Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

1924​—100 Taon Na ang Nakalipas

1924​—100 Taon Na ang Nakalipas

“ANG pasimula ng taon ay magandang panahon para sa bawat bautisadong Kristiyano . . . na humanap ng paraan para mapalawak ang paglilingkod nila sa Panginoon,” ang sabi sa Bulletin, a isyu ng Enero 1924. Nang taóng iyon, sinunod ng mga Estudyante ng Bibliya ang payong iyan sa dalawang paraan: Nagpakita sila ng lakas ng loob at nangaral sa iba’t ibang paraan.

NANGARAL GAMIT ANG RADYO

Sa loob ng mahigit isang taon, itinayo ng mga kapatid sa Bethel ang istasyon ng radyo na WBBR sa Staten Island, New York City. Una, inalis nila ang mga puno sa lugar na iyon. Pagkatapos, nagtayo sila ng bahay para sa mga magtatrabaho at ng hiwalay na building para sa mga equipment. Nang matapos nila ito, inayos na nila ang mga equipment para masimulan na ang pagbo-broadcast. Pero marami pa rin silang problema na kailangang solusyunan.

Sobrang hirap i-install ng pinaka-antenna ng istasyon. May haba ito na 91 metro, at kailangan itong isabit sa dalawang piraso ng kahoy na 61 metro ang taas. Hindi iyon nagawa sa unang subok. Pero dahil nagtiwala sila kay Jehova, nagawa rin nila iyon bandang huli. Sinabi ni Calvin Prosser, na kasama sa proyektong iyon, “Kung nagawa namin agad iyon sa unang subok, baka maisip namin na ang galing-galing namin.” Sigurado ang mga brother na nagawa nila iyon dahil kay Jehova. Pero may isa pa silang problema.

Itinatayo ang isa sa mga kahoy na pagsasabitan ng antenna ng WBBR

Nag-uumpisa pa lang noon ang pagbo-broadcast sa radyo, kaya mahirap pang makabili ng mga equipment para dito. Pero may nakita ang mga kapatid na segunda-manong 500-watt transmitter na magagamit nila. At imbes na bumili ng mikropono, ginamit nila ang mikroponong nasa telepono. Isang gabi noong Pebrero, sinubukan nilang paganahin ang equipment. Kailangan nilang mag-broadcast ng programa, kaya kumanta ang mga kapatid ng mga Kingdom song. Ikinuwento ni Ernest Lowe, isa sa mga brother na nandoon, ang nakakatawang nangyari noong araw na iyon. Sinabi niya na tinawagan sila ni Judge Rutherford. b Naririnig nito ang kinakanta nila sa radyo. Nasa Brooklyn noon si Brother Rutherford, na mga 25 kilometro ang layo.

“Itigil n’yo iyan,” ang sabi ni Brother Rutherford. “Para kayong nagsisigawan.” Nahiya ang mga kapatid kaya itinigil nila kaagad ang programa. Pero masaya sila kasi gumagana na ang radyo at puwede na silang mag-broadcast.

Pebrero 24, 1924 ang unang opisyal na pagbo-broadcast nila. Nagkaroon ng pahayag si Brother Rutherford para ialay ang istasyon “sa interes ng kaharian ng Mesiyas.” Sinabi niya na ang layunin ng istasyon ay “para tulungan ang lahat ng tao na maintindihan ang Bibliya at na malaman ng lahat na napakahalaga ng panahong kinabubuhayan natin.”

Kaliwa: Si Brother Rutherford na nasa pinakaunang studio

Kanan: Equipment na ginamit sa istasyon ng radyo

Tagumpay ang unang pagbo-broadcast. At sa sumunod na 33 taon, ginamit ang WBBR para i-broadcast ang mga programa ng mga lingkod ni Jehova.

LAKAS-LOOB NA IBINUNYAG ANG GINAGAWA NG MGA KLERO

Noong Hulyo 1924, nagtipon ang mga Estudyante ng Bibliya sa isang kombensiyon sa Columbus, Ohio. Nagsama-sama ang mga delegado mula sa iba’t ibang bansa. Narinig ang pahayag sa mga wikang Arabic, English, French, German, Greek, Hungarian, Italian, Lithuanian, Polish, Russian, at Ukrainian at sa mga wika sa Scandinavia. Naka-broadcast sa radyo ang ilang bahagi ng programa, at hinilingan ng mga kapatid ang Ohio State Journal na sumulat ng mga artikulo tungkol sa kombensiyon kada araw.

