1923—100 Taon Na ang Nakalipas
“NANANABIK tayo sa taóng 1923,” ang sabi ng The Watch Tower, Enero 1, 1923. “Pribilehiyo natin na magpatotoo sa . . . nagdurusang mundo, na malapit na ang isang magandang kinabukasan.” Talagang nakakapagpatibay ang taóng iyon para sa mga Estudyante ng Bibliya dahil nagkaisa sila sa pagsamba nila at pangangaral, at nananatili ang pagkakaisang iyan hanggang ngayon.
MGA PULONG—NAKATULONG SA PAGKAKAISA
Nang taóng iyon, gumawa ang organisasyon ng ilang pagbabago para mas magkaisa ang mga Estudyante ng Bibliya sa pagsamba nila. Sinimulang ilathala ng The Watch Tower ang paliwanag sa mga tekstong tatalakayin nila sa kanilang Prayer, Praise, and Testimony Meeting linggo-linggo. Nag-imprenta rin ang mga Estudyante ng Bibliya ng kalendaryo kung saan makikita ang mga teksto para sa bawat linggo at mga kanta para sa personal na pag-aaral at pampamilyang pagsamba.
Sa mga pulong nila, nagbibigay ng “testimonya” ang mga Estudyante ng Bibliya tungkol sa karanasan nila sa pangangaral at pasasalamat nila kay Jehova. Puwede pa ngang maging testimonya ang isang kanta o panalangin. Naalala ni Eva Barney, na nabautismuhan noong 1923 sa edad na 15: “Kung gusto mong magbigay ng testimonya, tatayo ka at magsasabi ng gaya nito, ‘Gusto kong pasalamatan ang Panginoon sa lahat ng kabaitan niya sa akin.’” Gustong-gustong magbigay ng testimonya ng ilang kapatid. Ikinuwento ni Sister Barney: “Maraming gustong ipagpasalamat sa Panginoon si Brother Godwin. Pero kapag napapansin ng asawa niya na hindi na mapakali ang nangangasiwa, hihilahin nito ang damit ni Brother Godwin at uupo na siya.”
Isang beses kada buwan, may espesyal na Prayer, Praise, and Testimony Meeting ang bawat kongregasyon. Tungkol diyan, sinabi ng The Watch Tower, Abril 1, 1923: “[Ang] kalahati ng pulong ay dapat na para sa mga testimonya tungkol sa pangangaral at pampatibay sa mga mamamahayag. . . . Naniniwala kami na tutulong ang mga pulong na ito para maging mas malapít sa isa’t isa ang mga kapatid.”
Talagang nakinabang sa mga pulong na ito si Charles Martin, isang mamamahayag na 19 na taóng gulang at mula sa Vancouver, Canada. Ikinuwento niya: “Dito ko unang natutuhan kung ano ang sasabihin ko sa pangangaral. Madalas na may nagkukuwento ng karanasan nila sa pagbabahay-bahay. Kaya nagkaideya ako kung ano ang sasabihin ko at kung paano sasagutin ang iba’t ibang pagtutol.”
PANGANGARAL—NAKATULONG SA PAGKAKAISA
Nakatulong din sa pagkakaisa ng organisasyon ang “mga araw ng paglilingkod.” Ipinatalastas sa The Watch Tower, isyu ng Abril 1, 1923: “Para sa pagkakaisa . . . , ang Martes, Mayo 1, 1923, ay gagawing araw ng paglilingkod. Ganoon din ang
gagawin sa unang Martes ng mga susunod na buwan . . . Ang bawat mamamahayag ng lahat ng kongregasyon ay dapat magkaroon ng bahagi dito.”Nakibahagi rin dito kahit ang mga kabataang Estudyante ng Bibliya. Sinabi ni Hazel Burford, na 16 pa lang noong panahong iyon: “May mga canvass (sampol na pakikipag-usap) sa Bulletin na kinakabisado namin. a Masigasig kaming nakibahagi ni Lolo sa mga gawaing ito.” Pero may kumontra noon sa pangangaral ni Sister Burford. Ikinuwento niya: “Ayaw na ayaw ng isang may-edad na brother na kausapin ko ang mga tao. Hindi naiintindihan noon ng ilan na dapat makibahagi ang lahat ng Estudyante ng Bibliya, kasama na ang ‘mga binata at mga dalaga,’ sa pagpuri sa ating Dakilang Maylalang.” (Awit 148:12, 13) Pero hindi sumuko si Sister Burford. Nakapag-aral pa nga siya sa ikalawang klase ng Gilead at naging misyonera sa Panama. Nang bandang huli, nagbago rin ang pananaw ng mga kapatid na iyon sa pangangaral ng mga kabataan.
