Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 9

Pahalagahan ang Buhay na Regalo ng Diyos

Pahalagahan ang Buhay na Regalo ng Diyos

“Dahil sa kaniya, tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral.”​—GAWA 17:28.

AWIT 141 Ang Regalong Buhay

NILALAMAN a

1. Gaano kahalaga kay Jehova ang buhay natin?

 ISIPING binigyan ka ng kaibigan mo ng isang painting na lumang-luma na pero napakamahal. Kahit medyo kupas na ito at may kaunting mantsa, milyon-milyon pa rin ang halaga nito. Siguradong papahalagahan mo at iingatan ang obra maestrang ito! Binigyan din tayo ni Jehova ng isang napakahalagang regalo—ang buhay natin. Ang totoo, ipinakita ni Jehova kung gaano kahalaga ang buhay natin sa kaniya nang ibigay niya ang kaniyang Anak bilang pantubos.—Juan 3:16.

2. Ayon sa 2 Corinto 7:1, ano ang inaasahan ni Jehova sa atin?

2 Si Jehova ang Bukal ng buhay. (Awit 36:9) Sinabi ni apostol Pablo: “Dahil sa kaniya, tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral.” (Gawa 17:25, 28) Kaya talagang regalo ng Diyos ang buhay natin. Dahil mahal niya tayo, inilalaan niya ang mga kailangan natin para mabuhay. (Gawa 14:15-17) Pero hindi gumagawa ng himala ngayon si Jehova para protektahan tayo. Inaasahan niya na magsisikap tayong ingatan ang pisikal at espirituwal na kalusugan natin. (Basahin ang 2 Corinto 7:1.) Bakit dapat nating ingatan ang kalusugan at buhay natin, at paano natin iyan magagawa?

PAHALAGAHAN ANG REGALONG BUHAY

3. Ano ang isang dahilan kung bakit dapat nating ingatan ang kalusugan natin?

3 Ang isang dahilan kung bakit dapat nating ingatan ang kalusugan natin ay para mapaglingkuran natin nang husto si Jehova. (Mar. 12:30) Gusto nating iharap ang ating “katawan bilang isang haing buháy, banal, at katanggap-tanggap sa Diyos,” kaya iniiwasan natin ang mga bagay na makakasamâ sa atin. (Roma 12:1) Siyempre, hindi natin laging maiiwasang magkasakit. Pero dapat pa rin tayong mag-ingat para maipakita na pinapahalagahan natin ang buhay na regalo ng ating Ama sa langit.

4. Bakit gusto ni Haring David na patuloy na mabuhay?   

4 Sinabi ni Haring David kung bakit mahalaga sa kaniya ang buhay na regalo ng Diyos: “Ano ang pakinabang sa kamatayan ko, sa pagbaba ko sa hukay? Pupurihin ka ba ng alabok? Sasabihin ba nito ang tungkol sa katapatan mo?” (Awit 30:9) Posibleng matanda na si David nang isulat niya ito. Pero gusto niya pa ring mabuhay para patuloy na purihin si Jehova. Siguradong ganoon din tayo.

5. Ano ang magagawa natin kahit matanda na tayo o may sakit?

5 Nalilimitahan ng sakit at katandaan ang mga nagagawa natin. Baka malungkot tayo at masiraan ng loob dahil dito. Pero hindi pa rin natin dapat pabayaan ang kalusugan natin. Bakit? Kasi kahit matanda na tayo o may sakit, mapapapurihan pa rin natin si Jehova, gaya ni Haring David. Talagang nakakatuwang isipin na mahalaga tayo sa Diyos kahit hindi tayo perpekto! (Mat. 10:29-31) At kahit mamatay tayo, sabik siyang buhayin tayong muli. (Job 14:14, 15) Kaya habang nabubuhay tayo, sikapin nating ingatan ang sarili natin.

IWASAN ANG MGA GAWAIN NA MAKAKASAMÂ SA IYO

6. Ano ang inaasahan sa atin ni Jehova pagdating sa pagkain at pag-inom?

6 Ang Bibliya ay hindi aklat tungkol sa kalusugan at pagkain, pero sinasabi nito ang pananaw ni Jehova tungkol dito. Halimbawa, sinabi niya: “Ilayo mo sa iyong katawan ang anumang nakapipinsala.” (Ecles. 11:10) Nakakamatay ang katakawan at paglalasing, at hinahatulan ito ng Bibliya. (Kaw. 23:20) Kaya kapag nagpapasiya tayo kung ano at gaano karami ang kakainin o iinumin natin, gusto ni Jehova na magkaroon tayo ng pagpipigil sa sarili.—1 Cor. 6:12; 9:25.

