Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 7

Maging Maamo at Pasayahin si Jehova

Maging Maamo at Pasayahin si Jehova

“Hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa . . . Hanapin ninyo ang kaamuan.”—ZEF. 2:3.

AWIT 80 Tikman at Tingnan ang Kabutihan ni Jehova

NILALAMAN *

1-2. (a) Paano inilarawan si Moises, at ano ang mga nagawa niya? (b) Kung pagsisikapan nating maging maamo, anong gantimpala ang naghihintay sa atin?

SA Bibliya, inilarawan si Moises na “pinakamaamo sa lahat ng taong nasa ibabaw ng lupa.” (Bil. 12:3) Ibig bang sabihin, mahina siya, di-makapagpasiya, at takót sa komprontasyon? Baka ganiyan ang naiisip ng iba kapag sinabing maamo ang isa. Pero hindi ganiyan si Moises. Isa siyang malakas, may paninindigan, at matapang na lingkod ng Diyos. Sa tulong ni Jehova, hinarap niya ang makapangyarihang tagapamahala ng Ehipto, pinangunahan sa paglalakbay sa tigang na lupain ang mga 3,000,000 tao, at tinulungan ang bansang Israel na talunin ang mga kaaway nila.

2 Kahit hindi tayo napapaharap sa mga hamon na katulad ng kay Moises, napapaharap naman tayo araw-araw sa mga tao o sitwasyon na sumusubok sa ating kaamuan. Kaya kailangan nating sikaping maging maamo. At malaking gantimpala ang naghihintay sa atin! Ipinapangako ni Jehova na “ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa.” (Awit 37:11) Kung ikaw ang tatanungin, maamo ka ba? Ano naman kaya ang sasabihin ng iba? Bago natin masagot ang mahahalagang tanong na iyan, kailangan muna nating malaman ang ibig sabihin ng pagiging maamo.

ANO ANG KAAMUAN?

3-4. (a) Saan maikukumpara ang kaamuan? (b) Anong apat na katangian ang kailangan para maging maamo tayo, at bakit?

3 Ang kaamuan * ay gaya ng isang magandang painting. Bakit? Para makagawa ng isang painting, kailangang pagsama-samahin ng pintor ang iba’t ibang magagandang kulay. Para naman maging maamo, kailangang pagsama-samahin ang iba’t ibang magagandang katangian. Kasama na rito ang kapakumbabaan, pagiging mapagpasakop, kahinahunan, at lakas ng loob. Bakit kailangan ang mga katangiang iyan para mapasaya si Jehova?

4 Ang mga mapagpakumbaba lang ang magpapasakop sa kalooban ng Diyos. Kalooban ng Diyos na maging mahinahon tayo. (Mat. 5:5; Gal. 5:23) Kapag ginagawa natin ang kalooban ng Diyos, galít na galít si Satanas. Kaya kahit na mapagpakumbaba tayo at mahinahon, magagalit pa rin sa atin ang marami sa sanlibutan na naimpluwensiyahan niya. (Juan 15:18, 19) Kaya kailangan din natin ng lakas ng loob para magtagumpay laban kay Satanas.

5-6. (a) Bakit galít si Satanas sa maaamo? (b) Anong mga tanong ang sasagutin natin?

5 Ang isang tao na hindi maamo ay mayabang, magagalitin, at hindi sumusunod kay Jehova. Ganiyang-ganiyan si Satanas. Kaya hindi kataka-takang galít siya sa maaamo! Kasi dahil sa kanila, lalong nakikita kung gaano kasamâ ang ugali niya. Isa pa, napatutunayan din nilang sinungaling si Satanas. Paano? Kasi anuman ang sabihin at gawin niya, hindi niya kayang pahintuin ang maaamo sa paglilingkod kay Jehova!—Job 2:3-5.

6 Kailan mahirap maging maamo? At bakit kailangan nating patuloy na pagsikapang maging maamo? Para masagot iyan, talakayin natin ang halimbawa ni Moises, ng tatlong Hebreo na tapon sa Babilonya, at ni Jesus.

KAILAN MAHIRAP MAGING MAAMO?

7-8. Ano ang ginawa ni Moises nang hindi siya igalang ng iba?

7 Kapag binigyan ng awtoridad: Baka mahirapan ang isang may awtoridad na maging maamo, lalo na kung hindi siya iginagalang ng pinangangasiwaan niya o kung kinukuwestiyon nila ang desisyon niya. Nangyari na ba iyan sa iyo? Paano kung kapamilya mo ang gumawa nito? Ano ang gagawin mo? Tingnan kung ano ang ginawa ni Moises sa ganiyang sitwasyon.

8 Inatasan ni Jehova si Moises na maging lider ng Israel at ginamit siya para isulat ang Kautusan na dapat sundin ng bayan. Maliwanag, sinusuportahan ni Jehova si Moises. Pero nagsalita ng masama laban sa kaniya ang sarili niyang mga kapatid na sina Miriam at Aaron, at kinuwestiyon nila ang pagpili niya ng asawa. Kung iba ang nasa kalagayan ni Moises, malamang na magalit sila at gumanti. Pero iba si Moises. Hindi siya agad nagdamdam. Nagmakaawa pa nga siya kay Jehova na ihinto na ang pagpaparusa kay Miriam. (Bil. 12:1-13) Bakit ganiyan ang ginawa ni Moises?

Nagmakaawa si Moises kay Jehova na ihinto na ang pagpaparusa kay Miriam (Tingnan ang parapo 8)

9-10. (a) Ano ang ipinaunawa ni Jehova kay Moises? (b) Ano ang matututuhan ng mga ulo ng pamilya at mga elder kay Moises?

9 Nagpahubog si Moises kay Jehova. Mga 40 taon bago nito, noong bahagi pa siya ng pamilya ng hari sa Ehipto, hindi pa maamo si Moises. Ang totoo, madali siyang magalit noon, kaya pinatay niya ang isang lalaki na sa tingin niya ay nang-aapi ng iba. Iniisip niya na siguradong sang-ayon si Jehova sa ginawa niya. Pero 40 taóng sinanay ni Jehova si Moises para maunawaan nito na hindi lang lakas ng loob ang kailangan para pangunahan ang mga Israelita; kailangan niyang maging maamo. At para maging maamo, kailangan din niyang maging mapagpakumbaba, mapagpasakop, at mahinahon. Natutuhan niya iyan at naging mahusay siyang tagapangasiwa.—Ex. 2:11, 12; Gawa 7:21-30, 36.

10 Sa ngayon, dapat tularan ng mga ulo ng pamilya at ng mga elder si Moises. Kapag hindi kayo iginagalang ng iba, huwag agad magdamdam. Mapagpakumbabang aminin kung may nagawa kayong mali. (Ecles. 7:9, 20) Magpasakop sa tagubilin ni Jehova kung paano aayusin ang mga problema. At laging sumagot nang mahinahon. (Kaw. 15:1) Kung ganiyan ang mga ulo ng pamilya at mga tagapangasiwa, napasasaya nila si Jehova, naitataguyod nila ang kapayapaan, at nagiging halimbawa sila ng pagiging maamo.

11-13. Anong magandang halimbawa ang ipinakita ng tatlong Hebreo?

11 Kapag pinag-uusig: Noon pa man, inuusig na ng mga tagapamahala ang bayan ni Jehova. Iba-iba ang paratang nila sa atin, pero ang totoo, galít lang sila dahil pinili nating “sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Baka laitin nila tayo, ikulong, o bugbugin. Pero sa tulong ni Jehova, makapananatili tayong mahinahon at hindi gaganti.

