ARALING ARTIKULO 42
AWIT BLG. 103 Mga Pastol—Regalo ng Diyos
Ipakita ang Pasasalamat sa ‘mga Taong Ibinigay Bilang Regalo’
“Nang umakyat siya sa kaitaasan, . . . may ibinigay siyang mga tao bilang regalo.”—EFE. 4:8.
MATUTUTUHAN
Kung paano tayo tinutulungan ng mga ministeryal na lingkod, elder, at tagapangasiwa ng sirkito at kung paano natin maipapakita ang pasasalamat sa mga tapat na lalaking ito.
1. Ano ang ilan sa mga regalong tinanggap natin mula kay Jesus?
WALANG taong makakapantay sa pagiging mapagbigay ni Jesus. Noong nasa lupa siya, madalas niyang gamitin ang kapangyarihan niya para tulungan ang iba. (Luc. 9:12-17) Nang ibigay niya ang buhay niya para sa atin, naibigay niya ang pinakamahalagang regalo na puwede nating matanggap. (Juan 15:13) Kahit noong matapos siyang buhaying muli, patuloy pa rin siyang naging mapagbigay. Gaya ng ipinangako ni Jesus, hiniling niya kay Jehova na bigyan tayo ng banal na espiritu para maturuan at mapatibay tayo. (Juan 14:16, 17, tlb.; 16:13) At sa mga pulong natin sa kongregasyon, patuloy na ibinibigay ni Jesus ang mga kailangan natin para makagawa tayo ng mga alagad sa buong mundo.—Mat. 28:18-20.
2. Sino ang mga tinutukoy sa Efeso 4:7, 8 na ‘mga taong ibinigay bilang regalo’?
2 May ibinigay pang regalo si Jesus sa atin. Isinulat ni apostol Pablo na noong umakyat si Jesus sa langit, “may ibinigay siyang mga tao bilang regalo.” (Basahin ang Efeso 4:7, 8.) Ipinaliwanag ni Pablo na ibinigay ni Jesus ang mga lalaking ito para suportahan ang kongregasyon sa iba’t ibang paraan. (Efe. 1:22, 23; 4:11-13) Sa ngayon, kasama sa mga regalong ito ang mga ministeryal na lingkod, elder sa kongregasyon, at tagapangasiwa ng sirkito. a Siyempre, hindi sila perpekto, kaya puwede pa rin silang magkamali. (Sant. 3:2) Pero ginagamit sila ng Panginoong Jesu-Kristo para tulungan tayo; regalo niya sila sa atin.
3. Magbigay ng ilustrasyon kung paanong tayong lahat, puwedeng makasuporta sa ‘mga taong ibinigay bilang regalo.’
3 Inatasan ni Jesus ang ‘mga taong ibinigay bilang regalo’ para patibayin ang kongregasyon. (Efe. 4:12) Pero lahat tayo, may magagawa para tulungan sila sa napakahalagang atas nila. Tingnan ang ilustrasyong ito. Isipin ang pagtatayo ng Kingdom Hall. May ilan na aktuwal na tumutulong sa pagtatayo. Pero may ilan naman na sumusuporta sa kanila—naglalaan ng pagkain, transportasyon, at iba pang kailangan nila. Ganiyan din sa mga gawain sa kongregasyon. Totoo, ang mga ministeryal na lingkod, elder, at tagapangasiwa ng sirkito ang ginagamit para dito. Pero lahat tayo, makakasuporta sa kanila sa mga sinasabi at ginagawa natin. Tingnan natin ngayon kung paano tayo nakikinabang sa mga paglilingkod nila. Titingnan din natin kung paano natin maipapakita ang pasasalamat sa kanila at kay Jesus, na ‘nagbigay sa atin ng mga taong ito bilang regalo.’
