ARALING ARTIKULO 43
AWIT BLG. 90 Patibayin ang Isa’t Isa
Kung Paano Maaalis ang Pagdududa
“Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay.”—1 TES. 5:21.
MATUTUTUHAN
Kung paano maaalis ang mga pagdududa na puwedeng makaapekto sa paglilingkod natin kay Jehova.
1-2. (a) Ano ang ilang pagdududa na naiisip ng mga lingkod ni Jehova? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
ANUMAN ang edad natin, may mga pagkakataong nagdududa a tayo. Halimbawa, isipin ang isang kabataang Saksi na nagdududa kung talaga bang mahalaga siya kay Jehova. Dahil dito, baka nag-aalangan siyang magpabautismo. Isipin din ang isang brother na inuna si Jehova sa buhay niya noong kabataan siya imbes na magkaroon ng career sa mundo. Ngayong adulto na siya, nagdududa siya kung tama ba ang naging desisyon niya dahil saktuhan lang ang pera nila para makaraos araw-araw. Isipin naman ang isang may-edad na sister na mahina na. Baka nasisiraan siya ng loob kasi hindi na niya nagagawa ang nagagawa niya dati. Minsan ba, naitanong mo na rin sa sarili mo: ‘Talaga bang mahalaga ako kay Jehova? Sulit ba ang mga isinakripisyo ko para sa kaniya? May nagagawa pa ba ako para sa kaniya?’
2 Kung hindi natin aalamin ang sagot sa mga iyan, puwede itong makaapekto sa pagsamba natin. Sa artikulong ito, tingnan natin kung paano makakatulong ang Bibliya kapag pakiramdam natin, (1) hindi tayo mahalaga kay Jehova, (2) parang mali ang naging desisyon natin, o (3) wala na tayong nagagawa para kay Jehova.
ANG MAKAKATULONG KAPAG NAGDUDUDA TAYO
3. Ano ang makakatulong kapag nagdududa tayo?
3 Kapag nagdududa tayo o may mga tanong tayo, napakahalagang hanapin natin ang sagot sa Bibliya. Kung gagawin natin iyan, titibay ang pakikipagkaibigan natin kay Jehova, mapapalakas tayo, at ‘makakapanghawakan tayong mahigpit sa pananampalataya.’—1 Cor. 16:13.
4. Paano natin masusunod ang payo na ‘tiyakin ang lahat ng bagay’? (1 Tesalonica 5:21)
4 Basahin ang 1 Tesalonica 5:21. Pinapayuhan tayo ng Bibliya na “tiyakin [natin] ang lahat ng bagay.” Paano natin magagawa iyan? Alamin ang sinasabi ng Bibliya kapag hindi tayo sigurado sa iniisip natin. Halimbawa, balikan natin ang kabataang nag-iisip kung mahalaga ba siya sa Diyos. Hahayaan na lang ba niya ang pagdududa niyang ito? Hindi, dapat niyang ‘tiyakin ang lahat ng bagay’—dapat niyang alamin kung ito ba talaga ang iniisip ni Jehova sa kaniya.
5. Paano natin malalaman ang sagot ni Jehova sa mga tanong natin?
5 Kapag nagbabasa tayo ng Bibliya, para bang nakikipag-usap sa atin si Jehova. Pero para malaman ang sagot niya sa mga tanong natin, may kailangan pa tayong gawin. Kailangan nating hanapin at pag-aralan ang mga teksto na makakatulong para masagot ang mga tanong natin. Para magawa iyan, puwede tayong mag-research sa mga publikasyon natin. (Kaw. 2:3-6) Ipanalangin kay Jehova na gabayan tayo sa pagre-research at makita ang sagot niya sa mga tanong natin. Pagkatapos, hanapin ang mga prinsipyo sa Bibliya at mga impormasyong makakatulong sa atin. Puwede rin nating pag-aralan ang ulat tungkol sa tapat na mga lingkod ni Jehova na kapareho natin ng sitwasyon.
6. Paano makakatulong ang mga pulong para maalis ang mga pagdududa natin?
6 Puwede rin nating malaman ang sagot ni Jehova sa mga pulong. Kapag regular tayong dumadalo sa mga pulong, baka may marinig tayong pahayag o komento na makakatulong para maalis ang pagdududa natin. (Kaw. 27:17) Ngayon, tingnan natin kung paano aalisin ang ilang espesipikong pagdududa.
‘MAHALAGA BA AKO KAY JEHOVA?’
7. Ano ang posibleng itanong ng ilan?
7 Minsan ba, naiisip mo, ‘Talaga bang mahalaga ako kay Jehova?’ Kung nararamdaman mo iyan, baka maisip mong imposibleng maging kaibigan ang Maylalang ng uniberso. Malamang na naisip din iyan ni Haring David. Humanga siya sa pakikitungo ni Jehova sa mga tao. Naitanong din niya: “O Jehova, ano ang tao para pansinin mo, ang anak ng taong mortal para pagmalasakitan mo?” (Awit 144:3) Kaya saan natin makikita ang sagot sa tanong na ‘Mahalaga ba tayo sa Diyos?’
