ARALING ARTIKULO 41
AWIT BLG. 13 Si Kristo ang Ating Huwaran
Ang Matututuhan Natin sa Huling 40 Araw ni Jesus sa Lupa
“Nakita nila siya sa loob ng 40 araw, at nagsasalita siya tungkol sa Kaharian ng Diyos.”—GAWA 1:3.
MATUTUTUHAN
Kung paano natin matutularan ang mga ginawa ni Jesus sa huling 40 araw niya sa lupa.
1-2. Ano ang mga nangyari noong papunta ang dalawang alagad ni Jesus sa Emaus?
NISAN 16, 33 C.E. noon. Lungkot na lungkot at natatakot ang mga alagad ni Jesus. Dalawa sa kanila ang umalis ng Jerusalem para pumunta sa Emaus, isang nayon na mga 11 kilometro ang layo mula sa Jerusalem. Lungkot na lungkot sila sa pagkamatay ni Jesus. Naglaho ang lahat ng inaasahan nilang gagawin ng Mesiyas para sa mga Judio. Pero may nangyaring hindi nila inaasahan.
2 Isang lalaki ang lumapit at naglakad kasama ng dalawang alagad. Ikinuwento nila sa lalaki ang nararamdaman nila sa nangyari kay Jesus. Pero may mga sinabi ang lalaki na hinding-hindi nila makakalimutan. “Pasimula kay Moises at sa lahat ng Propeta,” ipinaliwanag niya kung bakit kailangang magdusa at mamatay ang Mesiyas. Nang makarating na silang tatlo sa Emaus, nakilala na ng dalawang alagad kung sino talaga siya—ang binuhay-muling si Jesus! Isipin na lang kung gaano sila kasaya nang malaman nilang buháy ang Mesiyas!—Luc. 24:13-35.
3-4. Ano ang nangyari sa mga alagad ni Jesus, at ano ang matututuhan natin sa artikulong ito? (Gawa 1:3)
3 Noong huling 40 araw ni Jesus sa lupa, maraming beses siyang nagpakita sa mga alagad niya. (Basahin ang Gawa 1:3.) Pinatibay ni Jesus ang mga alagad niyang lungkot na lungkot at natatakot. Dahil dito, sumaya sila at nagkaroon ng lakas ng loob na ipangaral at ituro ang mabuting balita tungkol sa Kaharian. a
4 Marami tayong matututuhan sa mga ginawa ni Jesus noong mga panahong iyon. Sa artikulong ito, titingnan natin kung paano ginamit ni Jesus ang natitirang panahon niya para (1) patibayin ang mga alagad niya, (2) tulungan silang mas maintindihan ang Kasulatan, at (3) sanayin sila na maging handa sa mga atas na tatanggapin nila sa hinaharap. Habang tinatalakay natin ang mga iyan, tingnan kung paano natin matutularan si Jesus.
PATIBAYIN ANG IBA
5. Bakit kailangan ng mga alagad ni Jesus ang pampatibay?
5 Kailangan ng mga alagad ni Jesus ang pampatibay. Bakit? May ilan sa kanila na iniwan ang bahay nila, pamilya, at negosyo para maging tagasunod ni Jesus. (Mat. 19:27) May ilan naman na nakaranas ng di-magandang pagtrato mula noong maging alagad sila. (Juan 9:22) Ginawa nila ang mga sakripisyong ito kasi naniniwala silang si Jesus ang Mesiyas. (Mat. 16:16) Pero noong mamatay si Jesus, lungkot na lungkot sila at pinanghinaan ng loob kasi iniisip nilang hindi na mangyayari ang mga inaasahan nila.