Kombensiyon sa Columbus, Ohio noong 1924

Noong Huwebes, Hulyo 24, mahigit 5,000 kapatid na dumalo sa kombensiyon ang nakibahagi sa pangangaral. Halos 30,000 aklat ang naipamahagi nila, at nakapagpasimula sila ng libo-libong Bible study. Tinawag ng The Watch Tower ang araw na ito na “pinakamasayang bahagi ng kombensiyon.”

May mahalaga pang nangyari sa kombensiyong iyon. Noong Biyernes, Hulyo 25, may dokumentong binasa si Brother Rutherford tungkol sa mga klero. Binanggit niya ang maling ginagawa ng mga lider ng relihiyon, politiko, at negosyante: Pinipigilan nilang malaman ng mga tao ang tungkol sa Kaharian ng Diyos na gagamitin ng Diyos para pagpalain ang mga tao. Sinabi rin niya na mali ang ginagawa ng mga taong ito dahil “sinusuportahan nila ang Liga ng mga Bansa at inaangking ito ang ‘ginagamit ng Diyos para mamahala sa lupa.’” Kailangan ng mga Estudyante ng Bibliya ang lakas ng loob para ipangaral ang mensaheng ito sa mga tao.

Pagkatapos ng kombensiyon, sinabi ng isang artikulo ng The Watch Tower na napatibay ang pananampalataya ng mga kapatid na dumalo sa kombensiyon. Lumakas ang loob nila na mangaral kahit pag-usigin sila. Sinabi ni Leo Claus, isa sa mga dumalo sa kombensiyon, “Pagkatapos ng asamblea, gustong-gusto na naming sabihin sa teritoryo namin ang mensaheng nasa dokumento.”

Kopya ng tract na Ecclesiastics Indicted

Noong Oktubre, nagsimulang mamahagi ang mga Estudyante ng Bibliya ng mga kopya ng tract na Ecclesiastics Indicted. Ito ang inimprentang bersiyon ng sinabi ni Brother Rutherford tungkol sa mga klero. Ipinamahagi ni Frank Johnson ang tract na ito sa maliit na bayan ng Cleveland, sa Oklahoma. Nang matapos na siya, 20 minuto pa siyang naghintay bago siya nasundo ng mga kapatid. Pero hindi siya puwedeng magtagal doon kasi hinahanap siya ng galít na mga tao dahil sa mga tract na ipinamahagi niya. Kaya habang naghihintay, nagtago muna siya sa isang malapit na simbahan. Walang tao doon kaya nag-iwan siya ng kopya ng tract sa Bibliya ng pastor at sa bawat upuan. Mabilisan niyang ginawa iyon. At dahil wala pa rin ang sundo niya, ginawa niya rin iyon sa dalawa pang simbahan.

Pagkatapos, bumalik na agad si Frank kung saan siya susunduin. Nagtago muna siya sa isang gasolinahan, at tinitingnan niya kung nasundan ba siya ng mga naghahanap sa kaniya. Nakita niyang dumaan ang mga ito, pero hindi nila siya napansin. Pagkaalis nila, dumating na ang mga kapatid na nangangaral sa kalapit na mga lugar para sunduin siya.

Ikinuwento ng isang brother: “Nang paalis na kami sa bayang iyon, nadaanan namin ang tatlong simbahan. At sa harap ng bawat simbahan, mga 50 tao ang nakatayo. Binabasa ng ilan ang tract, at itinataas naman ito ng iba para ipakita sa pastor nila. Buti na lang talaga, nakaalis kami kaagad! Sa tulong ni Jehova, naprotektahan kami at nalaman namin kung ano ang dapat naming gawin para hindi kami mahuli.”

LAKAS-LOOB NA NANGARAL SA IBA PANG MGA BANSA

Si Józef Krett

Lakas-loob ding nangaral ang mga Estudyante ng Bibliya sa iba pang mga bansa. Sa hilaga ng France, nangaral si Józef Krett sa mga minero na taga-Poland. Mayroon siyang iskedyul ng pahayag na may pamagat na “Malapit Nang Buhayin ang mga Patay.” Nang imbitahan ng mga kapatid sa pahayag ang mga tao doon, pinigilan ng isang pari doon ang mga miyembro niya na dumalo. Pero dahil sa ginawa niya, mahigit 5,000 ang dumalo sa pahayag, kasama na siya! Binigyan ng pagkakataon ni Brother Krett ang pari para ipagtanggol ang paniniwala nito, pero tumanggi ito. Pagkatapos ng pahayag, ipinamahagi ni Brother Krett sa mga tao ang lahat ng literatura na mayroon siya kasi gustong-gusto ng mga tao doon na matuto tungkol sa Salita ng Diyos.​—Amos 8:11.