8. Sa 1 Samuel 16:6, 7, 10-12, ano ang tinitingnan ni Jehova sa isang tao?
8 Makikita natin sa Bibliya na mahalaga kay Jehova kahit ang mga taong hindi napapansin ng iba. Halimbawa, tingnan ang nangyari nang papuntahin ni Jehova si Samuel sa bahay ni Jesse para pumili ng magiging hari ng Israel sa isa sa mga anak nito. Tinawag ni Jesse ang pito sa walong anak niyang lalaki para humarap kay Samuel. Hindi niya isinama ang bunsong si David. b Pero si David ang pinili ni Jehova. (Basahin ang 1 Samuel 16:6, 7, 10-12.) Nakita ni Jehova ang nasa puso ni David—alam niyang mahal na mahal siya nito.
9. Bakit makakasigurado ka na mahalaga ka kay Jehova? (Tingnan din ang larawan.)
9 Pag-isipan kung paano na naipakita ni Jehova na mahalaga ka sa kaniya. Nagbibigay siya sa iyo ng payo na sakto sa kalagayan mo. (Awit 32:8) Magagawa niya ba iyan kung hindi ka niya kilala? (Awit 139:1) Kapag sinunod mo ang payo niya at nakita mo kung paano ito nakatulong sa iyo, magiging mas kumbinsido ka na mahalaga ka sa kaniya. (1 Cro. 28:9; Gawa 17:26, 27) Nakikita niya ang mga pagsisikap mo na paglingkuran siya. Alam niya ang magagandang katangian mo, at gusto ka niyang maging kaibigan. (Jer. 17:10) At kung gusto mo rin siyang maging Kaibigan, siguradong matutuwa siya.—1 Juan 4:19.
‘TAMA BA ANG NAGING MGA DESISYON KO?’
10. Kapag pinag-isipan natin ang naging mga desisyon natin, ano ang posible nating maitanong?
10 Minsan, baka mapaisip tayo kung tama ba ang naging mga desisyon natin. Baka may iniwan tayong magandang trabaho o negosyo para mas makapaglingkod kay Jehova. Pero ngayon, pagkalipas ng maraming taon, baka makita natin ang mga kaibigan natin na may maalwan nang buhay at maraming pera. Kaya baka maisip natin: ‘Sulit ba ang naging mga sakripisyo ko para kay Jehova? O mas magandang nagtrabaho na lang ako para mas marami akong pera ngayon?’
11. Ano ang gumugulo sa isip ng manunulat ng Awit 73?
11 Kung naiisip mo iyan ngayon, tingnan ang naramdaman ng manunulat ng Awit 73. Nakita niya na mukhang malusog, mayaman, at walang problema ang mga hindi naglilingkod kay Jehova. (Awit 73:3-5, 12) Dahil parang maayos naman ang buhay nila, naisip niya na mali ang desisyon niyang maglingkod kay Jehova. Sa kakaisip nito, nasabi niya: “Buong araw akong naghihirap.” (Awit 73:13, 14) Ano ang ginawa niya para maalis ang gumugulo sa isip niya?
12. Sa Awit 73:16-18, ano ang nakatulong sa manunulat na maalis ang gumugulo sa isip niya?
12 Basahin ang Awit 73:16-18. Pumunta ang salmista sa santuwaryo ni Jehova. Nakapag-isip siya nang mabuti doon. Naging malinaw sa kaniya na kahit parang maayos naman ang buhay ng iba, wala silang magandang kinabukasan. Napanatag siya at nakita niyang tama talaga ang desisyon niya na unahin ang espirituwal na mga bagay. Dahil dito, naging determinado siyang patuloy na maglingkod kay Jehova.—Awit 73:23-28.
13. Ano ang puwede mong gawin kapag naiisip mo na parang mali ang naging mga desisyon mo? (Tingnan din ang larawan.)
13 Paano makakatulong ang Salita ng Diyos kapag naiisip natin na parang mali ang naging mga desisyon natin? Pag-isipan ang magagandang bagay na mayroon ka—gaya ng mga pagpapala ni Jehova—at isipin na wala nito ang mga hindi naglilingkod sa kaniya. Para sa kanila, ang maalwang buhay nila ngayon ang pinakamahalaga kasi wala na silang inaasahang pag-asa sa hinaharap. Pero tayo, pinagpapala na ngayon ni Jehova at marami pa tayong magagandang bagay na inaasahan sa hinaharap. (Awit 145:16) Pag-isipan din ito: Sigurado ka ba na talagang mas maganda ang buhay mo ngayon kung iba ang naging desisyon mo? Tandaan, kapag gumawa ka ng mga desisyon dahil sa pag-ibig mo sa Diyos at sa iba, siguradong magkakaroon ka ng mga bagay na talagang magpapasaya sa iyo.
