Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 5

“Ang Ulo ng Bawat Lalaki ay ang Kristo”

“Ang Ulo ng Bawat Lalaki ay ang Kristo”

“Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo.”—1 COR. 11:3.

AWIT 12 Dakilang Diyos, Jehova

NILALAMAN *

1. Ano ang puwedeng makaimpluwensiya sa pananaw ng isang lalaki tungkol sa pagkaulo?

PARA sa iyo, ano ang ibig sabihin ng salitang “pagkaulo”? Ang pakikitungo ng ilang lalaki sa kanilang asawa at mga anak ay naiimpluwensiyahan ng tradisyon, kultura, o kinalakhang pamilya. Pansinin ang sinabi ni Yanita, isang sister na taga-Europe, “Sa lugar namin, mas mababa ang tingin sa mga babae kaysa sa mga lalaki at dapat ituring na mga alipin.” Sinabi naman ni Luke, na isang brother sa United States, “May mga ama na nagtuturo sa kanilang mga anak na ang mga babae ay dekorasyon lang, hindi dapat pakinggan, at hindi mahalaga ang opinyon nila.” Pero hindi gusto ni Jehova na tratuhin ng ganiyan ng mga lalaki ang kani-kanilang asawa. (Ihambing ang Marcos 7:13.) Kaya paano magiging mabuting ulo ng pamilya ang isang lalaki?

2. Ano ang dapat malaman ng isang ulo ng pamilya, at bakit?

2 Para maging mabuting ulo ng pamilya, dapat munang maunawaan ng isang lalaki kung ano ang hinihiling sa kaniya ni Jehova. Dapat din niyang malaman kung bakit itinatag ni Jehova ang pagkaulo at partikular na, kung paano niya matutularan ang halimbawang ipinakita ni Jehova at ni Jesus. Bakit mahalagang malaman ng isang lalaki ang mga ito? Kasi binigyan ni Jehova ng awtoridad ang mga ulo ng pamilya at inaasahan niyang gagamitin nila ito nang tama.—Luc. 12:48b.

ANO ANG PAGKAULO?

3. Sa 1 Corinto 11:3, ano ang matututuhan natin tungkol sa pagkaulo?

3 Basahin ang 1 Corinto 11:3. Inilalarawan sa tekstong ito kung paano inorganisa ni Jehova ang kaniyang pamilya sa buong uniberso. Ang pagkaulo ay may dalawang mahalagang bahagi—awtoridad at pananagutan. Si Jehova ang “ulo,” o ang may pinakamataas na awtoridad, at ang lahat ng mga anak niya, mga anghel at mga tao, ay mananagot sa kaniya. (Roma 14:10; Efe. 3:14, 15) Binigyan ni Jehova si Jesus ng awtoridad sa kongregasyon, pero mananagot si Jesus kay Jehova sa paraan ng pakikitungo niya sa atin. (1 Cor. 15:27) Binigyan din ni Jehova ang asawang lalaki ng awtoridad sa asawa niya at mga anak, pero mananagot siya kay Jehova at kay Jesus sa paraan ng pakikitungo niya sa pamilya niya.—1 Ped. 3:7.

4. Ano ang awtoridad ni Jehova at ni Jesus?

4 Bilang Ulo ng kaniyang pamilya sa buong uniberso, may awtoridad si Jehova na gumawa ng mga kautusan pagdating sa paggawi ng mga anak niya, at ipatupad ang mga iyon. (Isa. 33:22) Si Jesus, bilang ulo ng kongregasyong Kristiyano, ay may karapatan ding gumawa at magpatupad ng mga kautusan.—Gal. 6:2; Col. 1:18-20.

5. Anong awtoridad ang taglay ng isang ulo ng pamilya, at ano ang limitasyon ng awtoridad niya?

5 Gaya ni Jehova at ni Jesus, ang ulo ng pamilya ay may awtoridad ding gumawa ng mga desisyon para sa pamilya niya. (Roma 7:2; Efe. 6:4) Pero may limitasyon ang awtoridad niya. Halimbawa, ang mga kautusan niya ay dapat na naaayon sa mga prinsipyo ng Salita ng Diyos. (Kaw. 3:5, 6) At ang ulo ng pamilya ay walang awtoridad na gumawa ng mga kautusan para sa mga hindi bahagi ng pamilya niya. (Roma 14:4) Bukod diyan, kapag ang kaniyang mga anak ay malalaki na at wala na sa poder niya, nandoon pa rin ang respeto nila sa kaniya pero hindi na sila sakop ng pagkaulo niya.—Mat. 19:5.