Si Claude Brown

Sa Africa, ipinangaral ni Claude Brown ang mabuting balita sa Gold Coast, na kilala ngayon na Ghana. Dahil sa mga pahayag at literaturang ipinamahagi niya, mabilis na kumalat ang katotohanan sa bansang iyon. Si John Blankson, na nag-aaral para maging pharmacist, ay nakadalo sa isa sa mga pahayag ni Brother Brown. Kumbinsido agad siya na ito ang katotohanan. “Sobrang saya ko nang malaman ko ang katotohanan,” ang sabi niya, “at sinabi ko kaagad iyon sa mga kasama ko sa pharmacy school.”

Si John Blankson

Natutuhan ni John na hindi itinuturo ng Bibliya na ang Diyos ay Trinidad. Isang araw, bumisita siya sa isang simbahan para tanungin ang pari tungkol dito. Nagalit ang pari at sinigawan siya: “Hindi ka Kristiyano, demonyo ka. Umalis ka dito!”

Nang makauwi na si John, sumulat siya sa pari. Sa sulat, gusto niyang magkita sila sa isang lugar na maraming tao para ipaliwanag ng pari ang tungkol sa Trinidad. Pero hindi pumayag ang pari at pinapunta si John sa opisina ng prinsipal ng pharmacy school. Tinanong ng prinsipal kung talaga bang sumulat si John sa pari.

“Opo, Sir,” sabi ni John.

Sinabi ng prinsipal na sumulat ulit si John sa pari at mag-sorry. Kaya sumulat si John:

“Sir, sinabihan ako ng prinsipal na sumulat ulit sa inyo at mag-sorry. Pero gagawin ko lang ito kung aaminin ninyo na mali ang mga itinuturo ninyo.”

Nagulat ang prinsipal, at sinabi niya, “Blankson, iyan talaga ang isusulat mo?”

“Opo, Sir. Iyan po talaga ang gusto kong isulat.”

“Madi-dismiss ka niyan. Kung kakalabanin mo ang pari na sinusuportahan ng gobyerno natin, hindi ka na puwedeng mag-aral dito.”

“Pero, Sir, . . . ’di ba kapag nagtuturo kayo at mayroon kaming hindi naintindihan, normal lang na magtanong kami?”

“Oo naman.”

“Iyan lang naman po ang ginawa ko, Sir. Nagtuturo siya ng Bibliya at may itinanong po ako. Kaya bakit po ako magso-sorry dahil lang sa hindi niya masagot ang tanong ko?”

Hindi na-dismiss si Blankson, at hindi na rin siya kailangang sumulat para mag-sorry.

HANDA ANG MGA ESTUDYANTE NG BIBLIYA PARA SA MGA GAWAIN SA HINAHARAP

Sinabi ng The Watch Tower tungkol sa mga gawain noong taóng iyon: “Masasabi rin natin ang sinabi ni David: ‘Bibigyan mo ako ng lakas para sa pakikipagdigma.’ (Awit 18:39) Nakakapagpatibay ang taóng ito! Talagang nakita natin ang tulong ng ating Panginoon sa gawain . . . Masayang-masaya ang tapat na mga lingkod niya . . . na ipangaral ang mabuting balita.”

Bago matapos ang taon, nagplano ang mga kapatid na gumawa ng isa pang istasyon ng radyo. Itinayo ito sa Chicago, U.S.A. Tinawag ang istasyong ito na WORD. Gamit ang 5,000-watt na transmitter, nabo-broadcast ng WORD ang mensahe ng Kaharian sa malalayong lugar, kahit pa nga sa hilaga ng Canada.

Noong 1925, tinulungan ni Jehova ang mga Estudyante ng Bibliya na maintindihan ang mga bagong impormasyon tungkol sa Apocalipsis kabanata 12. Dahil sa bagong paliwanag na ito, natisod ang ilan at tumigil na sa paglilingkod kay Jehova. Pero masaya ang karamihan dahil naiintindihan na nila kung ano ang nangyari sa langit at kung paano ito nakakaapekto sa bayan ng Diyos dito sa lupa.

a Tinatawag ngayon na Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong.

b Si J. F. Rutherford, na nangunguna sa mga Estudyante ng Bibliya noong panahong iyon, ay nakilala bilang Judge Rutherford. Bago siya maglingkod sa Bethel, may panahong naging judge siya sa Eighth Judicial Circuit Court ng Missouri.