Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matuto Mula sa Matapat na mga Lingkod ni Jehova

Matuto Mula sa Matapat na mga Lingkod ni Jehova

“Magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.”—EFE. 4:24.

AWIT: 63, 43

1, 2. Paano ipinakita ni David na matapat siya sa Diyos? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

SA KALALIMAN ng gabi, sina David at Abisai ay tahimik na pumasok sa kampo ng 3,000 natutulog na kawal. Sa gitna ng kampo, nakita ng dalawa si Haring Saul na mahimbing na natutulog. Naglakbay ang hari sa ilang ng Judea para hanapin at patayin si David. Bumulong si Abisai: “Hayaan mong tuhugin ko [si Saul] sa lupa sa pamamagitan ng sibat nang minsan lamang, at hindi ko iyon gagawin sa kaniya nang makalawang ulit.” Nakagugulat ang sagot ni David! “Huwag mo siyang patayin, sapagkat sino ang nag-unat ng kaniyang kamay laban sa pinahiran ni Jehova at nanatiling walang-sala? . . . Malayong mangyari, sa ganang akin, mula sa pangmalas ni Jehova, na iunat ang aking kamay laban sa pinahiran ni Jehova!”—1 Sam. 26:8-12.

2 Nauunawaan ni David ang kahulugan ng pagkamatapat sa Diyos. Ayaw niyang gawan ng masama si Saul. Bakit? Dahil si Saul ay pinahiran ng Diyos bilang hari ng Israel. Iginagalang ng matapat na mga lingkod ni Jehova ang mga inaatasan Niya. At iyan ang hinihiling ni Jehova sa kaniyang bayan—magpakita ng “pagkamatapat.”—Basahin ang Efeso 4:24.

3. Paano naging matapat si Abisai kay David?

3 Nagpakita si Abisai ng paggalang kay David. Halimbawa, para maitago ang pangangalunya niya kay Bat-sheba, inutusan ni David si Joab, kapatid ni Abisai, na gumawa ng paraan para mapatay si Uria sa labanan. (2 Sam. 11:2-4, 14, 15; 1 Cro. 2:16) Malamang na nalaman ito ni Abisai, pero iginalang pa rin niya si David bilang piniling hari ng Diyos. Isa pa, hindi ginamit ni Abisai ang kaniyang awtoridad bilang pinuno ng hukbo para agawin ang trono ng Israel. Sa halip, ipinagtanggol niya si David laban sa mga traidor at iba pang kaaway.—2 Sam. 10:10; 20:6; 21:15-17.

4. (a) Paano naging magandang halimbawa ng pagkamatapat si David? (b) Anong iba pang halimbawa ang tatalakayin natin?

4 Dahil hindi ginawan ni David ng masama si Haring Saul, ipinakita niyang isa siyang matapat na lingkod ni Jehova. Noong kabataan pa siya, hinarap ni David ang higanteng si Goliat, na mapangahas na ‘tumuya sa mga hukbo ng Diyos na buháy’! (1 Sam. 17:23, 26, 48-51) Nang maging hari si David at magkasala nang malubha—pangangalunya at pagpatay—tinanggap niya ang saway ni propeta Natan at nagsisi. (2 Sam. 12:1-5, 13) Kahit matanda na siya, patuloy na naging matapat si David sa Diyos. Halimbawa, nagbigay siya ng napakalaking kontribusyon para sa pagtatayo ng templo ni Jehova. (1 Cro. 29:1-5) Oo, nakagawa si David ng malulubhang pagkakamali, pero matapat siya sa Diyos. (Awit 51:4, 10; 86:2) Habang tinatalakay natin ang iba pang ulat tungkol kay David at sa mga kakontemporaryo niya, tingnan natin ang sagot sa mga tanong na ito: Kanino tayo magiging mas matapat? Anong mga katangian ang kailangan para maging matapat tayo?

KANINO TAYO MAGIGING MAS MATAPAT?