MGA KOMBENSIYON—NAKATULONG SA PAGKAKAISA
Nakatulong din ang lokal at panrehiyong mga kombensiyon para magkaisa ang mga kapatid. Marami sa mga kombensiyong iyon ay may mga araw ng paglilingkod, gaya ng ginawa sa Winnipeg, Canada. Noong Marso 31, inanyayahan ang lahat ng dumalo na mangaral sa lunsod na iyon. Naging maganda ang resulta ng mga araw ng paglilingkod na ito dahil maraming tao ang nakausap. Noong Agosto 5, mga 7,000 naman ang dumalo sa isa pang kombensiyon sa Winnipeg. Ito na ang pinakamaraming bilang ng dumalo sa isang kombensiyon sa Canada noon.
Ang pinakamakasaysayang kombensiyon ng bayan ni Jehova noong 1923 ay ginanap noong Agosto 18-26, sa Los Angeles, California. Ilang linggo bago ang kombensiyon, inianunsiyo sa mga diyaryo ang tungkol dito at namahagi ng mahigit 500,000 handbill ang mga Estudyante ng Bibliya. Naglagay rin sila ng mga banner sa mga pampubliko at pribadong sasakyan para ianunsiyo ito.
Apoc. 18:2, 4) Milyon-milyong kopya ng resolusyong ito ang ipinamahagi ng masisigasig na Estudyante ng Bibliya sa buong mundo.
Noong Sabado, Agosto 25, ipinahayag ni Brother Rutherford ang paksang “Mga Tupa at mga Kambing.” Ipinaliwanag niya na ang “mga tupa” ay tumutukoy sa mga nakaayon para mabuhay sa Paraisong lupa. Binanggit din niya ang isang resolusyon na may pamagat na “Babala.” Kinondena ng resolusyong ito ang Sangkakristiyanuhan at pinasigla ang mga tapat-puso na humiwalay sa “Babilonyang Dakila.” (“Tutulong ang mga pulong na ito para maging mas malapít sa isa’t isa ang mga kapatid”
Noong huling araw ng kombensiyon, mahigit 30,000 ang nakapakinig sa pahayag ni Brother Rutherford na “Nagmamartsa ang Lahat ng Bansa Tungo sa Armagedon, Pero Milyon-milyong Nabubuhay Ngayon ang Hindi Na Kailanman Mamamatay.” Dahil inaasahan na marami ang dadalo, nirentahan ng mga Estudyante ng Bibliya ang bagong-tayong Los Angeles Coliseum. Para masigurado na makakapakinig ang lahat, ginamit ng mga kapatid ang loudspeaker system ng stadium, na bagong teknolohiya noon. Napakinggan din ng marami ang programa sa radyo.
PAGSULONG SA IBA’T IBANG BANSA
Noong 1923, sumulong ang pangangaral natin sa Africa, Europe, India, at South America. Sa India, habang pinaglalaanan ni A. J. Joseph ang asawa niya at anim na anak, tumutulong din siya sa produksiyon ng mga literatura sa wikang Hindi, Tamil, Telugu, at Urdu.