MGA MINISTERYAL NA LINGKOD—“TUMUTULONG SA IBA”
4. Ano ang ilan sa mga gawain ng mga ministeryal na lingkod noon ang nakatulong sa mga Kristiyano?
4 Noong unang siglo, may ilang lalaki sa kongregasyon na inatasan bilang mga ministeryal na lingkod. (1 Tim. 3:8) Lumilitaw na sila ang tinutukoy ni Pablo sa 1 Corinto 12:28 na “tumutulong sa iba.” Kaya malamang na sila ang nag-aasikaso ng ibang mahahalagang gawain para makapagpokus sa pagtuturo at pagpapastol ang matatandang lalaki sa kongregasyon. Halimbawa, posibleng tumutulong ang mga ministeryal na lingkod sa paggawa ng mga kopya ng Kasulatan o sa pagbili ng mga materyales para dito.
5. Ano ang ilan sa mga gawain ng mga ministeryal na lingkod ngayon?
5 Tingnan ang ilan sa mahahalagang gawain ng mga ministeryal na lingkod na nakakatulong sa kongregasyon ninyo. (1 Ped. 4:10) Inaatasan ang ilan na mag-asikaso ng accounts ng kongregasyon, rekord ng mga teritoryo, o mga publikasyong gagamitin ng mga kapatid. Inaatasan naman ang iba na mag-operate ng audio/video, maging attendant, o tumulong sa pagmamantini ng Kingdom Hall. Napakahalaga ng mga ito para maging organisado ang mga gawain sa kongregasyon. (1 Cor. 14:40) Bukod diyan, nagpapahayag din ang ilan sa kanila at gumaganap ng mga bahagi sa Pulong Para sa Buhay at Ministeryo. Puwede rin silang atasan na maging assistant ng tagapangasiwa ng grupo. At kung minsan, may mga kuwalipikadong ministeryal na lingkod na isinasama ng mga elder sa pagse-shepherding.
6. Ano ang ilang dahilan kung bakit gusto nating pasalamatan ang masisipag na ministeryal na lingkod?
6 Ano ang ipinagpapasalamat ng ilang kapatid sa mga ministeryal na lingkod? “Salamat sa mga MS namin, nae-enjoy ko ang mga pulong,” ang sabi ni Beberly, b isang sister sa Bolivia. “Dahil sa pag-aasikaso nila, nakakakanta ako, nakakapagkomento, nakakapakinig sa mga pahayag, at natututo sa mga video at artwork. Tinitiyak din nila na ligtas ang mga dumadalo sa pulong at may videoconference para sa mga hindi makakadalo in person. Pagkatapos ng pulong, nangunguna sila sa paglilinis, tumutulong sa accounts, at sinisiguradong available ang mga publikasyon. Talagang nagpapasalamat ako sa kanila!” Ganito naman ang sinabi ni Leslie, na asawa ng isang elder na taga-Colombia: “Buti na lang, nandiyan ang mga MS para tulungan ang asawa ko. Kung wala sila, siguradong sobrang busy niya. Kaya talagang nagpapasalamat ako sa kasipagan nila at sa kagustuhan nilang tumulong.” Siguradong iyan din ang nararamdaman mo sa mga ginagawa ng mga ministeryal na lingkod!—1 Tim. 3:13.
7. Paano natin maipapakita na nagpapasalamat tayo sa mga ministeryal na lingkod? (Tingnan din ang larawan.)
7 Baka sa isip natin, pinapahalagahan naman natin ang mga ministeryal na lingkod. Pero nagpapayo ang Bibliya: “Ipakita ninyong mapagpasalamat kayo.” (Col. 3:15) Ganito ipinapakita ni Krzysztof, isang elder sa Finland, ang pasasalamat niya sa mga ministeryal na lingkod, “Nagpapadala ako ng card o text message na may teksto, at espesipiko kong inilalagay kung paano ako napatibay ng isang MS o kung bakit ako nagpapasalamat sa mga ginawa niya.” Madalas namang ipinapanalangin ng mag-asawang Pascal at Jael, na nakatira sa New Caledonia, ang mga ministeryal na lingkod. Sinabi ni Pascal: “Nitong nakaraan, laging laman ng mga panalangin namin ang mga brother na ito sa kongregasyon. Ipinagpapasalamat namin sila kay Jehova at hinihiling na tulungan sila.” Pinapakinggan ni Jehova ang ganitong mga panalangin, at nakikinabang ang buong kongregasyon.—2 Cor. 1:11.
