon sa mga babala ng Diyos. (Gen. 19:14) Pinagtatawanan ng marami ang mga namumuhay ayon sa mga prinsipyo sa Bibliya. Ginagawa nila ito kasi sumusunod sila sa “sarili nilang pagnanasa sa di-makadiyos na mga bagay.” (Judas 7, 17, 18) Tamang-tama sa mga apostata at sa iba pang tumatanggi kay Jehova ang paglalarawan ng Bibliya sa mga manunuya!

10. Ayon sa Awit 1:1, paano natin maiiwasang maging gaya ng mga manunuya?

10 Paano natin matitiyak na hindi tayo magiging gaya ng mga manunuya? Iwasang makisama sa mga mapamuna. (Basahin ang Awit 1:1.) Ibig sabihin, hindi tayo makikinig o magbabasa ng anumang mula sa mga apostata. Alam natin na kung hindi tayo mag-iingat, puwede tayong maging mapamuna at magsimulang magduda kay Jehova at sa mga tagubiling ibinibigay ng organisasyon niya. Para maiwasan iyan, tanungin ang sarili: ‘Lagi ba akong may nasasabing negatibo kapag may mga bagong tagubilin o paliwanag? Lagi ba akong naghahanap ng mali sa mga nangunguna?’ Kapag itinutuwid natin agad ang sarili natin, natutuwa si Jehova.​—Kaw. 3:34, 35.

11. Ano ang pananaw ng mga “mangmang” sa mga pamantayang moral ni Jehova?

11 Ang ikatlong grupo ng mga tao na tumatanggi sa karunungan ay ang mga “mangmang.” Mangmang sila kasi ayaw nilang mamuhay ayon sa mga kautusan ng Diyos sa moral. Ginagawa nila kung ano ang tama sa paningin nila. (Kaw. 12:15) Tinatanggihan nila si Jehova, ang Pinagmumulan ng karunungan. (Awit 53:1) Kapag may nakakausap tayong katulad nila sa ministeryo, madalas na pinupuna nila ang pagsunod natin sa mga pamantayan ng Bibliya. Pero wala naman silang mas magandang maibibigay sa atin. Sinasabi ng Bibliya: “Hindi maaabot ng mangmang ang tunay na karunungan; wala siyang nasasabi sa pintuang-daan ng lunsod.” (Kaw. 24:7) Walang maipapayong maganda ang mga mangmang. Kaya nagbabala si Jehova na “huwag [tayong] lalapit sa mangmang.”​—Kaw. 14:7.

12. Ano ang tutulong sa atin para hindi tayo maging gaya ng mga mangmang?

12 Hindi tayo tulad ng mga ayaw sumunod sa payo ng Diyos. Minamahal natin ang paraan ng pag-iisip ni Jehova, kasama na ang mga pamantayan niya sa moral. Mapapatibay natin ang pag-ibig na iyan kung ikukumpara natin ang mga resulta ng pagsunod sa di-pagsunod. Pag-isipan ang mga problemang ibinibigay ng mga tao sa sarili nila dahil lang sa ayaw nilang sumunod sa matatalinong payo ni Jehova. Pagkatapos, isipin kung gaano kaganda ang buhay mo dahil sumusunod ka sa Diyos.​—Awit 32:8, 10.

13. Pinipilit ba tayo ni Jehova na sundin ang matalinong payo niya?

13 Ibinibigay ni Jehova sa lahat ang karunungan, pero hindi niya pinipilit ang sinuman na tanggapin iyon. Pero sinabi niya kung ano ang mangyayari sa mga hindi nakikinig sa karunungan niya. (Kaw. 1:29-32) “Aanihin [ng mga ayaw sumunod kay Jehova] ang bunga ng mga ginagawa nila.” Darating ang panahon, mararanasan nila ang hirap at pagdurusa dahil sa pinili nilang pamumuhay. At bandang huli, pupuksain sila ni Jehova. Pero ipinangako sa mga nakikinig at sumusunod sa matatalinong payo ni Jehova: “Ang nakikinig sa akin ay mamumuhay nang panatag at hindi matatakot sa anumang kapahamakan.”​—Kaw. 1:33.

MAKIKINABANG TAYO SA TUNAY NA KARUNUNGAN

Kapag nagkokomento tayo sa mga pulong, napapatibay natin ang ating espirituwalidad (Tingnan ang parapo 15)

14-15. Ano ang matututuhan natin mula sa Kawikaan 4:23?

14 Lagi tayong nakikinabang kapag sinusunod natin ang karunungan ng Diyos. Gaya ng natalakay na natin, ibinibigay ni Jehova sa lahat ang matatalinong payo niya. Halimbawa, sa buong aklat ng Kawikaan, may mga ibinigay siyang napapanahong payo. Kapag sinunod natin ang mga iyon, mapapabuti ang buhay natin. Tingnan natin ang apat na halimbawa.

15 Ingatan ang iyong makasagisag na puso. Sinasabi ng Bibliya: “Sa lahat ng dapat mong ingatan, ingatan mo ang iyong puso, dahil dito nagmumula ang bukal ng buhay.” (Kaw. 4:23) Ano ang kailangan para maingatan natin ang ating literal na puso? Kailangan nating kumain ng masusustansiyang pagkain, mag-ehersisyo, at umiwas sa mga bisyo. Ganiyan din pagdating sa makasagisag na puso. Kailangan nating kumain araw-araw mula sa Salita ng Diyos. Naghahanda tayo at dumadalo sa mga pulong, at nakikibahagi rito. Regular tayong nakikibahagi sa ministeryo. Umiiwas tayo sa masasamang gawain na magpaparumi sa isip natin, gaya ng imoral na mga libangan at masasamang kasama.

