Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 45

Pahalagahan ang Pribilehiyo na Sambahin si Jehova sa Espirituwal na Tem­plo Niya

Pahalagahan ang Pribilehiyo na Sambahin si Jehova sa Espirituwal na Tem­plo Niya

“Sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at lupa.”​—APOC. 14:7.

AWIT BLG. 93 Pagpalain ang Aming Pagpupulong

NILALAMAN a

1. Ano ang sinasabi ngayon ng isang anghel, at ano ang dapat na maramdaman natin dahil dito?

 KUNG kakausapin ka ng isang anghel, papakinggan mo ba siya? Ang totoo, may sinasabi ngayon ang isang anghel “sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” Ano iyon? “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian . . . Sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at lupa.” (Apoc. 14:​6, 7) Si Jehova lang ang tunay na Diyos na dapat sambahin ng lahat. Kaya dapat nating ipagpasalamat na nasasamba natin siya sa dakilang espirituwal na templo niya.

2. Ano ang espirituwal na templo ni Jehova? (Tingnan din ang kahong “ Saan Ito Hindi Tumutukoy?”)

2 Ano ba ang espirituwal na templo, at saan natin makikita ang mga detalye na nagpapaliwanag tungkol dito? Hindi ito literal na gusali. Ang espirituwal na templo ay ang kaayusan ni Jehova sa tamang pagsamba na salig sa haing pantubos ni Jesus. Ipinaliwanag ni apostol Pablo ang kaayusang ito sa liham niya sa mga Hebreong Kristiyano sa Judea noong unang siglo. b

3-4. Bakit sinulatan ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano sa Judea, at paano niya sila tinulungan?

3 Bakit sinulatan ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano sa Judea? Malamang na may dalawang pangunahing dahilan. Una, para patibayin sila. Lumaki sa Judaismo ang karamihan sa kanila. Nang maging Kristiyano sila, posibleng hinamak sila ng mga dating Judiong lider nila. Wala kasing templo ang mga Kristiyano para sa pagsamba, wala silang altar para sa paghahandog sa Diyos, at wala silang mga saserdote na maglilingkod sa kanila. Dahil doon, posibleng nasiraan ng loob at nanghina ang pananampalataya ng ilang alagad ni Kristo. (Heb. 2:1; 3:​12, 14) Baka naisip pa nga nila na bumalik na lang sa Judaismo.

4 Ikalawa, sinabi ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano na hindi sila nagsisikap na maintindihan ang mga bago o malalalim na turo, ang “matigas na pagkain” na nasa Salita ng Diyos. (Heb. 5:​11-14) Lumilitaw na ayaw pa ring iwan ng ilan sa kanila ang Kautusang Mosaiko. Pero ipinaliwanag ni Pablo na ang mga handog na hinihiling ng Kautusan ay hindi lubusang makakapaglinis ng kasalanan. Dahil dito, “inalis” ang Kautusan. Kaya tinuruan sila ni Pablo ng ilang malalalim na katotohanan. Ipinaalala niya sa kanila na mayroon silang “mas magandang pag-asa” salig sa hain ni Jesus. At iyon ang talagang tutulong sa kanila na ‘makalapit sa Diyos.’—Heb. 7:​18, 19.

5. Ano ang dapat nating maintindihan sa aklat ng Hebreo, at bakit?

5 Ipinaliwanag ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano kung bakit nakakahigit ang paraan ng pagsamba nila ngayon kaysa sa dati. Ang paraan ng pagsamba ng mga Judio noon ay “anino lang ng mga bagay na darating, anino ng Kristo.” (Col. 2:17) Ang anino ng isang bagay ay kahugis lang nito; hindi ang mismong bagay na iyon. Ganiyan din ang paraan ng pagsamba ng mga Judio noon. Anino lang ito ng mas magandang paraan ng pagsamba na darating. Kailangan nating maintindihan ang kaayusang ginawa ni Jehova para mapatawad ang mga kasalanan natin at masamba natin siya sa tamang paraan. Kaya pag-aralan natin ngayon ang aklat ng Hebreo at ikumpara ang “anino” (ang paraan ng pagsamba ng mga Judio) sa “mga bagay na darating” (ang paraan ng pagsamba ng mga Kristiyano). Tutulong ito sa atin na mas maintindihan ang espirituwal na templo at ang epekto nito sa atin.