MGA ELDER SA KONGREGASYON—“NAGPAPAGAL SA GITNA NINYO”
8. Bakit sinabi ni Pablo na “nagpapagal” ang matatandang lalaki noong unang siglo? (1 Tesalonica 5:12, 13)
8 Nagpapagal para sa kongregasyon ang matatandang lalaki noong unang siglo. (Basahin ang 1 Tesalonica 5:12, 13; 1 Tim. 5:17) Sila ang “nangunguna” sa kongregasyon—pinapangasiwaan nila ang mga pulong at gumagawa sila ng mga desisyon bilang lupon ng matatanda. Nagbibigay rin sila ng espesipikong mga payo sa mga kapatid para maprotektahan ang kongregasyon. Ginagawa nila iyon sa maibiging paraan. (1 Tes. 2:11, 12; 2 Tim. 4:2) Siyempre, nandiyan pa rin ang pananagutan nila na paglaanan ang pamilya nila at ingatan ang kaugnayan nila kay Jehova.—1 Tim. 3:2, 4; Tito 1:6-9.
9. Ano ang ilan sa mga pananagutan ng mga elder?
9 Maraming gawain ang mga elder sa ngayon. Mga ebanghelisador sila. (2 Tim. 4:5) Nagpapakita sila ng magandang halimbawa sa ministeryo, inoorganisa nila ang pangangaral sa teritoryo nila, at sinasanay ang mga kapatid na mangaral at magturo. Naglilingkod din sila bilang mga hukom, na maawain at hindi nagtatangi. Kapag may kapatid na nakagawa ng malubhang kasalanan, sinisikap ng mga elder na tulungan siyang maayos ang kaugnayan niya kay Jehova. Pero siyempre, tinitiyak rin nilang mapapanatiling malinis ang kongregasyon. (1 Cor. 5:12, 13; Gal. 6:1) Pangunahin na, kilala ang mga elder bilang mga pastol. (1 Ped. 5:1-3) Sinisikap nilang magbigay ng pinaghandaang mga pahayag, makilala ang lahat ng kapatid sa kongregasyon, at makapag-shepherding. May ilang elder din na tumutulong sa construction at maintenance ng mga Kingdom Hall, pag-oorganisa ng mga kombensiyon, at gawain ng mga Hospital Liaison Committee at Patient Visitation Group. Karagdagang atas nila ang mga ito, bukod pa sa mga ginagawa nila sa kongregasyon. Talagang nagpapagal nang husto ang mga elder!
10. Ano ang ilang dahilan kung bakit gusto nating pasalamatan ang masisipag na elder?
10 Inihula ni Jehova na may mga pastol na mag-aalaga sa atin at “hindi na [tayo] matatakot o masisindak.” (Jer. 23:4) Totoong-totoo iyan kay Johanna, isang sister sa Finland, nang magkaroon ng malubhang sakit ang nanay niya. Sinabi niya: “Nahihirapan akong ikuwento sa iba ang nararamdaman ko. Pero may isang elder na hindi ko masyadong ka-close ang matiyagang nakinig sa akin nang handa na akong magkuwento. Nanalangin din siyang kasama ko, at tiniyak niya sa akin na mahal ako ni Jehova. Hindi ko na maalala ang mga sinabi niya, pero tandang-tanda ko na napanatag ako nang mga panahong iyon. Sigurado akong ginamit siya ni Jehova para tulungan ako.” Ikaw, paano ka natulungan ng mga elder sa kongregasyon ninyo?