‘MAY NAGAGAWA PA BA AKO PARA KAY JEHOVA?’
14. Ano ang sitwasyon ng ilan sa mga lingkod ni Jehova, at anong tanong ang puwede nilang maisip?
14 Ang ilan sa mga lingkod ni Jehova ay nagkakaedad na, mahina na ang kalusugan, o may kapansanan. Dahil dito, baka maramdaman nilang hindi na sila mahalaga kay Jehova at maitanong nila, ‘May nagagawa pa ba ako para kay Jehova?’
15. Saan sigurado ang manunulat ng Awit 71?
15 Naisip din iyan ng manunulat ng Awit 71. Ipinanalangin niya: “Huwag mo akong iwan kapag mahina na ako.” (Awit 71:9, 18) Pero kahit nanghihina ang salmista, sigurado siya na patuloy siyang susuportahan at gagabayan ni Jehova kung mananatili siyang tapat. Natutuhan niya na natutuwa si Jehova sa mga lingkod Niyang ibinibigay ang buong makakaya nila kahit may mga limitasyon sila.—Awit 37:23-25.
16. Ano pa ang puwedeng gawin ng mga may-edad para kay Jehova? (Awit 92:12-15)
16 Mga may-edad, isipin kung ano ang tingin sa inyo ni Jehova. Matutulungan niya kayong manatiling tapat kahit may mga limitasyon na kayo. (Basahin ang Awit 92:12-15.) Imbes na isip-isipin ang mga bagay na hindi na ninyo nagagawa, magpokus sa mga kaya pa ninyong gawin. Halimbawa, puwede ninyong mapatibay ang iba dahil sa magandang halimbawa ninyo at pagmamalasakit sa kanila. Puwede ninyong ikuwento kung paano kayo tinulungan ni Jehova sa buong buhay ninyo at kung ano ang mga pangako niya na gustong-gusto na ninyong matupad. Huwag ding maliitin ang kayang gawin ng panalangin ninyo para sa iba. (1 Ped. 3:12) Anuman ang sitwasyon natin, may magagawa pa rin tayo para kay Jehova at sa iba.
17. Bakit hindi natin dapat ikumpara ang sarili natin sa iba?
17 Kung nalulungkot ka dahil kaunti na lang ang nagagawa mo para kay Jehova, makakasigurado ka na pinapahalagahan niya ang anumang bagay na kaya mo pang gawin sa ngayon. Bakit hindi mo dapat ikumpara ang nagagawa mo sa nagagawa ng iba? Kasi hindi iyan ginagawa ni Jehova. (Gal. 6:4) Halimbawa, binigyan ni Maria si Jesus ng mabango at mamahaling langis. (Juan 12:3-5) Sa kabaligtaran, nagbigay ng dalawang maliit na barya na napakaliit ng halaga ang mahirap na biyuda. (Luc. 21:1-4) Hindi pinagkumpara ni Jesus ang ibinigay nila. Pareho niya itong pinahalagahan. Ganiyan din ang Ama niya. Para kay Jehova, napakahalaga ng anumang ibinibigay natin sa kaniya kung ginagawa natin ito dahil mahal natin siya.
18. Ano ang makakatulong sa atin para maalis ang mga pagdududa natin? (Tingnan din ang kahong “ Makakatulong ang Salita ng Diyos Para Maalis Mo ang Pagdududa.”)
18 Normal lang na magduda tayo kung minsan. Pero gaya ng natalakay natin, makakatulong ang Salita ng Diyos para maalis ito. Kaya gawin ang buong makakaya mo para masagot ang mga tanong na naiisip mo. Kung gagawin mo iyan, maaalis ang mga pagdududa mo. Kilalang-kilala ka ni Jehova. Tuwang-tuwa siya sa mga ginagawa mo para sa kaniya, at gusto ka niyang gantimpalaan. Tandaan, mahal na mahal ni Jehova ang bawat isa sa mga lingkod niya at nagmamalasakit siya sa kanila.
AWIT BLG. 111 Mga Dahilan ng Ating Kagalakan
a KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang mga pagdududa na tatalakayin sa artikulong ito ay ang nararamdaman natin kapag naiisip natin kung mahalaga ba tayo kay Jehova o kung tama ba ang mga desisyong ginawa natin para sa kaniya. Hindi ito ang mga pagdududang binabanggit sa Bibliya na nagpapakita ng kawalan ng pananampalataya kay Jehova at sa mga pangako niya.
b Hindi sinasabi sa Bibliya ang eksaktong edad ni David nang piliin siya ni Jehova, pero posibleng teenager siya noon.—Tingnan ang Bantayan, isyu ng Setyembre 1, 2011, p. 29, par. 2.