ANG TABERNAKULO

6. Paano ginamit noon ang tabernakulo?

6 Ang paraan ng pagsamba ng mga Judio. Ang paliwanag ni Pablo ay nakabase sa tabernakulo na itinayo ni Moises noong 1512 B.C.E. (Tingnan ang chart na “Ang Paraan ng Pagsamba ng mga Judio—Ang Paraan ng Pagsamba ng mga Kristiyano.”) Ang tabernakulo ay parang isang tolda na dinadala ng mga Israelita noong nagpapalipat-lipat pa sila ng kampo. Halos 500 taon nilang ginamit iyon hanggang sa maitayo ang templo sa Jerusalem. (Ex. 25:​8, 9; Bil. 9:22) Ang “tolda ng pagpupulong” na ito ang sentro ng pagsamba ng mga Israelita. Dito sila naghahandog sa Diyos. (Ex. 29:​43-46) Pero ang tabernakulo ay lumalarawan din sa nakakahigit na mga bagay na darating para sa mga Kristiyano.

7. Kailan umiral ang espirituwal na templo?

7 Ang paraan ng pagsamba ng mga Kristiyano. Ang tabernakulo ay “anino ng makalangit na mga bagay” at lumalarawan sa dakilang espirituwal na templo ni Jehova. Sinabi ni Pablo na “ang toldang ito ay isang ilustrasyon para sa kasalukuyan.” (Heb. 8:5; 9:9) Kaya noong sumulat siya sa mga Hebreo, mayroon nang espirituwal na templo. Umiral ito noong 29 C.E. Nang taóng iyon, nabautismuhan si Jesus, pinahiran siya ng banal na espiritu, at nagsimula siyang maglingkod bilang “dakilang mataas na saserdote” ni Jehova sa espirituwal na templo. cHeb. 4:14; Gawa 10:​37, 38.

ANG MATAAS NA SASERDOTE

8-9. Ayon sa Hebreo 7:​23-27, bakit ibang-iba ang dakilang Mataas na Saserdoteng si Jesu-Kristo sa mga mataas na saserdote ng Israel?

8 Ang paraan ng pagsamba ng mga Judio. Ang mataas na saserdote ang kumakatawan sa bayan sa harap ng Diyos. Inatasan ni Jehova ang unang mataas na saserdote ng Israel, si Aaron, nang pasinayaan ang tabernakulo. Pero ipinaliwanag ni Pablo: “Dahil namamatay ang mga saserdote, hindi sila nakapagpapatuloy sa paglilingkod, kaya kailangang may pumalit sa kanila.” d (Basahin ang Hebreo 7:​23-27.) At dahil hindi sila perpekto, kailangan din nilang maghandog para sa sarili nilang mga kasalanan. Ibang-iba ang dakilang Mataas na Saserdoteng si Jesu-Kristo!

9 Ang paraan ng pagsamba ng mga Kristiyano. Bilang ating Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo ay “isang lingkod . . . sa tunay na tolda, na itinayo ni Jehova, at hindi ng tao.” (Heb. 8:​1, 2) Ipinaliwanag ni Pablo na “dahil [si Jesus] ay mananatiling buháy magpakailanman, hindi kailangan ng mga kahalili sa pagkasaserdote niya.” Sinabi pa ni Pablo na si Jesus ay “walang dungis, hindi gaya ng mga makasalanan.” At di-gaya ng mga mataas na saserdote ng Israel, “hindi niya kailangang mag-alay ng mga handog araw-araw” para sa sarili niyang mga kasalanan. Ngayon, talakayin natin ang pagkakaiba ng mga altar at mga handog ng mga Judio at ng mga Kristiyano.

ANG MGA ALTAR AT MGA HANDOG

10. Saan lumalarawan ang mga handog sa tansong altar?

10 Ang paraan ng pagsamba ng mga Judio. Sa labas ng pasukan ng tabernakulo, makikita ang tansong altar. Doon naghahandog ng mga hayop para kay Jehova. (Ex. 27:​1, 2; 40:29) Pero ang mga inihahandog doon ay hindi makakapagbigay ng lubos na kapatawaran sa mga kasalanan ng bayan. (Heb. 10:​1-4) Ang regular na paghahandog ng mga hayop sa tabernakulo ay lumalarawan sa iisang handog na lubusang tutubos sa mga tao.

11. Sa anong altar inihandog ni Jesus ang sarili niya? (Hebreo 10:​5-7, 10)

11 Ang paraan ng pagsamba ng mga Kristiyano. Alam ni Jesus na isinugo siya ni Jehova sa lupa para ibigay ang buhay niya bilang pantubos. (Mat. 20:28) Kaya nang bautismuhan si Jesus, iniharap niya ang sarili niya para gawin ang kagustuhan ni Jehova. (Juan 6:38; Gal. 1:4) Inihandog ni Jesus ang sarili niya sa isang makasagisag na altar na lumalarawan sa “kalooban” ng Diyos. Kalooban ni Jehova na ialay ng kaniyang Anak ang perpektong buhay niya bilang tao. Inihandog ni Jesus ang buhay niya “nang minsanan” para tubusin, o lubusang takpan, ang mga kasalanan ng lahat ng nananampalataya sa kaniya. (Basahin ang Hebreo 10:​5-7, 10.) Alamin naman natin ngayon ang kahulugan ng mga silid sa loob ng tabernakulo.