11. Paano natin maipapakita na nagpapasalamat tayo sa mga elder? (Tingnan din ang larawan.)
11 Gusto ni Jehova na ipakita natin sa mga elder na talagang nagpapasalamat tayo “dahil sa ginagawa nila.” (1 Tes. 5:12, 13) Sinabi ni Henrietta, na taga-Finland: “Laging handang tumulong ang mga elder. Pero hindi ibig sabihin nito na mas marami silang panahon at lakas kaysa sa iba o na wala silang mga problema sa buhay. Minsan, sinasabi ko sa mga elder: ‘Ang husay po ninyo. Gusto ko pong malaman ninyo iyan.’” Sinabi naman ni Sera, isang sister sa Türkiye: c “Kailangan ng mga elder ang pampatibay. Para itong gasolina na tutulong sa kanila na makapagpatuloy. Kaya puwede natin silang bigyan ng thank-you card, imbitahang kumain, o samahan sa ministeryo.” May elder ka bang naiisip na gusto mong pasalamatan? Humanap ng mga paraan para magawa iyan.—1 Cor. 16:18.
MGA TAGAPANGASIWA NG SIRKITO—NAGPAPATIBAY SA IBA
12. Anong kaayusan noong unang siglo ang nagpatibay sa mga kongregasyon? (1 Tesalonica 2:7, 8)
12 May isa pang grupo ng mga lalaki na inatasan para magpatibay sa kongregasyon. Sa pamamagitan ng matatandang lalaki sa Jerusalem, isinugo ni Kristo Jesus sina Pablo, Bernabe, at ang iba pa bilang mga naglalakbay na tagapangasiwa. (Gawa 11:22) Bakit sila isinugo? Gaya rin ng dahilan kung bakit nag-aatas ng mga ministeryal na lingkod at elder: para patibayin ang mga kongregasyon. (Gawa 15:40, 41) Maraming isinakripisyo ang mga lalaking ito para magawa ang atas nila. May mga pagkakataon pa ngang kailangan nilang isapanganib ang buhay nila para patuloy na makapagturo at mapatibay ang iba.—Basahin ang 1 Tesalonica 2:7, 8.
13. Ano ang ilan sa mga pananagutan ng mga tagapangasiwa ng sirkito?
13 Laging naglalakbay ang mga tagapangasiwa ng sirkito. May ilan na bumibiyahe nang daan-daang kilometro para makapunta sa mga kongregasyon. Linggo-linggo, nagpapahayag sila, nagse-shepherding, nangangasiwa sa meeting ng mga payunir at elder, at nangunguna sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan. Nag-oorganisa rin sila ng mga pansirkitong asamblea at kombensiyon at naghahanda ng mga pahayag para dito. Nagtuturo sila sa mga pioneer school at nagsasaayos ng special meeting ng mga payunir sa sirkito. At kung minsan, may biglaang atas na ibinibigay ang tanggapang pansangay na kailangan nilang unahin.
14. Ano ang ilang dahilan kung bakit gusto nating pasalamatan ang masisipag na tagapangasiwa ng sirkito?
14 Paano nakikinabang ang mga kongregasyon sa mga ginagawa ng mga tagapangasiwa ng sirkito? Ganito ang sinabi ng isang brother sa Türkiye tungkol sa pagdalaw ng mga naglalakbay na tagapangasiwa: “Sa bawat pagdalaw nila, napapatibay ako na mas maglaan ng panahon sa pagtulong sa mga kapatid. Marami na akong nakilalang CO, pero kahit kailan, hindi ko naramdaman sa kanila na hindi sila puwedeng lapitan o napaka-busy nila.” Naka-partner ni Johanna, na binanggit kanina, ang isang tagapangasiwa ng sirkito sa ministeryo. Wala silang nakausap. “Pero,” ang sabi niya, “hindi ko makakalimutan ang araw na iyon. Kakaalis lang sa amin ng mga ate ko, at miss na miss ko na sila. Tinulungan ako ng CO na makita na ngayon lang natin hindi makakasama palagi ang mga kapamilya at kaibigan natin. Kasi sa bagong sanlibutan, napakarami nating pagkakataon na makasama sila.” Siguradong marami rin sa atin ang napatibay ng mga tagapangasiwa ng sirkito.—Gawa 20:37–21:1.
15. (a) Base sa 3 Juan 5-8, paano natin maipapakita na nagpapasalamat tayo sa mga tagapangasiwa ng sirkito? (Tingnan din ang larawan.) (b) Bakit dapat nating ipakita na nagpapasalamat tayo sa asawa ng mga inatasang lalaki, at paano natin iyon magagawa? (Tingnan ang kahong “ Pahalagahan ang Asawa Nila.”)
