TALAMBUHAY
‘Itinuwid ni Jehova ang mga Daan Ko’
TINANONG ako minsan ng isang kabataang brother, “Ano’ng paborito mong teksto?” Ang sagot ko agad, “Kawikaan 3:5 at 6, na nagsasabi: ‘Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso, at huwag kang umasa sa sarili mong unawa. Isaisip mo siya sa lahat ng tatahakin mong landas, at itutuwid niya ang mga daan mo.’” Oo, talagang itinuwid ni Jehova ang mga daan ko. Paano?
DAHIL SA MGA MAGULANG KO, NAKITA KO ANG TAMANG DAAN
Noong 1920’s bago ikasal ang mga magulang ko, alam na nila ang katotohanan. Ipinanganak ako noong 1939. Nakatira kami sa England noong bata pa ako. Isinasama ako ng mga magulang ko sa mga pulong at ipina-enroll sa Theocratic Ministry School. Naaalala ko pa ang unang pahayag ko. Nakatuntong ako noon sa isang kahon para makita ko ang mga kapatid. Anim na taon ako noon at kabadong-kabado habang nakatingin sa mga tagapakinig.
Nag-type si Tatay sa card ng isang simpleng presentasyon na gagamitin ko sa ministeryo. Walong taon ako noon nang mag-isa akong kumatok sa pinto sa unang pagkakataon. Tuwang-tuwa ako nang basahin ng may-bahay ang card at tanggapin agad ang aklat na “Hayaang Maging Tapat ang Diyos”! Tumakbo ako para sabihin iyon sa tatay ko. Naging masaya ako dahil sa ministeryo at mga pulong at nakatulong ang mga iyon sa akin para gustuhin kong maglingkod kay Jehova nang full-time.
Lalong tumagos sa puso ko ang katotohanan sa Bibliya nang ikuha ako ng tatay ko ng subscription sa The Watchtower. Binabasa ko agad ang bawat magasing dumarating. Lalong tumibay ang tiwala ko kay Jehova, at nang maglaon, inialay ko ang sarili ko sa kaniya.
Dumalo kami ng pamilya namin bilang delegado sa Theocracy’s Increase Assembly sa New York noong 1950. Noong Huwebes, Agosto 3, ang tema sa araw na iyon ay “Missionary Day.” Nang araw na iyon, si Brother Carey Barber, na nang maglaon ay naglingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nagbigay ng pahayag sa bautismo. Nang tanungin niya ang mga kandidato sa bautismo ng dalawang tanong sa
pagtatapos ng kaniyang pahayag, tumayo ako at nagsabi, “Opo!” Labing-isang taon lang ako noon pero alam kong mahalaga ang desisyong ginawa ko. Kaya lang, takót akong lumusong sa tubig kasi hindi pa ako marunong lumangoy. Sinamahan ako ng tito ko papuntang swimming pool at tiniyak niya sa akin na magiging maayos ang lahat. Napakabilis ng mga pangyayari; hindi man lang sumayad ang mga paa ko sa ilalim ng swimming pool. Ipinasa ako ng isang brother sa isa pang brother; y’ong isa ang nagbautismo sa akin, at y’ong isa naman ang nag-angat sa akin paahon sa swimming pool. Mula nang araw na iyon, patuloy na itinutuwid ni Jehova ang mga daan ko.PINILI KONG MAGTIWALA KAY JEHOVA
Nang makatapos ako ng pag-aaral, gusto kong magpayunir, pero hinimok ako ng mga guro ko na kumuha ng mataas na edukasyon. Nakumbinsi nila ako kaya pumasok ako sa unibersidad; pero di-nagtagal, nakita kong hindi ko kayang pagsabayin ang pag-aaral at ang paglilingkod kay Jehova, kaya nagdesisyon akong huminto sa pag-aaral. Ipinanalangin ko iyon kay Jehova at sinulatan ko ang mga guro ko na hihinto na ako sa pag-aaral pagkatapos ng first year ko sa kolehiyo. Dahil lubos akong nagtiwala kay Jehova, nagpayunir agad ako.