12 Tingnan ang halimbawa ng tatlong Hebreo na naging tapon sa Babilonya—sina Hananias, Misael, at Azarias. * Inutusan sila ng hari ng Babilonya na yumukod sa malaking gintong imahen. Mahinahon nilang ipinaliwanag sa hari kung bakit hindi sila sasamba sa imahen. Nagpasakop sila sa Diyos kahit nagbanta ang hari na ihahagis sila sa naglalagablab na hurno. Iniligtas agad ni Jehova ang tatlong lalaking ito, pero hindi nila iyon inaasahan. Handa nilang tanggapin anuman ang ipahintulot ni Jehova na mangyari. (Dan. 3:1, 8-28) Pinatunayan nila na malakas ang loob ng maaamo—walang hari, banta, o parusa ang makasisira sa determinasyon nating ibigay kay Jehova ang ating “bukod-tanging debosyon.”—Ex. 20:4, 5.

13 Kapag nasusubok ang katapatan natin sa Diyos, paano natin matutularan ang tatlong Hebreo? Magtiwalang si Jehova ang bahala sa atin pero mapagpakumbabang tanggapin anuman ang kalooban niya. (Awit 118:6, 7) Kausapin nang mahinahon at magalang ang mga umaakusa sa atin. (1 Ped. 3:15) At huwag na huwag ikompromiso ang pakikipagkaibigan natin sa ating mapagmahal na Ama.

Kapag sinasalansang tayo, magalang tayong sumasagot

(Tingnan ang parapo 13)

14-15. (a) Ano ang puwedeng mangyari kapag nai-stress tayo? (b) Batay sa Isaias 53:7, 10, bakit natin masasabing si Jesus ang pinakamahusay na halimbawa ng kaamuan kahit nai-stress?

14 Kapag nai-stress: Lahat tayo ay nai-stress sa iba’t ibang dahilan. Baka nai-stress tayo kapag malapit na tayong mag-exam o may mahirap na trabaho tayong gagawin. Puwede rin tayong ma-stress kapag naiisip natin ang mga test o operasyon na gagawin sa atin sa ospital. Mahirap maging maamo sa mga sitwasyong iyan. Baka mainis tayo sa mga bagay na hindi naman dating nakakairita sa atin. Baka makapagsalita tayo nang masakit o maging masungit. Kung nai-stress ka, pag-isipan ang halimbawa ni Jesus.

15 Noong mga huling buwan ni Jesus sa lupa, nakaranas siya ng matinding stress. Alam niyang malapit na siyang magdusa at mamatay. (Juan 3:14, 15; Gal. 3:13) Mga ilang buwan bago siya mamatay, sinabi niyang namimighati siya. (Luc. 12:50) At ilang araw lang bago siya mamatay, sinabi ni Jesus: “Nababagabag ang aking kaluluwa.” Makikita sa panalangin ni Jesus na mapagpakumbaba siya at mapagpasakop sa Diyos. Sinabi niya: “Ama, iligtas mo ako mula sa oras na ito. Gayunpaman, ito ang dahilan kung bakit ako dumating sa oras na ito. Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” (Juan 12:27, 28) Nang dumating ang oras na iyon, lakas-loob na hinarap ni Jesus ang mga kaaway ng Diyos, na pumatay sa kaniya sa pinakamasakit at pinakakahiya-hiyang paraan. Kahit hirap na hirap na siya, maamo pa rin si Jesus at ginawa niya ang kalooban ng Diyos. Talagang si Jesus ang pinakamahusay na halimbawa ng kaamuan kahit nai-stress!—Basahin ang Isaias 53:7, 10.

Si Jesus ang pinakamahusay na halimbawa ng kaamuan (Tingnan ang parapo 16-17) *

16-17. (a) Paano sinubok ng mga kaibigan ni Jesus ang kaamuan niya? (b) Paano natin matutularan si Jesus?