15 Sinabi ni apostol Juan kay Gayo na maging mapagpatuloy sa dumadalaw na mga kapatid at ‘asikasuhin silang mabuti, sa paraang kalugod-lugod sa Diyos.’ (Basahin ang 3 Juan 5-8.) Para magawa iyan, puwede nating imbitahang kumain ang tagapangasiwa ng sirkito, o kaya naman, suportahan ang mga kaayusan sa ministeryo sa panahon ng dalaw niya. Ganito naman ipinakita ni Leslie, na binanggit kanina, ang pasasalamat niya: “Ipinapanalangin ko kay Jehova na sana, ilaan niya ang pangangailangan nila. Nagpapadala rin kami ng asawa ko ng sulat at sinasabi naming talagang napatibay kami sa dalaw nila.” Tandaan, tao rin ang mga tagapangasiwa ng sirkito. Nagkakasakit din sila, nag-aalala, at puwede ring masiraan ng loob. Hindi mo alam, baka ang simpleng pasasalamat o maliit na regalo mo ang sagot sa panalangin ng tagapangasiwa ng sirkito ninyo.—Kaw. 12:25.
KAILANGAN NATIN NG MGA INATASANG BROTHER
16. Base sa Kawikaan 3:27, ano ang puwedeng itanong ng mga brother sa sarili nila?
16 Sa buong mundo, kailangan pa natin ng mas maraming inatasang brother. Kung isa kang bautisadong brother, makakatulong ka ba sa ganitong paraan? (Basahin ang Kawikaan 3:27.) Inaabot mo ba ang mga kuwalipikasyon sa pagiging ministeryal na lingkod? Kung isa ka nang ministeryal na lingkod, sinisikap mo bang maging elder para mas matulungan ang mga kapatid? d Handa ka bang gumawa ng mga pagbabago para makapag-apply sa School for Kingdom Evangelizers? Tutulong ang paaralang ito sa iyo para mas magamit ka pa nang husto ni Jesus. Kung sa tingin mo, hindi mo kayang abutin ang mga pribilehiyong iyan, manalangin kay Jehova. Humingi sa kaniya ng banal na espiritu para magawa mo ang anumang atas na ibigay sa iyo.—Luc. 11:13; Gawa 20:28.
17. Dahil sa ‘mga taong ibinigay bilang regalo,’ ano ang ipinapakita nito tungkol sa Hari nating si Kristo Jesus?
17 Dahil sa ‘mga taong ibinigay ni Jesus bilang regalo,’ patunay iyan na nandiyan siya para manguna sa atin sa mga huling araw na ito. (Mat. 28:20) Talagang nagpapasalamat tayo dahil mapagmahal at mapagbigay ang Hari natin. Alam niya ang mga pangangailangan natin, at naglaan siya ng mga kuwalipikadong brother na mangangalaga sa atin. Kaya humanap ng mga pagkakataon para ipakita ang pasasalamat mo sa masisipag na lalaking ito. Huwag din nating kalimutang pasalamatan si Jehova, ang Pinagmumulan ng ‘bawat mabuting kaloob at bawat perpektong regalo.’—Sant. 1:17.
AWIT BLG. 99 Ang Ating Buong Kapatiran
a Kasama rin sa ‘mga taong ibinigay bilang regalo’ ang mga elder na naglilingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala, katulong ng Lupong Tagapamahala, miyembro ng Komite ng Sangay, pati na ang gumaganap ng iba pang mga atas sa paglilingkod.
b Binago ang ilang pangalan.
c Dating Turkey.
d Para sa higit pang impormasyon kung paano magiging kuwalipikado bilang ministeryal na lingkod o elder, tingnan ang mga artikulong “Mga Brother—Sinisikap Ba Ninyong Maging Ministeryal na Lingkod?” at “Mga Brother—Sinisikap Ba Ninyong Maging Elder?” sa Bantayan, isyu ng Nobyembre 2024.