Sa Sierra Leone, sumulat ang mga Estudyante ng Bibliya na sina Alfred Joseph at Leonard Blackman sa world headquarters sa Brooklyn, New York, para humingi ng tulong. Noong Abril 14, 1923, sinagot ang kahilingan nila. Sinabi ni Alfred: “Gabing-gabi na ng Sabado noon. May tumawag sa telepono.” Malakas ang boses ng tumawag at nagtanong, “Ikaw ba ang sumulat sa Watch Tower Society para humiling ng mga mángangarál?” “Oo,” ang sagot ni Alfred. “Ako ang ipinadala nila.” Boses iyon ni William R. Brown. Nang araw na iyon, kakarating lang nila ng asawa niyang si Antonia at ng mga anak nilang sina Louise at Lucy galing sa Caribbean. Hindi na kailangang maghintay nang matagal ng mga kapatid para makita sila.
Sinabi pa ni Alfred: “Kinaumagahan, habang tinatalakay namin ni Leonard ang Bibliya gaya ng linggo-linggo naming ginagawa, may nakita kaming matangkad na lalaki sa pintuan—si
Brother Brown. Napakasigasig niya! Gusto na nga niyang magbigay ng pahayag pangmadla sa susunod na araw.” Wala pang isang buwan, naipamahagi na ni Brother Brown ang lahat ng literaturang dala niya. Di-nagtagal, nakatanggap pa siya ng karagdagang 5,000 aklat, at kulang pa rin ang mga iyon. Pero hindi nakilala si Brother Brown sa pamamahagi ng mga aklat. Sa loob ng maraming taon ng masigasig na paglilingkod niya kay Jehova, lagi niyang ginagamit ang Kasulatan sa mga pahayag niya, kaya nakilala siya bilang Bible Brown.Sa Germany naman, masikip na ang tanggapang pansangay sa Barmen at nagbabanta pang sumalakay ang France sa lunsod na iyon. Nakakita ang mga Estudyante ng Bibliya ng isang building complex sa Magdeburg na tamang-tama sa pag-iimprenta nila. Noong Hunyo 19, inilipat ng mga kapatid ang mga printing equipment at iba pang kagamitan sa bagong Bethel sa Magdeburg. Isang araw lang pagkatapos nilang abisuhan ang world headquarters na nakalipat na sila, ibinalita sa diyaryo na nasakop na ng France ang lunsod ng Barmen. Naramdaman ng mga kapatid na ebidensiya iyon ng pagpapala at proteksiyon ni Jehova.
Si George Young, na naglakbay sa malalayong lugar para ipalaganap ang mabuting balita, ay nagtatag ng bagong sangay sa Brazil at sinimulan niyang ilathala ang The Watch Tower sa wikang Portuguese. Nakapamahagi siya ng mahigit 7,000 literatura sa loob lang ng ilang buwan. Natulungan din niya si Sarah Ferguson. Mula pa noong 1899, nagbabasa na si Sister Ferguson ng The Watch Tower, pero hindi pa siya nabautismuhan bilang sagisag ng pag-aalay niya. Pagkalipas lang ng ilang buwan, nabautismuhan si Sister Ferguson at ang apat niyang anak.
“MAGLINGKOD SA DIYOS NANG MAY SIGASIG AT KAGALAKAN”
Nang papatapos na ang taon, binanggit sa Disyembre 15, 1923 ng The Watch Tower ang epekto ng pagkakaisa sa pagsamba ng mga Estudyante ng Bibliya: “Kitang-kita na maganda ang espirituwalidad ng mga kongregasyon . . . Maging handa tayo at maging determinadong maglingkod sa Diyos nang may sigasig at kagalakan para sa darating na taon.”
Makasaysayan para sa mga Estudyante ng Bibliya ang sumunod na taon. Ilang buwang inasikaso ng mga kapatid sa Bethel ang isang lote sa Staten Island, na malapit lang sa headquarters sa Brooklyn. Natapos itayo ang mga pasilidad doon noong 1924, at nakatulong ito para magkaisa ang kapatiran at lalo pang maipalaganap ang mabuting balita.
a Ngayon ay Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong.