TALAMBUHAY
Pinagtagumpay ni Jehova ang Paglilingkod Ko sa Kaniya
Sinabi ko sa opisyal na nabilanggo na ako dati kasi ayaw kong magsundalo. Tinanong ko siya: “Ipapakulong n’yo na naman ba ako?” Nangyari iyan nang ipatawag ako uli para sumali sa United States Army.
IPINANGANAK ako noong 1926 sa Crooksville, Ohio, sa Estados Unidos. Hindi relihiyoso sina Tatay at Nanay, pero sinasabihan nila kaming walong magkakapatid na magsimba. Sa Methodist Church ako nagsisimba. Nang 14 anyos ako, binigyan ako ng premyo ng ministro dahil isang taon akong hindi lumiliban kapag Linggo.
Nang mga panahong iyon, isang Saksi ni Jehova na kapitbahay namin, si Margaret Walker, ang bumibisita sa nanay ko at nakikipag-usap tungkol sa Bibliya. Isang araw, nakiupo ako. Akala ni Nanay, manggugulo lang ako sa pag-aaral nila, kaya pinalabas niya ako ng bahay. Pero nakikinig pa rin ako sa kanila. Pagkaraan ng ilan pang pagdalaw, tinanong ako ni Sister Margaret, “Alam mo ba ang pangalan ng Diyos?” Sabi ko, “Alam naman nating lahat ’yan—Diyos.” Sinabi niya, “Kunin mo’ng Bibliya mo at tingnan mo ang Awit 83:18.” Tiningnan ko at nalaman kong Jehova pala ang pangalan ng Diyos. Pinuntahan ko agad ang mga kaibigan ko at sinabi ko, “Pag-uwi n’yo ngayong gabi, hanapin n’yo ang Awit 83:18 sa Bibliya at tingnan n’yo kung ano ang pangalan ng Diyos.” Masasabing agad-agad akong nagsimulang magpatotoo.
Nag-aral ako ng Bibliya at nabautismuhan noong 1941. Di-nagtagal, inatasan akong maging konduktor ng pag-aaral ng kongregasyon sa aklat. Inimbitahan ko ang nanay ko at mga kapatid, at nagsimula silang dumalo. Pero hindi interesado si Tatay.
PAG-UUSIG SA TAHANAN
Binigyan ako ng iba pang responsibilidad sa kongregasyon, at nag-ipon ako ng mga publikasyon para sa aking aklatan. Isang araw, itinuro ni Tatay ang mga aklat ko at sinabi: “Nakikita mo ang mga ’yan? Alisin mo ’yan sa pamamahay ko, kasama ka na rin.” Umalis ako at nakakuha ng matitirhang kuwarto sa kalapít na Zanesville, Ohio, pero umuuwi-uwi pa rin ako para patibayin ang pamilya namin.
Hinadlangan ni Tatay si Nanay sa pagdalo sa mga pulong. Minsan, kapag paalis na si Nanay, hinahabol siya ni Tatay at hinihila pabalik ng bahay. Pero tatakbo si Nanay palabas sa kabilang pinto at dumadalo pa rin. Sabi ko kay Nanay: “Huwag po kayong mag-alala. Mapapagod din siya sa kakahabol sa inyo.” Nang maglaon, tumigil na rin si Tatay, kaya malaya nang nakakadalo si Nanay.
Noong 1943, nagsimula ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo sa kongregasyon namin, at nagkakabahagi na ako. Nakatulong ang mga payo sa akin sa paaralang iyon para sumulong ang paraan ko ng pagpapahayag.
NEUTRALIDAD SA PANAHON NG DIGMAAN
Kasagsagan noon ng Digmaang Pandaigdig II. Noong 1944, ipinatawag ako para sa serbisyo militar. Nagreport ako sa Fort Hayes sa Columbus, Ohio, sumailalim sa physical examination, at pinunan ko ang ilang dokumento. Sinabi ko rin sa mga opisyal na hindi ako magsusundalo. Pinauwi na nila ako. Makalipas ang ilang araw, isang opisyal ang pumunta sa tinitirhan ko at nagsabi: “Corwin Robison, may warrant ako para arestuhin ka.”
Pagkaraan ng dalawang linggo, sa harap ng korte, sinabi ng hukom: “Kung sa akin lang, sesentensiyahan kita ng habambuhay na pagkabilanggo. May gusto ka bang sabihin?” Sinabi ko: “Your Honor, dapat sana’y itinala ako bilang ministro. Bawat pinto ay aking pulpito, at ipinangaral ko ang mabuting balita ng Kaharian sa maraming tao.” Sinabi ng hukom sa hurado: “Narito kayo, hindi para pagpasiyahan kung ang binatang ito ay ministro o hindi, kundi kung nagreport siya para maglingkod sa militar o hindi.” Wala pang kalahating oras, nagbaba na ang hurado ng hatol—guilty. Sinentensiyahan ako ng hukom ng limang-taóng pagkabilanggo sa federal penitentiary sa Ashland, Kentucky.
PINROTEKTAHAN AKO NI JEHOVA SA BILANGGUAN
Dalawang linggo ako sa bilangguan sa Columbus, Ohio, at maghapon akong nasa loob ng selda sa unang araw ko. Nanalangin ako kay Jehova: “Hindi ko po kayang manatili sa selda nang limang taon. Hindi ko alam ang gagawin ko.”
Kinabukasan, pinalabas ako ng mga guwardiya. Nilapitan ko ang isang preso na matangkad at malapad ang balikat, at tumanaw kami sa may bintana. Tinanong niya ako, “Ano’ng
kaso mo, Pandak?” Sinabi ko, “Saksi ni Jehova ako.” Sinabi niya, “Gano’n? Ba’t nandito ka?” Sabi ko, “Hindi sumasali sa digmaan ang mga Saksi ni Jehova at hindi kami pumapatay.” Sabi niya, “Ibinilanggo ka nila dahil ayaw mong pumatay. Ibinibilanggo naman nila ang iba dahil pumapatay sila. Tama ba ’yon?” Sabi ko, “Hindi.”Pagkatapos, sinabi niya, “Sa loob ng 15 taon, nasa ibang bilangguan ako, at doon ako nakapagbasa ng mga literatura n’yo.” Nanalangin ako, “Diyos na Jehova, tulungan n’yo po akong makuha ang loob ng taong ito.” Siyanga pala, Paul ang pangalan niya. Sinabi niya: “Kapag ginalaw ka ng mga ’yan, sumigaw ka lang. Ako’ng bahala sa kanila.” Mabuti na lang at wala akong naging problema sa 50 preso sa seksiyong iyon.
Nang ilipat ako sa Ashland ng mga opisyal sa bilangguan, nadatnan ko ang ilang may-gulang na brother na naroroon. Nakapanatili akong malakas sa espirituwal dahil sa pakikisama sa kanila. Inaatasan nila kami ng lingguhang pagbabasa ng Bibliya, at naghahanda kami ng mga tanong at sagot para sa mga pulong na tinatawag naming Bible Bees. May inatasan ding lingkod sa teritoryo. Nakatira kami sa isang malaking dormitoryo at nakahilera sa dingding ang mga kama. Sinabi sa akin ng lingkod sa teritoryo: “Robison, ikaw ang bahala sa higaang ganito at ganoon. Teritoryo mo ang sinumang nakahiga roon. Tiyakin mong mapatotohanan mo siya bago siya lumaya.” Ganiyan kami nangaral sa organisadong paraan.
BUHAY SA LABAS NG BILANGGUAN
Natapos ang Digmaang Pandaigdig II noong 1945, pero naiwan pa ako sa bilangguan nang ilang panahon. Nag-alala ako sa pamilya namin dahil sinabi ni Tatay, “Kapag naidispatsa kita, kaya ko na sila.” Paglaya ko, nagulat ako dahil sa kabila ng pag-uusig ni Tatay, pitong kapamilya ko ang dumadalo sa mga pulong at bautisado na ang isang kapatid kong babae.
Nang sumiklab ang Korean War noong 1950, pinapagsundalo uli ako. Nagreport ako sa Fort Hayes. Pagkatapos ng aptitude test, sinabi ng isang opisyal, “Isa ka sa may pinakamatataas na score sa grupo n’yo.” Sabi ko, “Ayos lang, pero hindi po ako sasali sa army.” Sinipi ko ang 2 Timoteo 2:3 at sinabi, “Kawal na po ako ni Kristo.” Nanahimik siya at sinabi, “Puwede ka nang umalis.”
Di-nagtagal, sa isang kombensiyon sa Cincinnati, Ohio, dumalo ako sa pulong para sa mga gustong maglingkod sa Bethel. Sinabi sa amin ni Brother Milton Henschel na kung ang isang brother ay handang maglingkod nang puspusan para sa Kaharian, magagamit siya ng organisasyon sa Bethel. Nag-apply ako, natanggap, at nagreport sa Brooklyn Bethel noong Agosto 1954. Mula noon, sa Bethel na ako naglilingkod.
Hindi ako nauubusan ng trabaho sa Bethel. Sa loob ng maraming taon, nagtrabaho ako sa mga boiler sa printery at sa office complex, naging makinista, at nagkumpuni ng mga kandado. Nagtrabaho rin ako sa mga Assembly Hall sa New York City.
Napamahal sa akin ang espirituwal na rutin sa Bethel, kasama rito ang pang-umagang pagsamba at ang Pag-aaral sa Bantayan, pati na ang pakikibahagi sa ministeryo kasama ng kongregasyon. Kung tutuusin, iyan ang mga gawain na dapat gawin ng bawat pamilyang Saksi ni Jehova. Kapag isinasaalang-alang ng mga magulang ang pang-araw-araw na teksto kasama ng kanilang mga anak, nagdaraos ng regular na Pampamilyang Pagsamba, at lubusang nakikibahagi sa mga pulong at sa pangangaral ng mabuting balita, malamang na maging malusog sa espirituwal ang buong pamilya.
Marami akong naging kaibigan sa Bethel at sa kongregasyon. Ang ilan ay mga pinahiran at tumanggap na ng kanilang makalangit na gantimpala. Ang iba naman ay may makalupang pag-asa. Pero lahat ng lingkod ni Jehova—pati mga Bethelite—ay hindi sakdal. Kapag nagkaproblema ako sa isang kapatid, lagi kong sinisikap na makipagpayapaan. Iniisip ko ang Mateo 5:23, 24 at kung paano aayusin ang mga di-pagkakaunawaan. Hindi madaling magsori, pero bihirang lumala ang problema kapag nagsori na ako.
MAGAGANDANG RESULTA NG AKING PAGLILINGKOD
Dahil sa edad ko, nahihirapan na akong magbahay-bahay, pero hindi ako sumusuko. Nag-aral ako ng kaunting Mandarin Chinese at nagpapatotoo sa mga Chinese sa lansangan. Kung
minsan, nakakapagbigay ako ng 30 o 40 magasin sa mga interesado sa isang umaga.May naisagawa pa nga akong pagdalaw-muli sa China! Isang araw, nginitian ako ng isang dalagang namimigay ng flyer para sa isang tindahan ng prutas. Nginitian ko siya at inalok ng Chinese na Bantayan at Gumising! Tinanggap niya iyon at sinabing siya si Katie. Mula noon, nilalapitan niya ako at kinakausap. Itinuro ko sa kaniya ang pangalan ng mga prutas at gulay sa Ingles, at inuulit niya iyon pagkatapos kong sabihin. Ipinaliliwanag ko rin sa kaniya ang mga teksto sa Bibliya, at binigyan ko siya ng aklat na Itinuturo ng Bibliya. Pero pagkaraan ng ilang linggo, hindi ko na siya nakita.
Pagkaraan ng ilang buwan, may ibang dalaga naman na namimigay ng flyer, at nabigyan ko siya ng magasin. Nang sumunod na linggo, iniabot niya sa akin ang cellphone niya at sinabi, “Kausapin mo, China.” Sinabi ko, “Wala akong kakilala sa China.” Pero mapilit siya kaya kinuha ko ang cellphone at sinabi, “Hello, si Robison ito.” Sabi ng tinig sa kabilang linya, “Robby, si Katie ’to. Nandito na ako sa China.” Sabi ko, “China?” Sumagot si Katie, “Oo. Robby, y’ong babaeng nag-abot sa ’yo ng cellphone, kapatid ko ’yan. Marami akong natutuhan sa iyo. Please, turuan mo rin siya gaya ng pagtuturo mo sa akin.” Sabi ko, “Sisikapin ko, Katie. Salamat at sinabi mo kung nasaan ka na.” Di-nagtagal, nagkausap kami ng kapatid ni Katie sa huling pagkakataon. Nasaan man sila ngayon, sana’y matuto pa sila tungkol kay Jehova.
Sa loob ng 73 taon, naging buhay ko ang sagradong paglilingkod kay Jehova. Nagpapasalamat ako at tinulungan niya akong manatiling neutral at tapat sa bilangguan. Sinabi rin ng mga kapatid ko na napatibay sila dahil hindi ako sumuko sa pagsalansang ni Tatay. Nabautismuhan si Nanay at ang anim na kapatid ko. Lumambot din ang puso ni Tatay at nakadalo pa siya ng ilang pulong bago siya namatay.
Kung kalooban ng Diyos, bubuhayin niyang muli sa bagong sanlibutan ang mga kapamilya at kaibigan kong namatay na. Tiyak na napakasayang sumamba kay Jehova magpakailanman kasama ng mga mahal natin sa buhay! *
^ par. 32 Habang inihahanda ang artikulong ito para ilathala, si Corwin Robison ay namatay nang tapat kay Jehova.