7. Ayon sa Kawikaan 2:11, ano ang tutulong sa atin na makagawa ng magagandang desisyon pagdating sa ating kalusugan?

7 Maipapakita nating pinapahalagahan natin ang buhay na regalo ng Diyos kung gagamitin natin ang kakayahan nating mag-isip kapag nagdedesisyon. (Awit 119:99, 100; basahin ang Kawikaan 2:11.) Halimbawa, kahit gustong-gusto natin ang isang pagkain pero makakasamâ naman iyon sa atin, dapat nating iwasan iyon. Dapat din tayong magkaroon ng sapat na tulog at regular na ehersisyo, at dapat nating panatilihing malinis ang ating katawan at bahay.

UMIWAS SA AKSIDENTE

8. Paano ipinapakita ng Bibliya na gusto ng Diyos na umiwas tayo sa aksidente?

8 Sa Kautusan ni Jehova sa bansang Israel, nagbigay siya ng mga tagubilin para maiwasan nila ang aksidente sa bahay at sa trabaho. (Ex. 21:28, 29; Deut. 22:8) Kapag nakapatay ang isa, kahit hindi niya iyon sinasadya, mabigat pa rin ang epekto nito sa buhay niya. (Deut. 19:4, 5) Ayon sa Kautusan, kapag napahamak ng isang tao ang isang sanggol na hindi pa naisisilang, kahit hindi niya iyon sinasadya, dapat pa rin siyang parusahan. (Ex. 21:22, 23) Maliwanag, gusto ni Jehova na makaiwas tayo sa aksidente.

Sa mga sitwasyong ito, paano natin maipapakita ang pagpapahalaga sa buhay? (Tingnan ang parapo 9)

9. Paano tayo makakaiwas sa aksidente? (Tingnan din ang mga larawan.)

9 Ipinapakita natin na mahalaga sa atin ang buhay na regalo ng Diyos kapag nag-iingat tayo sa bahay at sa trabaho. Halimbawa, inilalagay natin sa tamang lugar ang mga kemikal, gamot, at matutulis na bagay para hindi ito maabot ng mga bata. Nag-iingat din tayo kapag nagsisindi tayo ng apoy, nagdadala ng mainit na pagkain at inumin, at gumagamit ng power tools. At hindi natin iniiwan ang mga iyon basta-basta. Hindi rin tayo nagmamaneho kapag nakainom tayo, kulang sa tulog, o masama ang pakiramdam natin dahil sa epekto ng gamot. Kasi kapag ganito ang kalagayan natin, baka hindi tayo makapag-isip nang maayos. At hindi tayo gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho.

KAPAG MAY SAKUNA

10. Ano ang dapat nating gawin bago at habang may sakuna?

10 Hindi natin laging maiiwasan ang mga delikadong sitwasyon, gaya ng likas na sakuna, epidemya, at kaguluhan. Pero kapag nangyari iyon, maiiwasan natin ang ilang panganib kung susundin natin ang mga tagubilin ng gobyerno pagdating sa curfew, evacuation, at iba pang restriksiyon. (Roma 13:1, 5-7) Puwedeng paghandaan ang ilang sakuna, kaya dapat nating alamin ang mga tagubilin ng gobyerno para dito. Halimbawa, baka kailangan nating magtabi ng suplay ng tubig, pagkaing hindi madaling masira, at first-aid kit.

11. Ano ang dapat nating gawin kapag may kumakalat na nakakahawang sakit?

11 Paano kung may nakakahawang sakit na kumakalat sa lugar natin? Dapat nating sundin ang mga protocol ng gobyerno, gaya ng paghuhugas ng kamay, social distancing, pagsusuot ng mask, at pagku-quarantine. Kapag masunurin tayo, ipinapakita natin na mahalaga sa atin ang buhay na regalo ng Diyos.

12. Paano makakatulong sa atin ang Kawikaan 14:15 sa pagpili ng impormasyong papaniwalaan natin kapag may sakuna?

12 Kapag may sakuna, baka may marinig tayong maling impormasyon mula sa ating mga kaibigan, kapitbahay, at sa media. Imbes na paniwalaan ang “lahat ng naririnig” natin, makikinig lang tayo sa mapagkakatiwalaang impormasyon mula sa gobyerno at mga doktor. (Basahin ang Kawikaan 14:15.) Sinisikap ng Lupong Tagapamahala at ng mga tanggapang pansangay na makakuha ng tamang impormasyon bago magbigay ng tagubilin tungkol sa mga pulong at pangangaral natin. (Heb. 13:17) Kung susundin natin ang mga kaayusan, maiingatan natin hindi lang ang sarili natin kundi pati na ang iba. Magiging maganda rin ang tingin ng ibang tao sa mga Saksi ni Jehova.—1 Ped. 2:12.

