ARALING ARTIKULO 40
AWIT BLG. 30 Aking Kaibigan, Diyos, at Ama
Pinapagaling ni Jehova ang mga May Pusong Nasasaktan
“Pinagagaling niya ang mga may pusong nasasaktan; tinatalian niya ang mga sugat nila.”—AWIT 147:3.
MATUTUTUHAN
Gustong-gustong tulungan ni Jehova ang mga taong nasasaktan dahil sa mga pinagdadaanan nila. Tatalakayin sa artikulong ito kung paano tayo tinutulungan ni Jehova kapag nararanasan natin iyan at kung paano natin mapapatibay ang iba.
1. Ano ang nakikita ni Jehova sa mga lingkod niya?
NAKIKITA ni Jehova ang lahat ng pinagdadaanan ng mga lingkod niya. Alam niya kapag masaya tayo, at alam din niya kapag malungkot tayo. (Awit 37:18) Kapag nakikita niyang ginagawa natin ang buong makakaya natin para paglingkuran siya kahit may pinagdadaanan tayo, talagang napapasaya natin siya. Kaya gustong-gusto niya tayong tulungan at patibayin.
2. Ano ang ginagawa ni Jehova para sa mga may pusong nasasaktan, at ano ang kailangan nating gawin para matanggap ang tulong niya?
2 Sinasabi sa Awit 147:3 na ‘tinatalian ni Jehova ang mga sugat’ ng mga may pusong nasasaktan. Inilalarawan sa tekstong ito kung paano inaalagaan ni Jehova ang mga nasasaktan dahil sa pinagdadaanan nila. Pero ano ang dapat nating gawin para matanggap ang tulong ni Jehova? Tingnan ang isang ilustrasyon. Kapag nagka-injury ang isang tao, malaki ang maitutulong sa kaniya ng isang doktor. Pero para gumaling siya, dapat niyang sundin ang mga sasabihin ng doktor. Sa artikulong ito, titingnan natin ang sinasabi ni Jehova sa Salita niya para sa mga taong nasasaktan dahil sa mga pinagdadaanan nila. Titingnan din natin kung paano nila masusunod ang payo niya.
TINITIYAK NI JEHOVA NA NAPAKAHALAGA NATIN SA KANIYA
3. Bakit naiisip ng ilan na wala silang halaga?
3 Nakakalungkot, marami sa ngayon ang wala nang pakialam sa kapakanan ng iba. Kaya baka gawan nila ng masama ang iba at maiparamdam sa mga ito na wala silang halaga. Sinabi ng sister na si Helen: a “Hindi ko naramdaman na mahal ako ng mga magulang ko. Nananakit si Tatay, at araw-araw niyang sinasabi sa amin na wala kaming kuwenta.” Naranasan mo na ba ang naranasan ni Helen? May gumawa ba sa iyo ng masama, uminsulto, o nagparamdam na wala kang halaga? Kung ganiyan ang sitwasyon mo, baka mahirapan kang maniwala na may magmamahal sa iyo.
4. Ano ang tinitiyak sa atin ni Jehova sa Awit 34:18?
4 Kahit gawan ka ng masama ng iba, makakatiyak ka na mahal ka ni Jehova at mahalaga ka sa kaniya. “Malapit [siya] sa mga may pusong nasasaktan.” (Basahin ang Awit 34:18.) Kung pakiramdam mo, wala kang halaga, tandaan na may nakitang magagandang katangian si Jehova sa iyo at personal ka niyang inilapit sa kaniya. (Juan 6:44) At dahil mahal na mahal ka niya, lagi siyang handang tulungan ka.
5. Ano ang matututuhan natin sa paraan ng pakikitungo ni Jesus sa mga taong hindi pinapahalagahan ng iba?
5 Mas maiintindihan natin ang nararamdaman ni Jehova kung titingnan natin ang halimbawa ni Jesus. Noong nasa lupa si Jesus, napakabait niya sa mga taong itinuturing ng iba na hindi mahalaga. (Mat. 9:9-12) Nang hawakan ng isang babaeng may malubhang sakit ang damit ni Jesus, dahil umaasa siya na gagaling siya, pinatibay siya ni Jesus at pinuri dahil sa pananampalataya niya. (Mar. 5:25-34) Eksaktong-eksaktong natularan ni Jesus ang Ama niya. (Juan 14:9) Kaya talagang makakatiyak ka na mahalaga ka kay Jehova at nakikita niya ang magagandang katangian mo, gaya ng pananampalataya at pag-ibig mo sa kaniya.