6. Ano ang ginawa ni Jesus pagkatapos siyang buhaying muli?
6 Normal lang na malungkot ang mga alagad ni Jesus pagkamatay niya, at naiintindihan niya iyon. Alam niyang hindi iyon dahil sa wala silang pananampalataya. Kaya noong mismong araw na binuhay siya, pinatibay niya ang mga kaibigan niya. Halimbawa, nagpakita siya kay Maria Magdalena habang umiiyak ito malapit sa libingan niya. (Juan 20:11, 16) Nagpakita rin siya sa dalawang alagad niya na binanggit kanina. Pagkatapos, nagpakita siya kay apostol Pedro. (Luc. 24:34) Ano ang matututuhan natin sa ginawa ni Jesus? Tingnan ang nangyari nang magpakita siya kay Maria Magdalena.
7. Gaya ng mababasa sa Juan 20:11-16, ano ang nakita ni Jesus na ginagawa ni Maria noong umaga ng Nisan 16, at ano ang ginawa ni Jesus dahil dito? (Tingnan din ang larawan.)
7 Basahin ang Juan 20:11-16. Noong umaga ng Nisan 16, may mga babaeng pumunta sa libingan ni Jesus. (Luc. 24:1, 10) Si Maria Magdalena ang isa sa mga babae. Pagkarating niya sa libingan, wala na doon ang katawan ni Jesus. Tumakbo siya para sabihin ito kina Pedro at Juan, at sumunod din siya nang pumunta ang mga ito sa libingan. Nang makita nina Pedro at Juan na wala na talaga doon ang katawan ni Jesus, umuwi na sila. Pero naiwan doon si Maria at umiiyak. Nakikita siya ni Jesus at gusto siyang patibayin. Kaya nagpakita si Jesus sa kaniya, kinausap siya, at binigyan ng mahalagang atas na nagpatibay sa kaniya—inatasan siya ni Jesus na ibalita sa mga kapatid Niya ang tungkol sa pagkabuhay-muli Niya.—Juan 20:17, 18.
8. Paano natin matutularan si Jesus?
8 Kung paano natin matutularan si Jesus. Tinutularan natin si Jesus kapag pinapatibay natin ang mga kapatid para patuloy silang makapaglingkod kay Jehova. Gaya ni Jesus, iniisip natin ang pinagdadaanan ng iba at sinisikap nating maintindihan ang nararamdaman nila para mapatibay natin sila. Tingnan ang karanasan ng sister na si Jocelyn. Namatay ang kapatid niya sa isang aksidente. “Sa loob ng maraming buwan, sobrang lungkot ko,” ang sabi niya. Pero inimbitahan siya ng isang mag-asawa sa bahay nila. Nakinig sila sa kaniya, inunawa ang sitwasyon niya, at tiniyak sa kaniya na mahalaga siya kay Jehova. Sinabi ni Jocelyn: “Parang hindi ko na kaya noon; para akong nasa gitna ng dagat habang bumabagyo. Pero ginamit ni Jehova ang mga kapatid na ito para iligtas ako. Nakatulong sila sa akin para patuloy akong makapaglingkod kay Jehova.” Matutulungan din natin ang iba kung makikinig tayo nang mabuti habang sinasabi nila ang mga pinagdadaanan nila at kung uunawain muna natin ang sitwasyon nila bago tayo magsalita. Kung gagawin natin iyan, mapapatibay natin silang patuloy na maglingkod kay Jehova.—Roma 12:15.
TULUNGAN ANG IBA NA MAINTINDIHAN ANG KASULATAN
9. Ano ang hindi maintindihan ng mga alagad ni Jesus, at paano niya sila tinulungan?
9 Naniniwala ang mga alagad ni Jesus sa Salita ng Diyos, at ginawa nila ang buong makakaya nila para masunod ito. (Juan 17:6) Pero hindi nila maintindihan kung bakit namatay si Jesus na gaya ng isang kriminal. Alam ni Jesus na may pananampalataya naman ang mga alagad niya at mahal nila si Jehova. Kailangan lang nilang mas maintindihan ang Kasulatan. (Luc. 9:44, 45; Juan 20:9) Kaya tinulungan niya silang maintindihan ang mga nababasa nila. Tingnan natin kung paano iyan ginawa ni Jesus nang magpakita siya sa dalawang alagad niya na papunta sa Emaus.