16 Noong huling gabi ni Jesus sa lupa, muling nasubok ang kaamuan niya dahil sa iginawi ng pinakamalalapít niyang kaibigan. Isipin ang tindi ng stress ni Jesus nang gabing iyon. Mananatili kaya siyang tapat hanggang kamatayan? Bilyon-bilyong buhay ang nakataya. (Roma 5:18, 19) Higit sa lahat, sangkot ang reputasyon ng kaniyang Ama. (Job 2:4) Pero sa huling hapunan niya kasama ang pinakamalalapít niyang kaibigan, ang mga apostol, isang “mainitang pagtatalo” ang bumangon sa gitna nila tungkol sa “kung sino sa kanila ang waring pinakadakila.” Maraming beses na silang itinuwid ni Jesus. Ang totoo, katatapos lang silang ituwid ni Jesus nang gabing iyon! Pero hindi nainis si Jesus. Sumagot pa rin siya nang mahinahon. Muli, ipinaliwanag ni Jesus sa mabait pero tuwirang paraan kung ano ang dapat na maging saloobin nila. Kinomendahan niya rin ang kaniyang mga kaibigan dahil hindi siya iniwan ng mga ito.—Luc. 22:24-28; Juan 13:1-5, 12-15.

17 Paano kaya kung ikaw ang nasa ganoong sitwasyon? Puwede nating tularan si Jesus at manatiling mahinahon kahit nai-stress. Sundin nang hindi mabigat sa loob ang utos ni Jehova na ‘patuloy na pagtiisan ang isa’t isa.’ (Col. 3:13) Masusunod natin ang utos na ito kung tatandaan natin na lahat tayo ay may nagagawa o nasasabing ikinaiinis ng iba. (Kaw. 12:18; Sant. 3:2, 5) Makakatulong din kung babanggitin natin ang mabubuting katangian na nakikita natin sa iba.—Efe. 4:29.

BAKIT DAPAT PAGSIKAPAN NA MAGING MAAMO?

18. Paano tinutulungan ni Jehova ang maaamo na gumawa ng mahusay na desisyon, pero ano ang dapat nilang gawin?

18 Kung maamo tayo, mas makagagawa tayo ng mahusay na desisyon. Kapag kailangan nating gumawa ng malalaking desisyon, tutulungan tayo ni Jehova—kung maamo tayo. Nangako siya na diringgin niya ang “pagnanasa ng maaamo.” (Awit 10:17) Pero hindi lang iyan ang gagawin niya. Nangangako ang Bibliya: “Palalakarin niya ang maaamo sa kaniyang hudisyal na pasiya, at ituturo niya sa maaamo ang kaniyang daan.” (Awit 25:9) Pinapatnubayan tayo ni Jehova sa pamamagitan ng Bibliya, mga publikasyon, * at mga programa na inilaan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45-47) Pero may kailangan din tayong gawin. Dapat na mapagpakumbaba nating tanggapin na kailangan natin ng tulong, pag-aralan ang mga inilalaan ni Jehova, at isabuhay ang mga natututuhan natin.

19-21. Anong pagkakamali ang nagawa ni Moises sa Kades, at ano ang matututuhan natin dito?

19 Kung maamo tayo, maiiwasan nating magkamali. Isipin ulit si Moises. Sa loob ng maraming dekada, nanatili siyang maamo at napasaya niya si Jehova. Pero sa pagtatapos ng napakahirap na 40-taóng paglalakbay sa ilang, naiwala niya ang kaamuan. Kamamatay lang at kalilibing sa Kades ng kapatid niyang babae na malamang na tumulong para mailigtas ang buhay niya sa Ehipto. At ngayon, nagrereklamo na naman ang mga Israelita na pinababayaan sila. “Nakipagtalo ang bayan kay Moises” dahil walang tubig. Sa kabila ng lahat ng himalang ginawa ni Jehova sa pamamagitan ni Moises at kahit ibinigay na ni Moises ang buong buhay niya para manguna sa bayan, nagreklamo pa rin sila. Hindi lang kawalan ng tubig ang inirereklamo nila. Inirereklamo rin nila si Moises, na para bang kasalanan niya kung bakit sila nauuhaw.—Bil. 20:1-5, 9-11.