5. Anong aral ang matututuhan natin sa pagkakamali ni Abisai?

5 Nang pumasok si Abisai sa kampo ni Saul, mali ang pinag-uukulan niya ng pagkamatapat. Dahil matapat si Abisai kay David, gustong-gusto niyang patayin si Haring Saul. Pero pinigilan siya ni David, dahil alam nito na maling mag-unat ng kamay “laban sa pinahiran ni Jehova.” (1 Sam. 26:8-11) May matututuhan tayong mahalagang aral dito: Totoong may iba’t iba tayong dapat pag-ukulan ng pagkamatapat, pero dapat nating maging gabay ang mga simulain ng Bibliya para matiyak kung kanino tayo magiging mas matapat.

6. Bagaman natural lang na maging matapat tayo sa ating pamilya at mga kaibigan, bakit dapat tayong mag-ingat?

6 Nagmumula sa puso ang pagkamatapat, pero mapandaya ang puso. (Jer. 17:9) Kaya ang isang matapat sa Diyos ay posibleng maging matapat din sa isang malapít na kaibigan o kamag-anak, kahit gumagawa ito ng masama. Dapat nating tandaan na kay Jehova muna tayo dapat maging matapat, lalo na kapag iniwan ng isang mahal sa buhay ang katotohanan.—Basahin ang Mateo 22:37.

7. Paano naging matapat sa Diyos ang isang sister kahit mahirap ang sitwasyon?

7 Baka mahirapan tayong maging matapat sa Diyos kapag natiwalag ang isang malapít na kamag-anak. Halimbawa, nakatanggap ng tawag sa telepono ang isang sister na nagngangalang Anne [1] mula sa kaniyang natiwalag na nanay. Gusto siyang dalawin ng nanay niya dahil nalulungkot ito kasi hindi siya kinakausap ng pamilya. Ikinalungkot ito ni Anne at nangakong sasagot siya sa pamamagitan ng liham. Bago sumulat, nirepaso niya ang mga simulain sa Bibliya. (1 Cor. 5:11; 2 Juan 9-11) May-kabaitang ipinaalaala ni Anne sa nanay niya na siya mismo ang pumutol ng kaugnayan niya sa pamilya dahil sa pagkakasala at di-pagsisisi. “Isa lang ang paraan para mawala ang lungkot n’yo, manumbalik kayo kay Jehova,” ang isinulat ni Anne.—Sant. 4:8.

8. Anong mga katangian ang tutulong para maging matapat tayo sa Diyos?

8 Ipinakikita ng pagkamatapat ng mga kakontemporaryo ni David ang tatlong katangian na makatutulong sa atin para maging matapat sa Diyos. Ang mga ito ay kapakumbabaan, kabaitan, at lakas ng loob. Talakayin natin ang mga ito.

KAILANGAN NG KAPAKUMBABAAN PARA MAGING MATAPAT

9. Bakit tinangkang patayin ni Abner si David?

9 Nang humarap si David kay Haring Saul hawak ang pugot na ulo ni Goliat, naroon ang anak ni Saul na si Jonatan—na mula noon ay naging matapat na kaibigan ni David—at si Abner, ang pinuno ng hukbo. (1 Sam. 17:57–18:3) Nang maglaon, sinuportahan ni Abner ang pagsisikap ni Saul na patayin si David. Isinulat ni David na may “mga maniniil na humahanap sa [kaniyang] kaluluwa.” (Awit 54:3; 1 Sam. 26:1-5) Bakit magkaiba ang tingin nina Jonatan at Abner kay David? Tulad ni Jonatan, alam din ni Abner na pinili ng Diyos si David para maging hari ng Israel. Pagkamatay ni Saul, puwede sanang magpakumbaba si Abner at ipakitang matapat siya sa Diyos sa pamamagitan ng pagsuporta kay David at hindi sa anak ni Saul na si Is-boset. Pero malamang na gusto ni Abner na makuha ang trono kaya sinipingan niya ang babae ni Saul.—2 Sam. 2:8-10; 3:6-11.

10. Bakit hindi naging matapat si Absalom sa Diyos?

10 Kawalan ng kapakumbabaan ang dahilan kaya hindi naging matapat sa Diyos si Absalom na anak ni David. Aba, “nagpagawa si Absalom ng isang karo para sa kaniyang sarili, na may mga kabayo at may limampung lalaki na tumatakbo sa unahan niya”! (2 Sam. 15:1) Inagaw niya ang pagkamatapat ng bayan. Tulad ni Abner, tinangka rin ni Absalom na patayin si David, kahit alam niya na ang kaniyang ama ang itinalaga ni Jehova bilang hari ng Israel.—2 Sam. 15:13, 14; 17:1-4.