10. Paano nakumbinsi ni Jesus ang mga alagad niya na siya talaga ang Mesiyas? (Lucas 24:18-27)
10 Basahin ang Lucas 24:18-27. Hindi agad sinabi ni Jesus sa dalawang alagad kung sino siya. Nagtanong muna siya sa kanila. Bakit niya ito ginawa? Malamang na gusto niyang sabihin nila ang iniisip nila. At iyon nga ang ginawa nila. Sinabi nila na inaasahan nilang ililigtas ni Jesus ang Israel sa mga Romano. Nang masabi na nila ito, ginamit ni Jesus ang Kasulatan para tulungan silang maintindihan ang nangyari. b Kinagabihan, nagpakita rin si Jesus sa iba pang alagad at ipinaliwanag din sa kanila ang mga katotohanang ito. (Luc. 24:33-48) Ano ang matututuhan natin sa paraan ni Jesus?
11-12. (a) Ano ang matututuhan natin sa paraan ni Jesus ng pagtuturo sa mga katotohanan sa Bibliya? (Tingnan din ang mga larawan.) (b) Paano natulungan si Nortey ng nagba-Bible study sa kaniya?
11 Kung paano natin matutularan si Jesus. Kapag nagtuturo, gumamit ng mga tanong para masabi ng bina-Bible study mo ang nasa isip at puso niya. (Kaw. 20:5) Kapag nalaman mo na ang nasa isip niya, tulungan siya kung paano mahahanap sa Bibliya ang mga tekstong makakatulong sa kaniya. Huwag sabihin sa kaniya kung ano ang dapat niyang gawin. Tulungan lang siya na maintindihan ang sinasabi ng Bibliya at mapag-isipan kung paano niya ito magagamit sa buhay niya. Tingnan ang karanasan ng brother na si Nortey, na nakatira sa Ghana.
12 Nagsimulang mag-Bible study si Nortey noong 16 years old siya. Di-nagtagal, pinag-usig siya ng pamilya niya. Ano ang nakatulong sa kaniya na magpatuloy? Ginamit ng brother na nagba-Bible study sa kaniya ang Mateo kabanata 10 para ipaliwanag na talagang pag-uusigin ang mga tunay na Kristiyano. Sinabi ni Nortey, “Nang pag-usigin ako, nakumbinsi akong ito ang katotohanan.” Ipinakita rin ng brother ang sinasabi sa Mateo 10:16 na dapat maging maingat. Pagkatapos, pinag-usapan nila ang tekstong ito. Makakatulong ito kay Nortey para maipaliwanag niya sa pamilya niya sa magalang na paraan ang mga paniniwala niya. Nang mabautismuhan siya, gusto niyang magpayunir, pero inaasahan ng tatay niya na magka-college siya. Hindi sinabi ng brother kay Nortey ang dapat niyang gawin. Gumamit ito ng mga tanong para mapag-isipan ni Nortey ang mga prinsipyo sa Bibliya at makagawa siya ng tamang desisyon. Ang resulta? Nagdesisyon si Nortey na magpayunir. Dahil dito, pinalayas siya ng tatay niya. Ano ang epekto nito sa kaniya? “Sigurado akong tama ang naging desisyon ko,” ang sabi niya. Kung tutulungan din natin ang iba na pag-isipan ang Kasulatan, makakatulong ito para tumibay ang pananampalataya nila at makapagpatuloy sila sa paglilingkod kay Jehova.—Efe. 3:16-19.