Kapag may tamang pananaw tayo sa pera, magiging kontento tayo sa kung ano ang mayroon tayo (Tingnan ang parapo 16)

16. Bakit makakatulong sa atin ngayon ang Kawikaan 23:4, 5?

16 Maging kontento sa kung ano ang mayroon ka. Ganito ang payo ng Bibliya: “Huwag kang magpakapagod para mag-ipon ng kayamanan. . . . Kapag tiningnan mo iyon, wala na iyon doon, dahil tiyak na tutubuan iyon ng mga pakpak na gaya ng sa agila at lilipad sa langit.” (Kaw. 23:4, 5) Madaling mawala ang pera at pag-aari. Pero marami pa ring mayaman at mahirap ang naghahabol sa pera. Dahil dito, madalas na nakakagawa sila ng mga bagay na nakakasira sa reputasyon nila, sa kaugnayan nila sa iba, at kahit sa kalusugan nila. (Kaw. 28:20; 1 Tim. 6:9, 10) Pero ang karunungan ay tutulong sa atin na magkaroon ng tamang pananaw sa pera. Tutulong din ito sa atin na hindi maging sakim kundi maging kontento at masaya sa kung ano ang mayroon tayo.​—Ecles. 7:12.

Kapag nag-iisip muna tayo bago magsalita, naiiwasan nating makasakit sa iba (Tingnan ang parapo 17)

17. Paano tayo magkakaroon ng “dila ng marurunong,” gaya ng binabanggit sa Kawikaan 12:18?

17 Mag-isip muna bago magsalita. Kung hindi tayo maingat, puwedeng makasakit ang mga sinasabi natin. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga salitang hindi pinag-isipan ay gaya ng mga saksak ng espada, pero ang dila ng marurunong ay nagpapagaling.” (Kaw. 12:18) Kapag iniiwasan nating itsismis ang pagkakamali ng iba, naiingatan natin ang magandang kaugnayan natin sa kanila. (Kaw. 20:19) Kung gusto nating makapagpatibay at hindi makasakit ang mga salita natin, dapat nating regular na basahin at pag-isipan ang Salita ng Diyos. (Luc. 6:45) Kapag ginawa natin iyan, ang mga pananalita natin ay magiging tulad ng ‘karunungang umaagos na gaya ng ilog,’ na nakakarepresko sa iba.​—Kaw. 18:4.

Kapag sinusunod natin ang mga tagubilin ng organisasyon, napapasulong natin ang ating ministeryo (Tingnan ang parapo 18)

18. Paano nakakatulong sa ministeryo natin ang pagsunod sa Kawikaan 24:6?

18 Sundin ang mga tagubilin. May payo ang Bibliya sa atin: “Makipaglaban ka nang may mahusay na patnubay, at may tagumpay kapag marami ang tagapayo.” (Kaw. 24:6) Paano makakatulong sa atin ang pagsunod sa prinsipyong ito para maging mas mahusay tayong mángangarál at guro? Kapag nangangaral at nagtuturo, hindi tayo umaasa sa sarili natin kundi sinusunod natin ang mga tagubiling ibinibigay sa atin. Sa mga Kristiyanong pagpupulong, tumatanggap tayo ng mga tagubilin kung saan natututo tayo mula sa makaranasang mga kapatid na nagbibigay ng pahayag at presentasyon. Nagbibigay rin ang organisasyon ni Jehova ng mga tool—mga publikasyon at video—na makakatulong sa mga tao na maintindihan ang Bibliya. Ginagamit mo bang mabuti ang mga tool na ito?

19. Ano ang nadarama mo tungkol sa karunungang ibinibigay ni Jehova? (Kawikaan 3:13-18)

19 Basahin ang Kawikaan 3:13-18. Talagang ipinagpapasalamat natin ang matatalinong payo na nasa Salita ng Diyos! Ano na lang ang mangyayari sa atin kung wala ang mga ito? Sa artikulong ito, tinalakay natin ang ilang halimbawa ng karunungan na makikita sa aklat ng Kawikaan. Siyempre pa, ang buong Bibliya ay punong-puno ng payo mula kay Jehova. Maging determinado nawa tayo na laging sundin ang karunungan na ibinibigay ni Jehova. Hindi mahalaga kung ano ang tingin ng mga tao sa karunungang ito. Kumbinsido tayo na “magiging maligaya ang mga nanghahawakan dito.”

AWIT 36 Bantayan ang Ating Puso

a Di-hamak na nakahihigit ang karunungan ni Jehova kaysa sa maibibigay ng mundong ito. Sa artikulong ito, pag-aaralan natin ang isang paglalarawan sa aklat ng Kawikaan—ang pagsigaw ng karunungan sa liwasan. Tatalakayin natin kung paano tayo magkakaroon ng tunay na karunungan, kung bakit may ilan na nagbibingi-bingihan sa karunungan, at kung paano tayo makikinabang kapag nakinig tayo rito.