Nagsimula akong maglingkod nang full-time noong Hulyo 1957 sa bayan ng Wellingborough. Nagtanong ako sa mga kapatid sa Bethel sa London kung sinong makaranasang payunir na brother ang puwede kong samahan. Si Brother Bert Vaisey ang nakasama ko sa pagpapayunir at marami akong natutuhan sa kaniya. Masigasig siyang mángangarál at tinulungan niya ako na magkaroon ng magandang iskedyul sa pangangaral. Sa kongregasyon namin, kami lang ni Brother Vaisey kasama ng anim na may-edad na sister ang miyembro nito. Napatibay ang pagtitiwala ko at pananampalataya kay Jehova dahil sa paghahanda at pakikibahagi sa mga pulong.
Nabilanggo ako nang maikling panahon dahil sa pagtangging maglingkod sa militar. Pagkatapos, nakilala ko si Barbara, isang special pioneer. Nagpakasal kami noong 1959, at handa kaming maglingkod kahit saan. Naglingkod kami sa Lancashire sa hilagang-kanluran ng England. Pagkatapos, noong Enero 1961, naanyayahan akong mag-aral sa isang-buwang kurso ng Kingdom Ministry School sa Bethel sa London. Sa pagtatapos ng kursong iyon, nagulat ako nang atasan ako sa gawaing paglalakbay. Sa loob ng dalawang linggo, sinanay ako ng isang makaranasang tagapangasiwa ng sirkito sa lunsod ng Birmingham, at pinayagan si Barbara na samahan ako. Pagkatapos, bumalik kami sa atas namin sa lalawigan ng Lancashire at Cheshire.
LAGING SULIT ANG MAGTIWALA KAY JEHOVA
Noong Agosto 1962, habang nagbabakasyon kami, nakatanggap kami ng sulat mula sa tanggapang pansangay. Mga application form para sa Gilead ang laman nito! Nanalangin muna kami, saka namin sinagutan ang mga form at agad na ipinadala sa tanggapang pansangay gaya ng itinagubilin nila. Pagkalipas ng limang buwan, nagpunta kami sa Brooklyn, New York para mag-aral
sa ika-38 klase ng Gilead, isang 10-buwang kurso ng pag-aaral sa Bibliya.Itinuro sa Gilead hindi lang ang tungkol sa Salita ng Diyos at sa kaniyang organisasyon kundi pati rin ang tungkol sa ating kapatiran. Mahigit 20 anyos kami noon, at marami kaming natutuhan sa mga kaklase namin. Isang pribilehiyo na makatrabaho araw-araw si Brother Fred Rusk, isa sa mga instructor namin. Ang isang mahalagang aral na idiniin niya ay ang kahalagahan ng pagbibigay ng payo na laging nakabatay sa Kasulatan. Nagbigay din ng mga pahayag sa klase ang mga brother na sina Nathan Knorr, Frederick Franz, at Karl Klein. At marami kaming natutuhan sa mapagpakumbabang si Brother A. H. Macmillan. Nalaman namin sa kaniyang pahayag kung paano tinulungan ni Jehova ang kaniyang bayan sa panahon ng matitinding pagsubok mula noong 1914 hanggang 1919.
PANIBAGONG ATAS
Sa pagtatapos ng kurso, sinabi ni Brother Knorr sa aming mag-asawa na aatasan kami sa Burundi, Africa. Nagmadali kaming pumunta sa library ng Bethel para tingnan sa Yearbook kung ilan ang mamamahayag sa Burundi noong panahong iyon. Laking gulat namin, kasi wala pa palang mamamahayag doon! Hindi pa pala nagagawa ang teritoryong iyon, na nasa isang kontinente na hindi pamilyar sa amin. Alalang-alala kami! Nakatulong ang taimtim na panalangin para maging kalmado kami.