SANAYIN ANG MGA BROTHER PARA MAGING PAGPAPALA SA IBA
13. Ano ang ginawa ni Jesus para masiguradong magpapatuloy ang gawaing pangangaral kahit umakyat na siya sa langit? (Efeso 4:8)
13 Noong nasa lupa si Jesus, perpekto niyang nagawa ang atas na ibinigay sa kaniya ng Ama niya. (Juan 17:4) Pero hindi inisip ni Jesus, ‘Mas maganda ang kakalabasan ng trabaho kung ako mismo ang gagawa nito.’ Sa tatlo-at-kalahating-taóng ministeryo niya dito sa lupa, nagsanay rin siya ng iba para sa gawaing ito. May tiwala si Jesus sa mga alagad niya. Bago siya umakyat sa langit, inatasan niya sila na ipangaral at ituro ang mabuting balita at pangalagaan ang mga tupa ni Jehova. (Basahin ang Efeso 4:8.) Posibleng nasa 20’s ang ilan sa mga alagad na inatasan para manguna sa gawaing ito. Masisipag sila at tapat kay Jesus. Pero sa huling 40 araw niya sa lupa, sinanay niya pa sila para maging pagpapala, o “regalo,” sa iba. Paano niya iyon ginawa?—Tingnan ang study note sa Efeso 4:8.
14. Paano sinanay ni Jesus ang mga alagad niya noong huling 40 araw niya sa lupa? (Tingnan din ang larawan.)
14 Deretsahang pinayuhan ni Jesus ang mga alagad niya sa mabait na paraan. Halimbawa, may ilan sa kanila na nagdududa kung talaga bang binuhay siyang muli. Kaya pinayuhan niya sila. (Luc. 24:25-27; Juan 20:27) Sinabi rin niya sa kanila na magpokus sa pangangalaga sa mga tupa ni Jehova imbes na sa mga negosyo nila. (Juan 21:15) Ipinaalala niya sa kanila na huwag ikumpara ang mga pribilehiyo nila sa pribilehiyong natatanggap ng iba. (Juan 21:20-22) Itinuwid din niya ang maling mga iniisip nila tungkol sa Kaharian at tinulungan silang magpokus sa pangangaral ng mabuting balita. (Gawa 1:6-8) Ano ang matututuhan ng mga elder kay Jesus?
15-16. (a) Ano ang ilang paraan para matularan ng mga elder si Jesus? Ipaliwanag. (b) Paano nakatulong kay Patrick ang payong ibinigay sa kaniya?
15 Kung paano matutularan ng mga elder si Jesus. Kailangan nilang sanayin at tulungan ang mga brother, kasama na ang mga kabataan, na maging kuwalipikado sa mas mabibigat na pananagutan sa kongregasyon. c Alam ng mga elder na marami pang kailangang matutuhan ang mga sinasanay nila. Dapat silang magbigay ng payo sa mabait na paraan para matuto ang mga brother na maging mapagpakumbaba, maaasahan, at handang maglingkod sa iba.—1 Tim. 3:1; 2 Tim. 2:2; 1 Ped. 5:5.
16 Tingnan kung paano nakatulong sa brother na si Patrick ang payo sa kaniya. Noong mas bata pa siya, masakit siyang magsalita at walang konsiderasyon, kahit sa mga sister. Napansin ng isang elder ang mga kahinaan ni Patrick, kaya sa mabait na paraan, deretsahan niya itong pinayuhan. “Buti na lang, ginawa niya iyon,” ang sabi ni Patrick. “Dati, naiinggit ako sa mga brother na nakakatanggap ng pribilehiyong gustong-gusto ko. Pero dahil sa payong ibinigay sa akin, natutuhan ko na mas mahalagang maging mapagpakumbaba at maglingkod sa mga kapatid imbes na magpokus sa pagkakaroon ng pribilehiyo sa kongregasyon.” Dahil dito, naging elder si Patrick noong nasa early 20’s siya.—Kaw. 27:9.