6. Ano ang puwede mong gawin kung pakiramdam mo, wala kang halaga?
6 Ano ang puwede mong gawin kung nararamdaman mo pa rin na wala kang halaga? Magbasa ng mga teksto na nagpapakita na talagang mahalaga ka kay Jehova at bulay-bulayin ang mga ito. b (Awit 94:19) Huwag ikumpara ang sarili mo sa iba, at huwag magpokus sa hindi mo kayang gawin. Hindi ipapagawa ni Jehova ang alam niyang hindi mo kaya. (Awit 103:13, 14) Kung nakaranas ka ng pagmamaltrato o seksuwal na pang-aabuso, huwag sisihin ang sarili mo. Hindi mo kasalanan iyon. Tandaan, ang mga gumawa ng masama ang mananagot kay Jehova, hindi ang mga biktima. (1 Ped. 3:12) Ganito ang sinabi ni Sandra, na nakaranas ng pagmamaltrato noong bata siya, “Lagi kong ipinapanalangin kay Jehova na tulungan akong makita ang magagandang katangian na nakikita niya sa akin.”
7. Paano natin magagamit sa paglilingkod kay Jehova ang mga naranasan natin sa buhay?
7 Huwag isipin na hindi ka magagamit ni Jehova para tulungan ang iba. Itinuturing ka niyang kamanggagawa niya sa gawaing pangangaral. (1 Cor. 3:9) Dahil sa mga naranasan mo sa buhay, baka mas madali sa iyo na maintindihan ang nararamdaman ng iba at makapagpakita ng malasakit sa kanila. Malaki ang magagawa mo para sa kanila. Nakatanggap ng tulong si Helen, na binanggit kanina, at ngayon, siya na ang tumutulong sa iba. Sinabi niya: “Dati, pakiramdam ko, wala akong halaga. Pero ipinaramdam sa akin ni Jehova na mahal niya ako at ginamit niya ako para tulungan ang iba.” Masaya na ngayon si Helen at naglilingkod bilang regular pioneer.
GUSTO NI JEHOVA NA TANGGAPIN NATIN ANG PAGPAPATAWAD NIYA
8. Ano ang tinitiyak sa atin ng Isaias 1:18?
8 May ilan sa mga lingkod ni Jehova na nakokonsensiya pa rin sa mga nagawa nilang kasalanan bago o pagkatapos ng bautismo nila. Pero tandaan na mahal na mahal tayo ni Jehova at inilaan niya ang pantubos para mapatawad ang mga kasalanan natin. Siguradong gusto niyang tanggapin natin ang pagpapatawad niya. Kapag nagawa na nating ‘ituwid ang mga bagay-bagay’ c sa pagitan natin at ni Jehova, tinitiyak niyang hindi na niya aalalahanin ang mga kasalanan natin. (Basahin ang Isaias 1:18.) Talagang napakamapagmahal na Ama ni Jehova! Kinakalimutan niya ang mga nagawa nating kasalanan, pero hindi niya makakalimutan ang mga nagawa nating mabuti.—Awit 103:9, 12; Heb. 6:10.
9. Bakit hindi tayo dapat magpokus sa mga nagawa nating kasalanan noon?
9 Kung sobra ka pa ring nakokonsensiya sa mga nagawa mong kasalanan noon, gawin ang buong makakaya mo para makapagpokus ka sa mga ginagawa mo ngayon at sa mga puwede mong gawin sa hinaharap. Tingnan ang halimbawa ni apostol Pablo. Sising-sisi siya na pinag-usig niya ang mga Kristiyano noon. Pero alam niyang pinatawad na siya ni Jehova. (1 Tim. 1:12-15) Inisip-isip pa rin ba niya ang mga nagawa niya noon? Siguradong hindi, kung paanong hindi na niya inisip ang tagumpay na naabot niya bilang Pariseo. (Fil. 3:4-8, 13-15) Nagpokus si Pablo sa ministeryo niya at sa mga magagawa pa niya sa hinaharap. Gaya ni Pablo, wala ka nang magagawa sa mga nangyari noon. Pero may magagawa ka ngayon para purihin at sambahin si Jehova. Puwede mo ring pag-isipan ang magagandang pangako niya sa hinaharap.
10. Ano ang mga puwede mong gawin kung may nasaktan dahil sa mga nagawa mong kasalanan noon?
10 Baka nag-aalala ka kasi nakita mo ang epekto sa iba ng nagawa mo. Ano ang mga puwede mong gawin? Kung may magagawa ka para bumuti ang sitwasyon nila, gawin iyon. Humingi rin ng tawad sa kanila at ipakitang talagang nagsisisi ka. (2 Cor. 7:11) Hilingin kay Jehova na tulungan ang mga naapektuhan ng ginawa mo. Matutulungan ka niya, pati na ang nasaktan mo, na patuloy na makapaglingkod sa kaniya at huwag nang masyadong mag-alala.
11. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni propeta Jonas? (Tingnan din ang larawan.)
11 Matuto mula sa pagkakamali mo at maging handang gawin anuman ang ipagawa sa iyo ni Jehova. Tingnan ang nangyari kay propeta Jonas. Imbes na sundin ang utos ng Diyos na pumunta sa Nineve, pumunta si Jonas sa kabilang direksiyon nito. Dinisiplina ni Jehova si Jonas, at natuto siya sa pagkakamali niya. (Jon. 1:1-4, 15-17; 2:7-10) Hindi sinukuan ni Jehova si Jonas. Binigyan niya ulit ito ng pagkakataon na pumunta sa Nineve, at sinunod na ito ni Jonas. Sising-sisi siya sa nagawa niya, pero hindi ito nakapigil sa kaniya na tanggapin ang atas na ibinigay ni Jehova.—Jon. 3:1-3.
GINAGAMIT NI JEHOVA ANG BANAL NA ESPIRITU PARA PATIBAYIN TAYO
12. Paano tayo binibigyan ni Jehova ng kapayapaan kapag may nangyaring hindi maganda sa atin o na-trauma tayo? (Filipos 4:6, 7)
12 Ginagamit ni Jehova ang banal na espiritu niya para patibayin tayo kapag may nangyaring hindi maganda sa atin o na-trauma tayo. Tingnan ang nangyari kina Ron at Carol. Nakakalungkot, nagpakamatay ang anak nila. Sinabi nila: “Ang dami na naming pinagdaanang mahihirap na problema, pero ito ang pinakamabigat. Madalas kaming hindi makatulog, kaya nananalangin kami. Dahil dito, naramdaman namin ang kapayapaan na sinasabi sa Filipos 4:6, 7.” (Basahin.) Kung sobra kang nasasaktan dahil sa mga nangyari sa iyo, puwede mong sabihin ang lahat ng nararamdaman mo kay Jehova. Puwede kang manalangin sa kaniya nang kahit ilang beses at kahit gaano katagal. (Awit 86:3; 88:1) Laging humingi kay Jehova ng banal na espiritu niya. Hinding-hindi niya iyon ipagdadamot sa iyo.—Luc. 11:9-13.
13. Paano makakatulong ang banal na espiritu para patuloy tayong makapaglingkod kay Jehova nang tapat? (Efeso 3:16)
13 Nanghihina ka ba dahil sa mga pinagdadaanan mo? Mapapalakas ka ng banal na espiritu para patuloy kang makapaglingkod kay Jehova nang tapat. (Basahin ang Efeso 3:16.) Ganito ang naging karanasan ng sister na si Flora. Naglilingkod sila bilang misyonero ng asawa niya. Pero pinagtaksilan siya nito at nagdiborsiyo sila. Sinabi niya: “Lungkot na lungkot ako dahil pinagtaksilan niya ako, at iyon na lang ang laging nasa isip ko. Nanalangin ako kay Jehova na bigyan ako ng banal na espiritu para makapagtiis. Pinatibay ako ni Jehova. Kaya kahit parang imposible noong una, unti-unti kong nakayanan ang sitwasyon ko sa tulong niya.” Naging kumbinsido si Flora na anuman ang maging sitwasyon niya, talagang makakapagtiwala siya sa tulong ng Diyos. Sinabi pa niya: “Totoong-totoo sa akin ang Awit 119:32: ‘Susundin kong mabuti ang mga utos mo dahil binubuksan mo ang puso ko para dito.’”
14. Ano ang dapat nating gawin para tumanggap tayo ng espiritu ng Diyos?
14 Pagkatapos mong humiling ng banal na espiritu kay Jehova, ano pa ang dapat mong gawin? Makibahagi sa mga gawain na tutulong sa iyo na tumanggap nito, kasama dito ang pagdalo sa mga pulong at pangangaral. Basahin ang Bibliya araw-araw para mapuno ang isip mo ng mga kaisipan ni Jehova. (Fil. 4:8, 9) Tingnan ang mga halimbawa sa Bibliya na nakaranas ng mga problema, at pag-isipan kung paano sila tinulungan ni Jehova na magtiis. Maraming naranasang problema si Sandra, na binanggit kanina. Sinabi niya: “Nakatulong talaga sa akin ang halimbawa ni Jose. Kahit marami siyang naging problema at nakaranas ng di-patas na pagtrato, hindi n’on nasira ang kaugnayan niya kay Jehova.”—Gen. 39:21-23.