Sa bagong atas namin, ang lahat ay ibang-iba sa nakasanayan namin—ang klima, ang kultura, at ang wika. Kailangan naming matuto ng French. Kailangan din naming humanap ng matitirhan. Dalawang araw pagdating namin doon, binisita kami ng kaklase namin sa Gilead na si Harry Arnott noong pabalik siya sa atas niya sa Zambia. Tinulungan niya kaming makahanap ng apartment, na naging unang missionary home namin. Pero di-nagtagal, pinag-usig kami ng mga opisyal ng gobyerno, na walang kaide-ideya sa mga Saksi ni Jehova. Nae-enjoy na sana namin ang atas namin, kaya lang sinabi ng mga awtoridad na hindi kami puwedeng manatili doon nang walang work permit. Nakakalungkot, kinailangan naming umalis at magpunta sa ibang bansa—sa Uganda.
Dahil sa pagtitiwala namin kay Jehova, nabawasan ang takot namin na pumunta sa Uganda nang walang visa. May isang brother doon na
taga-Canada na naglilingkod bilang need-greater at ipinaliwanag niya ang sitwasyon namin sa isang immigration officer. Binigyan kami ng ilang buwan para asikasuhin ang permit ng paninirahan namin doon. Kitang-kita naming tinutulungan kami ni Jehova.Ang sitwasyon sa bagong atas na ito ay ibang-iba sa Burundi. Naisasagawa na ang pangangaral sa Uganda, kahit 28 lang ang Saksi sa bansang iyon. Sa territory namin, maraming nagsasalita ng Ingles. Pero di-nagtagal, napag-isip-isip namin na para matulungang sumulong ang mga interesado, kailangan naming matuto ng kahit isang wika ng mga katutubo. Nagsimula kaming mangaral sa Kampala, kung saan marami ang nagsasalita ng Luganda, kaya nagpasiya kaming pag-aralan ang wikang iyon. Inabot ng ilang taon bago kami naging bihasa. Pero kitang-kita namin na naging mas epektibo kami sa pangangaral! Mas naintindihan namin kung ano ang kailangang matutuhan ng mga Bible study namin. Dahil dito, nasabi nila kung ano ang nadarama nila sa kanilang natututuhan.
MGA PAGLALAKBAY
Tuwang-tuwa kami kapag natutulungan namin ang mga tao na malaman ang katotohanan—at lalo kaming natuwa nang atasan kami sa gawaing paglalakbay sa buong bansa. Bilang pagsunod sa tagubilin ng sangay sa Kenya, naglakbay kami sa buong bansa para maghanap ng mga lugar kung saan kailangang-kailangan ang mga special pioneer. Ilang beses naming naranasan ang pagkamapagpatuloy ng mga taong ngayon lang nakakilala ng mga Saksi. Welcome na welcome kami at ipinaghahanda pa nga kami ng pagkain.
Isa na namang paglalakbay ang ginawa ko. Mula sa Kampala, naglakbay ako nang dalawang araw sakay ng tren papunta sa daungan ng Mombasa sa Kenya at saka sumakay ng barko papuntang Seychelles, isang isla sa Indian Ocean. Nang maglaon, mula 1965 hanggang 1972, sinamahan ako ni Barbara sa regular na pagdalaw sa Seychelles. Noong una, dalawa lang ang mamamahayag doon, pagkatapos naging isang grupo at naging kongregasyon. Naglakbay din ako para bisitahin ang mga kapatid sa Eritrea, Ethiopia, at Sudan.
Sa Uganda, mabilis na nagbago ang kalagayan sa politika nang magkaroon ng kudeta ng militar. Sa sumunod na mga taon, naging mahirap ang sitwasyon at nakita ko ang karunungan sa pagsunod sa tagubilin na “ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar.” (Mar. 12:17) Minsan, hinilingan ang lahat ng dayuhan na naninirahan sa Uganda na magparehistro sa pinakamalapit na istasyon ng pulis. Agad kaming sumunod. Pagkalipas ng ilang araw, habang nagmamaneho sa Kampala, ako at ang isa pang misyonero ay nilapitan ng mga pulis. Takot na takot kami! Pinaratangan nila kami na mga espiya at dinala sa sentral na himpilan ng pulisya kung saan ipinaliwanag namin na kami ay mga misyonero. Sinabi namin na nakarehistro kami pero ayaw nilang maniwala. Dinala kami ng armadong mga pulis sa pinakamalapit na istasyon ng pulis sa aming tinutuluyan. Tuwang-tuwa kami nang makilala kami ng isang police officer ng istasyong iyon! Alam niyang nakapagparehistro na kami kaya iniutos niya na palayain kami.