MAGING HANDA SA EMERGENCY AT UMIWAS SA DUGO

13. Paano natin maipapakita na mahalaga sa atin ang buhay na regalo ng Diyos kapag may isyu tungkol sa dugo?

13 Alam ng maraming tao na iginagalang ng mga Saksi ni Jehova ang kabanalan ng dugo. Hindi tayo nagpapasalin ng dugo kahit may emergency. (Gawa 15:28, 29) Pero ayaw nating mamatay. Kasi mahalaga sa atin ang buhay na regalo ng Diyos. Kaya gusto natin ang pinakamahusay na paraan ng panggagamot na hindi nangangailangan ng pagsasalin ng dugo.

14. Paano tayo makakaiwas sa mga medical emergency?   

14 Makakaiwas tayo sa mga medical emergency kung susundin natin ang mga mungkahing binanggit sa artikulong ito. Maiiwasan nating maoperahan dahil sa aksidente kung pananatilihin nating ligtas ang ating bahay at lugar ng trabaho at kung susundin natin ang mga batas trapiko. Pero kung kailangan naman tayong maoperahan, madali tayong makaka-recover kung maganda ang kalusugan natin.

Dahil mahalaga sa atin ang buhay natin, nagpi-fill out tayo ng durable power of attorney at dala natin ito palagi (Tingnan ang parapo 15) d

15. (a) Bakit mahalaga na updated ang dala nating durable power of attorney? (Tingnan din ang larawan.) (b) Ayon sa video, paano tayo makakapagdesisyon tungkol sa pagpapagamot na may kaugnayan sa dugo?

15 Dahil mahalaga sa atin ang buhay natin, nagpi-fill out tayo ng durable power of attorney (advance health-care directive) at lagi natin itong dinadala. b Makikita sa dokumentong ito ang mga desisyon natin tungkol sa pagsasalin ng dugo at mga paraan ng panggagamot. Updated ba ang durable power of attorney mo? Kung hindi, i-update ito agad. Kapag nakasulat ang mga desisyon mo, agad kang magagamot ng mga doktor. Maiiwasan din ang mga di-pagkakaunawaan na puwedeng makapinsala sa iyo. c

16. Ano ang gagawin natin kung hindi natin alam kung paano mag-fill out ng durable power of attorney?

16 Kahit bata pa tayo o maganda ang kalusugan natin, puwede pa rin tayong maaksidente o magkasakit. (Ecles. 9:11) Kaya dapat na mayroon tayong durable power of attorney. Kung hindi mo alam kung paano ito i-fill out, puwede kang magpatulong sa mga elder ninyo kasi nagsisikap din silang maging pamilyar sa dokumentong ito. Pero hindi sila ang magdedesisyon para sa iyo. Responsibilidad mo iyon. (Gal. 6:4, 5) Pero matutulungan ka nilang maintindihan ang mga opsiyon mo at i-fill out ang dokumentong ito.

MAGING MAKATUWIRAN

17. Paano tayo magiging makatuwiran pagdating sa kalusugan?

17 Ibinabase natin sa ating konsensiya na sinanay sa Bibliya ang marami sa mga desisyon natin tungkol sa kalusugan at pagpapagamot. (Gawa 24:16; 1 Tim. 3:9) Kapag nagdedesisyon at ipinapakipag-usap ito sa iba, sundin natin ang sinasabi sa Filipos 4:5: “Makita nawa ng lahat ang pagiging makatuwiran ninyo.” Kung makatuwiran tayo, hindi tayo sobrang mag-aalala sa kalusugan natin at hindi natin igigiit sa iba ang opinyon natin. Mahal natin at nirerespeto ang mga kapatid kahit pa magkakaiba tayo ng desisyon.—Roma 14:10-12.

18. Paano natin maipapakita na pinapahalagahan natin ang regalong buhay?

18 Nagpapasalamat tayo kay Jehova, ang Bukal ng buhay, kaya iniingatan natin ang buhay natin para makapaglingkod tayo nang husto sa kaniya. (Apoc. 4:11) Sa ngayon, magkakasakit pa rin tayo at makakaranas ng mga sakuna. Pero hindi iyan ang buhay na gusto ng ating Maylalang para sa atin. Malapit na niyang alisin ang sakit at kamatayan at bibigyan niya tayo ng buhay na walang hanggan. (Apoc. 21:4) Pero habang hinihintay iyon, masaya tayo dahil buhay tayo at nakakapaglingkod sa ating Ama sa langit, si Jehova!

AWIT 140 Buhay na Walang Hanggan—Sa Wakas!

a Tutulungan tayo ng artikulong ito na mas mapahalagahan ang buhay na regalo ng Diyos. Tatalakayin natin ang mga puwede nating gawin para maingatan ang kalusugan at buhay natin kapag may sakuna at para maiwasan ang aksidente. Tatalakayin din natin kung ano ang dapat nating gawin para maging handa sa emergency.

b Tinatawag din itong DPA.

d LARAWAN: Isang brother ang nag-fill out ng durable power of attorney at lagi niya itong dala.