Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 6

“Ang Ulo ng Babae ay ang Lalaki”

“Ang Ulo ng Babae ay ang Lalaki”

“Ang ulo ng babae ay ang lalaki.”—1 COR. 11:3.

AWIT 13 Si Kristo ang Ating Huwaran

NILALAMAN *

1. Sa pagpili ng mapapangasawa, ano ang mga dapat itanong ng isang sister sa sarili niya?

LAHAT ng Kristiyano ay nasa ilalim ng perpektong pagkaulo ni Jesu-Kristo. Pero kapag nag-asawa na ang isang babaeng Kristiyano, nagiging ulo niya ang isang di-perpektong lalaki. Hindi iyan madali. Kaya kapag mayroon na siyang napipiling maging asawa, makakabuting itanong niya sa sarili: ‘Ano ang indikasyon na magiging mabuting ulo ng pamilya ang brother na ito? Pangunahin ba sa buhay niya ang paglilingkod kay Jehova? Kung hindi, bakit iniisip kong magiging mabuti siyang ulo ng pamilya pagdating sa aming espirituwalidad pagkatapos naming ikasal?’ Makakabuti ring itanong ng isang sister: ‘Anong mga katangian ko ang makakatulong sa aming pagsasama? Pasensiyosa ba ako at bukas-palad? Malapít ba ang kaugnayan ko kay Jehova?’ (Ecles. 4:9, 12) Sa paanuman, nakadepende sa desisyon ng isang sister bago siya mag-asawa kung gaano kasaya ang magiging buhay niya bilang may-asawa.

2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

2 Milyon-milyong sister natin ang nagpakita ng mahusay na halimbawa sa pagiging mapagpasakop sa kani-kanilang asawa. Dapat silang komendahan! Natutuwa tayong makasama ang tapat na mga babaeng ito sa paglilingkod kay Jehova! Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang sagot sa tatlong tanong: (1) Ano ang nagiging problema ng mga asawang babae? (2) Bakit pinipili ng isang asawang babae na magpasakop sa kaniyang asawa? (3) Tungkol sa pagpapasakop, ano ang matututuhan ng mga mag-asawang Kristiyano kina Jesus, Abigail, at Maria, ang asawa ni Jose at ina ni Jesus?

ANO ANG NAGIGING PROBLEMA NG MGA KRISTIYANONG ASAWANG BABAE?

3. Bakit walang perpektong pag-aasawa?

3 Ang pag-aasawa ay isang perpektong regalo mula sa Diyos, pero hindi perpekto ang mga tao. (1 Juan 1:8) Kaya naman sinasabi ng Salita ng Diyos na ang mga mag-asawa ay magkakaroon ng “karagdagang mga problema sa buhay.” (1 Cor. 7:28) Tingnan natin ang ilan sa nagiging problema ng isang asawang babae.

4. Bakit posibleng madama ng isang babae na nakakabawas ng dangal ang pagpapasakop sa kaniyang asawa?

4 Dahil sa kaniyang kinalakhan, baka madama ng isang babae na nakakabawas ng dangal ang pagpapasakop sa kaniyang asawa. “Sa lugar kung saan ako lumaki,” ang sabi ni Marisol, na taga-United States, “madalas na sinasabihan ang mga babae na dapat silang maging kapantay ng mga lalaki sa lahat ng bagay. Alam kong ginawa ni Jehova ang kaayusan ng pagkaulo at dapat sundin ito ng mga babae, pero dapat din silang irespeto. Pero hindi madaling mapanatili ang isang balanseng pananaw sa pagkaulo.”