GINAGAMIT NI JEHOVA ANG MGA KAPATID PARA PATIBAYIN TAYO
15. Sino ang puwedeng makapagpalakas sa atin, at paano nila nagagawa iyan? (Tingnan din ang larawan.)
15 Kapag may pinagdadaanan tayo, ‘talagang mapapalakas’ tayo ng mga kapatid. (Col. 4:11) Ginagamit sila ni Jehova para ipakitang mahal niya tayo. May mga kapatid na handang makinig nang mabuti sa mga sinasabi natin at laging nandiyan kapag may mga problema tayo. Kung minsan, nagbibigay sila ng mga tekstong nagpapatibay sa atin o nananalanging kasama natin. d (Roma 15:4) Puwede ring ipaalala ng isang kapatid ang tingin ni Jehova sa sitwasyon natin, at dahil dito, patuloy tayong nakakapagtiis. Matutulungan din tayo ng mga kapatid sa iba pang paraan, gaya ng pagbibigay ng pagkain para gumanda ang pakiramdam natin.
16. Ano ang puwede nating gawin para matulungan tayo ng mga kapatid?
16 Para matanggap natin ang tulong ng iba, baka kailangan nating magsabi sa kanila. Mahal tayo ng mga kapatid, at gusto nila tayong tulungan. (Kaw. 17:17) Pero baka hindi nila alam ang nararamdaman natin o kung ano ang kailangan natin. (Kaw. 14:10) Kung sobra kang nahihirapan sa pinagdadaanan mo, puwede mong sabihin sa matured mong mga kaibigan ang nararamdaman mo. Sabihin sa kanila kung ano ang puwedeng makatulong sa iyo. Puwede mo ring sabihan ang isa o dalawang elder na palagay ang loob mo. Nakatulong naman sa ilang sister ang pakikipag-usap sa iba pang matured na sister.
17. Ano ang pumipigil sa ilan na humingi ng tulong sa iba, at paano ito malalabanan?
17 Iwasang ihiwalay ang sarili. Dahil nalulungkot ka, baka mas gusto mong mapag-isa. Minsan, baka hindi maintindihan ng mga kapatid ang nararamdaman mo o baka may masabi silang makasakit sa iyo. (Sant. 3:2) Pero huwag ihiwalay ang sarili mo sa kanila. Puwede silang gamitin ni Jehova para patibayin ka. Sinabi ni Gavin, isang elder na may depression, “Madalas, ayaw kong makausap o makasama ang mga kaibigan ko.” Pero pinaglabanan ito ni Gavin, at talagang nakinabang siya nang makipagsamahan siya sa mga kapatid. Sinabi naman ng sister na si Amy: “Dahil sa mga naranasan ko, nahihirapan akong magtiwala sa mga tao. Pero natutuhan kong mahalin at pagtiwalaan ang mga kapatid, gaya ng ginagawa ni Jehova. Alam kong napapasaya ko siya dahil dito, at ang totoo, nagiging masaya rin ako.”
MAPAPATIBAY TAYO NG MGA PANGAKO NI JEHOVA
18. Ano ang inaasahan natin sa hinaharap, at ano ang puwede nating gawin ngayon?
18 Malapit nang alisin ni Jehova ang lahat ng problemang nagpapalungkot sa atin. (Apoc. 21:3, 4) Sa panahong iyon, ‘mawawala na sa puso natin’ ang masasakit na alaala ng mga naranasan natin. (Isa. 65:17) Pero ngayon pa lang, tinutulungan na tayo ni Jehova sa mga pinagdadaanan natin. Kaya tanggapin ang mga tulong na ibinibigay ni Jehova para mapatibay ka. At huwag na huwag mong pagdududahan na talagang “nagmamalasakit siya sa [iyo].”—1 Ped. 5:7.
AWIT BLG. 7 Jehova, Aming Lakas
a Binago ang mga pangalan.
b Tingnan ang kahong “ Mahalaga Ka kay Jehova.”
c Para ‘maituwid natin ang mga bagay-bagay’ sa pagitan natin at ni Jehova, kailangan nating patunayan sa kaniya na nagsisisi tayo. Hilingin sa kaniya na patawarin tayo sa mga kasalanan natin, at ihinto na natin ang mga maling ginagawa natin. Kung nakagawa tayo ng malubhang kasalanan, dapat din nating hingin ang tulong ng mga elder sa kongregasyon.—Sant. 5:14, 15.
d Halimbawa, makakatulong ang mga teksto sa ilalim ng mga paksang “Kaaliwan” at “Pag-aalala” na nasa publikasyong Mga Teksto Para sa Kristiyanong Pamumuhay.