20 Nadaig ng galit si Moises at hindi siya naging mahinahon. Sa halip na makipag-usap sa bato, gaya ng iniutos ni Jehova, pagalít na kinausap ni Moises ang bayan at pinalabas na siya ang gagawa ng himala. Dalawang beses niyang hinampas ang bato at lumabas ang maraming tubig. Napakalaking pagkakamali ang nagawa ni Moises dahil sa pride at galit. (Awit 106:32, 33) Hindi siya nakapasok sa Lupang Pangako dahil hindi siya nakapagpakita ng kaamuan sa pagkakataong iyon.—Bil. 20:12.

21 May mahahalagang aral tayong matututuhan dito. Una, dapat na patuloy nating pagsikapan na manatiling maamo. Dahil kahit sandali lang nating maiwala ito, baka maging ma-pride tayo at magsalita at kumilos nang padalos-dalos. Ikalawa, mahirap maging maamo kapag nai-stress. Kaya kailangan nating doblihin ang pagsisikap na maging maamo kapag mahirap ang sitwasyon.

22-23. (a) Bakit dapat nating patuloy na hanapin ang kaamuan? (b) Ano ang ipinapakita ng pananalita sa Zefanias 2:3?

22 Kung maamo tayo, protektado tayo. Malapit nang alisin ni Jehova sa lupa ang lahat ng masama, at maaamo lang ang matitira. Sa panahong iyon, magiging payapa na ang lupa. (Awit 37:10, 11) Mapapabilang ka kaya sa maaamong iyon? Puwede, kung tatanggapin mo ang paanyaya ni Jehova na iniulat ni propeta Zefanias.—Basahin ang Zefanias 2:3.

23 Bakit sinabi ng Zefanias 2:3: “Baka sakaling makubli kayo”? Ibig bang sabihin, hindi kayang protektahan ni Jehova ang mga minamahal niya na nagsisikap na mapasaya siya? Hindi. Ipinapakita lang nito na may kailangan din tayong gawin para maligtas tayo. Puwede tayong makaligtas sa “araw ng galit ni Jehova” at mabuhay magpakailanman kung pagsisikapan natin, ngayon pa lang, na maging maamo at mapasaya si Jehova.

AWIT 120 Tularan ang Kahinahunan ni Kristo

^ par. 5 Walang sinuman sa atin ang ipinanganak na maamo. Dapat natin itong matutuhan. Kung minsan, madaling maging maamo sa mga taong mabait, pero mahirap maging maamo sa mga taong mayabang. Tatalakayin sa artikulong ito ang ilang hamon na kailangan nating mapagtagumpayan para maging maamo.

^ par. 3 KARAGDAGANG PALIWANAG: Kaamuan. Ang maaamo ay mabait makitungo sa iba at mahinahon pa rin kahit nakakainis ang sitwasyon. Kapakumbabaan. Ang mapagpakumbaba ay hindi ma-pride o mayabang; itinuturing niyang nakatataas sa kaniya ang iba. Kapag sinabing mapagpakumbaba si Jehova, nangangahulugan ito na pinakikitunguhan niya nang may pag-ibig at awa ang mga nakabababa sa kaniya.

^ par. 12 Ang tatlong Hebreong ito ay binigyan ng mga Babilonyo ng pangalang Sadrac, Mesac, at Abednego.—Dan. 1:7.

^ par. 18 Tingnan ang artikulong “Gumawa ng mga Desisyong Magpaparangal sa Diyos,” sa Abril 15, 2011, isyu ng Bantayan.

^ par. 60 LARAWAN: Nanatiling kalmado si Jesus at mahinahon niyang itinuwid ang mga alagad niya noong nagtatalo sila kung sino sa kanila ang mas dakila.