5. Ano ang di-makakasulatang paniniwala ng ilan tungkol sa papel ng mga babae?

5 Baka ang napangasawa naman ng isang babae ay naniniwala na mas mababa ang mga babae kaysa sa mga lalaki. “Sa lugar namin,” ang sabi ng sister na si Ivon, na taga-South America, “kakain muna ang mga lalaki bago ang mga babae. Ang mga batang babae ang inaasahang magluluto at maglilinis, pero ang mga batang lalaki ay pinagsisilbihan ng kanilang nanay at mga kapatid na babae, at sinasabi sa kanila na sila ang ‘hari ng tahanan.’” Sinabi naman ng sister na si Yingling, na taga-Asia: “Sa wika namin, may kasabihan na nangangahulugang ang mga babae ay hindi kailangang maging matalino o maabilidad. Ang papel nila ay gawin ang lahat ng gawaing-bahay at hindi sila puwedeng magsabi ng opinyon nila sa kanilang asawa.” Kapag may ganiyang di-makakasulatang paniniwala ang isang lalaki, nahihirapan ang asawa niya, hindi niya natutularan si Jesus, at napapalungkot niya si Jehova.—Efe. 5:28, 29; 1 Ped. 3:7.

6. Ano ang kailangang gawin ng mga asawang babae para mapatibay ang kanilang kaugnayan kay Jehova?

6 Gaya ng binanggit sa naunang artikulo, inaasahan ni Jehova na ilalaan ng mga Kristiyanong asawang lalaki ang espirituwal, emosyonal, at materyal na pangangailangan ng kanilang pamilya. (1 Tim. 5:8) Pero kahit busy ang mga may-asawang sister, kailangan pa rin nilang maglaan ng panahon araw-araw para magbasa ng Salita ng Diyos, bulay-bulayin ito, at manalangin nang taimtim kay Jehova. Hindi ito madali. Dahil busy ang mga asawang babae, baka madama nilang wala na silang panahon o lakas para magawa ang mga iyon. Pero mahalagang mabigyan nila ito ng panahon. Bakit? Gusto kasi ni Jehova na magkaroon ang bawat isa sa atin ng malapít na kaugnayan sa kaniya at mapanatili ito.—Gawa 17:27.

7. Paano magiging madali para sa isang asawang babae na gampanan ang kaniyang papel?

7 Siyempre, kailangang magsikap ang isang babae na maging mapagpasakop sa kaniyang di-perpektong asawa. Magiging madali sa kaniya na gampanan ang papel na ibinigay ni Jehova kung naiintindihan niya at tinatanggap ang makakasulatang mga dahilan kung bakit dapat siyang maging mapagpasakop.

BAKIT DAPAT PILIING MAGPASAKOP?

8. Gaya ng ipinapakita sa Efeso 5:22-24, bakit dapat piliin ng isang Kristiyanong babae na magpasakop sa kaniyang asawa?

8 Pinipili ng isang Kristiyanong babae na magpasakop sa kaniyang asawa dahil iyon ang gusto ni Jehova na gawin niya. (Basahin ang Efeso 5:22-24.) Nagtitiwala siya sa kaniyang Ama sa langit dahil alam niya na mahal siya ni Jehova at ang hinihiling Niya ay para din sa ikakabuti ng isang asawang babae.—Deut. 6:24; 1 Juan 5:3.

9. Ano ang nangyayari kapag nirerespeto ng isang sister ang awtoridad ng kaniyang asawa?

9 Hinihikayat ng sanlibutan ang mga babae na bale-walain ang mga pamantayan ni Jehova at ituring na nakakabawas ng dangal ang pagpapasakop. Siyempre pa, hindi kasi kilala ng mga nagtataguyod ng gayong mga ideya ang ating mapagmahal na Diyos. Hinding-hindi uutusan ni Jehova ang kaniyang mahal na mga anak na babae ng isang bagay na makakabawas ng dangal nila. Kapag nagsisikap ang isang sister na gampanan ang papel na ibinigay sa kaniya ni Jehova, nagiging payapa ang kanilang pamilya. (Awit 119:165) Napapabuti ang kaniyang asawa, siya, at ang kanilang mga anak.

10. Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Carol?

10 Kapag ang isang babae ay mapagpasakop sa kaniyang di-perpektong asawa, pinapatunayan niya na mahal niya at nirerespeto si Jehova, ang nagtatag ng pagkaulo. “Alam kong magkakamali’t magkakamali ang mister ko,” ang sabi ni Carol, na taga-South America. “Alam ko ring makikita sa reaksiyon ko sa mga pagkakamali niya kung gaano kahalaga sa akin ang pakikipagkaibigan kay Jehova. Kaya sinisikap kong laging magpasakop dahil gusto kong mapasaya ang aking Ama sa langit.”