BAKIT ITINATAG NI JEHOVA ANG PAGKAULO?

6. Bakit itinatag ni Jehova ang pagkaulo?

6 Itinatag ni Jehova ang pagkaulo dahil mahal niya ang pamilya niya. Regalo niya ito. Dahil sa pagkaulo, nagiging mapayapa at maayos ang pamilya ni Jehova. (1 Cor. 14:33, 40) Kapag hindi malinaw kung sino ang ulo, magiging magulo at di-masaya ang pamilya ni Jehova. Halimbawa, hindi nila alam kung sino ang pinakadapat magdesisyon at kung sino ang dapat manguna sa pagsasagawa ng desisyong iyon.

7. Batay sa Efeso 5:25, 28, gusto ba ni Jehova na dominahan ng mga lalaki ang mga babae?

7 Kung maganda ang kaayusan ng Diyos tungkol sa pagkaulo, bakit nadarama ng maraming babae sa ngayon na pinagmamalupitan sila at dinodominahan ng kanilang asawa? Kasi binabale-wala ng maraming lalaki ang mga pamantayan ni Jehova para sa pamilya at mas sinusunod ang mga kaugalian nila o tradisyon. Baka nagiging abusado rin sila sa kanilang asawa para mapagbigyan ang isang pansariling kagustuhan nila. Halimbawa, baka dominahan ng lalaki ang asawa niya para tumaas ang tingin niya sa sarili niya o patunayan sa iba na siya ay “tunay na lalaki.” Baka iniisip niyang hindi man niya mapilit ang asawa niya na mahalin siya, kaya naman niya itong takutin. At baka gamitin niya ang pagkatakot na ito para kontrolin ang asawa niya. * Kapag ganiyan ang iniisip at ginagawa ng mga lalaki, hindi nila naibibigay ang dangal at respeto na nararapat sa mga babae. Kabaligtaran iyan ng gusto ni Jehova.—Basahin ang Efeso 5:25, 28.

PAANO MAGIGING MABUTING ULO NG PAMILYA ANG ISANG LALAKI?

8. Paano magiging mabuting ulo ng pamilya ang isang lalaki?

8 Magiging mabuting ulo ng pamilya ang isang lalaki kung tutularan niya ang pagkaulo ni Jehova at ni Jesus. Tingnan natin ang dalawang katangian ni Jehova at ni Jesus, at pansinin kung paano maipapakita ng isang ulo ng pamilya ang mga katangiang iyon sa pakikitungo sa kaniyang asawa at mga anak.

9. Paano nagpapakita si Jehova ng kapakumbabaan?

9 Kapakumbabaan. Si Jehova ang pinakamarunong na Persona; pero pinapakinggan niya ang opinyon ng mga lingkod niya. (Gen. 18:23, 24, 32) Pinapayagan niyang magmungkahi ang mga sakop ng awtoridad niya. (1 Hari 22:19-22) Perpekto si Jehova, pero hindi siya perfectionist sa mga inaasahan niya sa atin. Sa halip, tinutulungan niyang magtagumpay ang mga di-perpektong tao na naglilingkod sa kaniya. (Awit 113:6, 7) Inilalarawan pa nga si Jehova sa Bibliya bilang isa na “tumutulong.” (Awit 27:9; Heb. 13:6) Inamin ni Haring David na ang malaking gawaing ibinigay sa kaniya ay nagawa lang niya dahil sa kapakumbabaan ni Jehova.—2 Sam. 22:36.