11. Ano ang matututuhan natin sa mga ulat ng Bibliya tungkol kina Abner, Absalom, at Baruc?

11 Ipinakikita ng halimbawa nina Abner at Absalom na ang labis na ambisyon ay puwedeng magtulak sa isa na maging di-matapat sa Diyos. Siyempre, walang tapat na lingkod ni Jehova ang magtataguyod ng gayong makasarili at masamang landasin. Pero kung gusto ng isang Kristiyano na yumaman o magkaroon ng prestihiyosong karera sa sanlibutan, makasasamâ ito sa espirituwalidad niya. Halimbawa, pansamantalang nawala sa pokus ang kalihim ni propeta Jeremias na si Baruc. Ganito ang sinabi ni Jehova kay Baruc: “Narito! Ang itinayo ko ay aking gigibain, at ang itinanim ko ay aking bubunutin, ang buong lupain nga. Ngunit kung tungkol sa iyo, patuloy kang humahanap ng mga dakilang bagay para sa iyong sarili. Huwag ka nang maghanap.” (Jer. 45:4, 5) Tinanggap ni Baruc ang pagtutuwid. Isa ngang katalinuhan na laging isaisip ang mga salitang iyon ng Diyos habang hinihintay ang wakas ng masamang sanlibutang ito!

12. Magbigay ng halimbawa kung bakit hindi tayo magiging matapat sa Diyos kapag makasarili tayo.

12 Kinailangan ni Daniel, isang brother sa Mexico, na magpasiya kung magiging matapat siya sa Diyos o uunahin ang sarili niyang kagustuhan. Gusto kasi niyang mapangasawa ang isang babae na di-kapananampalataya. Sinabi ni Daniel: “Kahit payunir na ako, nakikipagsulatan pa rin ako sa kaniya. Pero nagpakumbaba ako at sinabi ko sa isang makaranasang elder na nahahati ang puso ko. Tinulungan niya akong makita na para maging matapat ako sa Diyos, kailangan ko nang ihinto ang pakikipagsulatan sa kaniya. Pagkatapos ng maraming panalangin at luha, ganoon nga ang ginawa ko. Di-nagtagal, naging mas masaya ako sa ministeryo.” Nang maglaon, nakapag-asawa si Daniel ng isang mahusay na sister at naglilingkod na siya ngayon bilang tagapangasiwa ng sirkito.

ANG PAGIGING MATAPAT SA DIYOS AY TUMUTULONG SA ATIN NA MAGPAKITA NG KABAITAN

Kung nalaman mong nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang kapananampalataya, magiging matapat ka ba at tutulungan siya na humingi ng tulong sa mga elder? (Tingnan ang parapo 14)

13. Paano naging matapat si Natan sa Diyos at kay David nang magkasala si David?

13 Kung minsan, nakaaapekto ang pagkamatapat natin kay Jehova sa pagkamatapat natin sa mga tao. Si propeta Natan ay matapat kay David at matapat din sa Diyos. Nalaman ni Natan na nangalunya si David at ipinapatay nito ang asawa ng babae sa labanan. Nang isugo ni Jehova si Natan para sawayin si David, sumunod ang propeta at nagpakalakas-loob, kahit matapat siya kay David. Naging marunong at mabait si Natan sa pagtutuwid kay David. Para maipakita kay David kung gaano kalubha ang kasalanan nito, nagbigay si Natan ng ilustrasyon tungkol sa kawalang-katarungan ng isang taong mayaman na kumuha sa kordero ng isang dukha. Nagalit si David sa ginawa ng taong mayaman. Pagkatapos, sinabi ni Natan sa kaniya: “Ikaw mismo ang taong iyon!” Naunawaan ni David ang punto.—2 Sam. 12:1-7, 13.