11. Ano ang nakatulong sa sister na si Aneese na maging mapagpatawad, at ano ang matututuhan natin sa sinabi niya?

11 Puwedeng maging mahirap para sa isang babae na maging magalang at mapagpasakop kung nadarama niyang binabale-wala ng asawa niya ang nararamdaman niya at ikinababahala. Pero pansinin ang ginagawa ng sister na si Aneese kapag nangyayari iyon. Sinabi niya: “Sinisikap kong huwag magdamdam. Alam ko namang nagkakamali tayong lahat. Gusto kong lubusang magpatawad, gaya ni Jehova. Kapag nagpapatawad ako, nagiging kalmado ulit ako.” (Awit 86:5) Kapag ang isang asawang babae ay mapagpatawad, malamang na mas madali siyang magpasakop.

ANO ANG MATUTUTUHAN NATIN SA MGA HALIMBAWANG MABABASA SA BIBLIYA?

12. Anong mga halimbawa ang mababasa sa Bibliya?

12 Para sa ilan, mahina ka kapag mapagpasakop ka. Pero maling-mali iyan. Sa Bibliya, maraming halimbawa ng mga indibidwal na mapagpasakop pero malalakas ang loob. Tingnan natin kung ano ang matututuhan natin kina Jesus, Abigail, at Maria.

13. Bakit nagpapasakop si Jesus kay Jehova? Ipaliwanag.

13 Nagpapasakop si Jesus kay Jehova, hindi dahil kulang siya sa talino o kakayahan. Isang napakatalinong tao lang ang makakapagturo nang kasing simple at kasing linaw ng pagtuturo ni Jesus. (Juan 7:45, 46) Napakalaki ng tiwala ni Jehova sa kakayahan ni Jesus kung kaya hinayaan Niya si Jesus na gumawang kasama Niya noong lalangin ni Jehova ang uniberso. (Kaw. 8:30; Heb. 1:2-4) At mula nang buhaying muli si Jesus, ipinagkatiwala na sa kaniya ni Jehova ang ‘lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa.’ (Mat. 28:18) Kahit maraming kakayahan si Jesus, nagpapagabay pa rin siya kay Jehova. Bakit? Mahal niya kasi ang kaniyang Ama.—Juan 14:31.

14. Ano ang matututuhan ng mga asawang lalaki sa (a) pananaw ni Jehova sa mga babae? (b) sinasabi ng Kawikaan 31?

14 Ang matututuhan ng mga asawang lalaki. Nang iutos ni Jehova na magpasakop ang babae sa kaniyang asawa, hindi ibig sabihin nito na mas mababa ang tingin ni Jehova sa mga babae kaysa sa mga lalaki. Malinaw na ipinakita ito ni Jehova nang pumili siya ng mga babae’t lalaki para mamahalang kasama ni Jesus. (Gal. 3:26-29) Ipinakita ni Jehova na may tiwala siya sa kaniyang Anak nang bigyan niya ito ng awtoridad. Sa katulad na paraan, bibigyan din ng awtoridad ng isang marunong na lalaki ang asawa niya. Inilalarawan sa Bibliya ang mga kayang gawin ng isang mahusay na asawang babae. Kaya niyang mag-asikaso ng tahanan, bumili at magbenta ng ari-arian, at magnegosyo. (Basahin ang Kawikaan 31:15, 16, 18.) Hindi siya isang alipin na walang karapatang magsabi ng kaniyang opinyon. Sa halip, nagtitiwala sa kaniya ang asawa niya at nakikinig sa mga ideya niya. (Basahin ang Kawikaan 31:11, 26, 27.) Kapag ganiyang respeto ang ipinapakita ng isang lalaki, magiging masaya ang asawa niya na magpasakop sa kaniya.