ANG BANAL AT ANG KABANAL-BANALAN

12. Sino lang ang puwedeng pumasok sa bawat silid ng tabernakulo?

12 Ang paraan ng pagsamba ng mga Judio. May dalawang silid ang tabernakulo at ang mga templong itinayo noon sa Jerusalem. Ito ang “Banal na Lugar” at ang “Kabanal-banalan.” Isang burdadong kurtina ang nagsisilbing dibisyon ng mga ito. (Heb. 9:​2-5; Ex. 26:​31-33) Sa loob ng Banal, mayroong gintong kandelero, altar para sa pagsusunog ng insenso, at mesa ng tinapay na pantanghal. Mga “saserdoteng pinahiran” lang ang puwedeng pumasok sa loob ng Banal para maglingkod. (Bil. 3:​3, 7, 10) Sa Kabanal-banalan naman, naroon ang gintong kaban ng tipan na lumalarawan sa presensiya ni Jehova. (Ex. 25:​21, 22) Mataas na saserdote lang ang puwedeng pumasok sa kurtina papunta sa Kabanal-banalan tuwing Araw ng Pagbabayad-Sala. (Lev. 16:​2, 17) Taon-taon, pumapasok siya na may dalang dugo ng mga hayop bilang handog para sa mga kasalanan niya at ng buong bayan. Nang bandang huli, nilinaw ni Jehova sa pamamagitan ng banal na espiritu niya ang kahulugan ng mga silid sa tabernakulo.​—Heb. 9:​6-8. e

13. Saan lumalarawan ang Banal at ang Kabanal-banalan ng tabernakulo?

13 Ang paraan ng pagsamba ng mga Kristiyano. Limitadong bilang lang ng mga alagad ni Kristo—144,000—ang pinahiran ng banal na espiritu. Mayroon silang espesyal na kaugnayan kay Jehova. Maglilingkod sila bilang mga saserdote sa langit kasama ni Jesus. (Apoc. 1:6; 14:1) Ang Banal ng tabernakulo ay lumalarawan sa pagiging inampon nila bilang mga espirituwal na anak ng Diyos habang nasa lupa pa sila. (Roma 8:​15-17) Ang Kabanal-banalan naman ng tabernakulo ay lumalarawan sa langit, kung saan nakatira si Jehova. Ang “kurtina” na naghihiwalay sa Banal at Kabanal-banalan ay lumalarawan sa katawang laman ni Jesus na nagsisilbing hadlang sa pagpasok niya sa langit bilang dakilang Mataas na Saserdote sa espirituwal na templo. Nang ihandog ni Jesus ang katawang tao niya para sa sangkatauhan, binuksan niya ang daan para mabuhay sa langit ang lahat ng pinahirang Kristiyano. Kailangan din nilang iwan ang katawang laman nila para matanggap ang gantimpala nila sa langit. (Heb. 10:​19, 20; 1 Cor. 15:50) Matapos buhaying muli si Jesus, pumasok siya sa Kabanal-banalan ng espirituwal na templo, at makakasama niya doon ang lahat ng pinahiran.

14. Ayon sa Hebreo 9:​12, 24-26, bakit nakakahigit ang kaayusan ng espirituwal na templo ni Jehova?

14 Malinaw na nakakahigit ang kaayusan ni Jehova sa dalisay na pagsamba na salig sa haing pantubos at pagkasaserdote ni Jesu-Kristo. Pumapasok ang mataas na saserdote ng Israel sa gawang-taong Kabanal-banalan na may dalang dugo ng mga hayop bilang handog. Pero si Jesus, pumasok siya sa pinakabanal sa lahat ng lugar, “sa langit mismo.” Doon, iniharap niya kay Jehova ang halaga ng perpektong buhay niya alang-alang sa atin, “para alisin ang kasalanan sa pamamagitan ng paghahandog ng sarili niya.” (Basahin ang Hebreo 9:​12, 24-26.) Dahil sa sakripisyo ni Jesus, lubusan nang mapapatawad ang mga kasalanan natin magpakailanman. Sa langit man o sa lupa ang pag-asa natin, masasamba nating lahat si Jehova sa espirituwal na templo niya, gaya ng susunod na tatalakayin natin.