10. Paano nagpakita ng kapakumbabaan si Jesus?

10 Tingnan ang halimbawa ni Jesus. Kahit siya ang Panginoon ng mga alagad niya, hinugasan niya ang mga paa nila. Bakit ipinasulat ni Jehova sa Bibliya ang ulat na ito? Para magsilbing halimbawa sa mga ulo ng pamilya at sa iba. Sinabi ni Jesus: “Nagbigay ako ng parisan para sa inyo, na kung ano ang ginawa ko sa inyo, dapat din ninyo itong gawin.” (Juan 13:12-17) Kahit may malaking awtoridad si Jesus, hindi niya inasahang paglilingkuran siya. Sa halip, siya ang naglingkod sa iba.—Mat. 20:28.

Maipapakita ng isang ulo ng pamilya ang kapakumbabaan at pag-ibig kung gagawa siya ng mga gawaing-bahay at ilalaan ang espirituwal na pangangailangan ng pamilya niya (Tingnan ang parapo 11, 13)

11. Mula sa halimbawa ni Jehova at ni Jesus, ano ang matututuhan ng isang ulo ng pamilya tungkol sa kapakumbabaan?

11 Mga aral para sa atin. Maipapakita ng isang ulo ng pamilya ang kapakumbabaan sa maraming paraan. Halimbawa, hindi siya perfectionist sa kaniyang asawa at mga anak. Pinapakinggan niya ang opinyon ng kapamilya niya, kahit iba ito sa gusto niya. Sinabi ni Marley na taga-United States: “Kung minsan, magkaiba kami ng opinyon ng asawa ko. Pero nararamdaman kong pinapahalagahan niya ako at nirerespeto kasi hinihingi niya muna ang opinyon ko at pinag-iisipan itong mabuti bago siya magdesisyon.” Ang isang mapagpakumbabang asawang lalaki ay tumutulong din sa gawaing-bahay, kahit pa nga itinuturing iyon sa lugar nila na trabahong pambabae. Hamon iyan. Bakit? “Sa lugar namin,” ang sabi ng sister na si Rachel, “kapag tinutulungan ng lalaki ang asawa niya sa paghuhugas ng plato o paglilinis ng bahay, nagdududa ang mga kapitbahay niya at kamag-anak kung siya ba ay ‘tunay na lalaki.’ Iisipin nilang hindi niya kayang pasunurin sa gusto niya ang asawa niya.” Kung ganiyan din ang tingin ng mga tao sa lugar ninyo, tandaan na hinugasan ni Jesus ang mga paa ng kaniyang mga alagad, kahit na itinuturing ito na trabahong pang-alipin. Para sa isang mabuting ulo ng pamilya, mas mahalagang mapasaya niya ang pamilya niya kaysa maipakita sa iba na magaling siya. Bukod sa kapakumbabaan, ano pang katangian ang kailangan ng isang mabuting ulo ng pamilya?

12. Dahil sa pag-ibig, napakilos si Jehova at si Jesus na gawin ang ano?

12 Pag-ibig. Ang lahat ng ginagawa ni Jehova ay dahil sa pag-ibig. (1 Juan 4:7, 8) Dahil mahal niya tayo, inilalaan niya ang ating espirituwal na pangangailangan gamit ang kaniyang Salita—ang Bibliya—at ang kaniyang organisasyon. Para matugunan ang ating emosyonal na pangangailangan, tinitiyak niya sa atin na mahal niya tayo. Kumusta naman ang ating materyal na pangangailangan? Si Jehova ay “saganang naglalaan sa atin ng lahat ng bagay na nagpapasaya sa atin.” (1 Tim. 6:17) Kapag nagkakamali tayo, itinutuwid niya tayo, pero hindi nawawala ang pagmamahal niya sa atin. Dahil sa pag-ibig, inilaan ni Jehova ang pantubos para sa atin. At dahil mahal na mahal din tayo ni Jesus, ibinigay niya ang buhay niya para sa atin. (Juan 3:16; 15:13) Walang makakahadlang sa pag-ibig ni Jehova at ni Jesus para sa mga tapat sa kanila.—Juan 13:1; Roma 8:35, 38, 39.

13. Bakit mahalagang magpakita ng pag-ibig ang isang ulo ng pamilya sa kaniyang pamilya? (Tingnan din ang kahong “ Paano Makukuha ng Isang Bagong-Kasal na Lalaki ang Respeto ng Asawa Niya?”)