Ano ang matututuhan ng mahuhusay na asawang babae mula sa pagpapasakop ni Jesus kay Jehova? (Tingnan ang parapo 15)

15. Ano ang matututuhan ng mga asawang babae kay Jesus?

15 Ang matututuhan ng mga asawang babae. Kamangha-manghang mga bagay ang nagawa ni Jesus, pero hindi niya inisip na nakakabawas ng dangal ang pagpapasakop niya kay Jehova. (1 Cor. 15:28; Fil. 2:5, 6) Hindi rin iisipin ng isang mahusay na babaeng tumutulad kay Jesus na mas mababa siya kapag nagpapasakop siya sa asawa niya. Susuportahan niya ang kaniyang asawa hindi lang dahil mahal niya siya, kundi pangunahin nang dahil mahal niya at nirerespeto si Jehova.

Matapos magpadala ni Abigail ng pagkain kay David at sa mga tauhan nito, nilapitan niya si David. Pagkatapos, yumukod si Abigail sa harap ni David at hinimok ito na huwag maghiganti para hindi ito makagawa ng malaking pagkakamali (Tingnan ang parapo 16)

16. Ayon sa 1 Samuel 25:3, 23-28, anong mga problema ang hinarap ni Abigail? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)

16 Ang asawa ni Abigail ay si Nabal. Siya ay sakim, mayabang, at walang utang na loob. Pero kahit ganoon, hindi gumawa si Abigail ng paraan para makalaya sa kaniyang asawa. Puwede sanang nanahimik na lang siya at hinayaang patayin ni David at ng mga tauhan nito ang asawa niya. Pero gumawa siya ng paraan para protektahan si Nabal at ang malaking sambahayan nila. Isipin na lang ang lakas ng loob ni Abigail nang lapitan niya ang 400 armadong lalaki at magalang na mangatuwiran kay David. Sinabi pa nga niyang siya na lang ang sisihin sa ginawa ng asawa niya. (Basahin ang 1 Samuel 25:3, 23-28.) Kinilala ni David na ginamit ni Jehova ang matapang na babaeng ito para payuhan siya na naging dahilan para hindi siya makagawa ng malaking pagkakamali.

17. Ano ang matututuhan ng mga asawang lalaki sa ulat tungkol kina David at Abigail?

17 Ang matututuhan ng mga asawang lalaki. Matalino si Abigail. Buti na lang, nakinig sa kaniya si David. Kaya naiwasan niyang magkasala sa dugo. Sa katulad na paraan, maingat ding pag-iisipan ng isang marunong na lalaki ang pananaw ng kaniyang asawa bago gumawa ng mahahalagang desisyon. Posibleng makatulong ang pananaw ng asawa niya para hindi siya magkamali sa pagdedesisyon.

18. Ano ang matututuhan ng mga asawang babae kay Abigail?

18 Ang matututuhan ng mga asawang babae. Kung mahal at nirerespeto ng isang babae si Jehova, makikinabang ang kaniyang pamilya, kahit hindi naglilingkod kay Jehova o sumusunod sa pamantayan ng Diyos ang asawa niya. Hindi siya gagawa ng paraan para tapusin ang kanilang pagsasama. Sa halip, tutulungan niya ang asawa niya na makilala si Jehova sa pamamagitan ng pagiging magalang at mapagpasakop. (1 Ped. 3:1, 2) Pero kahit hindi ito tumugon sa magandang halimbawa niya, natutuwa si Jehova na makitang mapagpasakop siya at tapat sa Kaniya.

19. Kailan hindi dapat sumunod ang isang babae sa kaniyang asawa?

19 Hindi susundin ng isang mapagpasakop na Kristiyanong babae ang kaniyang asawa kapag inuutusan siya nitong labagin ang mga batas o prinsipyo ng Bibliya. Halimbawa, baka inuutusan siya nitong magsinungaling, magnakaw, o gumawa ng isang bagay na di-makakasulatan. Ang lahat ng Kristiyano, kasama na ang mga sister na may asawa, ay dapat munang sumunod sa Diyos na Jehova. Kapag inuutusan ang isang sister na labagin ang mga prinsipyo ng Bibliya, dapat siyang tumanggi at ipaliwanag sa mabait pero matatag na paraan kung bakit hindi niya magagawa iyon.—Gawa 5:29.