ANG MGA LOOBAN

15. Sino ang naglilingkod noon sa looban ng tabernakulo?

15 Ang paraan ng pagsamba ng mga Judio. Iisa lang ang looban ng tabernakulo. Ang looban ay ang bakuran ng tabernakulo kung saan ginagawa ng mga saserdote ang mga tungkulin nila. Nandoon ang malaking tansong altar ng handog na sinusunog at ang tansong tipunan ng tubig kung saan naghuhugas ang mga saserdote bago sila maglingkod. (Ex. 30:​17-20; 40:​6-8) Pero ang mga templong itinayo nang bandang huli ay mayroon ding malaking looban kung saan puwedeng sumamba sa Diyos ang mga hindi saserdote.

16. Sino ang naglilingkod sa bawat looban ng espirituwal na templo?

16 Ang paraan ng pagsamba ng mga Kristiyano. Bago makasama ni Jesus sa langit ang mga pinahirang kapatid niya para maglingkod bilang mga saserdote, naglilingkod sila nang tapat dito sa lupa sa maliit na looban ng espirituwal na templo. Ipinapaalala sa kanila ng malaking tipunan ng tubig na dapat silang manatiling malinis sa moral at espirituwal. Kahilingan din iyan sa lahat ng Kristiyano. Pero saan naman sumasamba ang “malaking pulutong” na tapat na sumusuporta sa mga pinahirang kapatid ni Kristo? Nakita sila ni apostol Juan na “nakatayo sa harap ng trono.” Ibig sabihin, nasa lupa sila at nakatayo sa malaking looban, kung saan “gumagawa sila ng sagradong paglilingkod sa [Diyos] araw at gabi sa templo niya.” (Apoc. 7:​9, 13-15) Talagang ipinagpapasalamat natin na may lugar tayo sa kaayusan ni Jehova para sa dalisay na pagsamba!

PRIBILEHIYO NATING SUMAMBA KAY JEHOVA

17. Anong mga handog ang pribilehiyo nating ibigay kay Jehova?

17 Pribilehiyo ng lahat ng Kristiyano ngayon na ihandog kay Jehova ang kanilang panahon, lakas, at mga pag-aari para sa Kaharian niya. Gaya ng sinabi ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano, puwede tayong regular na “maghandog ng papuri sa Diyos, ang bunga ng mga labi natin na naghahayag sa mga tao ng pangalan niya.” (Heb. 13:15) Kung gagawin natin ang ating buong makakaya sa paghahandog kay Jehova, maipapakita nating mahalaga sa atin ang pribilehiyo nating sambahin siya.

18. Ayon sa Hebreo 10:​22-25, ano ang hindi natin dapat pabayaan at kalimutan?

18 Basahin ang Hebreo 10:​22-25. Sa bandang dulo ng liham ni Pablo sa mga Hebreo, binanggit niya ang mga bahagi ng pagsamba natin na hindi natin dapat pabayaan. Kasama dito ang pananalangin kay Jehova, pangangaral, pagpupulong, at pagpapatibay sa isa’t isa “nang higit pa habang nakikita nating papalapit na ang araw” ni Jehova. Sa bandang dulo naman ng aklat ng Apocalipsis, sinabi ng anghel ni Jehova: “Ang Diyos ang sambahin mo!” (Apoc. 19:10; 22:9) Dalawang beses itong sinabi ng anghel bilang pagdiriin. Huwag sana nating kalimutan ang malalim na katotohanan tungkol sa dakilang espirituwal na templo ni Jehova at ang pribilehiyo nating sambahin siya!

AWIT BLG. 88 Ipaalam Mo sa Akin ang Iyong mga Daan

a Ang dakilang espirituwal na templo ni Jehova ang isa sa malalalim na turo ng Salita ng Diyos. Saan iyon tumutukoy? Tatalakayin sa artikulong ito ang mga detalye tungkol sa templong iyon, na makikita sa aklat ng Hebreo. Mapalalim sana nito ang pagpapahalaga mo sa pribilehiyo mong sambahin si Jehova.

b Para sa sumaryo ng aklat ng Hebreo, panoorin ang video na Introduksiyon sa Hebreo na nasa jw.org.

c Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, sa aklat ng Hebreo lang tinukoy si Jesus na Mataas na Saserdote.

d Ayon sa isang reperensiya, malamang na umabot nang 84 ang naging mataas na saserdote sa Israel hanggang noong mawasak ang templo sa Jerusalem noong 70 C.E.

e Para malaman ang kahulugan ng mga ginagawa ng mataas na saserdote sa Araw ng Pagbabayad-Sala, panoorin ang video na Ang Tolda na nasa jw.org.

g Tingnan ang kahong “Paano Isiniwalat ng Espiritu ang Kahulugan ng Espirituwal na Templo” sa Bantayan, isyu ng Hulyo 15, 2010, p. 22.