13 Mga aral para sa atin. Ang lahat ng ginagawa ng isang ulo ng pamilya ay dapat na dahil sa pag-ibig. Bakit napakahalaga niyan? Sinabi ni apostol Juan: “Ang hindi umiibig sa kapatid [o pamilya] niya, na nakikita niya, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita.” (1 Juan 4:11, 20) Kaya ang isang lalaki na nagmamahal sa pamilya niya at tumutulad kay Jehova at kay Jesus ay maglalaan ng espirituwal, emosyonal, at materyal na pangangailangan sa pamilya niya. (1 Tim. 5:8) Sasanayin niya at didisiplinahin ang mga anak niya. Patuloy din niyang pag-aaralang gumawa ng mga desisyong nagpaparangal kay Jehova at makakabuti sa pamilya niya. Isa-isahin natin ang mga dapat gawin ng isang ulo ng pamilya at tingnan kung paano niya matutularan si Jehova at si Jesus.

ANG DAPAT GAWIN NG ISANG ULO NG PAMILYA

14. Paano ilalaan ng isang ulo ng pamilya ang espirituwal na pangangailangan ng pamilya niya?

14 Ilaan ang espirituwal na pangangailangan ng pamilya. Bilang pagtulad sa kaniyang Ama, tinulungan ni Jesus ang mga tagasunod niya na mapanatiling matibay ang pananampalataya nila. (Mat. 5:3, 6; Mar. 6:34) Pangunahin din sa isang ulo ng pamilya ang espirituwal na pangangailangan ng pamilya niya. (Deut. 6:6-9) Tinitiyak niya na siya at ang pamilya niya ay nagbabasa at nag-aaral ng Salita ng Diyos, dumadalo sa pulong, nangangaral ng mabuting balita, at nananatiling malalapít na kaibigan ni Jehova.

15. Paano ilalaan ng isang ulo ng pamilya ang emosyonal na pangangailangan ng pamilya niya?

15 Ilaan ang emosyonal na pangangailangan ng pamilya. Hayagang sinabi ni Jehova kay Jesus na mahal niya siya. (Mat. 3:17) Madalas ipakita ni Jesus sa salita at gawa na mahal niya ang kaniyang mga tagasunod. Kaya sinabi rin nilang mahal nila siya. (Juan 15:9, 12, 13; 21:16) Maipapakita ng ulo ng pamilya na mahal niya ang kaniyang asawa at mga anak batay sa ginagawa niya, gaya ng pag-aaral ng Bibliya kasama sila. Dapat din niyang sabihing mahal niya sila at pinapahalagahan at, kung angkop, purihin sila sa harap ng iba.—Kaw. 31:28, 29.

Para mapasaya si Jehova, dapat ilaan ng isang ulo ng pamilya ang materyal na pangangailangan ng pamilya niya (Tingnan ang parapo 16)

16. Ano pa ang dapat gawin ng isang ulo ng pamilya at ano ang dapat niyang iwasan?

16 Ilaan ang materyal na pangangailangan ng pamilya. Inilaan ni Jehova ang pangunahing pangangailangan ng mga Israelita kahit noong pinaparusahan niya sila dahil sa kanilang pagiging masuwayin. (Deut. 2:7; 29:5) Inilalaan din niya ang pangunahing mga pangangailangan natin ngayon. (Mat. 6:31-33; 7:11) Pinakain din ni Jesus ang mga sumunod sa kaniya. (Mat. 14:17-20) At pinagaling niya ang mga maysakit. (Mat. 4:24) Para mapasaya si Jehova, dapat ilaan ng isang ulo ng pamilya ang materyal na pangangailangan ng pamilya niya. Pero mayroon siyang dapat iwasan. Hindi siya dapat magpakasubsob sa trabaho at sa gayon ay mapabayaan ang espirituwal at emosyonal na pangangailangan ng pamilya niya.

17. Paano tayo sinasanay at dinidisiplina ni Jehova at ni Jesus?

17 Sanayin ang pamilya. Sinasanay at dinidisiplina tayo ni Jehova para sa ating ikakabuti. (Heb. 12:7-9) Gaya ng kaniyang Ama, sinasanay ni Jesus sa maibiging paraan ang mga sakop ng awtoridad niya. (Juan 15:14, 15) May paninindigan siya pero mabait. (Mat. 20:24-28) Naiintindihan niyang hindi tayo perpekto at madalas magkamali.—Mat. 26:41.