Tingnan ang parapo 20 *

20. Paano natin nalaman na may malapít na kaugnayan si Maria kay Jehova?

20 May malapít na kaugnayan si Maria kay Jehova. Malinaw na alam na alam niya ang Kasulatan. Sa pakikipag-usap kay Elisabet, ang ina ni Juan Bautista, mahigit 20 beses na sumipi si Maria sa Hebreong Kasulatan. (Luc. 1:46-55) Isipin din ito: Kahit ikakasal na si Maria kay Jose, hindi kay Jose unang nagpakita ang anghel ni Jehova. Kay Maria unang nakipag-usap ang anghel at sinabing isisilang niya ang Anak ng Diyos. (Luc. 1:26-33) Kilalang-kilala ni Jehova si Maria at may tiwala siyang mamahalin at aalagaan nito ang kaniyang Anak. At tiyak na patuloy na nagkaroon ng magandang kaugnayan si Maria kay Jehova kahit noong mamatay si Jesus at buhaying muli tungo sa langit.—Gawa 1:14.

21. Ano ang matututuhan ng mga asawang lalaki sa ulat ng Bibliya tungkol kay Maria?

21 Ang matututuhan ng mga asawang lalaki. Natutuwa ang isang marunong na lalaki kapag alam na alam ng asawa niya ang Kasulatan. Hindi siya natatakot na baka maagaw ng kaniyang asawa ang pagkaulo niya. Nauunawaan niya na ang isang sister na may malalim na kaalaman sa Bibliya at sa mga prinsipyo nito ay malaking tulong sa pamilya niya. Siyempre pa, kahit mas mataas ang pinag-aralan ng babae kaysa sa asawa niya, pananagutan pa rin ng lalaki na manguna sa kanilang family worship at sa iba pang teokratikong gawain.—Efe. 6:4.

Ano ang matututuhan ng mga asawang babae kay Maria, ang ina ni Jesus, tungkol sa pag-aaral at pagbubulay-bulay? (Tingnan ang parapo 22) *

22. Ano ang matututuhan ng mga asawang babae kay Maria?

22 Ang matututuhan ng mga asawang babae. Dapat maging mapagpasakop ang babae sa kaniyang asawa, pero siya pa rin ang may pananagutan sa kaniyang espirituwalidad. (Gal. 6:5) Kaya naman, dapat siyang maglaan ng panahon para mag-aral at magbulay-bulay. Makakatulong iyan para mapanatili ang pagmamahal niya at respeto kay Jehova at maging masaya siya sa pagpapasakop sa kaniyang asawa.

23. Bakit ang mapagpasakop na mga asawang babae ay makakabuti sa kanilang sarili, sa kanilang pamilya, at sa kongregasyon?

23 Ang mga babae na nagpapasakop sa kanilang asawa dahil sa pag-ibig kay Jehova ay magiging mas masaya at kontento kaysa sa mga hindi sumusunod sa kaayusan ni Jehova ng pagkaulo. Magandang halimbawa sila sa mga kabataan. At nakakatulong din sila para maging mapagmahal at payapa hindi lang ang pamilya kundi pati ang kongregasyon. (Tito 2:3-5) Sa ngayon, karamihan sa tapat na lingkod ni Jehova ay mga babae. (Awit 68:11) Lahat tayo, lalaki man o babae, ay may mahalagang papel sa kongregasyon. Tatalakayin sa susunod na artikulo kung paano magagampanan ng bawat isa ang papel na iyan.

AWIT 131 Ang Pinagsama ng Diyos

^ par. 5 Ayon sa kaayusan ni Jehova, ang asawang babae ay dapat magpasakop sa kaniyang asawa. Ano kaya ang ibig sabihin nito? Malaki ang matututuhan ng mga mag-asawang Kristiyano tungkol sa pagpapasakop mula sa halimbawa ni Jesus at ng mga babaeng iniulat sa Bibliya.

^ par. 68 LARAWAN: Habang nakikipag-usap kay Elisabet, ang ina ni Juan Bautista, sumisipi si Maria ng mga teksto mula sa Hebreong Kasulatan.

^ par. 70 LARAWAN: Ang isang Kristiyanong asawang babae ay naglalaan ng panahon na mag-aral ng Bibliya para manatiling malusog ang espirituwalidad niya.