17. Paano ipinakita ni Jesus na nagtitiwala siya sa mga alagad niya?
17 Hindi lang pangangaral ang atas na ibinigay ni Jesus sa mga alagad niya, kailangan din nilang magturo. (Tingnan ang study note na “itinuturo sa kanila” sa Mateo 28:20.) Posibleng naisip ng mga alagad na hindi nila kaya ang ipinapagawa sa kanila. Pero nagtitiwala si Jesus na magagawa nila iyon. Makikita iyon sa sinabi niya: “Kung paanong isinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo.”—Juan 20:21.
18. Paano matutularan ng mga elder si Jesus?
18 Kung paano matutularan ng mga elder si Jesus. Nagagawang sanayin ng makaranasang mga elder ang mga brother kapag pinagkakatiwalaan nila ng atas ang mga ito. (Fil. 2:19-22) Halimbawa, puwedeng isama ng mga elder ang mga kabataan sa paglilinis at pagmamantini ng Kingdom Hall. Kapag nagbigay ng atas ang elder sa isang brother, dapat niyang ituro kung paano ito gagawin at magtiwala na magagawa ito ng sinasanay niya. Talagang ipinagpapasalamat ng bagong elder na si Matthew na sinanay siya ng mga elder na gawin ang iba’t ibang atas sa kongregasyon. Napahalagahan din niya na talagang nagtitiwala silang magagawa niya iyon. Sinabi niya, “Kapag may nagagawa akong mali, ipinaparamdam nila sa akin na bahagi lang ito ng pagsasanay at tinutulungan nila ako kung paano ito mai-improve.” d
19. Ano ang dapat na maging determinasyon natin?
19 Ginamit ni Jesus ang huling 40 araw niya sa lupa para magpatibay, magturo, at magsanay. Maging determinado sana tayong tularan ang halimbawa niya. (1 Ped. 2:21) Siguradong tutulungan niya tayong magawa ito kasi nangako siya: “Makakasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito.”—Mat. 28:20.
AWIT BLG. 15 Purihin ang Panganay ni Jehova!
a Makikita sa mga Ebanghelyo at iba pang aklat ng Bibliya ang mga pagkakataong nagpakita ang binuhay-muling si Jesus sa mga alagad niya. Nagpakita siya kay Maria Magdalena (Juan 20:11-18); sa iba pang babae (Mat. 28:8-10; Luc. 24:8-11); sa 2 alagad (Luc. 24:13-15); kay Pedro (Luc. 24:34); sa mga apostol, pero hindi kasama si Tomas (Juan 20:19-24); sa mga apostol, kasama na si Tomas (Juan 20:26); sa 7 alagad (Juan 21:1, 2); sa mahigit 500 alagad (Mat. 28:16; 1 Cor. 15:6); sa kapatid niyang si Santiago (1 Cor. 15:7); sa lahat ng apostol (Gawa 1:4); at sa mga apostol noong malapit sila sa Betania. (Luc. 24:50-52) Posibleng nagpakita rin siya sa iba pang tagasunod niya, pero wala nang ulat dito ang Bibliya.—Juan 21:25.
b Para sa listahan ng mga hula tungkol sa Mesiyas, tingnan ang artikulong “Pinatutunayan Ba ng mga Hula sa Bibliya na si Jesus ang Mesiyas?” na nasa jw.org.
c Sa ilang pagkakataon, posibleng atasan bilang tagapangasiwa ng sirkito ang mga kuwalipikadong brother kahit nasa mid-hanggang-late 20’s pa lang sila. Pero siyempre, dapat munang magkaroon ng karanasan bilang elder ang mga brother na ito.
d Para sa higit pang impormasyon kung paano tutulungan ang mga kabataang brother na maging kuwalipikado sa mga pananagutan sa kongregasyon, tingnan ang Bantayan, isyu ng Agosto 2018, p. 11-12, par. 15-17, pati na ang isyu ng Abril 15, 2015, p. 3-13.
e LARAWAN: Nang maintindihan ng isang Bible study ang sinasabi ng Bibliya, nagdesisyon siyang itapon ang mga dekorasyon para sa Pasko.