Sa mga panahong iyon, madalas na kabadong-kabado kami sa mga check point ng militar, lalo na kapag hinaharang kami ng mga sundalong lasing. Pero sa tuwing mangyayari iyon,
nananalangin kami para mapanatag kami at hinahayaan naman nila kaming makadaan nang ligtas. Nakakalungkot, noong 1973, pinaalis sa Uganda ang lahat ng dayuhang misyonero.Nakatanggap ulit kami ng bagong atas, ang maglingkod sa Côte d’Ivoire, sa West Africa. Malaking pagbabago ito para sa amin. Kailangan naming matuto ng bagong kultura, laging magsalita ng French, at makibagay sa mga misyonerong may iba’t ibang pinagmulan. Pero nakita ulit namin ang patnubay ni Jehova dahil agad na tumutugon sa mabuting balita ang mga mapagpakumbaba at tapat-pusong mga tao. Nakita namin kung paano nakatulong ang pagtitiwala kay Jehova para maituwid ang mga daan namin.
Pero nalaman naming may kanser si Barbara. Maraming beses kaming umuwi sa Europe para magpagamot, at noong 1983, nakita naming hindi na namin kayang maglingkod sa Africa. Lungkot na lungkot kami.
NAGBAGONG KALAGAYAN
Lumala ang kanser ni Barbara habang naglilingkod kami sa Bethel sa London, at nang maglaon, namatay siya. Hindi ako pinabayaan ng pamilyang Bethel. Tinulungan ako ng isang mag-asawa na makapag-adjust at patuloy na magtiwala kay Jehova. Nang maglaon, nakilala ko ang isang sister na commuter Bethelite at dating special pioneer. Mahal na mahal niya si Jehova at may-gulang siya sa espirituwal. Ikinasal kami ni Ann noong 1989, at mula noon magkasama kaming naglingkod sa Bethel sa London.
Mula 1995 hanggang 2018, naglingkod ako bilang kinatawan ng pandaigdig na punong-tanggapan (ang tawag dito noon ay zone overseer), at nakadalaw ako sa halos 60 bansa. Sa bawat pagdalaw na iyon, nakita kong pinapangalagaan ni Jehova ang bayan niya anuman ang mangyari.
Noong 2017, dumalaw kami sa Africa. Tuwang- tuwa ako na maipakita kay Ann ang Burundi at masaya kami sa nakita naming pagsulong doon! May Bethel na ngayon sa lugar kung saan ako nagbabahay-bahay noong 1964, at mayroon nang mahigit 15,500 mamamahayag sa bansang iyon.
Tuwang-tuwa ako nang matanggap ko ang listahan ng mga dadalawin ko noong 2018. Kasama sa mga bansang dadalawin ko ang Côte d’Ivoire. Pagdating sa Abidjan, ang kabisera ng bansa, para akong bumalik sa sarili kong lupain. Nang tingnan ko ang telephone directory sa Bethel, napansin ko na katabi ng guest room namin ang room ni Brother Sossou. Natatandaan kong naglilingkod siya bilang tagapangasiwa ng lunsod noong nasa Abidjan ako. Pero nagkamali ako. Hindi pala siya y’ong Brother Sossou na kakilala ko—anak pala siya.
Laging tinutupad ni Jehova ang pangako niya. Sa mga pinagdaanan ko, natutuhan kong kapag nagtitiwala kami kay Jehova, talagang itinutuwid niya ang mga daan namin. Sa ngayon, gusto naming patuloy na lumakad sa mahabang daan na lalong liliwanag sa bagong sanlibutan.—Kaw. 4:18.