18. Ano ang kailangang tandaan ng isang mabuting ulo ng pamilya?

18 Kailangang tandaan ng isang ulo ng pamilyang tumutulad kay Jehova at kay Jesus na hindi perpekto ang pamilya niya. Hindi siya ‘nagagalit nang husto’ sa kaniyang asawa o mga anak. (Col. 3:19) Sa halip, sinusunod niya ang prinsipyo sa Galacia 6:1 at sinisikap na ibalik sila sa ayos “sa mahinahong paraan,” na tinatandaang hindi rin siya perpekto. Gaya ni Jesus, alam niya na ang pinakamagandang paraan ng pagtuturo ay ang pagpapakita ng halimbawa.—1 Ped. 2:21.

19-20. Sa paggawa ng mga desisyon, paano matutularan ng isang ulo ng pamilya si Jehova at si Jesus?

19 Gumawa ng di-makasariling mga desisyon. Gumagawa si Jehova ng mga desisyong makakabuti sa iba. Halimbawa, nagpasiya siyang lumikha ng buhay, hindi para sa sarili niya, kundi para maranasan natin kung gaano kasaya ang buhay. Walang pumilit sa kaniya na ibigay ang kaniyang Anak para tubusin ang ating kasalanan. Nagsakripisyo siya para sa atin. Gumawa din si Jesus ng mga desisyong pangunahin nang para sa kapakanan ng iba. (Roma 15:3) Halimbawa, nagdesisyon siyang huwag na lang magpahinga para maturuan ang maraming tao.—Mar. 6:31-34.

20 Alam ng isang mabuting ulo ng pamilya na ang isa sa pinakamahirap na dapat niyang gawin ay ang gumawa ng matalinong desisyon para sa pamilya niya, at napakahalaga ng pananagutang ito para sa kaniya. Iniiwasan niyang gumawa ng mga desisyong nakadepende lang sa gusto niya o nararamdaman niya. Sa halip, hinahayaan niyang sanayin siya ni Jehova. * (Kaw. 2:6, 7) Kaya kapakanan ng iba ang iniisip niya hindi ang sa kaniya.—Fil. 2:4.

21. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

21 Binigyan ni Jehova ang mga ulo ng pamilya ng isang mabigat na atas, at mananagot sila sa kaniya sa paraan ng pagganap nila dito. Pero kung tutularan ng asawang lalaki ang halimbawang ipinakita ni Jehova at ni Jesus, magiging mabuti siyang ulo ng pamilya. At kung gagampanan ng asawang babae ang papel niya, magiging masaya ang pagsasama nila. Ano ang dapat na maging pananaw ng isang asawang babae sa pagkaulo, at anong mga hamon ang napapaharap sa kaniya? Sasagutin iyan sa susunod na artikulo.

AWIT 16 Purihin si Jehova Dahil sa Kaniyang Pinahiran

^ par. 5 Kapag nag-asawa ang isang lalaki, nagiging ulo siya ng isang bagong pamilya. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung ano ang pagkaulo, kung bakit ito itinatag ni Jehova, at kung ano ang matututuhan ng mga lalaki sa halimbawang ipinakita ni Jehova at ni Jesus. Sa ikalawang artikulo, tatalakayin natin kung ano ang matututuhan ng mag-asawa kay Jesus at sa iba pang halimbawa sa Bibliya. At sa ikatlong artikulo tatalakayin natin ang tungkol sa pagkaulo sa loob ng kongregasyon.

^ par. 7 Ang ideya na okey lang maltratuhin ng isang lalaki ang asawa niya, at saktan pa nga, ay ipinapakita kung minsan sa mga pelikula, palabas sa teatro, at mga komiks. Kaya iniisip ng mga tao na hindi maling dominahan ng isang lalaki ang asawa niya.

^ par. 20 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa paggawa ng tamang mga desisyon, tingnan ang artikulong “Gumawa ng mga Desisyong Magpaparangal sa Diyos” sa Abril 15, 2011, isyu ng Bantayan, p. 13-17.