14. Paano ka magiging matapat kapuwa kay Jehova at sa iyong kaibigan o kamag-anak?

14 Makatutulong ang kabaitan kapag nahihirapan tayo kung kanino tayo magiging mas matapat. Halimbawa, nakatitiyak ka na nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang kapananampalataya. Matapat ka sa kaniya, lalo na kung isa siyang malapít na kaibigan o kamag-anak. Pero kung pagtatakpan mo ang kasalanan, hindi ka magiging matapat sa Diyos. Siyempre, kay Jehova ka muna dapat maging matapat. Tulad ni Natan, maging mabait pero matatag. Pasiglahin ang kaibigan o kamag-anak mo na humingi ng tulong sa mga elder. Dahil matapat ka sa Diyos, kung hindi niya ito gagawin sa loob ng makatuwirang haba ng panahon, dapat mo itong ipaalam sa mga elder. Sa paggawa nito, nagiging matapat ka kay Jehova at mabait sa iyong kaibigan o kamag-anak, dahil sisikapin ng mga Kristiyanong elder na ituwid siya nang may kahinahunan.—Basahin ang Levitico 5:1; Galacia 6:1.

KAILANGAN ANG LAKAS NG LOOB PARA MAGING MATAPAT SA DIYOS

15, 16. Bakit kinailangan ni Husai ng lakas ng loob para maging matapat sa Diyos?

15 Kinailangan ni Husai ng lakas ng loob para maging matapat sa Diyos. Si Husai ay matapat na kaibigan ni Haring David. Pero nasubok ang pagkamatapat niya nang makuha ni Absalom, anak ni David, ang puso ng marami at magsikap itong agawin ang Jerusalem at ang trono. (2 Sam. 15:13; 16:15) Ano kaya ang gagawin ni Husai nang tumakas si David mula sa lunsod? Lilipat na ba siya sa panig ni Absalom, o susunod siya sa tumatakas na matandang hari? Dahil determinado siyang maging matapat sa itinalagang hari ng Diyos, nakipagkita si Husai kay David sa Bundok ng mga Olibo.—2 Sam. 15:30, 32.

16 Pinakiusapan ni David si Husai na bumalik sa Jerusalem para magpanggap na kampi ito kay Absalom at biguin ang payo ni Ahitopel. Kahit nanganganib ang kaniyang buhay, naging matapat si Husai kay Jehova at ginawa ang hinihiling sa kaniya ni David. Gaya ng ipinanalangin ni David, binigo ng payo ng matapang na si Husai ang payo ni Ahitopel.—2 Sam. 15:31; 17:14.

17. Bakit natin kailangan ng lakas ng loob para maging matapat?

17 Kailangan natin ang lakas ng loob para maging matapat kay Jehova. Marami sa atin ang lakas-loob na naging matatag sa kabila ng panggigipit ng kapamilya, katrabaho, o sekular na mga awtoridad. Halimbawa, si Taro na taga-Japan ay lumaking matapat at masunurin sa kaniyang mga magulang. Hindi lang ito obligasyon para sa kaniya. Talagang gusto niyang mapasaya ang mga magulang niya. Kaya nang sumalansang sila dahil sa pakikisama niya sa mga Saksi ni Jehova, nahirapan siyang sabihin sa kanila na nakapagpasiya na siyang dumalo nang regular sa mga Kristiyanong pagpupulong. Sinabi ni Taro: “Galit na galit sila sa akin, at ilang taon nila akong hindi pinayagang dumalaw sa bahay. Nanalangin ako sa Diyos na bigyan ako ng lakas ng loob para maging matatag. Mas maganda na ang pakikitungo nila, at regular ko na silang nadadalaw.”—Basahin ang Kawikaan 29:25.

18. Paano ka nakinabang sa pag-aaral na ito?

18 Tulad nina David, Jonatan, Natan, at Husai, maranasan nawa natin ang kasiyahang dulot ng pagkamatapat kay Jehova. Pero matuto rin tayo ng aral mula sa pagiging di-matapat nina Abner at Absalom. Gusto nating manatiling matapat kay Jehova, gaya ni David. At dahil hindi tayo sakdal, nakagagawa tayo ng pagkakamali. Pero maipakikita nating pangunahin sa atin ang pagkamatapat kay Jehova.

^ [1] (parapo 7) Binago ang ilang pangalan.